Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Mabungang Buhay sa Kabila ng Aking Kapansanan

Isang Mabungang Buhay sa Kabila ng Aking Kapansanan

Isang Mabungang Buhay sa Kabila ng Aking Kapansanan

KAMI ng aking asawa, si Gary, ay lumaki sa Iowa, E.U.A. Napakabata pa namin nang kami’y mag-asawa, mga tin-edyer pa. Natural, gaya ng karamihang mga kabataan, inaakala namin na mayroon kaming isang mabuting buhay sa unahan namin at hindi pinag-iintindi ang tungkol dito. Isang katibayan nito ay na kapuwa kami mahilig sumakay ng motorsiklo.

Isang araw, samantalang kami ni Gary ay nakasakay sa isang motorsiklo, kami ay bumangga sa isang sasakyan. Napakagrabe ng aksidente. Si Gary ay nasaktan subalit ganap na nakabawi. Gayunman, ang aking pinsala ay mas grabe. Nabali ang aking likod.

Dahilan sa aksidente ako ay nalumpo mula sa ibaba ng aking braso paibaba. Ngayon ako ay nakakakilos-kilos sa pamamagitan lamang ng isang silyang de-gulong. Oo, ang aking buong buhay, gayundin ang sa aking asawa at anak na lalaki, ay biglang nagbago.

Hindi Masagot na mga Katanungan

Bago pa man ako maaksidente, nahirapan akong unawain ang mga katanungan na gaya ng: Bakit napakaraming kahirapan? Bakit napakaraming kawalan ng katarungan sa daigdig? Alam kong karaniwang itinuturo ng mga relihiyosong lider na ang Diyos ang namamahala sa daigdig na ito at na kung ano ang nangyayari ay ayon sa kaniyang kalooban. Subalit wari bang sinasabi nito na ang Diyos nga ang may pananagutan sa kawalan ng katarungan at paghihirap. Kaya, inaakala ko na kung mayroong Diyos at na ang lahat ng iyon ay totoo, kung gayon wala siyang makukuha sa akin na anumang pagsamba. Ang aking kapansanan ay wari pang nagpatibay sa opinyong iyan.

Nang malaunan, nang ipadala ko ang aming anak na lalaki sa isang relihiyosong camp, lalo kong pinag-isipan ang tungkol sa mga katanungang relihiyoso. At mentras pinag-iisipan ko ang tungkol sa kahulugan ng buhay at tungkol sa kawalan ng katarungan at paghihirap, lalo kong nadarama na marahil ay walang Diyos. Sa wari ko, ang pinakamabuting bagay para sa amin ay huwag magkaroon ng anumang relihiyon. Kaya’t kami ni Gary ay naging mga ateista.

Isang Pagbabago sa Pag-iisip

Pagkalipas ng ilang taon, lumipat kami sa Colorado, sa kabundukan. Nang kami’y manirahan doon, natuklasan namin na ang aming kapitbahay ay kasabay naming lumipat. Saka nabalitaan ko na siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Inaakala ko na mayroon akong masasabi sa kaniya na isang bagay o higit pa tungkol sa relihiyon, yamang maraming panahon ang ginugol ko sa pag-iisip, pagbabasa, at pakikipag-usap tungkol sa paksang iyan.

Isang araw dinalaw ako ng kapitbahay na ito. Sa isip ko: ‘Ngayon na ang panahon. Babanggitin ko lamang ang ilan sa kaniyang mga paniniwala upang ipakita sa kaniya kung gaano siya kamali.’ Subalit nang siya ay dumating, nasumpungan ko na siya pala ay hindi pa isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya ay nakikipag-aral ng Bibliya na kasama nila. Kaya nang tanungin ko siya ng isang mahirap na tanong, siya ay sumagot: ‘Oh, nag-uumpisa pa lamang akong mag-aral ng Bibliya, at hindi ko pa alam ang sagot diyan. Subalit bakit hindi ka magtungo sa amin kapag ako ay nakikipag-aral, at itanong mo mismo sa mga Saksi?’

At gayon nga ang ginawa ko. Hindi nagtagal sinasabi ko kay Gary ang tungkol sa maraming mga bagay na natututuhan ko at kung paanong ang napakarami sa mahihirap na katanungan ko ay nasagot. Pagkalipas ng ilang buwan siya man ay nakipag-aral din.

Nakasasabik para sa akin na malaman ang tungkol sa layunin ng Diyos na wakasan ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay na punúng-punô ng kabalakyutan at paghihirap at halinhan ito ng isang bagong sistema ng mga bagay, pati na ang “isang bagong lupa,” gaya ng tawag dito ng Bibliya. (2 Pedro 3:13) Natutuhan ko ang nakapupukaw-damdaming pangako ng Bibliya: “Ang matuwid ang siya mismong magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Kahanga-hanga rin para sa akin na malaman ang pangakong ito tungkol sa malapit na hinaharap: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”​—Apocalipsis 21:4.

Hindi nagtagal ay naunawaan ko kung ano ang kahulugan nang sabihin ni Jesus: “At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, ako ay napalaya mula sa pagkaaliping pangkaisipan ng hindi masagot na mga katanungan, mga pag-aalinlangan, maling mga ideya, at mula sa pagsisi sa Diyos sa mga kabalakyutan at paghihirap. Ako ay napalaya mula sa hindi pagkakaroon ng tunay na pag-asa sa hinaharap.

Kabilang sa pangako ng isang matuwid na Bagong Kaayusan ang sinabi ng propeta Isaias tungkol sa may kapansanan: “Kung magkagayo’y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Kung magkagayo’y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”​—Isaias 35:5, 6.

Kaakit-akit iyan sa akin! Pinananabikan ko ang araw na ako ay maaaring ‘lumukso na parang usa’!

Ano ang Maaari Kong Gawin?

Nang magtungo ako sa aking kapitbahay upang dumalo sa pag-aaral ng Bibliya na isinasagawa ng aking kapitbahay, isang hamon para sa akin ang itulak ang aking sarili patungo roon. Subalit ang aking kapitbahay ay tumulong. Isa pa, nais kong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova upang kumuha ng higit na kaalaman. Dito man ay tinulungan akong lubha ng iba sa kongregasyon.

Sa simula, sinusundo nila ako at isinasakay sa kanilang mga kotse. Ginagamit ko ang aking bisig upang maupo sa kotse, at saka ilalagay ng drayber o ng iba ang aking silyang de-gulong sa likuran ng kotse. Pagdating namin sa Kingdom Hall, tutulungan nila akong sumakay na muli sa aking silyang de-gulong.

Pagkatapos kami ay bumili ng isang kotse na may pantanging mga kontrol ng kamay para sa pagmamaneho. Kapag si Gary ay nagtatrabaho sa panggabing oras ng trabaho at hindi siya makakasama sa akin sa pulong, sasakay ako ng kotse at ilalagay ang silya sa likuran ko. O gagawin ito para sa akin ng aking anak. Sa katunayan, siya’y malaking tulong sa akin tungkol sa silya, na gaya ni Gary. Sa ganitong paraan ako ay nakapagmamaneho sa aking sarili kung saan ko gustong magpunta.

Habang ako’y dumadalo sa mga pulong at natututo ng higit tungkol sa ating Maylikha at sa kaniyang mga layunin, nais kong ibahagi ang mabubuting bagay na iyon sa iba. Ang mga Saksi ay regular na dumadalaw sa kanilang mga kapuwa upang tulungan silang matuto ng higit tungkol sa Bibliya, at nais kong makisama sa nakapagpapatibay na gawaing iyon. Ngunit paano ko magagawa iyon, yamang ako ay natatali sa isang silyang de-gulong. Bueno, ako ay disidido na hindi ito makahahadlang sa akin. Gayundin ang inaakala ni Gary, kaya kami kapuwa ay nagsimulang makibahagi sa ministeryo. Sasamahan niya ako sa mga tahanan ng iba, itinutulak ako sa silyang de-gulong.

Pagnanais na Gumawa nang Higit

Noong 1967, kami ni Gary ay sabay na nabautismuhan, at sumidhi ang pagnanasa namin na maging higit na mabunga sa pagtulong sa iba na matuto ng aming natutuhan. Daan-daang libong mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ang nagsasagawa ng buong-panahong ministeryo. Ginagawa nila iyon na kanilang pangunahing gawain. Gayundin ang nais ko. Subalit dahilan sa aking kapansanan, inaakala ko na hindi ito para sa akin.

Isang araw ako ay sinamahan ng isang Saksi na nasa buong-panahong gawaing ito. Sabi ko sa kaniya: “Oh, sana’y magawa ko rin ang gawaing ito nang buong-panahon na gaya mo!” Sagot niya: “Kung gayon bakit hindi mo gawin?” Naisip ko: ‘Bueno, dahil sa maliwanag na mga kadahilanan!’ Subalit siya ay talagang positibo tungkol dito!

Pagkatapos, sa isang malaking asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Denver, isang babaing nasa silyang de-gulong ang nagbigay ng karanasan sa plataporma. Siya’y nakapagsasagawa ng buong-panahong gawaing pangangaral sa kabila ng kaniyang kapansanan. Naisip ko: ‘Magagawa ko rin ito, sa tulong ng Diyos!’ At nagawa ko nga sa loob ng nakalipas na 14 na mga taon! Sa nakalipas na sampung taon si Gary ay nakasama ko sa buong-panahong gawain.

Ang nakatulong ng malaki sa akin ay ang pantanging sasakyan na mayroon kami. Ito ay isang katamtamang laki na van o sasakyan, subalit ito ay may pantanging mga kontrol na idinisenyo ng isa pang may kapansanang Saksi. Mayroon itong isang pang-angat na nagpapangyari sa akin na maitaas ko ang aking sarili tungo sa van. Pagkatapos ay lumilipat ako mula sa aking silyang de-gulong tungo sa upuan ng tsuper. Mangyari pa, kapag kasama ko ang iba sila ang nagmamaneho, at mauupo lamang ako sa aking silyang de-gulong, at naitataas ko ang aking sarili papasok at palabas ng van. Ang tagapagtaas (hoist) ay parang isang trapeze bar na umuugoy palabas ng van. Ikinakabit ko ang aking silya rito sa pamamagitan ng mga kawit at saka pinipindot ko ang isang buton na “itaas” o “ibaba.” Sa ganitong paraan ako ay nakalalabas at regular na nakadadalaw sa mga tao sa kanilang tahanan, at karaniwan nang ako ay nakapagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya.

Pagharap sa mga Hamon

Sa Colorado, at nang dakong huli sa Idaho kung saan kami ay lumipat, ang mga taglamig ay isang tunay na hamon, na may napakalamig na mga araw at mga linggo. Sa wakas kami ay naanyayahan na lumipat sa Alaska kung saan kami ngayon nakatira. Banggitin pa ang tungkol sa lamig, yelo, at niyebe​—halos sa karamihan ng panahon! Gayunman, ang lahat ng iyan ay maaaring mapagtagumpayan.

Sa isang bagay, kami ay nagsuot ng ekstrang kasuotan. Binilihan pa nga ako ni Gary ng tradisyunal na mukluks, na napakainit na bota na ginagamitan ng medyas na lana. At taglay ang isang mainit na panlabas na kasuotan, nababata ko ang malamig na mga temperatura. Sa katunayan, nang unang buwan na kami ay nasa Alaska​—yaon ay Disyembre​—ang katamtamang temperatura ay 30 digris mababa sa sero Fahrenheit (-34° C.)! Gayumpaman, kami ay nagkaroon ng napakamabungang buwan sa ministeryo.

Hindi ko sinasabi na ang lahat ng ito ay madali. Lalo na, sa yelo ang kapit ng aking silyang de-gulong ay hindi mabuti. Naalaala ko nang ako ay nasa isang pampang na nakikipag-usap sa isang tao tungkol sa Bibliya, at nagsimulang dumulas ang aking silyang de-gulong. Tuluy-tuloy na nahulog ako sa pampang! Bigla akong huminto sa ibaba at pataob na nahulog at bumagsak sa akin ang silyang de-gulong! Subalit ako ay tinulungan na makabangon, at wala namang anumang pinsala. Gayunman, sa Anchorage, mas madali sa mga tabing-daan ng lunsod kaysa sa mga kabundukan ng Colorado at Idaho.

Kasiya-siyang mga Taon

Kadalasan ako’y tinatanong kung ano ang gumaganyak sa akin na patuloy na dumalaw sa iba sa kabila ng aking kapansanan. Sa isang bagay, lahat ng mga taóng ito ng aking pagsisikap ay totoong kasiya-siya. Kami ng aking asawa ay nakatagpo at nakatulong sa maraming mga tao na makilala ang Maylikha at malaman ang kaniyang kalooban.

Isa pa, nakagagalak na makita ang maraming tao na napasiglang gumawa ng higit sa kanilang sariling mga buhay kapag nakikita nila ang nagagawa ko taglay ang kapansanang ito. Iyan, mangyari pa, ay nakapagpasigla nang higit sa akin.

Gayunman, masasabi ko na ang pangunahing bagay na nakatulong sa akin na magpatuloy ay ang aking pag-ibig sa Diyos. Anumang ibang bagay maliban diyan ay magiging maling dahilan. Bago ako nagkaroon ng anumang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, mahilig kong isisi sa kaniya ang lahat ng kahirapan sa lupa. Subalit pagkatapos matutuhan ang katotohanan tungkol sa Maylikha, nais kong purihin siya. At mentras ginagawa ko ito, at tinutulungan ang iba na gawin din ang gayon, lalo akong napapalapit sa Diyos. Kaya ayaw na ayaw kong isuko ang aking pangunahing layunin sa buhay. Isa itong tunay na pribilehiyo. Isa pa, kapag ako’y abala sa pagtulong sa iba, wala akong gaanong panahon para sa pagkahabag-sa-sarili!

Pagpapanatili ng Tamang Saloobin

Alam ko na napakahalaga para sa akin na panatilihin ang tamang saloobin sa kung ano ang aking ginagawa at sa pag-asa sa hinaharap. Sa ngayon, ako ay nakapagpapatuloy sa aking gawain na pagtulong sa

iba mula sa aking silyang de-gulong. Ngunit aaminin ko na ang aking kalagayan ay tila humihina. Iyan kadalasan ang nangyayari sa mga biktima na nasa silyang de-gulong.

Gayunman, kung dumating ang panahon na ako ay hindi na gaanong makakilos, gagawin ko pa rin kung ano ang aking magagawa. Ang ibang mga Saksi na hindi makakilos ay tumutulong sa mga tao sa pamamagitan ng telepono o pagsulat ng liham. Kung minsan, ang mga estudyante ng Bibliya ang pumupunta sa kanilang mga tahanan upang makipag-aral. Maaaring sa ibang araw ganiyan din ang gagawin ko. Subalit habang magagawa ko, ako ay mukhaang makikipag-usap sa mga tao sa kanilang sariling mga tahanan. Iyan ang talagang nais kong gawin.

Anuman ang mangyari sa malapit na hinaharap, alam ko na sa Bagong Kaayusan ng Diyos ako ay pisikal na bubuti. Saka higit pa ang aking magagawa. Sa katunayan, inaasam-asam ko ang kahanga-hangang panahong iyon na binabanggit ng Bibliya nang sabihin nito na “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Isip-isipin ang lahat ng mga tao na babalik mula sa mga patay at tuturuan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin! Talagang nais kong magkaroon ng bahagi riyan, taglay ang aking buong katawan.

Huwag, huwag kang mahabag sa akin! Nagkaroon ako ng napakamabunga at kasiya-siyang buhay. At inaasam-asam ko ang pagkakaroon ng higit pang mabunga at kasiya-siyang buhay sa malapit na hinaharap kapag sinimulan na ng Diyos na isauli ang Paraiso rito sa lupa. (Lucas 23:43)​—Gaya ng isinaysay ni Harriet Beckwith.

[Blurb sa pahina 18]

“Naisip ko: ‘Magagawa ko rin ito, sa tulong ng Diyos!’”

[Blurb sa pahina 19]

“Kapag ako’y abala sa pagtulong sa iba, wala akong gaanong panahon para sa pagkahabag-sa-sarili!”

[Larawan sa pahina 17]

Si Harriet at ang kaniyang pantanging van