Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Katakam-takam na Matamis ng Quebec

Katakam-takam na Matamis ng Quebec

Katakam-takam na Matamis ng Quebec

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Canada

KATAMTAMAN ang lamig, maaraw na umaga sa maagang tagsibol habang kami ay naglalakad sa kahabaan ng isang lumang landas na pinagkukunan ng troso. Sa ilalim ng aming mga paa ang lupa ay malamig pa rin at natatakpan ng mga niyebe. Sa kahabaan ng daan patungo sa cabane à sucre (bahay-asukal), napansin namin ang maraming kumikinang na mga timbang lata, punô ng dagtâ ng maple, na nakabitin sa abuhing balat ng matatayog na mga punungkahoy. Hindi nagtagal at nakita namin ang usok at singaw na pumapailanglang sa walang dahong mga sanga. Ang himpapawid ay napunô ng di-malilimot na masarap na amoy ng arnibal na maple at ng nasusunog na kahoy, at kami’y naglaway.

Habang papalapit kami sa bahay-asukal, kami ay binati ni Henri, na ang maitim na mukha ay nakangiti sa amin. “Tamang-tama lang ang dating ninyo,” sabi sa amin ni Henri. “Sumama kayo sa akin habang kinukuha ko ang isa pang karga ng dagtâ ng maple,” sabi niya. “Pagkatapos ay patitikman ko sa inyo ang bagong lutong arnibal na maple at iba pang matamis.”

Pangungolekta ng Dagtâ

Dinala kami ng landas papalayo patungo sa palumpong ng asukal kung saan pinahanga kami ng matatayog na mga punungkahoy ng maple na walang dahon. Aba, ang ilan ay kasintaas ng 130 piye (40 m) na may diyametro na 5 piye (1.5 m)! Napansin ang aming pagkatitig sa mga punungkahoy, sabi ni Henri: “Bagaman may mahigit na isang daang uri ng punong maple na tumutubo sa Hilagang Amerika, Tsina, at Hapon, ang karamihan ng arnibal na maple ay pantanging ginagawa sa silangang bahagi ng Estados Unidos at Canada. Sa 13 mga uri sa Hilagang Amerika, 3 lamang na arnibal ang may superyor na kalidad.”

Napansin namin na ang ilang mga maple ay may ilang timba na nakabitin sa mga ito, samantalang sa iba ay wala. Tinanong namin si Henri kung bakit. “Ang pagtapyas upang magpatulo ng dagtâ ay ginagawa sa bawat walong pulgada (20 cm) sa diyametro,” sabi niya, itinatawag-pansin sa amin ang laki ng mga punungkahoy. “Yaong wala pang walong pulgada ang diyametro ay hindi pinagdadagtâ sa bukiring ito.”

“Upang tipunin ang dagtâ,” sabi pa niya, “ako ay nagbubutas ng maliit na mga butas mga ilang piye mula sa ibaba ng punungkahoy, mga isa o dalawang pulgada (3-5 cm) ang lalim. Pagkatapos ay ipinapasok ko ang plastik na mga alulod sa mga butas upang tumulo ang dagtâ tungo sa mga timba.”

“Ang pagbubutas ba ay nakapipinsala sa mga punungkahoy?” tanong namin. “Hindi, kung ang mga ito ay wasto ang pagkakabutas,” agad niyang tugon. “Karamihan ng mga manggagawa ng asukal ay pinangangalagaang mabuti ang kanilang mga maliit na punungkahoy, sapagkat nangangailangan ng mula 35 hanggang 40 mga taon bago makunan ng dagtâ ang maple. Pagkatapos niyan, taglay ang wastong pangangalaga, ang maple ay maaaring makagawa ng dagtâ sa mahigit isang daang taon.”

Pagdating namin sa kalapit na sapa, ibinigay sa amin ni Henri ang malaking timba at mga sapatos na pangniyebe, at ang sabi: “Pakitulungan ninyo ako na ibuhos ang mga dagtâ mula sa mga timba na nakabitin sa mga punungkahoy na iyon dito sa malalaking sisidlan na ikinabit ko sa mga sleigh sa likuran ng aking traktora.”

Kami ay namangha! Ang bilis kumilos ni Henri sa malambot na niyebe ng tagsibol, sa pangungolekta ng dagtâ. Samantalang kami ay nagsisikap na makaagapay sa kaniya, kami ay maingay na pasuray-suray habang daan, sinisikap na huwag matumba. Hindi madaling lumakad na suot ang isang gamit na para bang raketa ng tenis na nakatali sa bawat isa sa iyong mga paa.

Nang ang mga timba ay mapunô ng animo’y tubig, buong pananabik na tinikman namin kung gaano ito katamis. Sa aming pagtataka, ito ay walang lasa. Napansin ang kabiguan sa aming mga mukha, natawa si Henri: “Ang dagtâ ay 97.5 porsiyentong tubig at 2.5 porsiyento lamang na asukal at mga mineral.”

“Ano ang nagpapangyari sa dagtâ na tumulo?”

“Ang panahon,” sabi ni Henri bilang sagot. “Para tumulo ang dagtâ, ang mga gabi ay kailangang napakalamig, sinusundan ng mainit at maaraw na mga araw na ang mga temperatura ay mula 40 hanggang 45 digris Fahrenheit (4-7° C.). Ang pambihira, maikling yugto ng panahong ito ay nagaganap sa pagitan ng huling linggo ng Pebrero at kalagitnaan o katapusan ng Abril. Ang mga bagyo, direksiyon at temperatura ng hangin, at ang lamig sa lupa ay mahalagang mga salik din sa pagkakaroon ng maraming ani ng dagtâ.”

Pinagmulan ng Paggawa ng Arnibal

Habang kami ay namamahinga sa mainit na sikat ng araw na ang mga ibon ay humuhuni sa paligid, tinanong namin si Henri kung papaano at kailan nagsimula ang paggawa ng arnibal na maple. “Ang mga Amerikanong Indian ang nakatuklas ng paggawa ng arnibal na maple,” sabi niya sa amin, “kung papaanong sila rin ang nakatuklas sa kamote at mais.”

Ngayon ay binibigyan niya kami ng kaunting leksiyon sa kasaysayan. “Ang sinaunang mga manggagalugad na Pranses at Ingles ay sumulat tungkol sa ‘matamis na tubig’ na nakukuha ng mga Indian mula sa mga punungkahoy at iniinit upang maging arnibal. Ginamit ng mga Indian ang isang tomahawk (palakol) upang humiwa ng isang ‘V’ sa katawan ng puno ng maple,” sabi niya at iminumuwestra sa pamamagitan ng kaniyang kamay ang paghiwa, “at pagkatapos ay tinitipon nila ang dagtâ sa balat ng punungkahoy o sa mga sisidlang kahoy at nilalaga ito sa mga palayok na luwad. Bagaman saunahin kung ihahambing sa mga pamantayan sa ngayon, ang pamamaraang iyan ng paggawa ng arnibal ay talagang hindi nagbago sa paglipas ng mga taon.”

Ngayon, siya’y tila isang propesor sa kasaysayan kaysa isang manggagawa ng asukal, si Henri ay nagpapatuloy: “Ang industriya ng asukal sa Quebec ay nagsimula noong bandang 1705, ang kauna-unahang opisyal na paggawa ng asukal. Ngayon ito’y isang mahalagang industriya na nagdadala sa pagitan ng $30 milyon at $37 milyon (Canadian) taun-taon sa 9,000 na mga tagagawa nito sa Quebec.”

Ang aming pagkausyoso ay napukaw, kami’y nagtanong: “Gaano karami sa asukal na maple ng daigdig ang galing sa Quebec?”

Si Henri ay huminto sandali at nag-isip bago sumagot. “Ang Quebec ay may pananagutan sa halos 90 porsiyento ng kabuuang produksiyon ng Canada at mahigit sa 70 porsiyento ng produksiyon sa daigdig. Ang iba ay itinutustos ng mga estado sa hilagang-silangan, lalo na ng Vermont.”

Pagbabalik sa Bahay-Asukal

Oras na upang magbalik sa bahay-asukal. Sa aming pagdating, ang dagtáng natipon namin ay ibinuhos sa isang malaking metal na imbakan. Ngayon handa na kaming saksihan ang pinakamahalagang bahagi ng paggawa ng asukal​—pagpapakulo sa dagtâ upang maging arnibal.

Pumapasok sa silid, nakita namin ang isang parihaba, malanday na kawali na tinatawag na evaporator o pasingawan. Halos okupado nito ang buong silid. Sa ilalim ng kawali ay ang pugón, ang naglalagablab na apoy nito ay ginagatungan ng isa sa mga katulong. Ang dagtâ ay nagtutungo sa evaporator, at habang ito ay umaagos sa kahabaan ng kawali, ang tubig ay unti-unting natutuyo at ang asukal ay namumuo.

“Gaano karaming dagtâ ang kinakailangan upang gumawa ng arnibal?” ang malakas naming tanong.

Ang sagot ni Henri ay nakagulat sa amin. “Nangangailangan ng kasindami ng 40 mga galon (150 L) ng dagtâ upang gumawa ng isa lamang galon (4 L) ng arnibal!”

“Paano ito nagiging arnibal?” ang aming sunod na tanong.

“Kapag ang temperatura ng dagtâ ay umabot ng 219 digris Fahrenheit (104° C.), ito ay nagiging arnibal na maple na naglalaman ng 66 porsiyentong asukal. Pagkatapos ang arnibal ay hinahango, sinasala, at isinasalata samantalang mainit pa.”

“Gayunman,” patuloy niya sa isang maingat na tinig, “ito ay dapat na isalata sa tamang temperatura: kung hindi sapat ang init, ito’y masisira; kung napakainit naman, ang arnibal ay mamumuo. Ang natapos na produkto, gayunman, ay maaaring itabi o itago sa loob ng maraming taon. Gayunman, minsang mabuksan, ang arnibal ay dapat na ilagay sa palamigan upang maiwasan ang pagkasira.”

Isa pang tanong: “Anong uri ng arnibal ang pinakamabuti?”

“Bagaman pinipili ng marami ang mas matingkad, mas matapang na arnibal, ang malinaw na uri ay itinuturing na pinakamabuti. Ang masarap na lasa ng uring ito ay kinaklase na ‘kaakit-akit’ o ‘ekstrang linaw.’ Mentras matingkad ang kulay, mas mababa ang halaga. Dahil dito, ang matingkad, o ‘komersiyal,’ na arnibal ay karaniwang ginagamit sa asukal at kendi.”

Kami ay nag-iisip. Bakit ang iba’t ibang kulay? “Maraming salik ang nasasangkot,” matiyagang paliwanag ni Henri. “Ang pinakamahusay na dagtâ ay nagmumula sa maagang tulo. Kapag ito’y nagtatagal sa evaporator, ito ay umiitim; kaya, ang bilis, kasanayan, at pamamaraan ng gumagawa ng asukal ay mahalaga. Paminsan-minsan, pinaiitim din ng baktirya, na namamatay sa pagpapakulo, ang arnibal.”

Pagtikim sa Katakam-takam na Arnibal

Ngayon dumating na ang kasiya-siyang bahagi ng paggawa ng asukal​—ang pagtikim! Ininit ni Henri ang ilan sa arnibal ng 240 digris Fahrenheit (116° C.). Pagkatapos ibinuhos niya ito sa ilang malinis, kaha ng niyebe. Halos karakaraka ito ay tumigas. “Irolyo ninyo ito sa mga kutsarang kahoy na iyon at dilaan ito na parang lollipop,” sabi ni Henri. Kami rin ay natukso ng malakremang mantikilyang maple at malambot na asukal na maple, na ginawa sa bahagyang mababang temperatura.

Nangarap kami ng iba pang mga paraan upang masiyahan sa arnibal na maple. Ang arnibal mismo ay masarap sa mga crepes, waffle, at pancake. Maaari rin itong gamitin sa mga prutas, yogurt, sorbetes, at hinurnong mga balatong, at bilang pampahid sa hamon at manok. Marami rin ang nasisiyahan sa itlog na niluto sa arnibal ng maple. “Karamihan ng mga tagapagtanim ng asukal,” sabi ni Henri, “ay naglalagay ng arnibal sa lahat halos ng bagay! At minsang magsimulang tumulo ang dagtâ, nagkakaroon ng mga handaan at mga parti, na may musika ng biyolin at akordyon na sinasaliwan ang aming pagsasayaw, pag-iinom, at pagkuha ng mga dagtâ.”

“Pagkalipas ng maraming taon sa paggawa ng arnibal, humahanga pa rin ako sa paglalaan ng Diyos ng magandang maple,” sabi ni Henri. “Para sa akin ang maraming gamit ng maple sa paglalaan ng lilim kung tag-araw, kahoy na mataas ang kalidad, at lalo na ang katakam-takam na matamis ay katibayan ng karunungan at pagkabukas-palad ng Diyos na Jehova.”

[Blurb sa pahina 23]

“Ang mga Amerikanong Indian ang nakatuklas ng paggawa ng arnibal na maple, kung papaanong sila rin ang nakatuklas sa kamote at mais”

[Blurb sa pahina 24]

“Nangangailangan ng kasindami ng 40 mga galon ng dagtâ upang gumawa ng isa lamang galon ng arnibal!”