Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Bang ‘Maging Magkaibigan Lang’ ang Isang Lalaki at Babae?

Maaari Bang ‘Maging Magkaibigan Lang’ ang Isang Lalaki at Babae?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Maaari Bang ‘Maging Magkaibigan Lang’ ang Isang Lalaki at Babae?

SINASABI nina Scott at Kelly na sila ay hindi magkasintahan. Gayunman si Kelly, isang tin-edyer, ay nagsasabi: “Tiyak na si Scott ang aking pinakamatalik na kaibigan​—ang taong pipiliin kong makasama at isa na kapalagayang-loob ko. Sinasabi ko sa kaniya ang mga bagay na mahalaga sa akin.”

Ang lalaki-babae na mga pagkakaibigan ay pangkaraniwan. Ang magasing Seventeen ay nagsagawa ng isang surbey kamakailan kung saan 65 porsiyento ng mga tin-edyer na babae na tinanong ang nagsabi na mayroon silang mga kaibigang lalaki. Sa katunayan, isang grupo ng 625 mga tin-edyer sa isa pang surbey ang nagsabi na “ang pakikipagkaibigan sa mga hindi kasekso” ay mas mahalaga kaysa “pakikipagkasintahan.”

Bakit, kung gayon, nauuso ang pakikipagkaibigan sa hindi kasekso? Ganito ang sabi ng aklat na Adolescence: “Sa maagang mga yugto ng pagbibinata o pagdadalaga, ang mga batang lalaki at babae ay malamang na pumili ng mga kaibigan na kanilang kasekso. Subalit habang sila ay nakadarama ng higit na kasiguruhan dahilan sa mga pagbabago ng katawan na dala ng seksuwal na pagkamaygulang, sila ay pumipili ng mga kaibigan kapuwa sa mga lalaki at mga babae.”

Gayunman, ang ibang mga kabataan ay lumalabis pa sa pagiging palakaibigan at pagiging palagay sa hindi kasekso. Nagkakaroon sila ng malapit na pakikipagkaibigan sa isa na hindi kasekso​—mga kaugnayan na kadalasa’y tinatawag na “platoniko.” a Bakit gayon? Ganito ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Gregory: “Mas madali sa akin ang makipag-usap sa mga babae sapagkat sila ay karaniwan nang mas simpatetiko at sensitibo. Kung mayroon silang nakikitang kahinaan sa iyo, hindi nila pinalalaki ito.” Ganiyan din ang sinasabi ng disisiete anyos na si Cyndi tungkol sa kaniyang kaibigang lalaki: “Maaari kong sabihin sa kaibigang lalaki ang lahat ng bagay. Masasabi mo rin ang mga bagay sa isang kaibigang babae subalit sa paanuman ay nalalaman ng lahat ang tungkol dito.” Sinasabi ng ibang mga kabataan na ang gayong pakikipagkaibigan ay tumutulong sa kanila na magkaroon ng isang mas ganap na personalidad.

Subalit ang pagnanasa kaya para sa isang ganap na personalidad o para sa isang mapagkakatiwalaang katapatang-loob ang pangunahing puwersa sa mga kaugnayang lalaki-babae?

“Higit na Magdaraya Kaysa Anupaman”

Sinasabi ng Bibliya sa Jeremias 17:9: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito?” Oo, kadalasa’y mahirap talagang maunawaan ang ating sariling mga damdamin o malaman kung bakit ginagawa natin ang ilang mga bagay. Kaya bagaman maaaring sabihin ng mga kabataan ang malinis na mga motibo sa pagkakaroon ng malapit na pakikipagkaibigan sa pagitan ng lalaki at babae, maliwanag na kadalasa’y hindi alintana ng mga kabataan ang tunay na mga motibo nila sa pagtataguyod ng gayong mga kaugnayan. “Kapag ako’y may mga problema,” sabi ni Birgit, isang tin-edyer na babae, “nais ko ng isa na mahihingahan ko ng aking mga problema, isa na makakaunawa sa akin sa kakaibang paraan kaysa pagkaunawa sa akin ng aking mga magulang, at isa na maaaring magkaroon ako ng pisikal na pakikitungo.” “Mahalaga na magkaroon ng isa na malapit sa iyo,” sabi ng isang 17-taóng-gulang na si Scott. “Nadarama mong may nagmamalasakit sa iyo,” sabi ni Debbie. At sabi pa ng isang kabataang lalaki, ‘Ang lahat ay mayroong kapalagayang-loob, at ako’y nag-iisa.’

Samakatuwid marami sa tinatawag na mga pakikipagkaibigan ang talagang balatkayong mga romansa o mga paraan upang kumuha ng atensiyon mula sa isa na hindi kasekso nang hindi sila napapatali.

Subalit Mali ba ang Magkaroon ng mga Kaibigan?

Hindi naman. Ang Kawikaan 18:24 ay nagsasabi na “may magkakasama na handang magpahamak sa isa’t-isa, ngunit may kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” Ang salitang Hebreo na isinalin ditong “magkakasama” ay maaaring maglakip ng isang personal na kaibigan na katapatang-loob ng isa at na roon ang isa ay malapit. Hindi kataka-taka na ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang tunay na kasama ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak na ukol sa kasakunaan.”​—Kawikaan 17:17.

Subalit ang bayan ba ng Diyos noong kapanahunan ng Bibliya ay humanap ng gayong mga kasama sa gitna ng mga hindi kasekso? Isaalang-alang ang anak na babae ni Jephte. Siya ay nagdalamhati dahilan sa isang panata na ginawa ng kaniyang ama, inihinga ba niya ang kaniyang problema sa isang matalik na kaibigang lalaki? Sa kabaligtaran, sinabi niya sa kaniyang ama: “Pahintulutan mo akong humayo . . . at pahintulutan mo akong tumangis . . . ako at ang aking mga kasamang babae.” (Hukom 11:37) Tandaan din, ang talinghaga ni Jesus tungkol sa nawalang baryang drachma. Kanino makikigalak ang maybahay kapag sa wakas ay nasumpungan niya ito? Sabi ni Jesus: “At pagka masumpungan niya ito ay tinatawag niya ang mga babae na kaniyang mga kaibigan.” (Lucas 15:9) Gayundin kung tungkol kay Haring David. Ang lalaking nagngangalang Hushai ay naging kilala bilang “kasama o kaibigan ni David.”​—2 Samuel 15:37.

Hindi ibig sabihin nito na bawal ang pakikipagkaibigan sa hindi kasekso. Halimbawa, si apostol Pablo ay isang walang asawang lalaki na nakipagkaibigan sa mga babaing Kristiyano. (Tingnan ang Roma 16:1, 3, 6, 12.) Sa katunayan, nang sumusulat sa mga taga-Filipos, binanggit niya ang dalawang “babae na nakipagpunyaging kasama ko ukol sa mabuting balita.” (Filipos 4:3) Si Jesu-Kristo man ay nagkaroon ng timbang, kaaya-ayang mga kaugnayan sa hindi kasekso. Sabi ng Bibliya sa Juan 11:5: “Iniibig nga ni Jesus si Martha at ang kaniyang kapatid na babae.” Maraming beses na tinamasa niya ang pagiging mapagpatuloy at pakikipag-usap ng mga babaing ito.​—Lucas 10:38, 19.

Gayumpaman, mailalarawan mo ba si Jesus na nagsasagawa ng mahaba, romantikong mga pamamasyal na kasama ni Maria o ni Martha? Tiyak na hindi. Bagaman may tunay na pagmamahal sa pagitan ni Jesus at ng mga babaing ito, ang kanilang kaugnayan ay naingatan sa isang ligtas na distansiya. Isa pa, kapuwa si Jesus at si Pablo ay maygulang na mga lalaki, nasusupil ang kanilang mga damdamin at mga emosyon. Hindi sila mahinang mga kabataan na nangangailangan ng isa na magbibigay sa kanila ng kasiguruhan o pampatibay-loob.

“Punô ng Problema”

Ganito ang sabi ng aklat na The Challenge of Being Single: “Kabaligtaran ng popular na alamat, ang platonikong pagkakaibigan ay posible nga.” Mangyari pa, “posible” rin na maligtasan ang isang pagbagsak ng eroplano. Ang tanong ay, gaano kapraktikal o katalino na linangin ang isang matalik na pakikisama sa isa na hindi kasekso? Hindi nga katalinuhan. Napansin ng isang pag-aaral na Sobyet na ang lalaki-babae na pagkakaibigan ay “punô ng mga problema.” Bakit gayon?

Sa isang bagay, ang simbuyo sa seksuwal na damdamin ay napakalakas. At bilang isang kabataan, pinag-aaralan mo pa lamang na pakitunguhan ito. Kaya bagaman ang sekso ay maaaring tila hindi isang salik sa pagkakaibigan ng lalaki at babae sa ngayon, kumusta naman sa dakong huli? Kapuna-puna, sa nabanggit na pag-aaral, ang mga kabataan ay tinanong, “Sa inyong palagay posible kaya ang tunay na pagkakaibigan sa pagitan ng mga lalaki at mga babae nang hindi nag-iibigan?” Pitumpu’t limang porsiyento ang nagsabi ng oo. “Gayunman, sa pagkakaedad,” sabi ng mga mananaliksik, “mga pag-aalinlangan tungkol sa bagay na ito ay dumami anupa’t mahigit sa kalahati ng [mas matandang mga lalaki] ang sumagot ng hindi.” Marahil ang ilang kabataan ay natuto mula sa karanasan ng karunungan na inilarawan sa Kawikaan 6:27: “Makakakuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan at gayunma’y hindi masunog ang kaniya mismong mga suot?”

Halimbawa, isang kabataang nagngangalang Wayne ang nagsabi: “Ang ibang mga tao na nakikilala ko ay ‘namamasyal’ na magkakapareha. Ang mga ito ay dalawang kabataan na sumasayaw o magkabagay sa isa’t-isa. Sila’y nagsisimula sa pagiging mabuting magkaibigan lamang, isang kapalagayang-loob. Subalit pagkatapos sila ay gumugugol nang higit at higit na panahon na magkasama. Ang mga tao ay naghihinuha na sila ay ‘magkasintahan,’ at sa wakas ay nagiging gayon nga.” Subalit ang “pakikipagkasintahan” kapag hindi ka pa handang mag-asawa ay isang tiyak na paraan upang “masunog.” Maaari nitong pukawin ang malakas na mga damdamin at mga pagnanasa na hindi maaaring masapatan. Ang resulta? Kabiguan o pakikiapid.

Ang ibang mga kabataan ay ‘nasusunog’ kapag ang isa lamang sa kanila ay tinubuan ng pagsinta. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang kabataang lalaki na nagngangalang Amnon na “umibig” sa kaniyang kapatid sa ama na si Tamar, subalit si Tamar ay hindi nakadama ng pag-ibig sa kaniya. Sabi ng Bibliya: “At si Amnon ay totoong nagdamdam anupa’t siya’y nagkasakit dahil kay Tamar.” (2 Samuel 13:1, 2) Oo, walang katibayan na hinikayat ni Tamar si Amnon sa anumang paraan. Gayumpaman, nais mo bang maging dahilan​—o maranasan​—ang gayong emosyonal na kaligaligan? Ang napakalapit na pakikipagkaibigan sa isang tao na hindi kasekso ay maaaring magdulot sa iyo ng kapahamakan.

“Ilayo Mo ang Kapanglawan”

Si Solomon ay nagpayo sa mga kabataan: “Ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo ang kasamaan sa iyong katawan.” (Eclesiastes 11:10) Maging palakaibigan sa mga hindi kasekso, subalit maging maingat. Panatilihin ang gayong kaugnayan sa makatuwirang mga hangganan. Ang hindi paggawa nang gayon ay nag-aanyaya ng kapanglawan.

Subalit mayroon bang iba pang mga panganib? At paano masusumpungan ng isang kabataan ang tunay na pagkakaibigan? Sisiyasatin ng hinaharap na labas ang mga katanungang ito.

[Talababa]

a Ang isang “platonikong kaugnayan” ay karaniwang binibigyang-kahulugan na “isang magiliw na kaugnayan sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na kung saan ang seksuwal na bagay ay hindi pumapasok.”

[Larawan sa pahina 14]

Tinamasa ni Jesus ang pakikipagkaibigan sa mga babae ngunit siya ay maingat na huwag masangkot sa romantikong paraan

[Larawan sa pahina 15]

Ang tinatawag na platonikong mga kaugnayan ay kadalasang nagwawakas sa pagdadalamhati