Mangyari Kaya Itong Muli?
Mangyari Kaya Itong Muli?
MAHIRAP makuha ang eksaktong kabuuang bilang ng mga neo-Nazi sa Alemanya ngayon. Gayunman, tinataya ng nag-mo-monitor ng pulitikal na pagkaradikal sa Pederal na Republika na maaaring may mahigit na 20,000 mga membro ng tinatawag nitong lubhang konserbatibong mga organisasyon. Ang mga ito ay nahahati sa maraming mga grupo, ang ilan ay may mga kasapi na umaabot ng daan-daan.
Waring ito’y laban sa makapangyarihang muling paglitaw ng Nazismo, sapagkat ano nga ba ang Nazismo kung walang tulad-Hitler na pinuno na may kakayahang pag-isahin ang lahat ng nagkakaiba-ibang mga pangkat na ito sa ilalim ng kaniyang liderato? Hanggang sa ngayon, wala pang bumangon na gayong bagong pulitikal na mesiyas, kahit na si Michael Kühnen, na isa sa mas kilalang neo-Nazi ng Alemanya. Si Kühnen ay inilarawan ng isa pang neo-Nazi bilang “ang kanang-kamay ng Führer na si Adolf Hitler dito sa lupa.” At tungkol kay Hitler ganito ang sabi niya: “Ang Führer ay banal sa amin kung paanong si Jesus ay banal sa mga Kristiyano.”
Isa pa, ang mga kalagayan sa Alemanya ngayon ay lubhang kakaiba roon sa panahon bago si Hitler. Ang kawalan ng trabaho ay mataas ngunit hindi naman gaya ng 30 porsiyento na naabot nito noong maagang 1930’s. Ang implasyon sa kasalukuyan ay kainaman kung ihahambing sa implasyon noong 1920’s, nang sa loob lamang ng dalawang taon ang halaga ng isang bagay ay tumaas mula 35 marks tungo sa 1,200,400,000,000! Ang pagkamakabayan at militarismo sa ngayon ay hindi umiiral. At ang kasalukuyang konstitusyong Aleman ay naglalaman ng pananggalang laban sa pagtatayong-muli ng isang pagkadiktador.
Gayundin, inaakala ng marami na hindi dapat maliitin ang neo-Nazismo. Ang mananalaysay sa Bonn University na si Karl-Dietrich Bracher ay nagbababala: “Noong 1920’s mayroon ding kalagayan kung saan ang maliliit na grupo lamang ang umiiral, hindi isang malaking organisasyon.” At samantalang ang mga pagsalakay ng terorista ay nakita sa bansa at bansa, nangangailangan lamang ng ilang lubhang dedikadong mga indibiduwal upang lumikha ng panganib na higit pa sa kasukat ng kanilang bilang.
Mga Panganib sa Ibang Dako
Maaga nang taóng ito si Kühnen ay hinatulan ng mahigit tatlong taon sa bilangguan dahilan sa kaniyang mga gawaing neo-Nazi. Bago ikulong, iniulat na ginamit niya ang kaniyang panahon, pagkatapos tumakas ng Alemanya, “upang kondisyunin o ayusin ang
radikal na pangkat na konserbatibo” sa Switzerland. Isang pahayagang Suiso ay nag-uulat: “Taglay ang kasiyahan na nakikini-kinita niya na dito sa bansang ito ang kaniyang ideolohiya ‘ay higit na kinakatawan ng ilang grupo.’”Gayundin, sa lupang tinubuan ni Hitler, ang Austria, na isinama niya sa kaniyang Third Reich noong Marso ng 1938, ay mayroon ding gayong mga grupo. Ginugunita ng ibang matatandang mga taga-Austria nang may pananabik ang panahong iyon sa kasaysayan nang ang mga Nazi ang namuno sa kanilang bansa. Ang gayong matatanda ay nababalisa sa handalapak na mga kabataan ngayon sa kanilang bulagsak na pananamit at kultura sa droga, at ang mga nakatatandang tao ay mahilig magreklamo na “ang gayong bagay ay hindi kailanman mangyayari sa ilalim ni Hitler.” Maaaring gunitain pa nga nila ang tungkol sa mga kaarawan ni Hitler na “ikaw ay maaaring lumakad sa mga lansangan sa gabi nang hindi natatakot.” Maaaring kaligtaan pa nga ng iba ang mga kalabisan ng pamumuno at sabihin: “Ang kinakailangan natin ngayon ay isa na medyo Hitler.”
Subalit ang neo-Nazismo ay masusumpungan sa ibang mga dako maliban sa Europa. Sang-ayon sa isang ulat ng Frankfurter Rundschau, halos 10,000 mga Nazi ang tumakas sa iba’t ibang bansa sa Timog Amerika sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Maaari kaya silang lumikha ng banta? Tungkol sa panganib ng muling paglitaw ng Nazismo sa Paraguay, ang magasing ABC revista ay naglathala ng isang serye ng mga panayam sa kilalang mga awtoridad. Sinipi nito ang Doktor sa Batas na si Jaime S. Edan na nagsabi na “ang Nazismo ay buháy subalit nananahimik.” Isang kilalang pulitiko ang sumang-ayon, na nagsasabi: “Ang Pambansang Sosyalismo ay hindi namatay.”
At kumusta naman ang Nazismo sa Estados Unidos? Ang pundador ng Partido Nazi sa Amerika, si George Lincoln Rockwell, ay pataksil na pinatay noong 1967. Subalit ang kaniyang ideolohiya ay nananatili sa maraming pangkat na neo-Nazi. Sampung taon pagkamatay ni Rockwell, binanggit ng magasing Time na bagaman “ang buong kulto ng Nazi ay pulitikal na mahina at umuunti ang bilang, ang potensiyal nito sa pagpukaw ng poot at paglikha ng karahasan ay nananatiling malakas.”
Mangyari Kaya Itong Muli?
Tungkol sa neo-Nazismo sa Alemanya, ganito ang konklusyon ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung: “Dahilan sa makasaysayang pinagmulan ng Alemanya at ang napakasamáng pamumuno ng Nazi, ang mga gawain ng konserbatibong pangkat ay maaaring hindi magharap ng malubhang panganib, subalit sa paanuman sila ay isang kahihiyan.” At ang pahayagang Die Zeit ay mas tahasan sa pagsasabing: “Ang pagbuhay na muli sa kilusang Nazi sa Kanlurang Alemanya ay baligho, unang-una na sapagkat ang mga kalagayan na nagbigay-daan sa pagbangon ng Nazismo ay hindi na umiiral.”
Samakatuwid ang panganib ng isang “munting” Hitler—o isang “malaking” Hitler, sa bagay na iyan—na bumabangon upang isauli ang Nazismo sa katayuan na taglay nito sa ilalim ni Hitler ay waring malabong mangyari sa ngayon. Isang 17-taóng-gulang na estudyanteng Aleman ang nagsabi: “Kami ay sapat na nababalaan. Titiyakin namin na hinding-hindi mangyayaring muli ang gayong bagay.”
Marahil hindi nga ito mangyayaring muli. Ngunit ang Nazismo ay walang monopolyo sa paniniil o sa kalupitan. At napatunayan ng panahon na si Hitler ay hindi siyang huling diktador ng daigdig. Habang ang mga tao ay patuloy na nag-eeksperimento sa iba’t ibang uri ng mga gobyerno, bumabangon ang mapaniil na mga pamamahala. Paano tayo makapag-iingat sa pagiging biktima nila? Isang kasagutan ang masusumpungan minsan pa sa pagsulyap sa Third Reich ni Hitler.
[Blurb sa pahina 6]
Sabi ng isang neo-Nazi, si Hitler “ay banal sa amin kung paanong si Jesus ay banal sa mga Kristiyano”
[Blurb sa pahina 7]
Ang Nazismo ay walang monopolyo sa paniniil