Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Panonood ng Telebisyon
Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maihihinto ang Labis na Panonood ng TV?” (Hulyo 22, 1985 sa Tagalog) Ako’y 14-taóng-gulang, at ako’y isang TV-aholiko. Nanonood ako ng TV anim na oras isang araw. Subalit pagkatapos basahin ang inyong artikulo, ipinasiya ko na bawasan ito sapagkat hinahadlangan ako nito sa paggawa ng aking mga homework at ng aking pagbabasa ng Bibliya. Maraming pong salamat na muli.
M. L., Canada
Ang Tinig Mo
Problema ko sa tuwina ang aking tinig. Isang operasyon ang isinagawa tatlong taon na ang nakalipas sa aking kuwerdas vocales subalit walang gaanong resulta. Ako’y laging sinasabihan na ang kailangan ko lamang gawin ay huminga nang malalim, subalit walang sinuman ang nagpaliwanag sa akin kung paano ito gagawin. Ang mahusay na artikulong “Ang Kamangha-manghang Regalo—Ang Tinig Mo” (Enero 22, 1985 sa Tagalog) ay sagot sa aking mga panalangin. Ngayon nauunawaan ko kung papaano gumagana ang aking sistema sa paghinga at kung ano ang kailangan kong gawin upang mapahusay ang aking tinig.
M. L. S., Brazil
Sanggol na Hindi Pa Isinisilang
“Ako’y nagdalang-tao at walang ibang mapagpipilian kundi ang magsilang sa normal na paraan. Pinagsisihan ko pa nga ang pagdadalang-tao. Ngayon ako ay umiyak. Pangangalagaan ko ang sanggol na nasa loob ko at magiging maligaya ako na isilang ito. Maraming salamat sa inyo.” Ang mga salitang ito ay mula sa isang may kabataang ina na lumapit sa akin sa pagtatapos ng aking lektyur sa unibersidad. Binasa ko ang “Talaarawan ng Sanggol na Hindi Pa Isinisilang” (Disyembre 22, 1984 sa Tagalog) sa lektyur. Ako ay lubhang naantig ng seryosong artikulong ito at nagpapasalamat ako rito. Mula nang lumabas ito ginamit ko ito sa mga publiko nang maraming beses na hindi ko na mabilang.
H. W., Hapon
Relihiyosong Pagpaparaya
Nais ko kayong pasalamatan sa inyong sarisari, mahusay, at nakapagpapatibay na mga artikulo. Bilang isang guro at ina, partikular na pinahahalagahan ko ang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na mga serye. Ang inyong siyentipikong mga artikulo ay naglalaan din ng kawili-wiling mga impormasyon na ipinapasa ko sa aking mga estudyante, sapagkat natitiyak ko na ang inyong mga artikulo ay makatuwiran at tapat. Ang tanging bagay lamang na bahagyang nakakabalisa sa akin (bagaman nauunawaan ko ang inyong mga dahilan) ay ang paraan ng madalas ninyong pagsira sa ibang relihiyon. Bagaman hindi ako Katoliko o Budhista, asiwa ako sa gayong mga artikulo at iniiwasan ko ang mga ito.
F. S., Pransiya
Sinisikap naming sundin ang halimbawa ni Jesus. Sinabi niya na ang daan patungo sa buhay ay sa makipot na pinto at hinimok niya ang kaniyang mga alagad na iwasan ang malapad na daan patungo sa kapahamakan. Inihayag niya ang mga anyo ng relihiyon na walang kabuluhan, at ito’y sa tiyak na mga termino, gaya ng maliwanag na ipinakikita ng Mateo kabanatang 23. Pinakikilos ng tunay na interes sa kapakanan ng lahat ng tao, sinisikap naming ituro ang mga gawaing relihiyoso na labag sa itinuturo ng Bibliya at maaaring humadlang sa isa na nagsasagawa ng gayong bagay sa pagpasok sa daan tungo sa buhay na walang hanggan. (Mateo 7:13, 14; 15:8, 9; 16:6, 12) Sa tulong ng Bibliya, sinisikap naming sundin ang halimbawa ni apostol Pablo, na sumulat: “Sapagkat aming iginigiba ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ipinagmamataas laban sa kaalaman ng Diyos.”—2 Corinto 10:5.—ED.