Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ito Nangyari?

Paano Ito Nangyari?

Paano Ito Nangyari?

“PAANO kaya naging posible para sa gayong barbarikong pamumuno na gaya ng Third Reich ng Nazi na maging makapangyarihan sa isa sa pinakamaunlad sa kabuhayan at kultura na bansa sa daigdig?” Ang pumupukaw-kaisipang tanong na ito ay ibinangon ng mananalaysay na si J. Noakes, sumusulat sa magasing History Today. Marahil ito ay masasagot ng kaunting impormasyon tungkol sa kasaysayan nito.

Ang Partido Nazi ay hindi itinatag ni Adolf Hitler. Noong 1919 itinatag ni Anton Drexler, isang panday-susì sa Munich, ang Deutsche Arbeiterpartei (Partido ng mga Manggagawang Aleman). Pagkalipas ng isang taon ang pangalan nito ay binago tungo sa Nationalsozialistische Deutsche Arbeiterpartei (Pambansang Sosyalistang Partido ng mga Manggagawang Aleman), at noong 1921 si Hitler ang naging lider nito. Nang magtagal umalis si Drexler mula sa partido dahilan sa pagtutol kay Hitler. Ang salitang “Nazi” ay hinango sa unang salita ng pangalan ng partido.

Noong 1923 si Hitler at ang partido ay nabigo sa pagtatangkâ na ibagsak ang pamahalaan at si Hitler ay nabilanggo. Nang panahong iyon isinulat niya ang kaniyang aklat na Mein Kampf (Ang Aking Pagpupunyagi). Dito ay isinulat niya ang pangunahing mga tunguhin at mga turo ng partido, sinasabing ang pangunahing tunguhin nito ay “ang pagsasabansa ng masa o taong-bayan.” Upang maabot ang tunguhing ito, sinabi niya na “walang sosyal na sakripisyo ang lubhang malaki.” Dapat patunayan mismo ng Estado na ito “ang tagapagtanggol ng sanlibong-taóng kinabukasan,” sulat niya.

Sa simula, si Hitler at ang kaniyang partido ay hindi gaanong iniintindi. Ang kaniyang bombastikong istilo ng pagsasalita ay umakay sa manunulat na Aleman na si Kurt Tucholsky na magsabi nang panahong iyon: “Ang taong ito ay hindi umiiral; siya ay ingay lamang na kaniyang ginagawa.” Walang alinlangan na si Tucholsky ay nagsasalita para sa marami. Subalit ang taong iyon ay talagang umiiral, at siya ay nakatakdang lumikha nang higit pa kaysa ingay lamang.

Mga Salik sa Pamumuno ng Nazi

Ang mga Aleman ay nabigo ang pag-asa pagkatapos ng kanilang pagkatalo sa Digmaang Pandaigdig I. Minalas nila ang mabigat na tadhanang mga parusa na ipinataw sa kanila ng Treaty of Versailles na lubhang napakabigat at di-makatuwiran. Kulang ng malakas na pulitikal na liderato. Ang kalagayan sa kabuhayan ay lumulubha sa bawat linggo. Isang pangglobong panghihina ng negosyo ang nagpangyari sa angaw-angaw na mawalan ng trabaho. Ang malaganap na kapaligiran ng kabiguan at pagkadama ng kawalang kasiguruhan ang sumugpo sa kaligayahan ng pamumuhay.

Sa pamamagitan ng isang mahusay na propagandang kampanya, ang kilusang Nazi ay nagtagumpay sa paghubog sa mga taong-bayan na magkusa upang isagawa ang pulitikal na mga tunguhin nito. Ang kadakilaan ng mga pangako nito tungkol sa hinaharap ay nakaakit sa bansa. Sinamantala nito ang takot ng mamamayan tungkol sa komunismo para sa sariling layunin nito. Naglaan ito ng bagong labasan para sa militarismo ng Prussia. Ang partido ay nag-alok sa mga kabataan ng katuwaan, abentura, kapuwa hukbo, at ang pagkadama ng personal na pagkasangkot sa muling pagsilang ng mas malakas na bansang Aleman.

Pagkaraan lamang ng anim na taon na siya’y maupo sa kapangyarihan, binanggit ni Hitler, sa isang talumpati na ipinahayag noong Abril 28, 1939, ang tungkol sa kaniyang mga tagumpay. Kabilang dito ang pagsasauli ng kaayusan, pagpaparami ng produksiyon, pagwawakas sa kawalan ng trabaho, at pag-aalis sa mga restriksiyon ng Treaty of Versailles. Saka idinagdag niya: “Ang mga lalawigan na kinuha sa atin noong 1919 ay ibinalik ko sa Reich . . . Isinauli ko ang sanlibong-taóng makasaysayang pagkakaisa ng bayang Aleman at . . . nagawa ko ito nang walang pagbububo ng dugo at samakatuwid nang hindi ipinaiilalim ang aking bayan o ang iba sa mga kahirapan ng digmaan.”

Si Sebastian Haffner, sa kaniyang aklat na Anmerkungen zu Hitler (Mga Puna Tungkol kay Hitler), ay nagpapaliwanag na para sa mga Aleman si “Hitler ay isang kababalaghan​—‘isa na sinugo ng Diyos.’” Samakatuwid ang mga tagumpay ni Hitler, pati na ang mahusay na propaganda, ay nagpangyari sa partido ng Nazi na magkaroon ng kontrol sa mga tao anupa’t ang kilusan ay nagkaroon ng relihiyosong kahulugan. Ang pagtangkilik sa mga tunguhin ng partido ay naging isang “banal” na tungkulin.

Ito’y tumutulong sa atin upang maunawaan nang higit kung ano ang isinulat ni William L. Shirer sa kaniyang aklat na The Nightmare Years: “Ang kaguluhan ng madla ay nakabighani sa akin nang higit kaysa aking unang pagkasulyap sa diktador . . . Nang siya ay lumitaw sumandali sa balkon at kumaway, sila’y nagkagulo. Ilang mga babae ang hinimatay. Ang iba, mga lalaki at babae, ay natapakan nang dumaluhong ang pulutong ng mga tao upang makita nang malapitan ang kanilang mesiyas. Waring gayon nga siya sa kanila.”

[Blurb sa pahina 5]

Hinubog ng mga Nazi ang mga taong-bayan na magkusa

[Larawan sa pahina 5]

Para sa marami, si Hitler ay “sinugo ng Diyos,” sabi ng isang manunulat na Aleman