Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paaralang Misyonero ng Gilead—‘Paghahanda sa Aming Destino’

Paaralang Misyonero ng Gilead—‘Paghahanda sa Aming Destino’

Paaralang Misyonero ng Gilead​—‘Paghahanda sa Aming Destino’

SILA ay mula sa anim na iba’t ibang bansa at sarisaring pinagmulan. Kabilang sa kanila ang dating mga karpintero, mga inhinyero, mga guro, mga komersiyal artist, mga musikero, mga tsuper ng trak, at tubero pa nga. Gayunman, mayroon silang iisang tunguhin: upang ipangaral ang “mabuting balita ng kaharian” sa lupaing dayuhan.​—Mateo 24:14.

Ang tunguhing ito ang nagdala sa kanila sa limang buwan na masinsinang pag-aaral ng Bibliya at pagsasanay sa Watchtower Bible School of Gilead na nasa Brooklyn, New York. Ang kanilang pag-aaral ay nagtapos sa isang kaaya-ayang seremonya ng pagtatapos noong Marso 3, 1985.

Iniiwan ang kanilang nakagawiang paraan ng pamumuhay sa kanilang mga lupang tinubuan upang ipangaral ang “mabuting balita” sa mga tao sa mga lupaing banyaga ay maliwanag na nangangailangan ng malaking mga pagbabago. Isipin ang ilan sa mga sakripisyo na ginagawa ng mga magiging misyonerong ito: iniiwan ang pamilya at mga kaibigan, pagkatuto ng isang bagong wika, at pakikibagay sa isang bagong bansa, isang bagong tahanan, at kakaibang mga pagkain. Hindi maliit na mga pagbabago!

Subalit talaga kayang masasangkapan sila ng limang buwan na pagtuturo para sa gayong biglang pagbabago sa istilo ng pamumuhay? Ano ang palagay ng mga estudyante tungkol dito?

“Handang Humayo”

Si Cindy, na naatasan kasama ng kaniyang asawa sa Zaire, Aprika, ay nag-aakala na siya ay higit na handa ngayon kaysa kailanman. “Nais kong maging isang misyonera mula pa sa aking pagkabata. Pagkatapos makasama ang iba pang mga estudyante sa loob ng limang buwan, talagang ako’y handang humayo.” Sina David at Charmaine, naatasan sa Ecuador, ay gayundin ang nasabi, “Inaakala namin na kami ngayon ay mas handa na makihalo sa iba’t ibang kaugalian at mga istilo ng pamumuhay sa aming atas.”

Mangyari pa, ang pagsasanay ay pantanging idinisenyo sa ganitong layunin. Ang kurikulum ay naglalakip ng (1) apat na mga kurso ng pag-aaral sa Kasulatan na sinasaklaw ang buong Bibliya, kabanata por kabanata, (2) isang kurso na pinamagatang Teokratikong Organisasyon, at (3) isang kursong tinatawag na Misyonerong Paglilingkod.

Ang Misyonerong Paglilingkod ay isang praktikal na kurso sa kung paano tatanawin ang atas sa ibang bansa na makatotohanan. Ang isang estudyante, si Glen, ay nagsabi: “Nasumpungan ko na ang kursong Misyonerong Paglilingkod ay partikular na nakatutulong. Ginawa nitong suriin ko nang paulit-ulit ang aking motibo at tanungin ang aking sarili, ‘Bakit ako naririto?’” Siya at ang kaniyang asawa, si Gaylene, ay nag-aakala na sila ay kuwalipikado para sa kanilang atas sa Papua New Guinea.

Pinahahalagahan ng isa pang estudyante, si Pam, kung gaano kapraktikal ang mga tagapagturo. “Tinulungan nila ako na makita na saanman kami maatasan, ito ay magiging lubhang kakaiba sa aming tahanan.” Ang Saipan, isang munting isla sa kanlurang Pasipiko, ang magiging bagong tahanan ni Pam at ng kaniyang asawang si Peter.

Ginugol ni Gordon ang huling 12 mga taon sa punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn at nakita niya ang maraming mga misyonero na sinugo mula sa Paaralang Gilead. Ngayon, siya man ay nakinabang mula sa pagsasanay ng Gilead at maglilingkod bilang isang misyonero sa Hong Kong. Inaakala ba niya na siya ay kinundisyong mainam ng Gilead para sa kaniyang bagong atas? “Ang praktikal na mga aspekto ng buhay misyonero na idiniin sa buong kurso ay nakatulong sa akin upang malasin ito nang makatotohanan,” sagot ni Gordon. “Ang pagkaalam kung ano ang aasahan ay isang malaking tulong.”

Pagtanggap ng Kanilang mga Atas

Noon lamang kalagitnaan ng limang buwan na kurso, noong umaga ng Enero 3, 1985, na nalaman ng ika-78 na klase ang kanilang magiging atas sa banyagang lupain. Sa simula, ang pagtungo sa malayong mga lupain ay nagdulot ng pangamba sa kanila. ‘Gaano kalayo ako malalayo sa aking pamilya? Mapakikitunguhan ko kaya ang kakaibang mga tao, mga kaugalian, at mga pagkain? Gaano kaya katagal upang magkaroon ng mga bagong kaibigan?’

Gayumpaman, ang mga katanungang ito ay agad naglaho sa kanilang isipan habang binubulaybulay nila ang paghahanda na ginawa na ni Jehova para sa kanila. Pagkatapos tanggapin ang balita na siya ay mapupunta sa Dominican Republic, ganito ang nadama ni Sharon: “Nagpapasalamat ako kay Jehova na ituring akong karapat-dapat sa atas na ito. Ako ay mapupunta sa isang maganda at kaakit-akit na teritoryo.” Sina Ed at Lynda ay magiging mga misyonero sa Zaire, Aprika. Disidido silang gawin ang kanilang atas na kanilang tahanan at sila’y nagsabi: “Kung kami ngayon ay sasabihan na hindi kami matutuloy sa Zaire, kami ay mauupo at iiyak, yamang ang aming puso ay naroon na!”

Sa Larangan

Tumatanaw sa unahan, ipinahayag ni Wolfgang kung ano ang nadarama niya at ng kaniyang mga kamag-aral: “Kumbinsido ako na nakikita naming lahat ang kahalagahan ng aming tunguhin​—upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos nang hindi tumatakas sa aming mga atas at gumawa na kaisa ng aming mga kapatid sa mga kongregasyon para sa pagsulong ng Kaharian.” Si Virginia, na sasama sa kaniyang asawang si Tim sa Aprika, ay nagsabi pa: “Ang tanging pagsasanay na natitira para sa amin ay ang aktuwal na karanasan.”

Subalit inaakala ba ng mga matagal nang mga misyonero na ang pagsasanay na tinanggap sa Paaralang Gilead ay kapaki-pakinabang sa kanila sa aktuwal na pagsasagawa nito? Isang dating nagtapos, si Kathryn, na naglingkod na ng mga ilang taon sa kagubatan ng Papua New Guinea kasama ng kaniyang asawa, isang naglalakbay na ministro, ay nagpapaliwanag: “Ang malalim na pag-aaral ay nangangailangan ng kaunting pagmamaneobra, yamang kailangan naming isaayos na gumugol ng ilang panahon kung saan ang isa ay may aklatan. Ginagawa namin ang lahat ng aming magagawa sa aming pag-aaral ng The Watchtower. a Naikintal sa aming isipan sa Gilead kung gaano ang aming matututuhan mula sa bawat labas ng magasin.”

Sa pamamagitan ng edukasyon ng inaalok ng Paaralang Gilead, masasabi na ‘sa pamamagitan ni Jehova ang mga lakad mismo ng malakas na mga lalaki at mga babaing ito ay inihanda.’ Oo, handa sila na gumawa ng malaking pagbabago sa pamumuhay, at sila’y handang isagawa ang nagbibigay-buhay na mensahe ng Bibliya sa kadulu-duluhan ng lupa.​—Awit 37:23.

Ang Ika-78 na Klase

Kabuuang bilang ng mga estudyante _ 42

Bilang ng mga bansang kinatawan _ 6

Bilang ng mga bansang iniatas _ 14

Bilang ng mga dalaga _ 4

Bilang ng mga binata _ 8

Bilang ng mga mag-asawa _ 15

Katamtamang gulang _ 32.1

Katamtamang taon na nabautismuhan _ 14.2

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo _ 9.9

[Mga talababa]

a Ang magasin sa pag-aaral ng Bibliya na kasama ng Gumising!

[Larawan sa pahina 26]

Ikapitumput-walong Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang bilang ng mga hanay ay mula sa harap palikod, at ang mga pangalan ay itinala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay.

1– Donaldson, C.; Savoniemi, I.; Van Loo, R.; Ross, G.; Kenyon, L.; Loucks, C.; Mickelson, C.; Koch, M. 2– Wortley, L.; Wondratsch, W.; Seneca, P.; Gleaves, C.; Sierra, N.; Gracia, Y.; Gracia, J.; Crouch, V. 3– Seneca, P.; Hobson, C.; Ellis, G.; Grant, G.; Fields, L.; Norman, S.; Thompson, S.; Singleton, C. 4– Savoniemi, H.; Gleaves, Jr., K.; Koch, F.; Steiner, M.; Crouch, T.; Donaldson, R.; Björck, M.; Mathewson, F.; Kenyon, E. 5– Fields, D.; Björck, R.; Loucks, D.; Ross, G.; Hobson, G.; Van Loo, F.; Mundt, B.; Mickelson, C.; Sensenig, T.