Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ang 40 Taóng Gulang na UN

● Sa taóng ito ang ika-40 anibersaryo ng United Nations. Pararangalan ng mga talumpati sa anibersaryo ang bahagi ng UN sa “pagpapanatili ng kapayapaan at katiwasayan,” ulat ng Bulletin of the Atomic Scientists. “Maaaring hindi nailigtas ng United Nations ang sumusunod na salinlahi mula sa parusa ng lahat ng maliliit na digmaan, subalit sa paanuman ay nakatulong ito na maiwasan ang ikatlo at malamang na ang huling Digmaang Pandaigdig,” sabi ng Bulletin, “ . . . sa paglalaan ng isang dako kung saan impormal na magtatagpo at magbabahaginan ng mga ideya ang mga diplomatiko . . . sa kabila na kapootan na ipinakikita ng mga kinatawan ng pamahalaan sa mesa ng Security Council.” Ang eksaktong pagtaya sa UN, sabi ng magasin, ay “malasin ito bilang isang dako kung saan ang internasyonal na tanawing pulitikal ay ginagawang tunay ng mga diplomatiko na, suot ang mga kulay ng kanilang bansa, ay nakikipagbaka upang ipagsanggalang ang mga kapakanan ng kanilang pamahalaan at marahil, sa paggawa ng gayon, sa pana-panahon ay ipinagtatanggol ang mga kapakanan ng daigdig.” Hinuhulaan ng mga diplomatiko na ang organisasyon “ay malamang na narito pa sa susunod na 40 mga taon​—kung naririto pa ang daigdig.”

Pagdami ng mga Aning Droga

● “Ipinakikita ng taunang report ng [U.S.] State Department sa pambuong daigdig na produksiyon ng mga narkotiko na sa karamihan ng pangunahing mga bansang nagtutustos ng droga, ang mga ani ng marijuana, coca at opium-poppy ay mas marami noong 1984 kaysa sinundang taon,” sabi ng The New York Times. Ang produksiyon ng coca, halimbawa, ay dumami ng mahigit sa sangkatlo sa mga bansa ng Bolivia, Peru, at Colombia, samantalang ang Ecuador ang ikapat sa mga bansang nagtutustos ng coca. “Maliwanag na ang hilig ay nasa cocaine at sa pinakamabuti ay nasasawata natin ang tungkol sa marijuana,” sabi ni Dante B. Fascell, tagapamanihala ng U.S. Senate Foreign Affairs Committee. “Pagkatapos gawin ang lahat ng magagawa, sa kabila ng ilang nakapagpapatibay na mga pag-unlad, . . . ang pakikipagbaka sa droga ay hindi nagtagumpay.” Napakaraming bawal na dahon ng coca, opyo, at cannabis ang itinatanim, sabi ng report, anupa’t ang pambuong daigdig na produksiyon ay “maraming ulit ang dami kaysa nakunsumo kamakailan” ng mga gumagamit ng droga.

Mga Problema sa Pestisidyo

● Sa mga bansa sa Third World, mga 500,000 katao ang nalalason taun-taon ng mga pestisidyo, ulat ng magasing South, at 10,000 sa kanila ang namamatay dahil dito. Ang panganib ay kumakalat din sa mga mamimili dahilan sa mga naiiwan na pestisidyo sa mga pagkain at sa mga kumpay ng hayop. Sang-ayon kay Dr. Jan Huismans, direktor ng IRPTC (International Register of Potentially Toxic Chemicals), kalahati ng mga bansa sa daigdig ang kulang ng epektibong mga pansawata sa paggamit ng pestisidyo at walang mga pasilidad upang alamin ang potensiyal na mga panganib ng mga produktong ginagamit. Lumaki pa ang problema nang ang mga tagagawa ng pestisidyo, iniingatan ang kanilang produkto mula sa mga kakompitensiya, ay ayaw ibigay ang mahalagang impormasyon​—lalo na tungkol sa bagong mga kemikal. Karagdagan sa di-sapat na mga impormasyon na itinala ng IRPTC, mayroon pang ibang problema. “Halos araw-araw ay may nakukuha kaming mga halimbawa ng dating mga pestisidyo na ngayon lamang nakakabahala, dahilan sa mas marami kaming nalalaman tungkol dito ngayon o dahilan sa mga epekto nito na ngayon lamang lumitaw pagkaraan ng 10 o 20 mga taon ng paggamit,” sabi ni Huismans. Bagaman ang ilang kemikal, gaya ng DDT, ay ipinagbawal sa Europa at sa Estados Unidos, ginagamit pa rin ang mga ito upang bakahin ang mga peste sa mga bansa sa Third World.

Pagtaboy sa mga Lamok

● Ang mas mainit na lagay ng panahon ay nagpapahiwatig hindi lamang ng wakas ng taglamig kundi ng pagdating ng mga lamok. Yamang wala pang umiiral na tiyak na pamamaraan upang huwag makagat ng mga lamok, sabi ng The New York Times, iminumungkahi ng mga awtoridad ang sumusunod: Maligo na madalas upang maiwasan ang pagdami ng lactic acid sa balat, yamang ito ay umaakit sa mga lamok. Kumain ng mga pagkaing naglalaman ng bawang, na nagsisilbing pantaboy. Kung ang mga kemikal na pantaboy ng lamok ay ginagamit, mag-isprey sa inyong pananamit gayundin sa inyong balat. Iwasan ang labis na paggamit ng mga produktong suntan, na hindi lamang nakakabawas sa pagiging mabisa ng pantaboy kundi pinararami rin nito ang iyong tsansa na makagat ng lamok. Marami sa mga isprey sa buhok, mga pabango, mga losyon, at mga deodorante ay nakakaakit din sa mga lamok at pinakamabuting iwasan. At kapag nakagat, maglagay ng cold compress o yelo, o gumamit ng calamine lotion o alkohol, upang mabawasan ang pangangati.

Kaligtasan sa Sistema ng Transportasyon sa Himpapawid

● Ang Australia ang may pinakaligtas na sistema ng transportasyon sa himpapawid sa daigdig, kapuwa sa internasyonal at lokal na mga paglipad, sang-ayon sa isang sampung-taóng pag-aaral ng mga rekord ng mga aksidente sa mga transportasyong panghimpapawid na inilathala kamakailan sa Flight International. Ang dami ng nakamamatay na aksidente, batay sa mga estadistika ng 25 nangungunang mga bansang nagpapalipad ng eroplano sa pagitan ng 1973 at 1984, ay 1.8 sa bawat milyong mga paglapag, samantalang ang bilang para sa Australia ay 0.06 lamang. “Ang Scandinavia, Hapon, ang EU, Pransiya, Britaniya at Kanlurang Alemanya ang sumunod sa Australia sa talaan ng mga kaligtasan sa mga sasakyang panghimpapawid,” ulat ng The Sydney Morning Herald. “Ang hindi gaanong ligtas ay ang Colombia, Turkey, Egypt, Indonesia at ang Unyong Sobyet.” Binanggit ng isang nangungunang espesyalista tungkol sa kaligtasan ng sistema ng transportasyon sa himpapawid na si Mike Ramsden ang “disiplina na may indibiduwalismo at paggalang sa awtoridad nang walang takot” bilang ang pangunahing mga dahilan upang ang Australia ay maging “di-matututulang pinakaligtas na bansa sa daigdig na nagpapalipad ng eroplano sa mahigit na 20 taon.”

Walang Halagang mga Toniko

● Yaong mga pampalago ng buhok​—karaniwan nang mga krema, losyon, at mga langis​—na iniaanunsiyo sa mga pahayagan at sa likod ng mga magasing panlalaki ay talagang hindi gumagana, babala ng FDA (U.S. Food and Drug Administration). “Hindi hinahadlangan ng mga produktong ito ang pagkawala ng buhok o ang paglago ng buhok,” sabi ni Edward R. Nida, nagsasalita para sa ahensiya. “Kung paano mo mawawala o mapananatili ang iyong buhok ay depende sa kung gaano katalino ang pagpili mo ng iyong mga magulang. Sa kalakhang bahagi, ito ay namamana.”

Ang FDA ay nagbababala rin na ang mga produktong mabibili nang walang reseta (mga produktong nagpapasigla o nagpapatindi ng seksuwal na pagnanasa) ay hindi napatunayang ligtas o epektibo at na ang ilan sa mga sangkap nito ay maaari pa ngang magdulot ng mga panganib sa kalusugan. “Walang tiyak na siyentipikong katibayan na nagpapakita sa pagiging mabisa o ligtas ng anumang materyal na halaman na makasaysayang ginamit para sa gayong layunin,” sabi ni Mr. Nida. Ang ahensiya ay kumikilos upang ipagbawal ang lahat ng gayong mga bagay.

Panganib sa Preserbatibo

● Isang preserbatibo na karaniwang masusumpungan sa alak, serbesa, ketsup, artipisyal na mga inuming lasang kahel, at iba pang mga pagkain “ay maaaring maging sanhi ng nagbabanta-buhay na reaksiyon sa mga tao na sensitibo rito, lalo na sa mga asmatiko,” ulat ng The Globe and Mail ng Canada. Nagsasalita sa Royal College of Physicians and Surgeons ng Canada, sinabi ni Dr. William H. Yang, isang espesyalista sa alerdyi, na ang metabisulfite at iba pang anyo ng sulfite na ginagamit ay maaaring maging sanhi ng grabeng mga reaksiyon sa loob lamang ng kalahating oras pagkatapos kainin​—kung minsan ay sa loob lamang ng mga ilang segundo o mga minuto. Kailangan ding maging maingat sa labas ng bahay, yamang ginagamit din ito ng mga restauran sa mga ensalada upang panatilihin itong mukhang sariwa. Ang mga tao na sumasakit ang ulo pagkatapos uminom ng alak o kumain sa mga restauran ay sa katunayan maaaring may reaksiyon sa mga preserbatibong sulfite, sabi ni Dr. Yang, sa halip na sa pagkain o sa alak.

Mga Kastila​—mga Kampeon sa Paninigarilyo

● Sang-ayon sa estadistika, isang katamtamang bilang na 2,647 mga sigarilyo ang hinitit ng bawat tao sa Espanya noong 1980. Ito ang naglagay sa kanila na numero uno sa listahan ng mga gumagamit ng tabako sa Europa. Samantalang ang populasyon ng Espanya ay sumulong ng 22 porsiyento sa loob ng nakalipas na 20 mga taon, ang paggamit ng tabako ay sumulong ng 146 porsiyento. Sang-ayon sa pahayagang El País, ito ay magbubunga ng isa sa ikaanim ng lahat ng kamatayan sa 1985 na nauugnay sa tabako​—binubuo “ang isang pangunahing sanhi ng sakit at maagang kamatayan sa Espanya ngayon.” Higit pa riyan, ang bisyo ay mas pangkaraniwan sa gitna ng mga Kastilang doktor kaysa gitna ng mga membro ng ibang propesyon, gaya ng mga abugado, inhinyero, o mga manedyer. Ipinakikita ng surbey na 80 porsiyento ng mga gumagamit ng tabako sa Espanya ang nagsasabi na hihinto sila ng paninigarilyo kung irirekomenda ito ng kanilang doktor, subalit 10 porsiyento lamang ang tumanggap ng gayong medikal na payo.

“Hole-in-One” na Seguro

● Ang isang “hole-in-one” sa Hapon ay maaaring magkahalaga sa naglalaro ng golf ng mula ¥300,000 hanggang ¥500,000 ($1,200 hanggang $2,000, U.S.) sa halaga ng selebrasyon. Bukod sa pagbili ng mga inumin pagkatapos ng laro, siya ay inaasahan, kabilang sa ibang mga bagay, na magpapainom at magpapakain sa kaniyang mga kaibigan, bibilhan silang lahat ng mga regalo, at bibigyan ng tip ang kaniyang caddie. Kaya, ang maraming naglalaro ng golf ay nagdadala ng “hole-in-one” na seguro, sapagkat ang ¥3,000 ($12, U.S.) na primyum “ay sulit,” sabi ng Asahi Evening News. “Ang golf ay pangunahin nang para sa paglilibang sa negosyo,” sabi ng isang abogado. “Ito ang isang dahilan para sa kaugalian na pagbibigay ng regalo dahilan sa ‘hole-in-one.’ Ito’y naglalaan ng pambihirang pagkakataon upang bigyan ang isang mahalagang banker o opisyal ng pamahalaan ng isang malaki-laking regalo.”

Hindi Inirireport na mga Krimen

● “Halos isang milyong krimen isang taon, ang ilan ay marahas na seksuwal na mga pagsalakay at mga pagnanakaw, ay hindi inirireport ng mga Canadiano,” sabi ng The Globe and Mail, “at ang isa sa pangunahing dahilan ay sapagkat walang tiwala ang mga biktima sa kakayahan ng pulisya na lutasin ito.” Ipinakita ng isang pag-aaral sa pitong mga lunsod sa Canada na mas gugustuhin pa ng mga biktima na tanggapin ang krimen kaysa ipagbigay-alam ito. Lalo nang atubili ang mga mahihirap kaysa mga mayayaman na ipagbigay-alam ang mga pagnanakaw at pandarambong sa tahanan. Ang mga report tungkol sa mga ninakaw na mga kotse at mga pagnanakaw sa tahanan​—karaniwang para sa mga layunin sa seguro​—ay nakakalamang kaysa sa mga ulat ng mga pagsalakay, mga pagnanakaw, o pambubugbog. “Ang malaking kasukat ng hindi inirireport na seksuwal na mga pagsalakay at iba pang grabeng mga insidente na hindi makikita sa mga rekord ng pulisya ay nagbabangon ng mahalagang mga tanong para sa mga manedyer ng pulisya at sa mga gumagawa ng patakaran na nagpapatupad sa batas,” sabi ng pag-aaral.

Plastik na Salapi

● Ang plastik na mga salapi ay ginagamit na sa Haiti at sa Isle of Man. Ang mas matibay na mga salapi ay ipinakilala sa Haiti dahilan sa lokal na kaugalian na pagdadala ng pera sa loob ng sapatos. Isinasaalang-alang ngayon ng Estados Unidos ang paggamit ng plastik na salapi sa kanilang kampanya na biguin ang mga manghuhuwad. Ang dahilan, ulat ng New Scientist, ay sapagkat ang mga hologramo (tres-dimensiyonal na mga larawan) ay lilitaw sa mga salapi, at ang paggamit ng plastik ay magpapahaba sa buhay ng mga salapi nang makatatlong ibayo. Ang madaling mapansing mga hologramo ay hindi maaaring gayahin ng ordinaryong gamit sa pag-iimprenta. Ang perang Amerikano, sabi ng isang dalubhasa, ay “marahil ang pinakamadaling palsipikahin sa daigdig.”

“Tiyak na Pagkakakilanlan”

● Kung paano matitiyak na “ang isang tao ay siya nga ay isang malaking negosyo at isang bagay na pinagkakaabalahan,” sabi ng U.S.News and World Report. Ang tradisyunal na mga pamamaraan​—mga pagkakakilanlang kard, mga tsapa, mga hudyat​—ay maaaring di-sinasadyang masumpungan, manakaw, o mapalsipika. Itinataguyod ngayon ang mga sistema na gumagamit ng biometrics (ang estadistikal na pag-aaral ng katawan) na gagawang posible sa “tiyak na pagkakakilanlan.” Ginagamit na ngayon ang mga aparato na “bumabasa” sa hugis at bigat ng kamay at mga daliri nito, ang mga daluyan ng dugo sa loob ng mata, o ang tinig ng isang tao. Ang iba pang pisikal na mga katangian ay sinisiyasat din bilang paraan ng positibong pagkakakilanlan. Sinisikap ng isang pamamaraan na alamin ang pagpalsipika ng isang lagda o pirma sa pagsukat kung papaano sumusulat ang isa​—ang bigat, bilis, at direksiyon.

Ang Panlunas na Caffeine

● Batid ng karamihan na ang caffeine na nasusumpungan sa mga inumin na gaya ng kape at tsa ay kumikilos bilang mga pampasigla (stimulant) doon sa mga umiinom nito, subalit ano ang ginagawa nito sa mga halaman kung saan ito nagmula? “Ipinakikita ng pananaliksik kamakailan na ang mga ito [caffeine at theophylline] ay maaaring pinagsasanggalang ang mga halaman laban sa pagpinsala ng mga insekto,” sabi ng New Scientist. Nang ipakain ito sa larvae ng insekto, “ang antas ng caffeine na natural na masusumpungan sa hindi tuyong mga dahon ng tsa o mga butil ng kape ay sapat upang patayin ang karamihan ng mga larvae,” ulat ng magasin.