Sino ang May Sabing Ito’y Isang Mansanas?
Sino ang May Sabing Ito’y Isang Mansanas?
Ang salitang Hebreo na tap·puʹach, karaniwang isinasaling “mansanas,” ay lumilitaw ng maraming beses sa Bibliya. Subalit hindi ito ginamit sa paglalarawan sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:9, 17; 3:6) Saan, kung gayon, nagmula ang tradisyon na umano ang mansanas ang ipinagbawal na prutas?
Sang-ayon sa Plants of the Bible, ni H. N. Moldenke, ang ideyang ito ay “walang alinlangan, dahilan sa impluwensiya ng iginuhit ng mga pintor noong Edad Medya at Panahon ng Renaissance.” Halimbawa, tungkol sa bantog na iginuhit na larawan o painting na The Garden of Paradise ni Peter Paul Rubens (1577-1640), ngayo’y nasa Hague Gallery, ganito ang sabi ni Moldenke: “Ang prutas sa Punungkahoy ng Pagkakilala ng Mabuti at Masama, na may nakapulupot na ahas sa mga sanga nito ay tila nga mga mansanas. Marahil ang ipinintang larawan na ito ang isa sa mga dahilan ng kasalukuyang malaganap na pinaniniwalaang maling ideya na ang mansanas ang halaman na tinutukoy ng Bibliya.”
Tungkol sa iginuhit na larawan na Adam and Eve (tingnan ang itaas) ng Alemang pintor na si Lucas Cranach the Elder (1472-1553), kung saan ang mansanas ay inilarawan, si Moldenke ay nagkomento na ang mga pintor noong Panahon ng Renaissance ay “nais panatilihin ang kanilang karapatan na umasa sa kanilang imahinasyon kung nais nila.” Ang iba pang mga pintor ng panahong iyon, gaya nina Tintoretto at Titian, ay gayundin ang ginawa sa kanilang mga iginuhit na larawan tungkol sa paksang iyon.
Gayunman, marahil ang unang naglagay ng ideyang ito sa panulat ay ang bantog na makatang Ingles na si John Milton. Sa kaniyang Paradise Lost (1667), isinulat ni Milton ang tungkol sa pagtukso ng ahas kay Eva:
“Gumagala sa parang, isang araw, aking inakyat
Magandang punungkahoy kay layo sa paningin,
Hitik sa bunga ng sarisaring kulay,
Mapula at ginintuan. . . .
Upang sapatan yaring matinding nasang
Tikman yaong kay gandang mga mansanas, aking naipasiyang
Huwag umayon; gutom at uhaw dagli’y—
Makapangyarihang mga humimok—pinabilis ng amoy
Ng kaakit-akit na bungang iyon, ang sa aki’y labis na nag-udyok.”
Sa gayon, hindi mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, kundi mula sa kaakit-akit, gayunma’y mali, na guniguni ng mga pintor at mga makata nagmula ang isa sa pinakapopular na alamat ng Sangkakristiyanuhan. Ano ba ang bungang-kahoy? Hindi ito binabanggit ng Bibliya, sapagkat ang mahalagang punto ay hindi ang bungang-kahoy kundi ang pagsuway ng tao.—Roma 5:12.