Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ako’y Dating Madreng Katoliko

Ako’y Dating Madreng Katoliko

Ako’y Dating Madreng Katoliko

NOONG 1960, sakay ng bapor na Turko na magdadala sa akin mula Haifa tungo sa Cyprus, tahimik na binulaybulay ko ang mahigit 30 mga taon ng buhay sa isang kombento. Bagaman ako ay nadaramtan pa bilang isang madre, taglay ko ang isang liham na nagpapalaya sa akin mula sa aking mga panata. Nang panahong iyon isang bagay lamang ang nasa aking isipan: magtungo sa Beirut, Lebanon, at pagkasumpong ng trabaho.

Ngunit bakit ako naging isang madre? At bakit, pagkalipas ng maraming taon, ako ay humihinto?

Pagiging Madre

Ilang taon pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I, nang ako ay bata pa na namumuhay na kasama ng mga magulang na kumupkop sa akin sa timog-silangang Pransiya, isang Protestanteng mangangaral ang dumalaw sa amin. Napansin niya ang aking interes sa lahat ng bagay na kaniyang sinasabi at iniwanan ako ng isang maliit na “Bagong Tipan.” Ang aking interes sa Bibliya ay lumago mula noon.

Nang magtagal binanggit ko sa ilang kapuwa Katoliko ang aking pagnanais na maunawaan ang Kasulatan, subalit sinabi nila sa akin na isang mortal na kasalanan ang magbasa ng Bibliya. Ako ay nangatuwiran na yamang ang Bibliya ay isang malaking lihim, yaon lamang mga nasa kombento ang marahil ay pinahihintulutang mag-aral nito. Mula noon ako ay disidido na maging madre.

Ako ay 21 lamang nang sumakay ako ng tren patungo sa isang kombento sa timog ng Pransiya, kung saan ako ay nakipag-ayos na makipagkita sa superyor heneral ng Carmelite Missionary Order. Ang kombento ay nakapanunghay sa isang burol malapit sa Gignac, isang maliit na bayan mga 15 milya (25 km) mula sa baybaying Mediteraneo. Ang gusali ay binubuo ng dalawang bahagi: Ang isa ay para sa mga madre at ang isa ay ginagamit bilang tahanan ng pagpapagaling para sa mga dalagita.

Ang unang gabi ay ginugol ko sa tahanan ng pagpapagaling​—nang wala ang aking maleta. Hindi ito ibinalik ng batang babae na sumalubong sa akin sa istasyon ng tren. Nang sumunod na araw, gusto ko nang umalis, yamang hindi ko naibigan ang kapaligiran sa kombento. Nang hanapin ko ang aking maleta, ako ay sinabihan: “Ang iyong maleta ay naghihintay sa iyo sa loob ng kombento.” Nasabi ko sa aking sarili: ‘Kung nakapasok ako, maaari rin akong lumabas.’ Subalit ang mga bagay ay hindi naging gayong kasimple.

Nang pumapasok sa komunidad-relihiyosong bahagi ng kombento, ako ay nasindak ng matandang gusali at ng mga pintuang bakal nito at pagkatataas na mga kisame. Nang malaunan nakausap kong sumandali ang superyor heneral, subalit hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin sa kaniyang nais kong umalis.

Pagkaraan ng isang linggo ako ay tinanggap bilang isang kandidato sa relihiyosong orden. Pagkaraan ng ilang buwan isinuot ko ang puting belo ng nobisyada. Hindi ako gaanong natuto tungkol sa Bibliya, subalit ako ay matiyaga, inaakala ko na ang gayong kaalaman ay hindi para sa amin na mga baguhan. Wala pang isang taon pagkatapos pumasok sa kombento, ako ay sinugo sa Marseilles kasama ng dalawa pang madre. Mula roon kami ay naglayag patungong Cairo, Ehipto, dumating doon noong Enero 1931.

Buhay Kombento sa Cairo

Ang aming kombento at ang kalapit na paaralan ay nasa malaking modernong gusali sa bansa sa labas ng Cairo. Doon kami ay babangon tuwing ika-4:45 ng umaga at magtutungo sa kapilya kung saan kami ay gugugol ng 45 minuto sa pagbubulaybulay. Saka 15 minuto ang ipinahihintulot upang ayusin ang aming mga selda bago ang Misa.

Kami ay kumakain sa ganap na katahimikan samantalang nakikinig sa isang pagbasa ng “Buhay ng mga Santo.” Ang unang makatapos ng kaniyang pagkain ang hahalili sa pagbasa. Ang pag-uusap sa pagitan ng mga madre ay ipinagbabawal kung araw, maliban sa mga tanong may kaugnayan sa trabaho, gayumpaman ay kailangang magtungo kami sa isang pantanging lugar na tinatawag na silid-tanggapan. Ang aktuwal na kombento ay isang saradong tirahan. Halimbawa, kapag isang tagalabas ang pumasok sa araw, patutunungin ng madreng nanunungkulan ang isang maliit na kampanilya na nagbababala sa ibang mga madre na huwag umalis sa kanilang mga selda.

Kung Biyernes, at gayundin kung Miyerkules sa panahon ng Kuwaresma, isang sesyon ng disiplina-sa-sarili ang kasabay ng pagbasa ng Awit 51. Lahat ng madre ay magtitipon sa isang madilim na silid at bawat isa ay hinihiling na hampasin ang kaniyang sarili ng isang panghampas na may tatlong pilas na katad. Nang panahong iyon, inaakala ko na ang gayong pagdurusa ay kinakailangan upang paluguran ang Diyos. Kung minsan hindi ako iinom sa loob ng isang araw, na hindi madali sa isang bansa na kasing-init na gaya ng Ehipto, o magsusuot ako ng sintoron na isang pulgada ang lapad na punô ng maliliit na pakong metal.

Kasabay nito, marami akong mga alinlangan tungkol sa pangunahing mga turong Katoliko, gaya ng transubstansasyon at pagbabautismo ng mga sanggol. Isa pa, hindi ko matanggap si Maria bilang Mediatrix. Hindi ko nabasa ang anumang gayong turo sa aking pagbabasa ng Bibliya. Isang araw isang kapuwa madre ang nagsabi: “Kung bibigkasin mo ang 25 mga rosaryo, ipagkakaloob sa iyo ng Birhen ang anumang hilingin mo.” Ipinasiya kong subukan, at nagtakda ako ng pagbigkas ng aking 25 mga rosaryo (halos 1,300 mga panalangin). Subalit ang pagsisikap na ito ay nag-iwan din sa akin ng gayunding hungkag na damdamin gaya ng dati. Pinatunayan nito ang nabasa ko sa mga Ebanghelyo tungkol kay Jesus na nagtuturo sa kaniyang mga alagad na hilingin sa Ama ang lahat ng bagay ‘sa kaniyang pangalan’ upang ang kanilang mga pagsumamo ay ipagkaloob.​—Juan 16:24.

Nakompleto ko ang aking tatlong taóng nobisyada o pagsasanay, at ngayon dumating na ang panahon upang kunin ko ang aking habang-buhay na mga panata. Ayaw kong mapatali, subalit ano ang mangyayari sa akin, napakalayo ko sa Pransiya, kung aalis ako ng kombento? Sa wakas ay pinirmahan ko ang aking kontrata at nagtungo sa kapilya kung saan ako ay nangakong mamumuhay sa kahirapan, kalinisang-puri, at pagsunod sa buong buhay ko. Ngunit sa kaibuturan ko, ako ay nangatuwiran na maaari kong ayusin ang mga bagay-bagay sa Diyos kailanma’t ibigin ko na kumalas sa aking mga panata. May nakikilala akong ilang mga madre na binigyan ng dispensasyon ng papa.

Sa Palestina at Beirut

Noong 1940 ang Digmaang Pandaigdig II ay sumisidhi at binobomba ng mga eroplanong Aleman ang Cairo. Nang panahong iyon ako ay inilipat sa isang kombento sa Haifa, Palestina. Pagkatapos tawirin ang Suez Canal, ako ay sumakay sa isang panggabing tren. Maaga kinaumagahan sumilay ang kahanga-hangang tanawin ng pagsikat ng araw sa isang oasis, isang patikim lamang ng kahanga-hangang tanawing makikita ko sa Palestina. Lubha akong naakit sa lupaing ito kung saan namuhay si Jesus, ang kaniyang mga alagad, at ang marami pang ibang mga lingkod ng Diyos na binabanggit sa Bibliya.

Ang kombento sa Haifa ay hiniling ng hukbong Britano para gawing punung-tanggapan ng kanilang pangkat. Kaya, ako ay ipinadala sa Isfiya, isang maliit na nayon mga 15 milya (25 km) mula sa Haifa, sa itaas ng bundok Carmel. Doon ako ay napahiwalay sa loob ng isang buwan, gumagawa ng halaya o jam sa kusina.

Pagkatapos ako ay inilipat sa Beirut, Lebanon, na dalawang oras lamang ang biyahe mula sa Haifa. Ang Palestina ay sa ilalim ng kautusang Britano at ang Lebanon naman ay nasa ilalim ng Pranses, ginagawang madali ang pagtawid sa mga hangganan. Nang sumunod na mga taon, madalas akong magbakasyon sa Isfiya, subalit isang taon ako’y nagkasakit, at sa halip na bumalik sa Beirut, nanatili ako sa Palestina.

Samantalang nasa Isfiya, sa Bundok Carmel, nasisiyahan akong ipasyal ang mga bata sa mga burol sa itaas ng kombento na kasama si Caesar, ang asno, na naibigan nilang sakyan nang hali-halili. Bumabagtas sa kagubatan ng mga punong pino at mga taniman ng mga olibo, kami sa wakas ay nakarating sa mataas na talampas kung saan, ayon sa tradisyon, hinamon ni Elias ang huwad na mga propeta ni Baal. Sa ibaba ay nakikita namin ang libis ng Kishon, kung saan lahat niyaong mga propeta ni Baal ay pinatay. (1 Hari, kabanata 18) Natutuhan ko ang tungkol kay Elias nang binabasa ko ang kasaysayan sa “Matandang Tipan” at lalo nang hinangaan ang kaniyang tibay-loob at sigasig sa paglilingkod sa Diyos. Kaya, bilang isang madre kinuha ko ang pangalang Elisa Mary bilang tanda ng aking debosyon sa kaniya.

Mga Pagsisikap Upang Umalis

Sa paglipas ng mga taon ang aking determinasyon na umalis sa relihiyosong komunidad ay sumidhi. Noong 1953, nang ako ay pabalikin sa Lyons, Pransiya, ako ay sumulat sa lokal na kardinal. Subalit bago pa man makipagkita sa akin ang kinatawan ng kardinal, ipinadala ako ng madre superyora, na nakakabatid ng aking mga planong umalis, sa Saint-Martin-Belleroche, mga 60 milya (100 km) ang layo. Sumulat ako ng maraming liham sa kardinal na hinihiling ang dispensasyon​—subalit walang nangyari.

Noong 1958 ako ay pinabalik sa Lebanon. Pagkaraan ng ilang buwan ako ay nakabalik sa kombento sa Haifa, ang aking paboritong lunsod. Dahilan sa kaalaman ko ng Hebreo, ako ay pinili upang mamili ng mga pangangailangan, at sinunggaban ko ang pagkakataon na maghulog ng isang liham sa lokal na obispo. Mula noon ang mga bagay ay mabilis na kumilos.

Pagkaraan ng dalawang araw ang obispo, na natanggap ang aking liham, ay dumating at ipinakipag-usap ang mga bagay-bagay sa akin. Sinabi ko sa kaniya na nais kong umalis, sapagkat hindi mabuti ang aking kalusugan. Kaya’t kinakailangan ko ang medikal na paggamot, at ang buhay sa kombento ay napakahirap para sa akin. Napakamaunawain niya, at pagkaraan ng isang oras na pag-uusap, sinabi niya: “Maaari kang umalis mamayang gabi kung nais mo.” Nakipagtalastasan ako sa kaniya, at ito’y isang malaking tulong sa dakong huli.

Pagkaraan ng ilang araw ipinagbigay-alam sa akin ng obispo na ang superyor heneral sa Pransiya ay nagpadala ng sulat sa akin, subalit hindi ko natanggap ito. Kaya ako’y nakipagkita sa madre superyora ng kombento: “Inaakala ko na may sulat para sa akin,” sabi ko. Binubuksan ang kahon ng kaniyang mesa, kinuha niya ang isang sobre at ibinigay sa akin. Ang liham na ito ay nagsasabi na ako ay pinalalaya mula sa aking mga panata.

Noong panahon ng retiro (isang panahon kung saan walang sinuman ang pinahihintulutang magsalita), sinamantala ko ang pagkakataon upang mag-impake at umalis. Kaya, noong isang umaga ng Agosto ng 1960, nasumpungan ko ang aking sarili sa labas ng isang malaking daigdig taglay ang aking maleta at ilang perang Israeli upang makaraos na pansamantala. Nagtungo ako sa tirahan ng isang tao na nakilala ko, at pinatuloy niya ako ng mga ilang araw.

Isang Bagong Buhay

Binalak kong magbalik sa Beirut, kung saan inaakala kong mas madaling makasumpong ng trabaho. Subalit kinakailangan ko ang isang bisa para rito. Waring imposibleng makakuha ng bisa mula sa iba’t ibang konsulada sa Haifa at Jerusalem. Ang isang opisyal ay nagsabi pa nga: “Ang superyor sa inyong kombento ay humiling sa amin na huwag tulungan ang sinumang madre na patungo sa mga bansang Arabe.” Sinabi sa akin ng aking kaibigan sa Haifa na mas madaling magbiyahe sa Beirut mula sa Cyprus.

Kaya noong 1960 ako ay sakay ng barkong Turko mula sa Haifa tungo sa Cyprus. Sinusunod ang payo ng obispo, suot ko pa rin ang aking abito ng madre, pangunahin nang dahilan sa mga litrato sa aking pasaporte. Nakakuha na ako ng bisa para sa Cyprus mula sa Britanong mga awtoridad, sa tulong ng liham mula sa obispo na pinakipagtalastasan ko. Pagkatapos ako ay nagtungo sa Beirut.

Sa pagnanais kong unti-unting makabagay sa buhay sa labas, nagtrabaho ako sa mga kusina ng kombentong Dominicano sa isang hindi relihiyosong tungkulin. Nanatili ako roon sa loob ng dalawang taon. Isang araw inanyayahan akong bumalik sa orden ng isang Carmelite na superyor, nagsasabi: “Kalimutan na lang natin ang iyong pag-alis, at mapapanatili mo ang iyong posisyon sa gitna ng matagal nang mga madre.” Pagkatapos magkaroon ng isang libo’t isang problema sa paglabas, tiyak na hinding-hindi ako babalik!

Pagkatapos ako ay nagtrabahong sumandali bilang governess sa mayamang mga pamilya, at kapag ako’y nakikipagtipon sa iba pang mga governess, itinatanong ko sa kanila kung mayroon silang nakikilalang sinuman na nag-aaral ng Bibliya. “Subalit hindi pare!” giit ko.

Ginanti ang Aking Paghahanap

Isang araw, noong Pebrero 1964, ang aking buong buhay na mga panalangin ay sinagot. Sa tulong ng isang nars na Pranses na nakatagpo ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan at nang dakong huli ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi sa Beirut, ako man ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Pagkaraan ng apat na gabing diskusyon, batid ko na nasumpungan ko ang katotohanan na malaon ko nang hinahanap.

Hindi lamang pinag-aaralan ng mga Saksi ang Bibliya kundi isinasagawa nila ang kanilang natututuhan at ipinangangaral ito sa iba. Wari bang isang pagkalaki-laking hadlang ang gumuho. Halos maiyak ako sa tuwa. Ang kaunting nabasa ko ay sapat na upang kumumbinse sa akin na ang Trinidad, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at iba pang gayong mga doktrina ay hindi kasuwato ng Bibliya.

Gayumpaman, isang bagay ang nagpalamig sa aking kasiglahan: ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Nasabi ko sa aking sarili: ‘Problema iyan sa mga bansang Arabe; iisipin nilang kami’y mga Judio!’ Gayunman hindi ito nagpahinto sa akin sa pag-aaral, at noong Oktubre ng 1964 ako ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.

Mahigit na 20 mga taon na ang nakalipas mula nang masumpungan ko ang katotohanan na ‘nagpalaya sa akin.’ (Juan 8:32) Oo, ang kawalang-kabuluhan ng mga gawain na gaya ng pagpipinitensiya o pagpapasakit-sa-sarili, gaya ng masusumpungan sa maraming mga kombento ay maliwanag na sa akin ngayon. Anong pagkatotoo ng mga salita ni apostol Pablo: “Ang mga bagay na iyon ay, oo, may anyo ng karunungan sa isang ipinataw-sa-sariling kaanyuan ng pagsamba at kunwa-kunwaring pagpapakumbaba, na pagmamalupit sa katawan; ngunit walang anumang halaga sa pagbaka sa ikasisiya ng laman.”​—Colosas 2:23.

Anong laking kagalakan ang taglay ko sa pagbahagi sa iba ng kaalaman at paghahayag ng kahanga-hangang pag-asang nilalaman sa Salita ng Diyos, sa halip na magkulong mula sa daigdig! Sa pagiging madre sa loob ng 30 mga taon, nakakausap ko ang mga Katoliko taglay ang ganap na pagkaunawa sa kanilang mga problema. Sa loob ng mga ilang taon na ngayon, ako’y naglilingkod bilang isang payunir (buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova), sa gayon ay isinasagawa ang misyon na ipinagkatiwala sa atin ni Jesus na ipangaral ang “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14)​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 18]

Kombento sa Gignac