Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapalaran—Hinuhubog Ba Nito ang Iyong Kinabukasan?

Kapalaran—Hinuhubog Ba Nito ang Iyong Kinabukasan?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kapalaran​—Hinuhubog Ba Nito ang Iyong Kinabukasan?

ISANG kamay ang marahang pinapalis ang dumi sa mukha ng isang bata, isang magiliw na kilos na karaniwan sa maraming mga magulang. Kaya lamang ang kalagayang ito ay kalagim-lagim na kakaiba. Ang bata, na ililibing na, ay isa sa mahigit na 2,000 na namatay sa isang malaking sakuna na yumanig sa buong India tungo sa pagdadalamhati habang ang iba sa daigdig ay sinakmal ng malaking takot. Ang tanawin ay resulta ng isang ulap ng dumadaloy, nakalalasong puting gas na nag-iwan ng pinsala at kamatayan habang ito ay namalagi sa lunsod na Bhopal.

Minasdan ng ilang taga-India ang sakunang ito at nagsabi, “Kapalaran!” Nasabi ng iba sa kanilang sarili, ‘Naitadhana na ito,’ o, ‘Naisulat na ito.’ Subalit hindi isinisisi ng lahat ng taga-India ang sakuna sa Bhopal sa bulag na kapalaran.

Ano ang pinaniniwalaan mo? Ang kapalaran ba ang may pananagutan? Hinuhubog ba ng kapalaran ang ating kinabukasan?

Apektado ba ng Kapalaran ang Iyong Buhay?

Ang nauugnay na doktrina ng kapalaran na fatalismo ay nagtuturo na “ang mga pangyayari ay naitakda nang patiuna sa lahat ng panahon sa isang paraan na ang mga tao ay walang kapangyarihan na baguhin ang mga ito.” Itinakda nino? “Ng isang di-personal na sobrenatural na puwersa,” sasagutin ng ibang fatalista. Ang iba ay naniniwala na itinatakda ng isang diyos ang buong huwaran sa buhay ng isang tao, pati na ang panahon at paraan ng kamatayan, at walang magagawa upang baguhin ito.

Gayunman, inihaharap ng Bibliya ang kakaibang pangmalas. Sinasabi nito na ang ilang mga pangyayari at ang kapalaran ng mabuti at masama ay naitalaga na, subalit ang mga destino o kapalaran ng indibiduwal ay hindi nakatakda. Ang Dictionary of the Bible, na nagkukomento tungkol sa salitang “kapalaran” gaya ng paggamit sa isang salin, ay nagsasabi: “Ipinakikita ng isang pagsusuri sa konteksto na wala saanman inihaharap ang bulag na fatalismo. Kung minsan ito’y pagtukoy sa karaniwang kalagayan ng mga tao, at kung minsan sa tadhana o wakas na dala ng mga tao sa kanilang sarili o sa pamayanan.”​—Tingnan ang Bilang 16:29 sa Revised Standard Version bilang isang halimbawa.

Pansinin kung papaano inaayunan ng Bibliya ang pangunahing makatuwirang tuntunin ng sanhi at epekto, gaya ng sabi nito: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Ang talatang ito ay isang nangungusap na katotohanan. Hindi ito nangangailangan ng patotoo, walang “pagdadahilan.” Samakatuwid, yamang inaani natin kung ano ang ating inihahasik, hindi ba maliwanag na tayo ang may pananagutan sa mga bunga ng maraming bagay na nangyayari sa atin? Ang bulag na kapalaran ay hindi siyang nagpapasiya.

Kalayaan ng Pagpili

Tayo ay may kalayaan ng pagpili. Na ang isang pagpili ay umiiral ay makikita sa sumusunod na kasulatan: “Aking inilagay sa harap mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi, na iyong ibigin si Jehova mong Diyos, na sundin ang kaniyang tinig at lumakip sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kalaunan ng iyong mga araw.” (Deuteronomio 30:19, 20) Bakit tayo hihimukin ng Diyos na Jehova na piliin ang buhay kung walang umiiral na pagpili?

Kung tayo ay makalamang mga robot lamang na ang mga pagkilos ay itinakda ng isang makalangit na tagaprograma, anong halaga mayroon sa payo ni Jesus na “puspusang magsumikap kayong pumasok sa pintuang makipot” na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan? O ano ang halaga ng kaniyang sinabi na: “Ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas”? Tiyak na wala! Ang espirituwal na tamad na tao ay walang dahilan upang puspusang magsumikap na paglingkuran ang Diyos o magtiis sa panghahawakan sa mga tuntunin ng Bibliya.​—Lucas 13:24; Mateo 24:13.

Kung ang tagasunod ni Jesus na si Pablo ay naniniwala na ang kaniyang pangwakas na destino ay matatag na naitakda na, kung gayon ang mga salita niyang ito ay walang kabuluhan: “Hindi sa ako’y sakdal na: Hindi pa ako nagtagumpay, ngunit nagpapatuloy ako, sinisikap kong maabot ang gantimpala na ipinaaabot naman sa akin ni Kristo Jesus. Natitiyak ko sa inyo mga kapatid ko, hindi ko ipinalalagay na nagtagumpay na ako. Ang masasabi ko ay na nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na makamtan ang nasa hinaharap; magpapatuloy ako tungo sa hangganan, sa gantimpala ng makalangit na pagtawag sa atin ng Diyos.”​—Filipos 3:12-14, The Jerusalem Bible.

Makatuwiran ba sa isang Kristiyano na ‘magsumikap’ at ‘magpatuloy hanggang sa hangganan’ kung naitakda na ng kapalaran kung sino ang magwawagi bago pa man magsimula ang takbuhan? Oo, bakit pa nga kailangang sumali sa takbuhan? Ang paniniwalang ‘que sera, sera’ ay hindi kasuwato ng pangmalas ng Bibliya.

Samakatuwid, hindi tayo basta mga bulag na tagasunod sa kamay ng isang nakatataas na kapangyarihan na namamahala sa bawat kilos natin. Ang ating destino o tadhana ay hindi natatakan o naipasiya na bago pa ang ating kapanganakan.

Kung Bakit Nangyayari ang Masama sa mga Mabuti

Kung ang kapalaran ay hindi humuhubog sa ating mga buhay, bakit kung gayon waring ang masasamang bagay ay nangyayari sa mabubuting tao? “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay nakakaapekto na lahat sa atin ang sagot ng Bibliya. (Eclesiastes 9:11) Ang mga tao ay maaaring maging walang malay na mga biktima ng pagkakataon. Sila ay maaaring nasa maling dako sa maling panahon.

Ang isa pang sagot na masusumpungan sa Bibliya ay na ang sangkatauhan ay nagmana ng kasalanan, at sa gayo’y di-kasakdalan. “Kung papaanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Samakatuwid, hindi lamang ang mga kilos ng mga tao ang napapailalim sa pagkakamali at depekto kundi gayundin ang mga bagay na kanilang itinatayo o ginagawa. Mga pag-iingat na pangkaligtasan na iniiwasan, mga babala na hindi sinusunod, mabuting mga intensiyon na nadadaig ng kasakiman, at ang katulad nito, ay maaaring iparatang sa di-sakdal na kalikasan ng tao.

Samakatuwid, hindi hinuhubog ng kapalaran ang ating hinaharap; tayo ay malayang pumili ng ating sariling destino. Ang makatang Britano na si William Ernest Henley ay nagpahayag ng katulad na paniniwala nang kaniyang sabihin: “I am the master of my fate; I am the captain of my soul.” (Ako ang panginoon ng aking tadhana; ako ang kapitan ng aking kaluluwa.) Gayunman mahigit na 3,000 taon mas maaga kay Henley isang manunulat ng Bibliya ang sumulat nito nang may kawastuhan. Batid niya na ang mabuti o ang masamang kinabukasan ay nasa kaniya mismong kamay. Depende ito kung kaniyang pipiliing sundin ang Diyos o hindi. Siya ay sumulat: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran . . . Ngunit sa ganang akin at ng aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.”​—Josue 24:15.

[Blurb sa pahina 16]

Tadhana ba ang sanhi ng malaking sakuna ng Bhopal?

[Blurb sa pahina 17]

Marami ang naniniwala na ang buong buhay ng isa ay naitakda na at wala nang magagawa upang baguhin ito

[Blurb sa pahina 17]

Sinasabi ng Bibliya na ang ilang pangyayari ay itinakda na, subalit ang mga destino ng mga indibiduwal ay hindi itinakda