Mga Aksidente—Ang Sanhi at Pag-iwas
Mga Aksidente—Ang Sanhi at Pag-iwas
Tanong: Aling salot ang nagdudulot ng katakut-takot na pagdurusa at di-mabilang na pagkainutil, isang pangunahing sanhi ng kamatayan sa lahat ng edad, nangangailangan ng malaking halaga sa lipunan, masusumpungan sa lahat ng bansa, gayunman ay bihirang makita sa mga kurikulum ng paaralang pangmedisina o mga proyekto ng pananaliksik?
Sagot: Mga aksidente a
ANG tanong sa itaas ay tumuturo sa makabagong panahong salot—mga aksidente. Sa katunayan, sa industrialisadong mga bansa, ang mga aksidente ay nangunguna bilang sanhi ng kamatayan sa mga babae na wala pang 34 taóng gulang at sa mga lalaki na wala pang 44 anyos. Subalit sa pagiging palaisip-sa-kaligtasan, makikilala mo ang karamihan ng sanhi ng mga aksidente at samakatuwid ay bawasan ang mga panganib sa buhay at sa paa o braso. Paano magagawa ito? Suriin natin ang tatlong dako kung saan maaari tayong maging higit na palaisip sa kaligtasan.
Mga Pagkahulog
Sa ating panahon ng kagila-gilalas at eksótikóng mga bagay, ang simple at ordinaryong mga bagay pa rin ang pangunahing sanhi ng sakuna at kamatayan. Sa maraming bansa, ang pagkahulog ang numero unong mamamatay-tao sa tahanan. Halimbawa, sa Estados Unidos, kasunod ng mga aksidente sa kotse, ang mga pagkahulog ang nangungunang dahilan ng mga pagkabali at pagkabasag ng mukha at nagbubunga ng halos 14 milyong mga sakuna at 15,000 mga kamatayan sa isang taon. At sa New Zealand, ang pagkahulog ay nakapinsala sa 28,000 katao (halos 1 porsiyento ng populasyon) taun-taon at nagtatala ng 12-milyon-dolyar na kuwenta na pagbabayaran ng mga kompaniya ng seguro.
Sino ang malamang na masaktan o mamatay dahilan sa pagkahulog? Ang mga bata at ang mga matatanda. Ang mga dako ng panganib kung saan nagaganap ang karamihan ng mga pagkahulog ay: sa mga hagdan, yelo, alpombra, at mga banyera. Ang karamihan ng mga pagkahulog ay hindi mula sa napakatataas na lugar, gaya ng paminsan-minsan ay napapabalita, kundi sa sahig mismo o sa lupa na kinatatayuan ng isa. Ang mabuting pangangalaga sa bahay ang susi upang maiwasan ang uring ito ng aksidente. Sa pagpapanatiling malinis at maayos ng bahay o lugar na pinagtatrabahuan, ang pangunahing sanhi ng mga aksidente ay naaalis.
Sunog
Tayo ay nabubuhay, gumagawa, at kung minsan ay nagtitipun-tipon para sa mga pulong sa isang lubhang sunugin at nakakalasong daigdig. Sa kabila ng pagkakaroon ng bakal, ladrilyo, at kongkreto, tayo ay napapaligiran ng madaling sumingaw na mga likido, mga panggatong na gas, at mga kagamitan sa silid na yari sa plastik na, kapag nagningas, ay naglalabas ng nakamamatay na mga gas.
Sa tahanan, ang karamihan ng mga sunog ay dala ng tatlong bagay—mga lalaki, mga babae, at mga bata. Ang isang sunog sa tahanan ay nagsisimula tuwing 45 segundo sa Estados Unidos. Sa Hapon nagkakasunog sa bawat pitong minuto, at isang bahay ang nasusunog tuwing siyam na minuto. Gayunman, ang karamihan ng mga sunog na iyon ay maaari sanang nahadlangan.
Mga magulang, iniiwan ba ninyo ang inyong
mga anak sa bahay nang walang nangangasiwang matanda? Bago mo pa man mapalagutok ang iyong mga daliri, maaaring mangyari ang isang aksidente na kinasasangkutan ng iyong anak. Ang pagluluto ng pagkain sa isang di binabantayang kalan ang naging sanhi ng maraming sunog. Mga banlî o pasò ang ikalawang pangunahing sanhi ng mga kamatayan ng mga bata dahil sa pagkasunog. Gayundin, ang tumataas na halaga ng gatong na petrolyo na nagsimula mga sampung taon na ang nakalipas ay nagpakilala ng mga kalan na ginagatungan ng kahoy sa isang salinlahi na hindi pamilyar sa pambihirang mga katangian at mga pangangailangan sa pagpapanatili nito. Ang resulta—daan-daang kamatayan at pinsala dahil sa apoy.Ang pinakanakamamatay na sanhi ng mga sunog sa tahanan ay ang paninigarilyo. Ang pagtulog na may nakasinding sigarilyo ay nagbubunga ng libu-libong kamatayan sa pamamagitan ng sunog taun-taon. Hindi lamang ang naninigarilyo ang biktima kundi inaabot din ng malas ang pamilya at ang mga kapitbahay. Kapag pinagliyab ng isang sigarilyo ang muwebles, ang apoy ay mabilis na kumakalat sa loob ng bahay at lumilipat sa kalapit na mga gusali.
Halimbawa nang sa pagkakataong ito ang bahay o gusali na kinaroroonan mo ay biglang nagliyab. Masusumpungan mo ba ang takasán sa sunog o fire exit? Hindi ipinamamalita ng mga aksidenteng sunog ang kanilang pagdating. Humanda sa hindi inaasahan. Kapag pumapasok sa isang gusali o silid, hanapin ang mga labasan sa sunog; ilarawan sa isipan ang mga rutang takasán. Sa tahanan, bilang isang pamilya, iplano at regular na isagawa ang di-kukulangin sa dalawang mga daang-takasán at magkaroon ng isang itinakdang dakong tagpuan sa labas ng bahay. Hahadlangan nito ang pagkataranta at mag-iingat ito sa iyo sa paggawa ng nakamamatay na pagkakamali.
“Kung ikaw o ang iyong pananamit ay masunog, tandaan ang tatlong salita—HUMINTO. TUMUMBA. GUMULONG.” Iyan ang payo ni Chuck Fierson, bombero at instruktor, gaya ng iniulat sa The Express ng Easton, Pennsylvania, E.U.A. Ang iyong tunguhin ay sugpuin ang apoy.
○ HUMINTO: Huwag tumakbo. Ang pagtakbo ay nagpaparami ng oksiheno na gumagatong sa apoy. Mentras mas marami ang oksiheno, mas matindi ang apoy.
○ TUMUMBA: Karakarakang tumumba sa lupa. Humiga. Huwag manatiling nakatayo.
○ GUMULONG: Gumulung-gulong. Takpan ang iyong mukha ng iyong mga kamay. Tutulong ito upang masugpo ang apoy, maiwasan ang pagpangit ng mukha, at mahadlangan ang pagkasunog ng iyong mga bagà ng mainit na mga gas.
Paglalakbay
Hindi kalabisang ilarawan bilang isang modernong salot ang mga kamatayan at pinsalang nagaganap samantalang naglalakbay. Walang bakuna laban sa mga kamatayan sa daan. Ang isang aksidente sa trapiko ay maaaring mangyari sa isang saglit, subalit ang mga
epekto nito ay maaaring tumagal habang-buhay, inaapektuhan ang buhay ng marami.Taun-taon, sa buong daigdig, 225,000 mga tao ang namamatay sa daan, at di-mabilang na angaw-angaw ang napipinsala, iniiwan ang sampu-sampung libo na lumpo o napinsala. Ang emosyonal at pinansiyal na halaga ng mga aksidenteng ito ay hindi matantiya. Sa isang bansa lamang, sa Nigeria, “ipinakikita ng mga estadistika ng pamahalaan na ang mga namatay sa aksidente sa kotse ay tumaas mula 29,000 noong 1979 tungo sa 32,000 noong 1980 at 34,000 noong 1981,” sabi ng magasing World Health.
Kapuwa ang mga napakabata at mga tin-edyer ay malamang na maaksidente sa kotse subalit sa lubhang magkaibang mga dahilan. Ang mga tin-edyer at ang mga kabataan ay kadalasang nagiging biktima ng kanila mismong kahangalan. Ang mga kabataan ay kadalasan nang biktima ng kapabayaan ng iba. Halimbawa, sa Estados Unidos “ang mga aksidente sa kotse ay pumapatay at pumipinsala ng higit na mga bata, 0-4 na taong gulang, kaysa noong pinakamalubhang taon ng epidemya ng polio,” ulat ng Human Factors Society Safety Technical Group Newsletter. At ganito ang binabanggit ng World Health tungkol sa mga kabataan sa Nigeria: “Ang mga kabataan na nag-aaral sa high school at kolehiyo ay malamang na mamatay sa daan kaysa mamatay dahilan sa nakahahawang mga sakit.”
Ang isang simple subalit kadalasang nakakaligtaang lunas sa mga pinsala sa daan ay ang regular na paggamit ng seat belt. Nasumpungan ng Kagawaran ng Transportasyon sa London na anim na buwan pagkatapos ipatupad ang kanilang batas hinggil sa paggamit ng seat belt, ang bilang ng mga namatay sa ospital ay bumaba ng ikalimang antas. Sa mga bata na wala pang apat na taóng gulang, ang wastong paggamit ng mga auto restraint seat ay literal na nagliligtas-buhay. Ang mga upuan sa kotse para sa mga bata ay kabilang sa pinakamabisang tagapaglitas-buhay na mga hakbang na magagawa, sang-ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa The Journal of the American Medical Association.
Pansinin ang nakapangingilabot na bagay: Kung ang isang kotse na naglalakbay ng 30 milya isang oras (48 km/hr) ay mabunggo, ang isang sampung-libra (4.5-kg) na sanggol sa
loob ng kotse ay hahampas sa dashboard sa katulad din na lakas na madarama ng isang sanggol na bumabagsak sa lupa pagkatapos mahulog mula sa tatlong-palapag na gusali. Samakatuwid, gamitin ang seat belt! Gawin mo itong ugali at ugali rin ng iyong pamilya!Ang di-pagkaalam, kawalang-ingat, kaimbutan, at kawalang-pasensiya ang ugat na mga sanhi ng karamihan sa mga aksidente sa trapiko. Kapag nagmamaneho, napansin mo ba ang mga katangiang ito sa iyong sarili? Napansin ba ito ng iba? Halimbawa, ano ang iyong reaksiyon kapag isang drayber ang sumingit sa iyo? Iwasan ang mapanganib na mga damdamin sa paglilinang ng mabuting saloobin, isa na malaya mula sa hinanakit, kabiguan, at galit. Sa maikli, supilin ang damdamin. Sundin ang matalinong payo na ito: “Kung ikaw ay marunong, pipigilin mo ang iyong galit. Kapag ginawan ka ng di-mabuti, isang kagalingan na waling-bahala ito.”—Kawikaan 19:11, Today’s English Version.
Ang isa pang paraan upang magkaroon ng higit na kaligtasan sa daan ay ang pagkatuto ng higit tungkol sa trapiko, lagay ng panahon, at sa iyong kotse. Higit na mahalaga, alamin ang iyong mga kakayahan gayundin ang iyong mga limitasyon. Ang resulta: mabuting pagpapasiya, na siyang produkto ng isang tamang saloobin at tumpak na kaalaman.
Ano pa ang gumagawa ng isang mabuting tsuper? Nasumpungan ng mga mananaliksik na ang maingat na mga tsuper ay nagtataglay ng isang katangian: “Buhos ang kanilang isip sa pagmamaneho at waring mayroon silang kakayahan na ilagay sa ayos ang kanilang sasakyan sa trapiko at inaalam antimano, laging inaalam antimano kung ano ang maaaring mangyari sa unahan.” Karagdagan pa, “sila ay magalang sa mga tumatawid at sa ibang mga tsuper.” Hindi ba aasahan mong makita ito lalo na sa isang tunay na Kristiyano, yamang naniniwala siya sa ginintuang tuntunin na ‘paggawa ng ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao’?—Mateo 7:12.
Samakatuwid, magkaroon ng mabuting pag-uugali at magmaneho nang depensibo, para bang ang iyong buhay at ang sa iba ay nakasalalay rito.
Ang paglalakbay ay ginagawa rin sa mga sasakyang pampubliko. Narito ang ilang mga mungkahing pangkaligtasan kapag naglalakbay sakay ng bus o trolley:
○ Maging alisto sa madulas na mga hagdan o
bangketa kapag pumapasok o lumalabas ng sasakyan. Masdan ang trapiko.○ Ihanda ang pamasahe. Ang paghahanap ng barya kapag nasa sasakyan ay maaaring maging sanhi ng kawalan ng timbang.
○ Hawakan ng isang kamay ang baranda. Suhayan ang iyong sarili kapag ang sasakyan ay humihinto o lumiliko.
○ Huwag sumibad sa kalye mula sa likuran o mula sa harapan ng isang sasakyan.
○ Sa gabi, magsuot ng mapusyaw-kulay na pananamit o magdala ng plaslait kapag naglalakad.
Nasa bahay man, sa trabaho, o sa bakasyon, ang ating buhay ay nanganganib araw-araw. Hindi posibleng alisin ang lahat ng mga panganib, subalit maaari nating alisin ang karamihan ng mga sanhi nito kung tayo ay palaisip sa kaligtasan. Ang U.S. surgeon general ay nagsasabi: “Marahil mga kalahati ng kamatayan sa E.U. . . . ay dahilan sa hindi malusog na paggawi o istilo sa buhay.” Sa ibang pananalita, upang mamuhay na ligtas higit pa ang kinakailangan natin kaysa pagkakaroon lamang ng impormasyon. Kailangan nating linangin at panatilihin ang isang responsable, alisto, at nababahalang huwaran ng pamumuhay. Ang kaligtasan ba ay naging paraan ng pamumuhay para sa iyo?
[Talababa]
a Sinipi mula sa World Health, ang opisyal na magasin ng World Health Organization.
[Kahon sa pahina 5]
Tagubiling Pangkaligtasan—Mga Pagkahulog
• May ilaw ba ang mga hagdanan?
• Ang mga hagdanan ba ay may matatag na mga gabay?
• Nakadikit ba ang lahat ng maliliit na alpombra o mayroon ba itong mga sapin sa likod na hindi dumudulas, pati na yaong mga nasa hagdan?
• Maayos ba ang lahat ng mga hagdan at pasilyo sa labas ng bahay?
• Ang mga silid-tulugan ba ay may mga ilawan na malapit sa kama, o mayroon ba itong mga panggabing-ilaw?
• Ang mga muwebles ba ay nakaayos at hindi nakahalang?
• Ang mga banyo ba ay may mga kabilyang hawakan malapit sa banyera o sa dutsa at hindi dumudulas na mga sapin sa banyera?
• Ang mga kabilya ba ng shower curtain, tuwalya, at lalagyan ng sabon ay nakadikit na matatag sa dingding ng banyo?
• Ang mga natapong tubig (o grasa) ay agad bang pinupunasan sa mga sahig sa banyo at kusina?
• Ang mga pintuan at mga kahon ba ng kabinet ay nakasara kapag hindi ginagamit?
• Agad bang dinadampot at itinatabi ng mga bata ang mga laruan pagkatapos maglaro?
• Ang matatag na hagdan o mataas na bangkito ba ang ginagamit sa halip na mabuway na silya upang abutin ang mataas na mga dako?
[Kahon sa pahina 6, 7]
Tagubiling Pangkaligtasan—Mga Sunog
• Ang mga smoke o heat detector ba ay wastong nakalagay (hindi kukulangin sa isa sa bawat palapag) at pinananatili?
• Ang lahat ba sa pamilya, lalo na ang mga bata, ang matatanda, at ang mga may kapansanan, ay may panlaban-apoy na mga pantulog?
• Ang mga posporo at madaling magliyab na mga likido ba ay malayo sa abot ng mga bata?
• Ang mga tatangnan ba ng kaldero ay malayo sa gilid ng kalan subalit hindi naman sa tapat ng mitsero?
• Mayroon bang sapat na pamatay-apoy sa kusina?
• Ang mga pinto ba sa kuwarto ay nakasara kapag ikaw ay natutulog, upang maantala ang apoy at usok sa pagpasok?
• Ang lahat ba ng mga aplayanses ay nakatanggal sa saksakan kapag hindi ginagamit, at kapag ginagamit, mayroon bang sapat na espasyo ng hangin sa paligid nito upang maiwasan ang pagningas ng kalapit na mga materyales?
• Ang lahat ba ng madaling magliyab na mga basahan ay nakatago sa mga lata na mahigpit ang pagkakasara?
• Ang mga kordon ba ng koryente ay wala sa ilalim ng mga alpombra o sa ibabaw ng mga radyetor? Ang nahimulmol bang mga kordon ay inaayos o pinapalitan?
• Ang lahat ba ng mga muwebles, gayundin ang mga kurtina ay di-kukulanging tatlong piye (1 m) mula sa apuyan o kalan?
• Ang plantsahan ba ay natatakpan ng hindi nagliliyab na materyales?
• Ang madaling magliyab na mga materyales ba ay malayo sa mga bombilya ng ilaw sa atik o sa aparador?
• Ang silong ba o ang atik ay hindi ginagawang tambakan ng mga lumang diyaryo at madaling magliyab na mga bagay-bagay?
• Ang mga tsimenea ba at mga alulod ng tsimenea ay nililinis at iniinspeksiyon minsan sa isang taon?
Giya ng Naglalakbay Upang Maligtasan ang Isang Sunog sa Otel
• Tumuloy sa mga otel na may mga smoke detector, mga alarma, at mga sprinklers.
• Kapag nagpapatala, tanungin ang tungkol sa mga pamamaraan sa paglikas, at mga hudyat ng alarma.
• Isaplano ang pagtakas. Bilangin ang mga pintuan sa pagitan ng iyong silid at ng pinakamalapit na labasan. Tingnan ang hagdan papalabas, at tingnan kung bumubukas ang pinto sa bubong.
• Alamin ang iyong sariling silid. Tiyaking walang halang sa daan patungo sa pinto at itago ang susi sa kama. (Kakailanganin mo ang susi kung ikaw ay mapipilitang bumalik sa silid.)
• Punuin ng tubig ang timba.
• Kung magising sa gabi, magsiyasat. Kung may maamoy kang usok, gumapang ka. (Ang nakalalasong gas ay walang amoy at pinupuno ang mga dako mula bubong pababa.)
• Hipuin ang pinto. Kung ito ay mainit, huwag buksan. Kung hindi gaanong mainit, marahang buksan.
Kung ang pasilyo ay madaraanan, gumapang sa tabi ng dingding patungo sa labasan.
Kung ang hagdan pababa ay hindi malinaw, magdaan sa bubong. Panatilihing nakabukas ang pinto sa bubong.
Kung ang pagtakas ay hindi posible, magbalik sa silid, isara ang pinto, tawagan ang receptionist o ang kagawaran ng sunog.
Tawagin ang pansin ng mga nasa labas, kumaway o sumigaw.
• Huwag gamitin ang elebeytor.
• Sa silid, punuin ang lababo ng tubig, ilagay ang basang mga tuwalya o sapin ng kama sa mga siwang sa pinto, gamitin ang basang tuwalya bilang panala sa paghinga.
• Kung ang usok ay wala sa silid, panatilihing nakasara ang mga bintana. Kung ang apoy ay nasa labas, alisin ang mga kurtina at ang mga bagay na madaling masunog mula sa bintana.
• Kung mas mataas kaysa ikatlong palapag, huwag tatalon. Panatilihin ang iyong katinuan, ingatang huwag makapasok ang apoy sa silid, hintayin ang pagsagip.
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang mga upuang pangkaligtasan sa awto para sa mga bata ay kabilang sa pinakamabisang nagliligtas-buhay na mga pamamaraang magagawa
Kapag sumasakay sa bus, ihanda ang pasahe at gamitin ang malayang kamay sa paghawak sa baranda