Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Aksidente—“Bakit Ako Pa?”

Mga Aksidente—“Bakit Ako Pa?”

Mga Aksidente​—“Bakit Ako Pa?”

ANG daigdig ay tila isang napakamapanganib na dako. Sa isang nakatatakot na sandali, maaaring mangyari ang isang aksidente sa halos sinuman. Mga aksidente sa tahanan, sa daan, sa mga bulwagan, at sa trabaho ay naging salot ng ika-20 siglo. Gayunman, siyam sa sampung mga aksidente ay maaaring mahadlangan o maiwasan. Papaano? Sa ating pagiging higit na palaisip tungkol sa kaligtasan. Tandaan, ang mga aksidente ay hindi basta nangyayari. Ang mga ito ay karaniwan nang pinangyayari ng mga tao.

Ang mga aksidente ay mga pangyayaring hindi isinaplano na nakasásakít. Pinangyayari ito ng mga tao sa pamamagitan ng isang mapanganib o peligrosong pagkilos o isang mapanganib na gawain, o isang di-inaakalang panganib na maaaring makasakit. Upang mahadlangan o maiwasan ang mga aksidente, kinakailangan ang mabuting pagpapasiya.

Papaano makakamit ang mabuting pagpapasiya? Una, magkaroon ng wastong saloobin na malaya sa galit at emosyonal na pagkabalisa. Mayroon bang sinuman o anumang bagay na nakabalisa sa iyo nitong araw na ito? Kung gayon, mag-ingat​—ikaw ay maaaring maging malapit sa aksidente! Ipinakikita ng saykolohikal na mga pag-aaral na ang maigting na mga kalagayan ay maaaring maging sanhi ng nerbiyos na pinagmumulan ng peligrosong paggawi sa araw ding iyon o kahit na sa sumunod pang araw. Ang ikalawang paraan upang magkaroon ng mabuting pagpapasiya ay pasulungin ang iyong kaalaman tungkol sa iyong mga limitasyon gayundin tungkol sa iyong “daigdig” (tahanan, dako ng trabaho, mga makina, at iba pa).

Kadalasan ipagkikibit-balikat na lamang ng isa ang aksidente sa pagsasabi ng: “Aksidente lamang ito!” Subalit ang mga aksidente ay maaaring puminsala o pumatay. Ang kotseng walang ingat na minamaneho ay tiyak na nakamamatay gaya ng bala mula sa pumutok na baril. Ang lason na di-sinasadyang nainom ay nakamamatay rin na gaya ng sadyang pag-inom niyaon. Ang apoy na mula sa inihagis na sigarilyo ay matinding nakasusunog din na gaya ng pagsunog ng isang arsonista. ‘Hindi ko naisip,’ ay hindi matibay na dahilan at hindi nagbibigay ng kaaliwan sa isa na namatayan ng mahal sa buhay sa isang aksidente.

Sa maraming bansa, ang nakamamatay na aksidente dala ng isang tao na winawalang-bahala ang mga batas sa kaligtasan ay maaaring magbunga ng kriminal na pagsasakdal. Nang ang sinaunang mga Israelita ay nasa ilalim ng Batas ng Diyos na Jehova, ang kaligtasan (safety) ay naging bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mga bahay na may patag na bubong ay kailangang magkaroon ng mga halang, o mababang pader, upang walang sinuman ang mahulog at masaktan. (Deuteronomio 22:8) Ang may-ari ng isang toro ay kailangang maglaan ng mga pananggalang upang ang kaniyang hayop ay hindi manuwag ng tao. (Exodo 21:29) At lumilitaw na ang sistema sa lansangan ng Israel ay kinakailangang maayos at walang anumang mga sagwil.​—Isaias 62:10.

Samakatuwid, ang kaligtasan ay siyang pag-iwas sa aksidente. Ang kaligtasan ay pagsunod sa lahat ng mga tuntuning pangkaligtasan. Ang kaligtasan ay isang personal na bagay.