Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Regalo ng Punungkahoy

Mga Regalo ng Punungkahoy

Mga Regalo ng Punungkahoy

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Morocco

ANONG pagkakatulad mayroon ang daóng ni Noe, klarinet, globo ni Copernicus, at ang magasin na binabasa mo? Silang lahat ay may iisang pinagmulan: punungkahoy. Iilan lamang mga kalagayan sa gawain ng tao kung saan ang mga punungkahoy ay hindi gumanap, o hindi pa gumaganap, ng bahagi. Nakatayo man sa kagubatan o pinutol at inani, ang punungkahoy ay nagbibigay ng maraming regalo sa daigdig ng nabubuhay na mga nilikha, lalo na sa tao.

Ang Buháy na Punungkahoy

Sa kagubatan, ang punungkahoy ay maganda at maringal. Sino ang hindi hahanga sa mahinhing kilos ng pinilakang dahon ng birch, o manggilalas sa kahanga-hangang pagkagagandang mga dahon ng maple kung taglagas sa Hilagang Amerika? Sino ang hindi nasisiyahang lumanghap at punuin ang kaniyang mga bagà ng malinis na hangin sa kagubatan, pagkatapos mamuhay sa bilasâ at maruming lunsod? Ang mga punungkahoy ay naglalaan din ng tirahan para sa maraming ibon, rodents (pamilya ng daga), at iba pang mga hayop sa kagubatan. Alam mo ba na sa pagkagat ng dilim ang isang punungkahoy ay maaaring tuluyan ng mga ilang libong ibon? Dito sa Morocco, ang ilang mga punungkahoy ay may bisita pa ngang mga kambing, na umaakyat sa mga punong argan at buong pananabik na kinakain ang mga dahon nito.

Mula sa buháy na punungkahoy, ang tao ay nakakakuha ng tapón, latex, pulót o arnibal, resina, agwaras, tannin, at mga pantina. Ang goma, insulasyon, mga matamis, sabon, barnis, pintura, pabango, balsamo, kosmetiks, medisina, at mga herbal na tsa pa nga ay iba pang mga regalo ng buháy na punungkahoy sa sangkatauhan.

Ang mga punungkahoy ay gumaganap pa ng isang mahalagang papel. Mula sa atmospera, kinukuha ng mga dahon nito ang carbon dioxide (nakapipinsala sa tao), pinananatili ang carbon, at inilalabas ang sumusustini-buhay na oksiheno. Kaya’t tumutulong sila sa pagpapanatiling sariwa ng hangin para sa mga hayop at mga tao. Hinahadlangan din ng mga punungkahoy ang pagguho ng lupa sa pamamagitan ng pagpapanatili ng tubig sa lupa at paghadlang sa pag-anod nito. Yamang ang mga punungkahoy ay nag-iipon ng maraming tubig, ang mga kagubatan ay hindi gaanong apektado ng mga tagtuyót. Higit pa riyan, ibinabahagi ng mga punungkahoy ang kanilang kahalumigmigan sa mas maselang na mga pananim. Maliliit na taninam ng gulay ay lumalago sa matabang dako na gawa ng malalaking punungkahoy sa semidisyertong mga dakong gaya ng gawing timog ng Algeria.

Ang Inaning Punungkahoy

Pagdating ng araw na ang punungkahoy ay aanihin​—yaon ay, puputulin at ang kahoy nito ay gagamitin​—ito ay maaaring gamitin sa isa sa tatlong mga paraan: para panggatong (alin bilang kahoy na panggatong, bilang uling, o bilang methanol); para gawing papel​—marahil ang pangunahing gamit ng kahoy; para sa gamit sa pagtatayo (alin sa likas na kalagayan nito o bilang plywood o pinitpit na kahoy). Isang mahusay na insulator, ang kahoy ay napakahalagang materyales sa pagtatayo sa Hilagang Amerika at Scandinavia, kung saan ang mga taglamig ay matindi. Doon, maraming tahanan ang yari sa kahoy, bagaman ito ay ikinukubli ng patsadang bato o ladrilyo.

Kung ang wastong uri ng punungkahoy ay pinutol sa tamang panahon at ginagamit sa ilalim ng kaaya-ayang mga kalagayan, ang kahoy ay maaaring tumagal nang husto. Mga 20 taon na ang nakalipas, samantalang ginagawa ang daungan ng La Pallice, Pransiya, natuklasan ang 2,000-taóng-gulang na mga piloteng kahoy. Ang ilang uri ng kahoy ay napakatibay, gaya ng cedro, na siyang bumuo sa panloob na mga dingding ng templo ni Solomon, at acacia, na ginamit sa paggawa ng kaban ng tipan. (Exodo 25:10; 1 Hari 6:14-16) Sa maraming lunsod sa Europa, ang mga bahay na yari sa kahoy noong edad medya ay pinapanatili. Bagaman mga ilang siglo na ang gulang, ang ilan sa mga gusaling ito ay kinalas at muling itinayo sa ibang lugar, nang ang mga ito ay nakahalang sa daan ng pagpapalawak ng lunsod.

Hanggang nitong mga huling siglo, ang lahat ng mga bapor ay yari sa kahoy. Hindi pa natatagalan, ang kapitan ng isa sa ilang mga bapor na yari sa kahoy na ginagamit pa para sa komersiyal na transportasyon ay kinapanayam sa isang Pranses na programa sa radyo. Nang tanungin tungkol sa edad ng kaniyang bapor, mariin niyang ipinahayag ang kaniyang palagay nang kaniyang sabihin: “Kapag ang isang barkong bakal ay 25 taóng gulang na, wala na ito kundi isang bunton ng basura, samantalang ang isang barkong kahoy ay bago pa.”

Dati nang alam ng mga karpintero kung papaanong gagawing mas matibay ang kahoy. Halimbawa, iniulat na ibinaón ng mga karpinterong pandagat ang mga kahoy na bahagi ng barko sa putik ng daungan sa loob ng sampung taon at saka binuo ang sasakyan. Ipinalalagay na ito ay gagawa sa barko na ligtas sa anay at proteksiyon ng kahoy. Gayundin, napag-alaman na ang kahoy na ipinadadala sa pamamagitan ng pagpapalutang sa tubig ay tumatagal kung ito ay tatagal sa tubig nang mahabang panahon bago patuyuin. Ang kahoy na nananatili sa tubig-alat hanggang sa punto ng pagkababad ay hindi pumipintad. Sa mga panahong ito, ang mga tao ay lubhang nagmamadali upang gamitin ang gayong tradisyunal na mga pamamaraan ng pangangalaga sa kahoy.

Sa loob halos ng isang siglo, ang mga kotse ng tren ay yari sa kahoy. Nang ang mga ito ay 50 taóng gulang, ang mga kotse ay maaaring luma na, subalit ang mga ito ay nasa mahusay pa rin na kondisyon. Hanggang noong 1920’s, ang kahoy ay malawakang ginagamit sa industriya ng kotse, kapuwa sa katawan at sa interyor. Sa ngayon, maraming mga taong interesado sa kotse ang malungkot na nililingon ang panahon nang ang mga artesano ay ipinagmamapuri ang paggawa ng mabuting trabaho. Gaano karaming makabagong kotse ang maaaring gamitin sa loob ng 20 mga taon o higit pa at pagkatapos ay itanghal ang maayos na kondisyon sa mga museo?

Ang ilang uri ng kahoy, gaya ng encina, ay dalawang ibayo ang lakas sa katumbas na bakal at aluminyo. Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang kahoy ay malawakang ginamit sa abyasyon noong una. Ang madagtang mga kahoy ay marami ring gamit sa mekanikal at elektrikal na mga larangan.

Mayroong isa pang larangan kung saan ang kahoy ang kampeon: sa mga muwebles. Ipinakilala ng makabagong mga tagapag-ayos ang ibang mga materyales na gaya ng chrome na bakal, salamin, at plastik. Subalit, wala pa ring tatalo sa likas na kahoy sa pagbibigay ng kasiglahan sa isang silid. Marahil iyan ang dahilan kung bakit ang Formica, isa sa mas matagumpay na panghalili sa kahoy, ay kadalasang ginagawa upang tularan ang wangis ng kahoy.

Apektado pa nga ng kahoy ang ating panlasa. Nang lusubin ni Julius Caesar at ng kaniyang mga hukbo ang Gaul (makabagong-panahong Pransiya), natuklasan nila ang napakahusay na alak. Ang dahilan ay na, di-gaya ng ibang mga tao sa Mediteraneo, itinatago ng mga taga-Gaul ang kanilang alak sa mga bariles na kahoy. Binabago ng mga bariles na kahoy ang mapaklang lasa ng alkohol, mula sa destilerya, tungo sa mahusay na inumin. Nawawala ang di-kinakailangang acetone at ether sa alak na pinalalaón sa mga bariles na kahoy at sinisipsip ang tannin.

Sa larangan ng musika, ang tonal qualities ng kahoy ay walang kaparis. Ang mahigpit na pagpili ng uri at kalidad ng kahoy ay mahalaga sa paggawa ng isang mataas na uri ng instrumento sa musika. Gayunman, kapag ginamit sa mga instrumento sa musika, hindi ipahihintulot ng kahoy ang maling pagtrato. Ang mga pamamaraang pakyawan ay sinubok sa paggawa ng biyolin, subalit ang mga resulta ay hindi maganda. Walang makahahalili sa pag-ibig at karanasan ng isang artesano sa paggawa ng isang instrumento na may mahusay na tonal quality.

Ang kahoy ay nagamit na sa halos lahat ng bagay. Ang mga karwahe ay yari nito, at ang mga kalye ay nilatagan nito. Ang pamalong kahoy ay ginamit upang magdisiplina, at ang baton na kahoy ay nagsilbi upang pamunuan ang mga orkestra. Mga alulod na kahoy ay itinayo, at ang kahoy ay ginamit sa paggawa ng mga orasan​—pati na ang mga cojinete at ehe. Ang Mona Lisa, marahil ang pinakabantog na iginuhit na larawan sa daigdig, ay ipininta sa isang panel ng kahoy. Ang kauna-unahang stethoscope, na ginawa ni Dr. René Laënnec, ay yari rin sa kahoy.

Pangwakas na Paglilingkod

Sa wakas, kapag ang muwebles na kahoy, mga instrumento, o iba pang bagay ay masira na at sinunog, ang kahoy ay nagsisilbi pa rin sa atin. Ang mga abó ng nasunog na kahoy, na mayaman sa potassium, ay ginagamit sa sabon at bilang abono. Subalit kumusta naman ang uling (soot) sa usok ng kahoy? Hindi ba iyan walang-silbing istorbo? Hindi naman! Kahit na ang huling labí na ito ng kahoy ay isang ekselenteng abono na sumisira sa mga lumot.

Samakatuwid, kapuwa sa kagubatan at kapag naani, ang punungkahoy ay nagbibigay ng maraming regalo sa sangkatauhan. Oo, ginamit din ng tao ang kahoy upang gumawa ng mga barko de-gera at mga sandata para pumatay. Gayunman, sa ngayon ang sandatang kahoy ay lipas na. Angkop naman ito! Di-hamak na mas mabuting ang maringal na punungkahoy ay magsilbi sa tao kaysa tumulong sa paglipol sa kaniya. Anong laking pagpapala ang ipinagkaloob ni Jehova nang lalangin niya ang punungkahoy! Gaya ng inawit ng salmista (marahil kasaliw ng musika na tinugtog sa isang de-kuwerdas na instrumentong yari sa kahoy): “Kayong mga namumungang punungkahoy at lahat ng mga cedro, . . . purihin ninyo ang pangalan ni Jehova.”​—Awit 148:9, 13.