Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Tulong para sa mga Pasò

Nais ko lamang sumulat may kaugnayan sa inyong mga artikulo tungkol sa pasò. (Marso 22, 1980; Abril 22, 1980 sa Ingles) Mga ilang buwan na ang nakalipas, nang ako ay nagpapainit ng mantika, ang singaw na tubig ay nahulog sa kawali. Tumilamsik ang kumukulong mantika sa aking mukha, pulsuhan at balikat. Nasa isipan ang mga mungkahi sa inyong mga artikulo, agad akong tumapat sa isang malamig na shower. Bagaman ang kirot ay halos humupa, ang aking balat ay natutuklap pa rin, kaya’t ako’y nagtungo sa pinakamalapit ng ospital. Nilinis ng mga narses ang mga dakong napasò at nilagyan ng cold compress sa buong magdamag at ng sumunod na araw. Yamang ako’y dumanas ng matinding pagkapasò, ikinatakot ko na ang aking mukha ay hindi na maging gaya nang dati. Subalit pagkaraan lamang ng isang linggo, ang mga resulta ay napakahusay anupa’t hindi ako nakilala kahit na ng mga tauhan sa ospital. Ngayon pagkalipas ng isang buwan, kaunting bakas na lamang na pula sa aking noo at sa aking talukap ng mata ang nananatili. Ang aming pamilya ay marami nang natutuhan mula sa Gumising!, subalit ang aking karanasan ay nag-udyok sa amin na magbigay ng higit na pansin, sapagkat ang ‘panahon at di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa ating lahat.’

G. J., Pransiya

Okultismo

Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Ang Pinakamabigat Mong Kaaway​—Sino?” (Nobyembre 8, 1984 sa Tagalog) Bumili ako ng maraming aklat tungkol sa okultismo sapagkat ito ay nakaakit sa akin. Hindi ko alam na dapat iwasan ng isang Kristiyano ang gayong mga bagay. Tinulungan ako ng inyong artikulo na maunawaan ang puntong ito, kaya ipinasiya kong sirain ang lahat ng aking aklat tungkol sa okultismo gaya ng ginawa ng mga taga-Efeso. Kung wala ang inyong artikulo, hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob na ipagsanggalang ang aking sarili mula sa Diyablo.

E. M., Italya

Pagpukaw ng Interes sa Bibliya

Labis akong naantig ng presentasyon ng inyong labas noong Disyembre 22, 1984 (sa Tagalog). Dati-rati, hindi ako nagbabasa ng inyong mga publikasyon. Hindi naman dahilan sa aking relihiyon, ako’y isang Methodist, kakaiba sa inyong relihiyon, kundi basta nasumpungan kong ang pagbabasa ng Bibliya o anumang nauugnay na babasahin ay nakababagot. Gayunman, ngayon, ang inyong mga magasin ay pumukaw ng interes ko sa pagbabasa ng Bibliya at kaugnay na mga literatura. Kalakip nito ang aking abuloy para sa higit na mga literatura na magpapasidhi ng aking ugali na pagbabasa ng Bibliya.

F. O., Nigeria

Nagsasalita ang Salapi

Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Kapag Nagsasalita ang Salapi.” (Agosto 22, 1985 sa Tagalog) Sa mga panahong ito ng krisis sa kabuhayan, nakakuha ako ng mahalagang mga tip kung paano makapagtitipid at kung paano matalinong gagastusin ang salapi. Natuto ako ng isang leksiyon mula sa kasabihang: “Kung gagawin mong pangunahing tunguhin sa iyong buhay ang salapi, maaari itong maging mapanganib.” Ang artikulong ito ay malaking tulong sa akin.

R. G., Pilipinas

Pagdaig sa Pagtatangi

Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Ang Pagtatangi ay Maaaring Daigin!” (Marso 8, 1985 sa Tagalog) Sa unang artikulo pa lamang, ako ay nagkainteres na. Nagamit ko ang artikulo ng labas na iyon bilang saligan sa pagtalakay ng paksang iyon sa eskuwela. Ang mga kaisipang ipinahayag sa artikulo ay malaking tulong sa akin sa tagumpay ng gawaing iyon sa paaralan.

P. P., Austria