‘Talaga Bang Nakapipinsala ang Marijuana?’
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
‘Talaga Bang Nakapipinsala ang Marijuana?’
“Isang tambak na propaganda lamang.” Iyan ang itinawag ng kabataang lalaki na nagngangalang David sa lahat ng nakatatakot na ulat na narinig niya tungkol sa marijuana. Tutal, mayroon siyang mga kaibigan na madalas gumamit ng droga, gayunma’y hindi sila agad namamatay na parang mga langaw. Sa nalalaman niya, walang isa man ang namatay dahilan sa kanser sa bagà, nagkaroon ng pinsala sa utak, o naging baóg dahilan sa paghitit ng marijuana. Kaya humitit din si David ng marijuana.
GAYA ni David, maraming kabataan ang nainis sa wari’y kontra-marijuanang propaganda. Isinisiwalat ng isang surbey na halos kalahati ng isang pangkat ng mga kabataang gumagamit ng marijuana ang hindi naniniwala na ito’y nakapipinsala. At kumusta naman ang mga pagsisikap na takutin ang mga kabataan na maniwalang ito ay nakapipinsala? Ganito ang sabi ng Journal of Drug Education: “Ang salig-takot na mga programa na kontra-droga ay tila nabibigo.”
At nariyan pa ang bagay na kahit na ang mga dalubhasa ay waring hindi magkasundo kung baga ang marijuana ay nakabubuti o nakasásamâ. Ganito ang sabi ng isang artikulong lumabas sa magasing Science: “Ang posibilidad na ang paggamit ng marijuana ay maaaring maging mapanganib ay bumahagi sa mga siyentipiko sa dalawang magkasalungat na pangkat . . . Ang walang-muwang na indibiduwal na humahanap ng patnubay ay kadalasang nahihirapang malaman kung sino ang paniniwalaan.”
Bakit, kung gayon, napakaraming pagkakasalungatan tungkol sa marijuana? Yaon bang mga nagsasabi ng laban sa marijuana ay gumagamit lamang ng mga panakot na taktika? Maraming kabataan ang naghihinala. Sabi ng isang 15-taóng-gulang: “Inaakala ko na ang karamihan ng nailathala ay upang takutin kami. Wala akong nabasa na nakakumbinsi sa akin.” Totoo, hindi dapat paniwalaan ng isa ang lahat ng nababasa niya. Ang kawikaan ay nagsasabi: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang bawat salita.” “Ngunit,” patuloy nito, “ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.” O gaya ng pagkakasabi rito ng isa pang talata sa Bibliya: “Bawat matalinong tao ay kumikilos nang may kaalaman.” (Kawikaan 14:15; 13:16) Samakatuwid pananagutan mo sa iyong sarili na alamin ang mga katotohanan tungkol sa marijuana upang makagawa ka ng matalinong pasiya tungkol sa paggamit nito. Simulan natin, kung gayon, sa pamamagitan ng pag-unawa kung bakit napakaraming pagkakasalungatan sa paksang ito.
Bakit ang Pagkakasalungatan?
Ang pangunahing problema ay na ang marijuana ay totoong mahirap pag-aralan. Ito ay isang tunay na kemikal na bodega na naglalaman ng mahigit 400 kemikal na mga timplada (compound) sa usok nito. Sa mga kemikal na ito, mahigit 50, na tinatawag na cannabinoids, ay masusumpungan lamang sa marijuana. Totoo, isa lamang ng gayong kemikal—ang delta-9-THC—ay pinaniniwalaang pangunahing siyang may pananagutan sa nakalalangong epekto ng droga. Subalit yamang ang marijuana ay pinalalago sa ilalim ng iba’t ibang mga kalagayan, ang mga marijuana ay lubhang nagkakaiba-iba sa tapang sa bawat bungkos nito. Ito ay maaaring makasira sa mga resulta ng pagsubok. a Pinalulubha pa ang bagay ng katotohanan na ang marijuana ay karaniwang nilalanghap, hindi itinuturok. Kaya napakahirap magbigay ng kontroladong dosis sa mga sinusubok, hindi maiturok sa kanila ang delta-9-THC. Gayunman, ang paggawa niyan ay hindi nagsasabi sa mga siyentipiko kung paano naaapektuhan ng kemikal ang mga tao nang ito ay nilanghap kasama ng mahigit 400 mga kasamang kemikal.
Samantalang maaaring ipakita ng sentido komon na ang paglanghap ng nakapipinsalang mga usok ay hindi nakalulusog, ang pagpapatunay sa paratang na iyan ay hindi madali. Ang mga kemikal na nagdadala ng kanser ay gumagawa nang palihim at mabagal. Iyan ang dahilan kung bakit nangailangan ng mahigit 60 mga taon ang mga doktor upang mabatid na ang usok ng sigarilyo ay nagdadala ng kanser. Kaya ang bagay na ang mga humihitit ng marijuana ay waring hindi namamatay ngayon ay hindi nangangahulugan na ang droga ay hindi nakapipinsala. Gayunman, walang makapagsasabi nang may katiyakan na ang mga humihitit ng marijuana ay magkakaroon ng kanser sa bagà. Maaaring mangailangan ng mga taon bago tunay na malaman ng sinuman kung ano ang ginagawa ng 400 mga kemikal ng marijuana sa katawan ng tao.
May Sala Hanggang sa Mapatunayang Walang Sala
Hindi kataka-taka, kung gayon, na napakaraming magkasalungat na mga opinyon tungkol sa popular na drogang ito. Gayunman, ang mga kabataan na sinasamantala ito upang humitit ng marijuana ay gumagawa ng isang malaking pagkakamali! Sa kaniyang aklat na Marihuana Today, ipinaaalala ng propesor sa biyologo na si George K. Russell na “sa gitna ng mga parmakologo mayroong pangkalahatang pagsang-ayon na ang droga ay dapat ipalagay na nakapipinsala hanggang mapatunayang hindi nakapipinsala”!—Amin ang italiko.
Ang mga doktor ay natuto sa mahirap na paraan na mapanganib na tawagin ang ilang droga na hindi nakapipinsala nang walang tulong ng mga taon ng pag-aaral at pagsubok. Noong 1950’s, ang mga siyentipiko ay nakagawa ng isang droga na ibinunyi bilang isang tunay na ligtas na hipnotiko, o sedatibo. Daan-daang mga babaing nagdadalang-tao ang uminom nito. Pagkatapos ay isinilang ang mga sanggol na depormado. Sa gayon ang malaking sakuna ng thalidomide ay isang malagim na tagapagpaalaala na mag-ingat sa pagtawag sa isang droga na may sala hanggang sa mapatunayang walang sala.
Ang Pag-aaral sa Jamaica
Kung gayon, bakit tila kinukonsinti, kung hindi man sinasang-ayunan, ng kagalang-galang na mga publikasyon ang paggamit ng marijuana? Halimbawa, ang Psychology Today ay nagsasabi: “Kaunting maliwanag na katibayan ang umiiral na [ang marijuana] ay nakapipinsala.” Subalit ang konklusyon na ito ay pangunahin nang salig sa isang malawakang inilathalang pag-aaral na ginawa sa Jamaica. Tinawag ng Psychololy Today ang pag-aaral na “isang napakahusay na bahagi ng antropolohikal na pagsasaliksik.”
Sa unang tingin ang pag-aaral ay waring
awtoritibo. Tutal, ito ay binigyang-karapatan ng walang iba kundi ang National Institute of Mental Health (U.S.). Isang pangkat ng mga antropologo ang nagtungo sa Jamaica (kung saan ang ganja, isang matapang na uri ng marijuana, ay popular sa loob ng mga salinlahi) at pumili ng isang grupo ng 30 malakas humitit ng ganja at 30 hindi humihitit ng ganja. Ang mga ito ay binigyan ng isang serye ng medikal na mga pagsubok. Ang resulta? Ang aklat na Marijuana Today ay nag-uulat, “Walang gaanong pagkakaiba” ang nasumpungan sa pagitan ng mga humihitit at hindi humihitit. Ang pangkat na pabor sa marijuana ay nagalak! ‘Sa wakas napatunayan nila na ang marijuana ay hindi nakapipinsala,’ katuwiran nila.Subalit gaano ‘kahusay na bahagi ng antropolohikal na pananaliksik’ ang pag-aaral sa Jamaica? Ipinakita ng mga dalubhasa na ang pag-aaral ay may malaking depekto: Tanging ang mga humihitit lamang na nasa mabuting kalusugan at na “kumikilos na husto sa pamayanan” ang pinili para sa pagsubok! Hindi kataka-taka na “walang gaanong pagkakaiba” ang nasumpungan sa pagitan ng mga humihitit at hindi humihitit! Maaaring inalis ng mga mananaliksik mula sa pag-aaral yaong mga pisikal at emosyonal na napinsala ng marijuana. b Isa pa, ang pag-aaral ay pinaratangan na nagsagawa ng padaskol o walang ingat na mga pamamaraan sa laboratoryo at di-sapat na mga pamamaraan sa pagsubok. Si Dr. Carlton Turner, isang awtoridad tungkol sa paksang ito, ay sinipi na nagsasabi na sa kabila ng lahat ng mga kuskos-balungos tungkol sa pag-aaral na ito, ito “ay hindi kailanman inilathala ng isang siyentipikong babasahin. Hindi ito makakapasa sa siyentipikong pamamaraan ng pagrepaso.”
Gayunman, marahil ang pinakamatibay na ebidensiya laban sa pag-aaral sa Jamaica ay mula sa medikal na mga manggagawa na nakaobserba sa mga humihitit ng ganja sa loob ng maraming taon. Noong 1972, si Dr. John A. S. Hall, halimbawa, na naglingkod mula 1965 bilang Tagapamanihala ng Kagawaran ng Medisina sa Kingston Hospital, Jamaica, ay gumawa ng eksepsiyon sa mga pag-aangkin na ang marijuana ay hindi nakapipinsala. Iniuulat niya na ang mga sakit sa bagà at masidhing pagkabalisa ay pangkaraniwan sa mga malakas gumamit ng ganja.
“Seryosong Pambansang Pagkabahala”
Sa kabila ng lahat ng pagkakasalungatan, natutuhan ng mga siyentipiko ang ilang masakit na mga katotohanan tungkol sa marijuana. Itinaguyod kamakailan ng pamahalaan ng E.U. ang prestihiyosong Institute of Medicine—isang “indipendiyenteng siyentipikong lupon na hindi pa gumawa ng tiyak na katayuan sa lubhang kontrobersiyal na larangang ito”—upang pag-aralan ang isyung ito. Pinag-aralan ng lupon ng mga dalubhasa ng Institute ang libu-libong mga papeles sa pananaliksik at narating ang nakatatakot na konklusyong ito: “Ipinakikita ng siyentipikong katibayan na nailathala hanggang sa ngayon na ang marijuana ay nagtataglay ng malawakang sikolohikal at biyolohikal na mga epekto, ang ilan sa mga ito, sa paanuman sa ilalim ng ilang mga kalagayan, ay nakapipinsala sa kalusugan ng tao. . . . Ang aming pangunahing konklusyon ay na kung ano ang kaunting nalalaman namin tungkol sa mga epekto ng marijuana sa kalusugan ng tao—at ang lahat ng makatuwirang suspetsa namin—ay nagbibigay-matuwid sa seryosong pambansang pagkabahala.”—Amin ang italiko.
Gayunman, paano dapat malasin ng mga Kristiyano ang bagay na ito? Ang Bibliya ay nagpapayo sa kanila na iwasan ang mga gawain na ‘nagpaparumi sa laman.’ (2 Corinto 7:1) Sinasabi pa nito sa kanila na “ingatan . . . ang kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 3:21) Subalit mayroon nga bang matibay na ebidensiya na ang marijuana ay talagang isang panganib sa isip at katawan ng isa? Sisiyasatin ng mga artikulo sa hinaharap ang mga isyung ito.
[Mga talababa]
a Sinasabi ng mga siyentipiko na ang mga nakukuhang marijuana sa Estados Unidos ngayon ay limang ibayo na mas malakas (sa nilalamang THC) kaysa ginamit mga ilang taon na ang nakaraan! Malamang na ipinaliliwanag nito kung bakit ang naunang mga pagsubok sa marijuana ay kadalasang naghihinuha na ang droga ay hindi nakapipinsala.
b Ang pagpili ng mga taong gagamitin sa pagsubok ay naghaharap ng isa pang suliranin sa mga siyentipiko. Kung ang may sakit o lubhang nababalisang mga gumagamit ng marijuana ang susuriin, ang iba ay tumututol na walang katibayan na ang marijuana ang dahilan ng kanilang mga problema.
[Blurb sa pahina 14]
‘Ang kaunting nalalaman namin tungkol sa mga epekto ng marijuana sa kalusugan ng tao ay nagbibigay-matuwid sa seryosong pambansang pagkabahala.’—Report ng Institute of Medicine sa Marijuana and Health.
[Larawan sa pahina 13]
Duda ang mga kabataan sa pahayag na ang marijuana ay nakapipinsala kapag nakikita nilang ginagamit ito ng propesyonal na mga tao