Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kahariang Itinayo sa Buhangin, Langis, at Relihiyon

Isang Kahariang Itinayo sa Buhangin, Langis, at Relihiyon

Isang Kahariang Itinayo sa Buhangin, Langis, at Relihiyon

ALING bansa ang kasinlaki ng Kanlurang Europa, may populasyon ng 12 milyon lamang, at halos ay puro disyerto? Aling kaharian ang itinatag noong 1932, nakatuklas ng napakaraming langis noong 1938, at naging ang pangatlong-pinakamalakas na magtustos ng krudo sa daigdig? Aling kaharian ang kumukuha sa Koran bilang konstitusyon nito at siyang kinaroroonan ng dalawa sa labis na pinagpipitaganang mga lungsod at moske ng Islam?

Ang sagot sa lahat ng mga tanong na ito ay ang Kaharian ng Saudi Arabia, na pinamumunuan ni Haring Fahd Bin Abdul Aziz. Sa sukat na 2,240,000 kilometro kudrado, sakop nito ang karamihan ng Arabian peninsula, ang Dagat na Pula sa kanluran, ang Dagat Arabia sa timog, at ang Arabian Gulf sa silangan.

Paano ba ako nagkainteres sa bansang Arabe na ito? Nakita ko sa pahayagan ang isang paanyaya sa isang pagtatanghal sa New York City na itinataguyod ng gobyerno ng Saudi Arabia. Natawag ang pansin ko na alamin ang higit tungkol sa kakaibang kultura at paraan ng pamumuhay nito. At yamang marahil ay hindi ako makapupunta sa Saudi Arabia, bakit hindi ko hayaang pumunta sa akin ang Saudi Arabia?

Saudi Arabia​—Ang Matanda at ang Bago

Pagdating na pagdating ko sa lugar ng pagtatanghal, natalos ko na ang lahat ay idinisenyo upang maibigan ng publiko ang bansang ito sa Arabia. May taga-Saudi na mga estudyante sa unibersidad na nag-aaral sa E.U. sa lahat ng dako na nagsisilbing mahuhusay na mga giya. Lahat ay nadaramtan ng karaniwang thobe, isang mahaba, puting kasuotan na parang bata at na abot hanggang paa. Ang bawat isa ay nakasuot din ng pula’t puting dama-ramang ghutra, o tela sa ulo, na iniingatan ng dalawang ikid ng itim na kordon. Lahat ay nagsasalita ng mahusay na Ingles at magalang sa pagsagot sa anumang tanong na maaaring itanong ko o ng sinuman.

Sinusundan ang may kadilimang foyer, na may mga larawan ng maharlikang pamilya ng Saudi gayundin ng maraming larawan ng mga aspekto ng Saudi Arabia, sumunod ay dinalaw ko ang dako na naglalarawan ng tradisyunal na buhay Arabe at Bedouin. Isang tolda ng itim na Bedouin ang nakadispley na may mga kagamitan ng kanilang lagalag na buhay. Gayunman, dahil sa maunlad na modernong teknolohiya, ang Bedouin na istilo-ng-buhay, pati na ang maalamat na mabuting pagtanggap nito ng mga estranghero, ay naglalaho na.

Ang susunod na bahagi ng pamamasyal ay isang paalaala ng puwersa ng relihiyon na nagtutulak at kumukontrol sa buhay ng taga-Saudi Arabia​—ang Islam. a

Mecca, ang Kaaba, at ang Koran

Ang banal na aklat ng Islam, ang Koran, “ay itinuturing na konstitusyon ng [Saudi Arabia] at nagbibigay ng mga pamantayan at gabay sa etika,” sabi ng isang opisyal na brosyur. Ang pulyeto ay nagsasabi: “Ibinabalangkas ng Kaharian ang sosyal, pulitikal, at ekonomikong mga patakaran nito sa liwanag ng mga turong Islamiko.” Bagaman may ilang sulat-kamay na mga kopya ng Koran na nakadispley, ang pangunahing tema ng bahaging ito ay ang lungsod ng peregrinasyon ng Mecca (Arabe, Makkah) na may pagkalaki-laking moske at ang Kaaba sa gitna. Ito’y inilarawan ng malalaking modelo.

Ang Kaaba, isang pagkalaki-laking hugis-kubong gusali na yari sa bato at natatakpan ng isang makapal na telang itim, ay binibigyang kahulugan ng isang Islamikong publikasyon bilang “ang dako ng pagsamba na iniutos ng Diyos na itayo ni Abraham at ni Ismael mahigit na apat na libong taon na.” b Sa gayon ang Islam (sinimulan ni propeta Muḥammad noong ikapitong siglo C.E.) ay nag-aangking nauugnay kay Abraham, ang patriarkang tagapagpauna ng Judaismo at Kristiyanismo. Samakatuwid isa ito sa tatlong pangunahing sistema ng relihiyon na sumasamba sa isang Diyos.

Sa katunayan ang Kaaba ay nasa gitna ng pagkalaki-laking bukás na plasa na bahagi ng dakilang moske ng Mecca. Sa taunang peregrinasyon (ḥajj), mahigit na isang milyong Muslim ang dumaragsa roon upang manalangin at ikutin ang Kaaba nang pitong beses. Itinuturing ng bawat matipunong-katawang Muslim na isang obligasyon na gawin ang paglalakbay na ito kahit na minsan sa kaniyang buong buhay. Kasali rin sa pagtatanghal ang isang modelo ng pagkalaki-laking moske ng Medina (Arabe, Madinah), ang libingang dako ni Muḥammad.

Lalo nang kawili-wili ang maadornong mga pinto ng Kaaba na nakadispley. Karaniwan na, mga Muslim lamang ang nakakakita nito, yamang sila lamang ang pinahihintulutang pumasok sa moske ng Mecca. Mahirap mapaniwalaan na ang mga ito ay mga orihinal hanggang sa ipaliwanag sa amin ng giya na ang mga pintuang ito ay ginamit mula noong 1942 hanggang noong 1982, nang ito’y palitan ng mga bagong pintuan. Ang mga ito’y yari sa ginto at pilak at nagagayakan ng gintong mga plake na may mga talata mula sa Koran na sulat Arabe. Nakabitin sa kalapit na dingding ay ang kiswah, isang makapal na kurtinang itim, na ginagamit upang takpan ang Kaaba, na binurdahan ng gintong mga sinipi buhat sa Koran.

Modernong Buhay sa Saudi Arabia

Patuloy pa sa pamamasyal na ito, may mga muling ginawang karaniwang mga tanawin sa lansangan, ng mga artisanong humahabi ng mga banig at iba naman ay nagpapanday ng bakal upang gawing mga kasangkapan sa bahay. Ang ibang artisano ay gumagawa ng tipikal na Arabeng mga tsinelas. Ang isa pa ay gumagawa ng simpleng hawla ng ibon na yari sa kahoy. At ang isa pa ay naglililok ng mga palayok sa gawaan ng palayok na pinaaandar sa pamamagitan ng paa.

Sa wakas dumating ako sa bahagi na nagtatampok sa mga nagawa ng modernong Saudi Arabia. Maliwanag na ang pagkatuklas ng langis ay nagbago sa ekonomiya ng Saudi at sa pamantayan ng pamumuhay ng bansa. Natuklasan ng ARAMCO (Arabian American Oil Company) ang napakaraming deposito ng langis noong 1938. Ang sampol na mga botelya ng itim na likido ay nakadispley. Isang pulyeto ng kompaniya ay nagsasabi: “Ang Aramco ngayon ay may mahigit na 43,000 empleado, halos 550 balon ng produksiyon, 20,500 kilometrong mga tubo at mahigit na 60 planta na naghihiwalay ng gas sa langis.”

Hindi kataka-taka na taglay ang gayong matatag na pundasyon ng ekonomiya, binabanggit ng mga brosyur ng impormasyon na itinataguyod ng Saudi Arabia ang mga 15,000 paaralan at mga sentrong pang-edukasyon na naglilingkod sa mahigit 2.5 milyong estudyante. Ang edukasyon ay libre para sa lahat hanggang sa antas ng pag-aaral sa unibersidad. At may pitong unibersidad.

Mangyari pa, ang langis ay hindi siyang lahat ng bagay sa Saudi Arabia. Ang pagkalaki-laking mga proyekto sa patubig ay nakompleto na, at ang agrikultura ay sumagana hanggang sa punto na ang bansa ay nagluluwas ng isda, mga manok, trigo, dates, gulay, at gatas, keso, mantikilya at iba pang produktong galing sa bukid.

Dalawang Mukha sa Bawat Barya

Natapos ko ang aking tatlong-oras na pagdalaw sa “Saudi Arabia” na hangang-hanga sa mga nagawa ng totoong maliit na bansa. Naiisip ko kung anong laking pagkakaiba ng mga bagay kung ang bawat bansa ay magkakatulad na pinagpala ng mga reserbang petrolyo o iba pang mahahalagang yaman na kailangan sa buong daigdig.

Bagaman nasumpungan kong lubhang nakapagtuturo ang pagdalaw na ito, napansin ko ang hindi pagbanggit sa larangan ng relihiyon. Wala akong nalaman tungkol sa aktuwal na batong Kaaba, isang itim na bulalakaw na pinagpipitaganan ng mga Muslim na dumadalaw sa Mecca. Bago natatag ang Islam, ang bato “ay sinasamba bilang isang anting-anting,” sabi ni Philip K. Hitti sa kaniyang History of the Arabs. Ayon sa tradisyon samantalang muling itinatayo ni Ismael ang Kaaba, tumanggap siya ng itim na bato mula kay anghel Gabriel.

Wala rin sa pagtatanghal ang pagtukoy sa dalawang pangunahing bahagi ng Islam, ang Sunni at ang Shia. Ang paghihiwalay na ito ay noon pang panahon ng mga kahalili ni Muḥammad at salig sa nagkakaibang interpretasyon ng kung sino ang karapat-dapat na espirituwal na mga tagapagmana niya​—sinusundan ba ng linya ang linya ng dugo ni Muḥammad gaya ng pag-aangkin ng mga Shiite Muslim o ito ba’y salig sa nahahalal sa tungkulin gaya ng pag-aangkin ng nakararaming Sunni? Ang mga Saudi ay kabilang sa istriktong sekta ng Wahhabi ng paaralang Hanbali, ang pinakamahigpit sa apat na paaralan ng mga Sunni Muslim.

Kapansin-pansing wala rin sa pagtatanghal ang mga babaing Arabe. Ipinalalagay ko na ito ay dahil sa mahigpit na pagpapakahulugan ng Saudi sa mga batas Islamiko tungkol sa papel ng mga babae sa publikong buhay.

Habang papaalis ako sa pagtatanghal, naalaala ko ang kasabihang may dalawang mukha ang bawat barya. Sa labas sa lansangan, may mga Arabeng nagpoprotesta na namamahagi ng mga pulyeto na sinasabi ang mga gawa ng kalupitan at kawalang katarungan sa Saudi Arabia at tinutuligsa ang kakulangan ng demokratikong pamamaraan sa bansang iyon (walang sekular na konstitusyon o parlamento). Napagtanto ko na para sa ilang tao ang buhangin, langis, at relihiyon ay hindi siyang buong kuwento. Subalit sa paano man tumanggap ako ng mas maliwanag na pangmalas tungkol sa buhay sa Saudi Arabia at ang epekto ng Islam sa bayan nito.​—Isinulat.

[Mga talababa]

a Para sa detalyadong pagtalakay sa Islam, tingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1990, kabanata 12, “Islam​—Ang Daan Patungo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagpapasakop.”

b Walang binabanggit ang Bibliya sa pangyayaring ito ni ang pagkanaroroon man ni Abraham sa sinaunang Mecca.​—Genesis 12:8–13:18.

[Mapa/Larawan sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SAUDI ARABIA

Mecca

IRAN

IRAQ

SUDAN

Dagat na Pula

Dagat Arabia

[Mga larawan sa pahina 17]

(Mula sa kaliwa) Mga Pinto ng Kaaba, artisanong Arabe, at pagbuburda ng sulat Arabe

[Credit Line]

David Patterson