“Mga Saksi ni Jehova Mula sa USSR—Mas Maliligayang Araw sa Hinaharap”
“Mga Saksi ni Jehova Mula sa USSR—Mas Maliligayang Araw sa Hinaharap”
IYAN ang ulong-balita sa wikang-Ingles na pahayagang The Warsaw Voice ng Agosto 19, 1990, inilathala sa Poland. Ang manunulat, si Anna Dubrawska, ay nagkomento tungkol sa “Dalisay na Wika” na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Warsaw noong Agosto 1990. Kinapanayam niya ang mga Saksi mula sa Unyong Sobyet, ang ilan sa kanila ay gumugol ng 15 taon sa mga piitan at mga kampo ng trabaho dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala. Subalit ngayon idiniriin nila ang positibong pagbabago na nagaganap sa kanilang bansa.
Si Grigor Goryachek, isang manggagawa sa konstruksiyon mula sa Crimea na pinalaking isang Saksi, ay naging isang tapon sa Siberia sa loob ng 15 taon. Aniya: “Umaasa kami ngayon na darating ang mas mabuting panahon.” Isa pang Saksi, si Anton Pohanich, ay nagsabi: “Narito na ang mas mabubuting araw. Maaari ko na ngayong malayang dalhin ang aming mensahe sa bahay-bahay, samantalang noon ito ay hindi maaari.”
Sinisipi ni Dubrawska si Igor Cherny, isang 17-anyos na Saksi mula sa Caucasus: “Sa loob ng 70 taon ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, ay masidhing napalayo sa Diyos anupa’t ngayon nais nilang masidhing magbalik sa Kaniya, o sa paano man ay makarinig tungkol sa Kaniya bilang pasimula.”
Ang publikasyong Polako na Dziennik Wieczorny (Panggabing Pahayagan) ay nag-ulat, sa ilalim ng pamagat na Radość braci o (Katuwaan ng Magkakapatid), na isang empleado ng Zawisza istadyum sa lungsod na Bydgoszcz ay nagsabi: “Ako’y natutuwa sa malinis na salitang ginagamit at sa mabubuting ugali na ipinakikita ng mga kabataan.”
Sumusulat sa pahayagang Polako na Trybuna sa ilalim ng pamagat na Glosiciele Królestwa (Mga Mamamahayag ng Kaharian), si Zofia Uszynska ay nagsabi tungkol sa kombensiyon: “Sa loob ng 30 minuto ako’y inalok ng tsitsiria at kape nang sampung beses. Limang beses na may nais magpaupo sa akin. Sa loob ng sunud-sunod na apat na araw mahigit na 30,000 katao sa Dziesieciolecia Stadium sa Warsaw ay nakibahagi sa isang [relihiyosong] kapistahan. Mga babaing nagdadalang-tao, mga pamilya kasama ang maliliit na bata, matatanda na at mga kabataan. Ang pinakabatang nabautismuhan ay 11 anyos, ang pinakamatanda ay halos 80.”
Ang artikulo ay nagpapatuloy: “Ilang libong Ruso [sa katunayan mahigit na 16,000] ang dumating sa pulong sa taóng ito. Noong nakaraang taon may 6,000 sa kanila. Pinayagan ng mga opisyal sa hangganan ng Russia ang lahat ng mga bus na magdaan nang hindi na kinakailangang maghintay para sa pagsisiyasat sa mga linya na mga ilang kilometro ang haba. Dumating ang mga delegado buhat sa lahat ng dako ng Unyong Sobyet: mula sa Vladivostok, Khabarovsk, Vorkuta. Ang ilan ay gumugol ng apat o limang araw sa tren.”
Sinisipi ng pahayagan ding iyon si Ivan M. Grevniak na nagsasabi: “Nakita ko ang kawalang-katarungan sa kung ano ang ginawa ng mga papa at ng mga pari, at hinahanap ko ang katapatan.” Ang ulat ay nagpapatuloy: “Napansin niya ang pagkakasuwato sa pagitan ng mga salita at gawa sa pag-uugali ng mga Saksi ni Jehova.” Saka sinabi pa ni Ivan: “Pinasasalamatan ko ang Diyos na ipinahintulot niyang malaman ko ang katotohanan.”
Ang Trybuna ay nag-uulat na si Ivan ay isang hinirang na matanda sa isang kongregasyon sa Lvov,
kung saan “mayroong 13 kongregasyon at mahigit na 2,000 relihiyosong mananampalataya. . . . ‘Sa lahat ng grupo ng relihiyon sa lahat ng dako may namamayaning espiritu ng nasyonalismo. Gayunman, wala ito sa aking mga kasama sa relihiyon,’ sabi ni Grevniak.”Ang pagkakaisang ito ay ipinakita sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Warsaw kung saan ang programa ay iniharap nang sabay-sabay sa Polako at Ruso sa iba’t ibang bahagi ng istadyum. Tiyak na walang nasyonalistikong alitan doon.
Si Zofia Uszynska ay humanga rin sa kaayusang kinakailangan upang patuluyin, pakanin, at medikal na pangalagaan pa nga ang mahigit na 35,000 na dumalo sa kombensiyon. Siya’y naghinuha: “Hinding-hindi pa ako nakabahagi sa gayong mahusay, palakaibigang pagtitipon ng madla.”
Ang pahayagang Polako na Sztandar Młodych (Pamantayan ng Kabataan) ay nagkomento tungkol sa gawaing ginawa upang ayusin ang istadyum sa pagtanggap sa napakaraming bisita: “Bilang isang paglilingkod sa lipunan . . . itinayong-muli ng mga tagasunod ni Jehova ang mga upuan, inayos-muli ang mga tunel at mga kubeta, nilinis ang damuhan. Sila’y nag-abuloy sa pagkakagastos sa kombensiyon mula sa kanilang sariling bulsa. Inihanda ng mga Saksi ni Jehova ang halos 22,000 pribadong mga tuluyan para sa mga bisita, inasikaso ang tuluyan ng mga mamamayang Sobyet, at may sariling medikal na pangangalaga.”
Tiyak na nararanasan na ng mga Saksi ni Jehova ang “mas maliligayang araw” sa Silangang Europa at idalangin natin na ang kanilang bagong legal na katayuan sa mga bansa na gaya ng Romania, Hungary, at Poland ay makararating din sa Czechoslovakia, Albania, Bulgaria, at sa Unyong Sobyet.—2 Tesalonica 3:1; 1 Timoteo 2:1, 2.
[Mga larawan sa pahina 23]
Mga Saksing Sobyet sa “Dalisay na Wika” na Kombensiyon sa Warsaw, pati na ang mga kandidato sa bautismo (itaas at nakasingit), tagapagsalitang Ruso, programa, at mga delegadong Sobyet sa harap ng kani-kanilang bus