Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Silangang Europa—Ang Muling Pagsigla ng Relihiyon?

Silangang Europa—Ang Muling Pagsigla ng Relihiyon?

Silangang Europa​—Ang Muling Pagsigla ng Relihiyon?

KABILANG sa pagpigil sa kalayaang magpahayag sa nakalipas na ilang dekada sa mga bansa sa Silangang Europa ay ang mahigpit na mga pagbabawal sa relihiyon. Ang ateismo ay aktibong ipinangangaral, at ang ibang katedral at simbahan ay ginawang mga museo ng ateismo, gaya ng isang dinadalaw ng maraming turista sa Leningrad. Sinumang gumaganap na klero ay nagiging mga katulong ng kasalukuyang rehimen. Palibhasa ang lahat ng dako ng pagsamba, gaya ng mga monasteryo, simbahan, at mga moske, ay opisyal na ipinasara noong 1967, ang Albania ay ipinahayag pa nga ng Radio Tirana na “kauna-unahang ateistang estado sa daigdig.”

Ngayon, palibhasa’y namumukadkad na parang mga bulaklak sa tagsibol ang kalayaan sa lahat ng dako sa Silangang Europa, ano ang nangyayari sa relihiyon? Gaya ng sulat ng manunulat na Pranses na si Jean-François Kahn: “Ang relihiyong sinusupil ay maaaring makisama sa isang bansang inaapi. Nangyari ito kahapon sa Iran. Nangyayari ito ngayon sa Azerbaijang Sobyet. Maaari itong kumalat na parang apoy sa Russia bukas.” Ngayon pa lang ay sumasanib na ang ilang relihiyon sa nasyonalistikong mga uliran at mga mithiin at nagiging isang mahalagang paraan ng pulitikal na protesta, pinababanal ito sa pagkanaroroon ng kanilang mga paring Katoliko at Orthodoxo at ng mga pastor na Lutherano.

Kumusta naman ang mga relihiyon sa bagong demokratikong kapaligiran?

Ang Laki ng Ipinagbago ng mga Bagay!

Ang pangunahing mga relihiyon sa Silangang Europa, lalo na ang Iglesya Katolika, ay kumuha agad ng hakbang upang legal na kilalanin ng bagong mga pamahalaan. Halimbawa, iniulat ng L’Osservatore Romano na “noong 9 ng Pebrero [1990], isang Kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Santa Sede at ng Republika ng Hungary.” Sa pamamagitan ng kasunduang ito ang dalawang partido ay sumang-ayon na muling magtatag ng diplomatikong mga kaugnayan. (Ang Vaticano ay itinuturing na isang hiwalay na soberanong estado.)

Binabanggit ng isa pang ulat buhat sa Vaticano na ang Iglesya Katolika ng Ukrainian Rite, na sinupil noong 1946, ay humiling na legal na kilalanin at nakipagtalakayan “sa Gobyerno at sa Russian Orthodox Church tungkol sa praktikal na mga katanungan may kinalaman sa buhay ng Simbahan sa Ukraine.”

Noong Abril 1990 dinalaw ng papa ang Czechoslovakia at siya’y binati sa paliparan ng Prague “ng mga opisyal ng Simbahan at ng Estado, kasama si . . . G. Vaclav Havel, Pangulo ng Republika.” (L’Osservatore Romano) Dito man ay nagkakaroon ng bagong relihiyosong kapaligiran.

Ang Iglesya Katolika ang sa tuwina’y puwersa na dapat kilalanin sa Poland. Ngayon, dahil sa bagong-tuklas na kalayaan, nakikibagay ito sa mga pagbabago at nagkakampaniyang muling ipakilala ang relihiyosong mga klase sa mga paaralan. Sabi ng isang pari: “Ang mga paaralan ay pag-aari ng bansa. Ang bayang Polako ay mahigit na 90 porsiyentong Katoliko. . . . Dahil sa paggalang sa ibang relihiyon, ibabalik ng pagtuturo ng relihiyon sa paaralan ang autoridad ng mga guro, at . . . ng mga maykapangyarihan sapagkat ito ang nakikitungo sa etikal na pinagmulan ng tao.”

Ganito ang sabi ng isang report tungkol sa Iglesya Orthodoxo sa Romania: “Ang Patriarka at maraming obispo na nakipagtulungan sa rehimen [ni Ceauşescu] ay sapilitang pinagbitiw. Isang Komisyon ang itinayo upang muling pasiglahin ang Simbahan. Maraming dati’y hindi mananampalataya ay bumabaling sa relihiyon at pinupunô ang lokal na mga simbahan . . . Ang Iglesya Katolikang Byzantine sa Romania, na sapilitang binuwag 40 taon na ang nakalipas, ay pinayagang muling mag-organisa.”​—Orthodox Unity, Hulyo 1990.

Mga Pagbabago sa Albania

Sang-ayon sa mga ulat ng pahayagan, kataka-takang mga pagbabago ang marahang nagaganap sa Albania, isang maliit na bulubunduking bansa ng tatlo at sangkapat na milyong mga maninirahan, na nakabukod sa Baybaying Adriatiko sa pagitan ng Yugoslavia at Gresya. Ang pahayagang Aleman na Die Welt ay nag-ulat: “Sa Albania, ang kahuli-hulihang kuta ng matandang-istilong komunismo sa Europa, ang mga tao ay nagsimulang bumoto sa pamamagitan ng kanilang mga paa” sa pagkakanlong sa Kanluraning mga embahada, kung saan sila ay pinayagang umalis tungo sa Italya, Alemanya, at sa iba pang bansa.

Ang ulat ay nagpapatuloy: “Noong Mayo 1990 ang mga taga-Albania ay pinangakuan ng mga pasaporte at ang pag-aalis ng mga batas na nagbabawal ng relihiyosong mga gawain.” (Sinipi buhat sa The German Tribune, Hulyo 15, 1990) Gaya ng isinulat ng propesor sa kasaysayan na si Denis R. Janz: “Ang matagal at mahirap na pagpupunyagi para sa ganap na sekularisasyon ay waring isinasaisang-tabi.” Gayunman, sabi pa niya: “May katibayan . . . na sa katunayan ang relihiyon ay nilupig sa lipunang ito.”

Sa kontekstong ito pinananatili ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang nakaugalian at mahigpit na neutralidad. Salig sa mga simulain ng Bibliya, hindi sila nakikisangkot sa pulitikal at nasyonalistikong pagkakabaha-bahagi. Nagtitiwala sila na ang Diyos ang magbibigay sa kanila ng isang mapayapang kapaligiran kung saan isasagawa nila ang kanilang pambuong-lupang atas na pangangaral ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 22:21; 1 Timoteo 2:1, 2; 1 Pedro 2:13-15.

Kaya, kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa? Sumulong ba sila sa ilalim ng pagbabawal? Mayroon bang kalayaan ng relihiyon para sa kanila?

[Larawan sa pahina 7]

Babalik kaya sa mga simbahan ang mga tao sa Silangang Europa?