Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Corinto—Lungsod ng Dalawang Dagat

Corinto—Lungsod ng Dalawang Dagat

Corinto​—Lungsod ng Dalawang Dagat

“ANG sinaunang mga tao ay naniniwalang ang mga diyus-diyusan ay totoo. Kung minsan gayundin ang palagay ko.” Gayon ang sabi ng aming giya habang sinasamahan niya kami sa gitna ng mga kaguhuan ng mga templong dating itinalaga kay Apollo, Aphrodite, Hermes, Hercules, at Poseidon. Parang uulan, at narinig namin ang mababang dagundong ng nagbabantang bagyo. “Si Zeus,” may ngiting sabi niya.

Mga bilug-bilog na ulap ang naglitawan sa Bundok Parnassus sa umaga. Ito’y mabilis na kumakalat paibayo sa Golpo ng Corinto at umabot hanggang sa itaas namin. Subalit ang aming giya ay nanatiling masayahin at patuloy na nagkuwento tungkol sa sinaunang mga panahon, ang mga kaluwalhatian ng Gresya, at ang pagdating ng Kristiyanismo. Kahali-halinang pinaghalu-halo niya ang katotohanan, guniguni, kasaysayan, at mitolohiya upang magtayo ng mga gusali sa aming isipan at lagyan ito ng mga taong laman at dugo ng ibang panahon.

Hindi kami nag-aalala tungkol sa ulan. Bihirang umulan sa Peloponnisos. Aba, ang peninsulang ito sa gawing timog ay isa na yata sa pinakatigang na dako sa Gresya! Mas tigang nga lamang ang Atenas. Sa ibang dako, kailanma’t umulan, hindi ito ambon. Ito’y malalakas na buhos ng ulan na umaagnas sa mas mataas na dako at ginagawa ang lupa sa ibaba ng talampas ng Corinto na matabang lupa.

Nakapagtataka! Sa lahat ng bagay na bantog ang Corinto, hindi namin inaasahan na ang isa rito ay ang mga produkto ng bukid. Oo, ito man ay itinanim sa Levant, sa California, o sa anumang ibang dako, saanma’t kinakain ang maliliit na pasas na tinatawag na currants, dala-dala nito ang pangalang Corinto na ginawang “currant.”

Ang Yaman Nito

Ang lupa marahil ang isang dahilan ng salitang ginamit ni Homer na “mayamang Corinto.” Gayunman, nakamit ng Corinto ang karamihan ng kayamanan nito bilang isang daungang lungsod na naglilingkod kapuwa sa mga dagat Ionian at Aegean. Tinawag ito ni Horace na “bimarisve Corinthi,” o “dalawang-dagat na Corinto.” Papaano nga magiging daungan ng dalawang dagat ang isang lungsod? Madali lang, yamang ito ay naroroon sa dulong timog ng makipot na lupain (Griego, isth·mosʹ) na nag-uugnay sa Peloponnisos sa Gresya.

Ang Corinto ay nakikinabang sa panganlungan ng mga barkong patungong silangan-kanluran at sa mga buwis na nakukuha sa mga barkong pangkargada at maliliit na barko sa ibayo ng isthmus sa kahabaan ng daanan ng barko na tinatawag ng mga Griego na diʹol·kos. Nagpapataw rin ito ng buwis sa mga kargada sa lupa na patungong hilaga at timog. Hindi kataka-taka na itinuring ni Philip II, ang ama ni Alejandrong Dakila, ang Corinto na mahalaga sa kaniyang lumalaking monarkiya.

Mga Kabiguan at Pagkabawi

Subalit iyan ay mga dantaon nang nakalipas. Ngayon, isang kanal ang nag-uugnay sa mga golpo ng Corinto at Saronic, at sa mga superhighway ang mga lorry ay nagdaraan sa tahimik na nayon ng Corinto. Hindi iniintindi ng mga marino, mga tsuper ng trak, at ng mga taganayon na ang Corinto ang dating magnet ng Mediteraneo. Ang mga arkeologo lamang ang pumupunta na may panghukay, pilm, at pagkausyoso.

Noong 146 B.C.E. winasak at talagang inalisan ng tao ng Romanong konsul na si Mummius ang Corinto. Gayunman, pagkatapos ng isang natutulog na siglo, ito’y pinapanauli ni Julius Cesar bilang isang cosmopolitan ng kolonyang Romano na mahilig sa paraan at kaisipang Griego.

Nang dumating ang Kristiyanong apostol na si Pablo mga isang daang taon pagkalipas nito, ang Corinto ay isa na namang masigla, maunlad na lungsod. Ang mga tao nito ay matagumpay na nagtatayo, gumagawa ng mga bagay-bagay, at nangangalakal sa araw. At sa gabi? Sila’y nagpipiging at naglalasingan sa mga templo ng idolo at sa mga taberna at gumagala-gala sa madidilim na lansangan sa paghahanap ng kaaliwang pangkatawan. Kapuna-puna, bagaman ang Corinto ay kilalang-kilala sa isang mahalay na panahon at nalalaman ng lahat kung ano ang isang “babaing taga-Corinto,” ang relihiyosong prostitusyon ay hindi isang gawaing Griego. Ang madalas isaysay na kuwento na ang Corinto ang tahanan ng isang libong mga babaing inialay kay Aphrodite ay salig sa walang katibayang opinyon ng heograpong si Strabo ng unang siglo B.C.E. Iyon man, ay inilagay niya sa panahon bago pa ang panahong Romano.

Mga Pagbubulaybulay Namin

Habang kami’y lumalakad sa kahabaan ng Lechaeum Way, ang sinaunang daanan na nag-uugnay sa kanluraning panganlungan ng barko sa sentro ng lungsod, itinuro sa amin ng aming giya ang mga labí ng mga gusali ng estado, mga templo, tindahan, isang pamilihan ng karne, at isang palikurang bayan, pawang nakalilitong pinagsama-sama. a Gayumpaman, dahil dito, sa halip na sa kabila nito, ang waring kakulangang ito ng pagpaplano ng bayan, nadama namin ang masiglang tanawin sa lansangan na malamang na nakaengkuwentro ni Pablo​—ang maraming taong abala at ang mga walang magawa kundi makipagdaldalan, ang mga tindero, mga alipin, at mga negosyante.

Habang papalapit kami sa dulo ng daan, narinig namin ang pagbulubok ng Bukál ng Pirene, isang bukál sa ilalim ng lupa na nagbibigay ng malamig na tubig sa mga tindahang nagbibili ng mga bagay na siraín, tubig na panghugas para sa mga artisano, at sa wakas tubig na pambuhos sa palikuran. Kung baga sa dakong ito nagtayo ang mag-asawang Kristiyano na sina Aquila at Priscila ng kanilang pagawaan ng tolda, walang nakaaalam ngayon. (Gawa 18:1-3) Subalit mga ilang metro lamang ang layo, sa mga hagdan patungo sa Forum, nasumpungan ng mga arkeologo ang isang barakilan mula sa isang sinagoga. Malamang na ito ay isang tirahang Judio, at kami’y natutuwang gunigunihin na maaaring ito ang mismong tahanan ni Titius Justus!​—Gawa 18:7.

Ang Forum​—kahali-halinang dako! Ito’y binubuo ng dalawang parihabang mga terado sa gawing silangan-kanluran. Sa gitna ng itaas na terado, na napaliligiran ng mga tindahan sa magkabilang tabi, may isang nakaangat na plataporma na ang tawag ay bema, na ginagamit ng mga tagapagsalita sa pormal na mga okasyon. Ipinaalaala sa amin ng aming giya na nang isulat ng manggagamot na si Lucas ang tungkol sa araw na ginugol ni Pablo sa harapan ni Prokonsul Gallio, ang salitang Griego na ginamit para sa “upuan sa hukuman” ay bema. (Gawa 18:12) Kaya ang mga pangyayari sa Gawa 18:12-17 ay maaaring nangyari sa mismong lugar na ito! Kami’y nakatayo sa kung saan maaaring tumayo si Pablo, handang ipagtanggol ang kaniyang sarili samantalang pinaliligiran ng kaniyang mga Judiong tagapagparatang. Subalit hindi! Ayaw pakinggan ni Gallio ang kaso. Pinalaya niya si Pablo at sa halip ay hinayaan niyang bugbugin ng mararahas na mang-uumog si Sosthenes.

Sa likuran ng bukás na hukumang ito, sa dulong hilaga ng mababang terado, naroon ang ‘sagradong bukál’ at ang dambana ng orakulo nito. May ilang pagkakaiba ng opinyon sa kung paano ibinibigay ang orakulo. Gayunman, maliwanag na kung ang sumasamo ay nagbabayad ng sapat na pera, ang mga pari ay gagawa ng isang “himala” at gagawing alak ang tubig-bukál. Malamang na tinitiyak niyan sa sumasamo na siya ay makahimalang maliliwanagan. Sinasabi ng mga arkeologo na ang dambanang ito ay malaon nang ginamit, kapuwa sa sinaunang Corinto bago ang mga Kristiyano at sa lungsod na itinayong-muli noong panahon ni Pablo. Sumisilip sa isang lihim na daanan, nakita namin ang mekanismo ng may dayang paggawa ng alak at kami’y kumbinsido na hindi bago ang relihiyosong mga huwad.

Bagaman si Poseidon ay ipinalalagay na patron ng Corinto, ang pinakamagandang gusali ay ang istilong-Doric na templo ni Apollo. Sa 38 haligi nito, 7 ang natitirang nakatayo. Halos 7.2 metro ang taas at 1.7 metro ang diyametro sa paanan, ang bawat isa ay yari sa iisang piraso ng adobe na orihinal na pinatsehan ng matigas, puting argamasa. Umaali-aligid sa lungsod sa nakaangat na sentro nito​—isang madilim at malungkot na kaguhuan sa gitna ng mga kaguhuan​—gayumpaman ang matandang templong ito ay patuloy na pupukaw ng matitinding damdamin. Maaari nitong ipaalaala sa isip ng nagmamasid kung ano ang isinulat ni Goethe​—na ang arkitektura ay “musikang pinagyelo.”

Dumating ang Ulan!

“Halikayo. Marami pa tayong pupuntahan!” Saboy. “Hindi pa natin napuntahan ang mga templo na may mga kusina at magagarang silid kainan.” Wisik. “Pupuntahan pa natin ang daanang bato na inilatag ni Erastus.” Tilamsik. “At tiyak na gusto ninyong makita ang taberna ni Aphrodite o ang Aesculapeum.” Oo, ang saboy at tilamsik ng malalaking patak ng tubig ay nagbabadya ng bagyong-ulan.

Pagdaka, ang mga tao at mga gusali sa aming guniguni ay naglaho. Nagmadali kaming bumalik sa aming pinanggalingan, sinasabi pa rin sa amin ng aming giya ang mga bagay na hindi pa namin nakita. Ang malakas na buhos ng ulan ay nagpangyari sa mga daanan na magningning, basain ang mga kulay at hugasan ang mga alabok sa marmol ng dating maringal na mga gusali. Nang ang langit ay biglang nagbuhos ng napakalakas na ulan, tumakbo kami. Naririnig pa rin namin ang aming giya sa unahan na simisigaw: “Halikayong lahat!” Sa nakabubulag na matinding buhos ng ulan, kahit na ang kaputol na mga gusali sa kahabaan ng Lechaeum Way ng Corinto ay naglaho. Walang natira, kahit ang magandang tanawin ni ang guniguni. Basang-basa, tumakbo kami patungo sa aming bus at umaasa kaming ang aming tsuper ay hindi nagkape.​—Isinulat.

[Talababa]

a Pamilihan ng karne (Griego, maʹkel·lon): Isang tindahan na nagbibili ng karne at isda subalit nagtitinda rin ng maraming iba pang bagay.​—1 Corinto 10:25.

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Corinto

GRESYA

DAGAT IONIANO

DAGAT AEGEANO

[Mga larawan sa pahina 17]

Itaas: Isang tindahang muling itinayo sa Forum

Gitna: Ang “bema”

Ibaba: Ang sinaunang templo ni Apollo