Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ganito Kami Maglaba ng Aming Damit . . .”

“Ganito Kami Maglaba ng Aming Damit . . .”

“Ganito Kami Maglaba ng Aming Damit . . .”

SA MARAMING bansa ang mga salitang iyan ay pamilyar sa mga salinlahi ng mga batang masiglang umawit at sumayaw sa kilalang tugmang pambata na ito. Subalit kung ang pag-iisip tungkol sa paglalaba ay hindi nagpapalundag sa iyo sa galak, isaalang-alang ito: Pagkatapos mag-shower o maligo, hindi ba nakarerepreskong magpatuyo sa isang malambot, bagong labang tuwalya? At sino ang hindi nakadaramang maayos at komportable sa pagsusuot ng malinis na mga damit? Aba, kahit na nga ang mga bata ay waring nasisiyahan sa pagsusuot ng mga damit na malinis at mabango​—kahit na sandali!

Kaya ang paglalaba ng ating pananamit ay mas mahalaga sa ating buhay at kagalingan kaysa karaniwang natatanto natin. Gayunman, ang paraan ng paglalaba natin ng ating mga damit ay maaaring depende sa kung saan sa daigdig tayo nakatira.

Paglalaba ng Walang mga “Washing Machine”

Sa maraming mayayamang bansa, ang salitang “washing” (paglalaba) ay kaugnay na ng salitang “machine” (makina). Gayunman, sa mas mahihirap na bansa ang paglalaba ay karaniwang ginagawa sa pamamagitan ng kamay, na may nakapagtatakang mahusay na mga resulta! Kunin halimbawa, yaong mahirap-linising mga puting damit. Sa mga bansang may mainit, tuyong klima, sinasamantala ng mga babae ang araw.

Ang pamamaraan ay simple. Isang palanggana ay pinupuno ng tubig at saganang sabon o detergent. Ang mga puti ay ibinababad, at kinukusot ng masisipag na kamay ng labandera ang damit sa tubig na may sabon. Kung walang mabiling komersiyal na pampaputi, ang iba ay gumagamit ng matagal-ng-panahong mga pampaputi, gaya ng suka ng niyog. At, pagkatapos banlawan, ang basang mga damit ay isinasampay sa palumpon o sa bakod at ikinukula sa araw upang pumuti nang husto. Ngayon, balik sa batya para sa maraming pagbabanlaw at ikalawang pagpapatuyo sa ilalim ng mainit na tropikal na araw. Ang resulta? Mga puti na bumubusilak sa kalinisan!

Ang isang maybahay na nakatirang malapit sa ilog o sapa ay maaaring sumubok ng kakaibang paraan. Una’y pumipili siya ng isang magandang lugar, isang lugar kung saan ang pampang ay pababa sa tubig. Gayunman, kung ang tubig ay mabilis ang agos, maingat na pipiliin niya ang tahimik na sapa kung saan walang gaanong panganib na ang kaniyang mga labahin ay anurin ng tubig. May malaking bato ba sa malapit? Mabuti. Ginagamit ngayon ng maybahay ang isang palu-palo upang paluin ang basang mga damit sa may bato. Ang dumi ay literal na naaalis mula sa damit.

Mga “Washing Machine”​—Noon at Ngayon

Sa mayayamang bansa inalis na ng makina sa paglalaba ang paglalaba sa pamamagitan ng kamay. Subalit ang mga washing machine ay matagal nang ginagamit kaysa inaakala mo. Noong Edad Medya sa Europa, ang batya ang popular na paraan ng paglalaba ng mga damit hanggang sa ito ay unti-unting pinalitan ng steam boiler. Nang maglaon, noong ika-19 na siglo, may lumitaw na washing machine na katulad ng modernong-panahong katapat nito. Noong 1830 isang palabahang Ingles ang gumamit ng isang umiikot na silindro na naghahagis sa mga damit sa mainit na tubig na may sabon. Ang pangunahing paraang ito ay nanatiling walang pagbabago hanggang sa araw na ito.

Gayunman, ang washing machine ay mabagal makialinsabay. Nasumpungan ng mga gumagamit nito na ang maniketeng iniikot-kamay ay mahirap kapuwa sa pananamit at sa taong nagpapaikot ng manikete. Kaya sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang corrugated washboard, batya, at pigaan na pinaaandar ng kamay ang mga gamit na pinipili ng maraming maybahay.

Gayunman, ang washing machine ay muling lumitaw noong 1910 sa paglitaw ng unang makinang pinatatakbo ng kuryente. Pagkalipas ng labindalawang taon, ang unang agitator-type na makina ay lumitaw sa eksena. Mula noon, di-mabilang na mga pagsulong at pagbabago ang ginawa sa mga washing machine. Sinimulan pa nga ng ilang kompaniya ang pagbebenta ng mga makinang kontrolado-ng-computer na isang pindot lamang sa isang buton ay “titiyak sa kung gaano karumi ang iyong mga damit at saka pipiliin ang dami ng detergent at paraan ng paglalaba.”​—Popular Science, Hulyo 1990.

Tips sa Paggamit ng Automatikong mga Washing Machine

Ang pamantayang automatikong washing machine ay karaniwan sa maraming tahanan sa Kanluran. Gayunman, ang “automatik” ay hindi nangangahulugan na ito ay maaaring gamitin nang hindi maingat na pinag-iisipan. Halimbawa, sa paglalagay ng mga damit sa washing machine, ang di-timbang na karga ng mga labahin ay maaaring magpangyari sa makina na kumilos sa sahig sa panahon na ito’y umiikot, na lilikha ng napakalaking pinsala sa silid na labahan. Maaaring magkaroon ng mapanganib na mga usok kung ikaw ay gagamit ng pampaputing chlorine na may ammonia. Kaya sundin ang mahalagang mga pamamaraang pangkaligtasan. Huwag ilagay ang iyong mga kamay sa makina hanggang sa ito’y huminto. Alisin sa saksakan bago subukang ayusin ito. At huwag hayaang paandarin o paglaruan ng inyong mga anak ang inyong washing machine.

Ngunit paano ka makatitiyak na makakukuha ng kasiya-siyang mga resulta kapag ikaw ay naglalaba? Narito ang ilang pangunahing mungkahi:

◻ Alisan ng laman ang lahat ng bulsa, ibaligtad ito.

◻ Baligtarin ang mga punyos, at brasin ang dumi.

◻ Itali ang mga tali at sinturon upang huwag magkabuhul-buhol.

◻ Isara ang mga siper, mga kutsetes, at kawit upang huwag sumabit sa ibang bagay.

◻ Alisin ang mga batik at mantsa bago labhan.

◻ Huwag sosobrahan ang karga. Ito’y maaaring magbunga ng hindi malinis na paglalaba, mas maraming gusot, paghihimulmol, at sirain ang iyong mga damit.

Sabihin pa, ang marami ay naglalaba pa rin sa sinaunang paraan​—sa pamamagitan ng kamay. Ngunit ang iyo mang washing machine ay isang metal na batya, isang umaagos na sapa, o isang computerize na mekanikal na kababalaghan, ang mga resulta ay maaaring gumawa sa iyong mga gawain na sulit​—malinis, maningning na pananamit para sa iyong sarili at sa iyong pamilya, gayundin ang kasiyahan ng isang mahusay na trabaho!

[Mga larawan sa pahina 26]

Paglalaba sa ilog

Pagkukula sa araw