Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hindi Ko Kasalanan!”—Ang Panahon ng Pagdadahilan

“Hindi Ko Kasalanan!”—Ang Panahon ng Pagdadahilan

“Hindi Ko Kasalanan!”​—Ang Panahon ng Pagdadahilan

LAGAPAK! Ang nanay ng batang si Johnny ay dali-daling nagtungo sa kusina upang alamin kung ano ang dahilan ng katakut-takot na ingay na iyon. Naroon, mga piraso sa sahig, ang garapon ng biskuwit. Si Johnny ay nakatayo roon, asiwang hawak-hawak ang isang biskuwit sa kaniyang kamay at kasabay nito ay sinisikap na magtinging inosente. “Hindi ko kasalanan!” bulalas niya.

ALAM na alam ng mga magulang na ang mga bata ay nahihirapang managot sa kanilang sariling pagkakamali. Subalit gayundin ang problema ng lipunan ng mga adulto ngayon. Parami nang paraming tao ang waring naniniwala na ang pang-akit ng kanilang sariling kasiyahan ay higit kaysa makatuwirang asahan na labanan nila.

Isaalang-alang, halimbawa, ang lalaking hinalay ang isang babae nang tatlong beses. Sa kaniyang paglilitis siya ay tumutol na siya ay biktima ng kaniyang sariling mga hormone na panlalaki; marami siyang testosterone. Siya ay napawalang-sala. Sinisi ng isang pulitiko na nahuling nagsisinungaling ang kaniyang panunumpa nang walang katotohanan sa isang suliraning nauugnay sa alak. Isang tagapuslit ng droga ay napawalang-sala pagkatapos aminin na siya ay isang biktima ng “action-addict syndrome.”

Sang-ayon sa U.S.News & World Report, mahigit na 2,000 grupo ang nagtitipon linggu-linggo upang payuhan yaong mga ipinalalagay ang kanilang sarili na mga sugapa sa sekso o sa pag-ibig. Tinularan ng mahigit na 200 pambansang mga organisasyon ang Alcoholics Anonymous upang tulungan ang “mga biktima” ng iba pang “mga pagkasugapa,” gaya ng Batterers Anonymous, Gay Men’s Overeaters Anonymous, Gamblers Anonymous, Debtors Anonymous, Messies Anonymous, at Workaholics Anonymous.

Ang ilang dalubhasa ay sumasang-ayon na ang ideya na ang lahat ng anyong ito ng mapanirang ugali ay maaaring nakasusugapa, subalit ang iba ay nangangamba sa nauusong bagong pagkasugapang ito. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang sikologo: “Ang paglikha ng isang daigdig ng nakasusugapang sakit ay maaaring mangahulugan ng paglikha ng isang daigdig kung saan ang lahat ay mapatatawad.” Isang saykoterapis ay nagbabala na minsang bansagan ng mga tao ang kanilang sarili na walang-kayang mga biktima ng isang pagkasugapa, mas mahirap silang gamutin; ang kanilang pagdadahilan ay nagiging bahagi ng kanilang pagkakakilanlan.

Iginigiit ni Dr. William Lee Wilbanks, isang propesor ng kriminal na hustisya, na ang modernong kausuhan sa paggamot sa pagkasugapa ay pawang bahagi ng anim-na-salitang pilosopya na tinatawag niyang Bagong Kabastusan: “Hindi ko matulungan ang aking sarili.” Pinipintasan niya ang “lumalagong hilig sa siyentipikong pamayanan na malasin ang mga tao bilang mga bagay na apektado ng panloob at panlabas na mga puwersa na hindi nila masupil.” “Ang pangmalas na ito,” susog niya, “ay nagpapakita na ang kalayaang-magpasiya ay kaunti lamang o walang bahagi sa paggawi ng tao.”

Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang kalooban ng tao ay maaaring magkaroon ng higit na impluwensiya kaysa mas tradisyunal na mga pagkasugapa na naisip na. Halimbawa, halos 75 porsiyento ng mga sugapa sa heroin ay bigo sa kanilang pagsisikap na huminto sa bisyo. Subalit sa gitna ng mga beterano ng Digmaan sa Vietnam, ang bilang ng tagumpay ay mas mataas​—halos 90 porsiyento ay huminto. Bakit? Pareho ang droga, pareho rin ang pagkasugapa. Gaya ng ipinakikita ni Wilbanks, maaari kayang ang “kanilang sistema ng pagpapahalaga at disiplina-sa-sarili ay tumulong sa kanila na ‘Tumanggi’”? Hindi naman ibig sabihin na ang gayong mga bagay na gaya ng pagkaumaasa sa kemikal o kahit na nga ang katutubong hilig sa ilang problema ay hindi tunay. Gaya ng sabi rito ni Wilbanks, ang gayong mga salik “ay maaaring gumawa sa pakikipagbaka sa tukso na mas mahirap. Subalit ang laban ay maaari pa ring mapagtagumpayan.”

Maaari nga. Ang pang-akit ng kagyat na kasiyahan ay maaaring maging malakas, subalit hindi malakas-sa-lahat. Gaya ng ipinakikita ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, ang mga sugapa sa droga, alkoholiko, mangangalunya, sugarol, at mga homoseksuwal ay hindi kinakailangang bigyan-kasiyahan ang kanilang mga nasa. Taglay ang determinasyon at, mas mahalaga, ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos, maaari at napagtatagumpayan nila ang kanilang mga problema. Sa gayon, anuman ang sabihin ng “mga dalubhasa,” ang ating Maylikha ang nakakaalam kung tayo ay mananagot sa ating sariling mga kilos. (Bilang 15:30, 31; 1 Corinto 6:9-11) Subalit siya rin ay maawain. Hindi siya umaasa nang higit kaysa makatuwiran, “inaalaala na tayo’y alabok.”​—Awit 103:14.