Isang Daigdig na Hindi Masupil
Isang Daigdig na Hindi Masupil
Ang walang tiyagang paghahangad ng tao ng kagyat na kasiyahan ay nagbunga ng kawalan niya ng pagpipigil. Isaalang-alang ang ilan lamang halimbawa:
Ekolohikal: Sinisira ng tao ang kapaligiran. Sa pangmatagalan, ang mga resulta ay nangangahulugan ng kapahamakan; sa panandalian, gayunman, ang pagdarambong sa lupa sa mga yaman nito at walang gaanong ginagawa upang takdaan ang polusyon ay nangangahulugan ng salapi kapuwa sa industriya at sa gobyerno. Kaya ang pandarambong ay nagpapatuloy, sa kabila ng pagtutol ng mga tagapagtaguyod ng kapaligiran.
Ekonomiya: Ang mga bansa sa buong daigdig ay nangungutang ng higit at higit na salapi, nagbubunton ng gabundok na mga utang alang-alang sa mga pangangailangan ng ekonomiya sa kasalukuyan. Hindi nila iniintindi ang nakatatakot na mga
babala ng mga ekonomista—na ang interes ng lahat ng mga utang na iyon ay maaaring lumaki tungo sa isang napakabigat na pasanin sa dakong huli o na ang ekonomiya ng daigdig na nakasalig sa isang pundasyon ng pangglobong pagkakautang ay mabuway at maaaring bumagsak kung hindi makabayad ang mahihirap na bansa ng kanilang mga utang.Moral: Mga sugapa sa droga at alkohol, mga sugarol, lahat ng uring kriminal, mga mangangalunya, mga mapakiapid—sino ang magkakaila na ang mga ito ay dumarami ngayon sa buong daigdig? Ito’y iba’t ibang grupo na may iisang katangian: Nais nila ito NGAYON! “Ito” man ay sekso, salapi, kapangyarihan, o basta pagkalango, handang itapon ng marami ang kanilang pag-aasawa, pamilya, budhi, pinansiyal na seguridad, kalusugan, reputasyon, buhay pa nga, para sa gayong panandaliang ligaya.
Hindi kalabisang sabihin na ang daigdig ngayon ay hindi masupil, pinamamahalaan ng halos ay parang batang kasakiman. Taimtim na nilalabanan ng iba ang hindi pag-iintindi sa hinaharap na napakapalasak sa daigdig. Subalit mas malakas pa, at mas malaganap, ang mga puwersa na nagpapahina sa pagtanaw sa hinaharap at sa pagpipigil-sa-sarili na nasa ating lahat.
Nakapanghihinang mga Impluwensiya
Ang modernong tao, lalo na sa mas industrialisadong mga bansa, ay patuloy na binabaha ng propaganda sa pamamagitan ng media. Ito man ay sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, pelikula, magasin, o pahayagan, ang kagyat na kasiyahan ay may kasanayang itinataguyod.
Ang mga anunsiyo sa media ay sumisigaw na ikaw ay bumili, bumili, bumili—at kumuha ka ng mga credit card upang ikaw ay maaaring bumili ngayon, ngayon, ngayon. Di-mabilang na mga produkto ay maaaring mabili sa pagtawag lamang sa telepono. ‘Saka mo na intindihin ang pagbabayad! ’ waring nakaaaliw na mungkahi ng anunsiyo. Ang mga ito ay dinisenyo taglay ang halos kataka-taka at mahiwagang kasanayan upang hikayatin ang mga damdamin. Buklatin mo ang pahina ng isang magasin, at ikaw ay sasakmalin ng daluyong ng pabango. Buksan mo ang radyo, at isang jingle ang uukilkil sa iyong isip sa loob ng mga ilang araw. Buksan mo ang TV, at ang magagarang larawan nito ang aakit sa iyo. Sa istilong musika-video, ang mga larawan ay napakabilis na nagdaraan upang matawag ang pansin kahit ang pinakamaikling pansin.
Higit pa ang ginagawa ng telebisyon kaysa ianunsiyo lamang ang kagyat na kasiyahan. Inilalabas nito ito. Sa pagpindot lamang sa buton, binibigyan-lugod nito ang simbuyong maaliw. Kadalasan ito’y lumilibang sa pamamagitan ng pagpapakita sa mga taong pinalulugdan ang kanilang sariling mga hangarin. Ang taong mapaghamok ay bumabaling sa karahasan kapag ang kaniyang mga kaaway ay ‘karapat-dapat dito.’ Hinihiya ng batang madaling matuto ang mga magulang sa pamamagitan ng walang galang na pagbibiro. Ang nararahuyong romantiko ay kusang napadadala sa pangangalunya o sa pagsisiping nang hindi pa kasal. Bihirang sinisiraan ng TV ang mga tauhang ito dahil sa kanilang kakulangan ng pagpipigil-sa-sarili; ginagawa nila ang mga ito na magtinging kahali-halina, binabantuan ito ng madulang kaluwalhatian o ng sumasang-ayon na koro ng kunwaring tawanan.
Sa katulad na paraan, isang artikulo kamakailan sa The Atlantic Monthly ay nagsabi na ang mga pelikula sa Hollywood ngayon ay “isang tanawin na metikulosong ginawa upang bigyan-kasiyahan ang bawat sandali,” sa pamamagitan ng “mga pelikulang paulit-ulit na sumisigaw ng, ‘Maaari mong kamtin itong lahat!’ ” Para bang, wala nang nakabibigay-kasiyahan sa mga manonood ngayon kundi ang karahasan. Binabatikos ng artikulo na ang mga pelikula noon “ay sinusugpo ang pagnanasa ng mga manonood na makisama sa pagsipa,” samantalang “kung ihahambing, ang karahasan sa
pelikula ngayon ay ginagamit pangunahin na upang anyayahan ang manonood na masiyahan sa pagkadama ng pagpatay, panggugulpe, pagputol sa mga bahagi ng katawan.” Sa katunayan, nahihigitan ng aksiyon at karahasan ang istorya at usapan sa mga pelikula anupa’t ang mga palabas ngayon ay 25 porsiyento mas maiksi sa pagsulat kaysa noong 1940’s, bagaman ang mga pelikula mismo ay gayundin ang haba.Ang mga relihiyon ng daigdig ay nasa huwarang katayuan upang tumulong na iahon ang sangkatauhan na naligaw sa landas ng ‘sandaling pagkahibang.’ Gayunman, napakaraming lider ng relihiyon ang waring nakalubalob sa lusak ng kanila mismong paghahangad ng kagyat na kasiyahan. Gaano kadalas nating nababasa ang tungkol sa paghahangad nila ng kapangyarihan at impluwensiya sa larangan ng pulitika, o ang panunuyo nila sa kanilang suwail na mga kawan sa pamamagitan ng pagbabanto sa moral na mga pamantayan, o sa paggamit pa nga sa Bibliya bilang isang matuwid na pang-ibabaw na sa likuran nito ay mapagpaimbabaw na ginagawa nila ang balang maibigan nila? Sa halip na ipakilala kung ano talaga kadalasan ang kagyat na kasiyahan—bahagi ng panghikayat ng kasalanan—sila’y nakisama sa iba pang ‘mga lider sa moral’ sa pagpapagaan sa ideya ng kasalanan, muling binibigyan-kahulugan ito ng suwabe’t magandang pakinggang kahalili bilang ‘mga problemang namamana’ at ‘mapagpipiliang istilo-ng-buhay.’—Tingnan ang kahon sa pahina 8.
Isang Gamit Upang Hadlangan ang Kalakaran
Sa gayong uri ng kapaligiran sa daigdig, paano ba tayo makapanlalaban? Paano tayo makagagawa ng pasiya nang hindi masyadong nadadala ng pang-akit ng kagyat na kasiyahan? Ang sagot ay baka makagulat sa iyo: Makatutulong ang Bibliya. Salungat sa maaaring akalain ng maraming tao, ang Bibliya ay hindi laban sa kasiyahan. Hindi nito itinataguyod ang pagpapakasakit o mahigpit na pagkakait-sa-sarili. Bagkus, tinuturuan tayo ng Bibliya kung papaano mamumuhay ng maligayang buhay, na may kasiyahan na nasa tamang lugar.
Inilalarawan ng Bibliya ang Maylikha bilang “ang maligayang Diyos,” na ‘nagagalak sa kaniyang mga gawa.’ (1 Timoteo 1:11; Awit 104:31) Kung tungkol sa mga tao, ang Eclesiastes 3:1 ay nagsasabi: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, samakatuwid baga’y panahon sa bawat pangyayari sa silong ng langit.” Sang-ayon sa kasunod na mga talataEcl 3:4, 8, kabilang diyan ang panahon ng pagtawa, panahon ng paglukso, panahon ng pagyakap, at panahon ng pag-ibig. Pinupuri pa nga ng Kawikaan 5:18, 19 ang kagandahan ng kasiyahan sa sekso sa pagitan ng lalaki at ng asawang babae nang sabihan nito ang mga asawang lalaki: “Magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.” Maliwanag, kung gayon, hindi lahat ng kasiyahan ay mali, ni ang lahat man ng anyo ng kasiyahan ay dapat na di-makatuwirang ipagpaliban. Gayunman, ang pagpipigil-sa-sarili ay kadalasang ang nawawalang sangkap.—Galacia 5:22, 23.
Dapat nating ilagay ang ating sariling mga kasiyahan sa wastong pangmalas. Kailangan natin ang tamang mga prayoridad. Ang pagbibigay-lugod sa Diyos ang dapat na mauna kaysa ating sariling kaluguran; dapat itong mauna sa ating buhay. Susunod ang may prinsipyong pag-ibig sa ating kapuwa. (Mateo 6:33; 22:36-40) Kung talagang iniibig natin ang Diyos at ang ating kapuwa, may kagalakang ilalagay natin na sunod lamang sa dalawang prayoridad na ito ang ating sariling kasiyahan.
Ang salig-Bibliyang mga prayoridad ay tutulong din sa atin na pahindian ang kasiyahan kung kinakailangan. Iiwasan natin ang paglalasing, pangangalunya, pakikiapid, pagsusugal, kasakiman, pag-abuso sa droga, at karahasan. Ang bawat isa sa mga kasalanang ito ay nagbibigay ng kagyat na kasiyahan sa kani-kaniyang paraan, subalit ito’y kasalanan sa Diyos at nakapipinsala sa ating kapuwa. Ang mga kautusan ng Diyos laban sa mga kasalanang ito ay isang tiyak na tanda ng kaniyang pag-ibig sa atin, sapagkat sa kalaunan, ang kasalanan ay pagbabayaran higit sa lahat ng maysala. Ang halaga ay maaaring sakit, isang wasak na tahanan, o karalitaan. Maaaring ito’y pangwakas na gaya ng kamatayan o kalunus-lunos na gaya ng isang mababaw at hindi kasiya-siyang buhay.
Pagsunod sa Mabubuting Halimbawa
Nais ng Diyos na tayo’y mabuhay nang maligaya, mabungang buhay; ang kaniyang Salita ay punô ng mga halimbawa ng mga lalaki at babae na namuhay ng maligayang buhay. Sa maraming kaso ang kanilang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos ang nagpakilos sa kanila na iantala ang kanilang sariling kasiyahan. (Tingnan ang Hebreo, kabanatang 11.) Si Moises ay isang kilalang halimbawa sa kasong ito. Pinalaki bilang anak ng anak na babae ni Faraon sa sinaunang Ehipto, bukás sa kaniya ang isang buhay ng kasiyahan. Ang kapangyarihan, impluwensiya, kayamanan, at walang alinlangan ang maraming seksuwal na mga pagkakataon ay maaaring maging kaniya kung nanatili siya sa sambahayan ni Faraon. Sa halip, nakisama siya sa hinahamak, inaaliping bayan ng Israel. Bakit?
Ang Hebreo 11:25 ay sumasagot na pinili niyang “tampalasanin na kasama ng bayan ng Diyos kaysa magtamo ng pansamantalang kaligayahan sa pagkakasala.” Nakita ni Moises kung ano nga ang kagyat na kasiyahan. Kagyat. Pansamantala. Agad na natatapos. Kaya sa halip na magtuon ng isip sa kung ano ang magdudulot sa kaniya ng panandaliang kaluguran, pinagtuunan niya ng isip ang pagtahak tungo sa isang maligayang kinabukasan. Gaya ng sinasabi ng Hebreo 11:26: “Nakatitig siya sa gantimpalang kabayaran.” Ang gantimpalang iyon ay tunay na tunay sa kaniya, gayundin ang Tagapagbigay-ganti. Ang Heb 11 talatang 27 ay kababasahan: “Siya’y nagpatuloy na matatag tulad sa nakakakita sa Isang di-nakikita.”
Maaaring libakin ng iba ang pasiyang ginawa ni Moises. Maaari pa ngang sabihin ng iba na pipiliin nila ang kayamanan, ang kapangyarihan, ang katanyagan. Subalit isaalang-alang: Kung pinili ni Moises ang landasin ng kagyat na kasiyahan, makikilala pa kaya natin siya ngayon? Buháy pa kaya ang kaniyang pangalang Ehipsiyo na gaya ng isang sulat hieroglyph sa ilang biták, nahukay na bato sa isang museo, isang malabong piraso ng walang halagang bagay na kilala lamang ng ilang arkeologo? O, malamang, ito kaya’y nakabaon at limot na sa ilalim ng alabok at buhangin ng 34 na dantaon? At kumusta naman ang kaniyang gantimpala? Nakatitiyak kaya si Moises ng isang dako sa alaala ni Jehova kung pinili niya ang madaling landasin na paluguran ang kaniyang sarili?
Ang pangalan ni Moises ay nagsisilbing isang inspirasyon sa angaw-angaw na mga tao ngayon. Ang kaniyang hinaharap ay tiyak. Ang iyong kinabukasan ay maaaring gayundin katiyak. Ikaw man ay maaaring maging isang pinagmumulan ng pampatibay-loob sa iba. Kung ikaw ay magpapasiya sa buhay, mula sa malaki hanggang sa maliit, huwag kang padaya sa propaganda ng sanlibutan na dapat na magkaroon ka ng kung ano ang nais mo NGAYON! Tanungin ang sarili, ‘Ang nais ko ba ay kasuwato ng kung ano ang nais ng Maylikha para sa akin? Ang paghahangad ba ng kung ano ang nais ko ngayon ay nangangahulugan ng pagpapaliban ko sa aking espirituwal na mga hangarin? Isinasapanganib ko ba ang aking gantimpala? Anong uri ng halimbawa ang ipinakikita ko sa mga kaibigan at sa pamilya?’
Huwag mong piliin ang pansamantalang pangmalas ng sanlibutang ito sa pangmatagalang karunungan ng Diyos. Huwag ipagpalit ang pangmatagalang kaligayahan sa panandaliang kaluguran, ang walang-hanggan sa pansamantala. Sa paano man, ang ating Maylikha ay nagbibigay sa atin ng kasiyahan sa pinakamalawak na paraang maiisip. Gaya ng sinasabi tungkol sa kaniya ng Awit 145:16: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay.” Ang ilan sa mga kasiyahang ito ay kaagad; ang ilan naman ay nangangailangan ng panahon at pagtitiis. Ang buhay sa paglilingkod kay Jehova ay punô ng kaligayahan—ang kagandahan ng paglalang, ang init ng pagkakaibigan, ang kagalakan ng humahamon at kapaki-pakinabang na gawain, ang katuwaan na malaman ang mga sagot sa nakalilitong mga tanong sa buhay. Higit pa riyan, ang Maylikha ay nag-aalok sa atin ng isang buhay na magiging kasiya-siya magpakailanman.—Juan 17:3.