Kapag Namatay ang mga Kanaryo
Kapag Namatay ang mga Kanaryo
ANG mga kanaryo ay mas sensitibo sa nakalalasong gas kaysa mga tao. Sa dahilang ito, ang mga minero ng karbón noon ay nagdadala ng isang nakahawlang kanaryo sa minahan bilang isang paraan upang matiyak ang pagkakaroon ng mapanganib ng mga gas. Nabibigyan-babala sa pamamagitan ng kamatayan ng kanaryo, ang mga minero ay maaaring tumakas sa panganib hanggang sa ang minahan ay wastong mapahanginan. Taglay ang pinagmulang ito sa isipan, mas mauunawaan ng isa ang mga komento na ginawa ni Dr. David Suzuki, isang kilalang siyentipiko sa Canada.
Nababahala sa waring nalalapit na kamatayan ng ating planetang Lupa, ginamit niya ang sumusunod na ilustrasyon: “Kapag dinala ng isang minero ang isang kanaryo sa minahan ng karbón at ang kanaryo ay namatay, hindi basta sasabihin ng minero-ng-karbón, ‘Oh, ang ibong iyon ay basta namatay subalit hindi naman ako isang ibon.’ Ang kanaryo ay namatay sapagkat nalanghap nito ang hanging nilalanghap mo.”
Pagkatapos ay sinabi niya: “Kapag nakita mo ang 22 balyenang Beluga na namamatay sa Golpo ng St. Lawrence at ang mga ito’y punúng-punô ng nakalalasong mga kemikal anupa’t kailangan mong gumamit ng guwantes at maskara upang hipuin ito, kapag sinasabi sa atin ng mga tao na ang kagubatan ng sugar maple sa Quebec ay mamamatay sa loob ng sampung taon, kapag tayo’y sinabihan ng mga tao na dalawang uri sa isang oras ang malilipol at na 10,000 seal ang namatay sa North Sea at na hindi nila alam kung bakit, tiyak, . . . iyon ay mga kanaryo at kung inaakala nating hindi natin kasama ang mga organismong iyon sa iisang kapaligiran, sira tayo.”
Idinaraing ni Dr. Suzuki ang bagay na hindi gaanong pinapansin o hindi pinapansin ng mga pulitiko ang “mga kanaryong” ito at ayaw nilang tingnan ang kaselangan ng kalagayan hanggang sa maraming mga bata ang mamatay. Sabi niya: “Kaya hahayaan ba nating ang ating mga anak ang maging ating mga kanaryo?”
Ang tunay na mga Kristiyano, bagaman nababahala, ay hindi nasisiraan ng loob. Hindi ipahihintulot ni Jehova, ang Maylikha ng lupa, “na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, kundi inanyuan ito upang tahanan,” na patuloy na ipahamak ng kulang sa pag-iintindi sa kinabukasan at sakim na mga tao ang ating kapaligiran magpakailanman. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, siya’y nangangakong “ipapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Isaias 45:18; Apocalipsis 11:18.