Moralidad sa Tabako?
Moralidad sa Tabako?
“Ang B.A.T. [British American Tobacco] Uganda 1984 Ltd. ay hindi naniniwalang ang paninigarilyo ay nakapipinsala sa kalusugan.” Ang pahayag na ito, na binanggit sa isang liham sa Ministri ng Kalusugan sa Entebbe, Uganda, ay nagbangon ng kaguluhan sa Britaniya sa gitna ng mga akusasyon ng kahina-hinalang etika sa negosyo at dobleng pamantayan. Bakit?
Ang mga babala sa kalusugan na ibinibigay ng gobyerno ay dapat lumitaw sa mga kaha ng sigarilyo sa mga bansa sa Kanluran kung saan ang bisyo ng paninigarilyo ay bumaba ngayon ng 1 porsiyento sa isang taon. Gayunman, sa nagpapaunlad na mga bansa, ang gayong mga kahilingan ng batas ay hindi umiiral, at kung ito ay umiiral, hindi ito napapansin lalo na kung ang mga maninigarilyo ay bumibili ng kanilang sigarilyo nang isahan, sa halip na isang kaha. Ang mga benta sa mga bansang iyon ay dumarami ng 2 porsiyento sa bawat taon. Subalit bahagi lamang iyan ng problema. Ang matatapang na tabako “na lubhang mapanganib para sa kanila [Europeong mga bansa] na hititin” ay iniluluwas mula sa Europa tungo sa Aprika at sa iba pang nagpapaunlad na mga bansa, sabi ni Dr. Roberto Masironi, hepe ng programa sa Tabako o sa Kalusugan ng WHO (World Health Organization).
Ipinalalaganap din ng agresibong pagbebenta ang bago, mas matapang, at mas murang marka ng sigarilyo. Sa Zimbabwe, kung saan kalahati ng populasyon ay wala pang 16 anyos at walang takdang edad para sa pagbili ng tabako, ikinatatakot na ang mga kabataan ay magumon sa bisyo ng paninigarilyo. Si Dr. Timothy Stamps, ang minister sa kalusugan ng Zimbabwe, ay nagpahayag din ng pagkabahala tungkol sa “tusong mga mensahe na nakapuntirya sa mga dalaga” upang magumon sila sa nikotina, na tinatawag na “pinakamabilis-kumilos na droga sa Kanluraning daigdig.” Nagsasalita sa isang komperensiya ng WHO, ganito ang sabi ng punong opisyal ng medisina sa Britaniya: “Hindi ko maunawaan kung paano patuloy na maipalalaganap ng sinuman ang nakamamatay na bisyong ito.”
Laban sa gayong mga panggigipit, bakit hindi tumitigil ang kampaniya na paramihin ang benta? May dalawang pangunahing dahilan. Una, kung patitigilin ito, libu-libong trabaho sa industriya ng tabako sa Europa ang mawawala. Ikalawa, nariyan ang kabuhayan ng mga bansa kung saan ipinagbibili ang tabako. Halimbawa, ang Kenya ay tumutubo ng 5 porsiyento ng kabuuang buwis ng gobyerno mula sa mga buwis sa internas at tubò sa benta ng tabako. Nakatulong din sa paglakas ng benta ng tabako ang pinansiyal na suporta na ibinibigay ng mga kompaniya ng tabako sa isports.
Samantala, ang mga suliranin sa kalusugan ng Kanluraning daigdig ay unti-unti nang lumalaganap ngayon sa mga bansa sa Aprika. Habang patuloy silang nakikipagbaka laban sa malaria at sa marami pang endemikong mga sakit, nasusumpungan nilang ang kanilang limitadong yaman ay banát na banát upang ilakip ang mga karamdamang nauugnay-sa-tabako.
Ang Asia ang susunod na pamilihan na ngayo’y pinagtutuunan ng pansin ng mga kompaniya ng tabako. Doon, ang mga benta ng sigarilyo ay sinasabing tataas ng hindi kukulanging 18 porsiyento sa susunod na sampung taon. Ang Tsina ay inaasahang magbubukas sa wakas sa tabako ng Kanluran. Nalalaman na ngayon na 30 porsiyento ng mga sigarilyo ng daigdig ay hinihitit sa Tsina. Inihuhula ng Britanong dalubhasa sa kanser na si Propesor Richard Peto na sa lahat ng mga batang Intsik na nabubuhay ngayon, 50 milyon ang sa wakas ay mamamatay dahil sa sakit na nauugnay-sa-tabako, ulat ng The Sunday Times ng London.
Ang isa sa mga katangian na pagkakakilanlan sa mga Saksi ni Jehova—mga apat na milyon sa buong daigdig—ay na sila’y hindi gumagamit ng tabako. Gayunman, marami sa kanila ang dating malakas manigarilyo. Sila’y huminto nang matanto nila na ang paninigarilyo ay hindi kasuwato ng pananampalatayang Kristiyano. (Mateo 22:39; 2 Corinto 7:1) Kung talagang nais mong makalaya mula sa pagkasugapa sa tabako, humingi ka ng tulong at payo sa sinuman sa kanila. Sila ay magagalak na ibigay ito.