Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Rosaryo Ako’y sumusulat may kaugnayan sa inyong artikulo tungkol sa rosaryo. (“Ang Pangmalas ng Bibliya,” Hunyo 8, 1990) Batay sa isahang-panig na mga kuru-kuro ng dalawang “dating-madre,” kayo’y naghinuha na ayaw ng Diyos na tayo’y lumapit sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang Ina, si Maria. Ang doktrinang Katoliko na si Maria ay tagapamagitan kay Kristo ay matagal na at matatag na doktrina. Ang sinumang nagpapabulaan sa katotohanang ito nang hindi sinasaliksik ang lahat ng makukuhang impormasyon ay gumagawa ng mabigat na kasalanan. Kunin ninyo ang katotohanan!

M. E. M., Estados Unidos

Nauunawaan namin kung bakit ganito ang nadarama ng aming mga mambabasang Katoliko. Gayumpaman, ang aming artikulo ay puspusang sinaliksik, ginagamit ang kagalang-galang ng mga reperensiya, pati na ang “New Catholic Encyclopedia.” At bagaman ang mga komento ng mga dating-madre na sinipi ay kawili-wili, binatay ng artikulo ang mga konklusyon nito sa patotoo ng Bibliya mismo. Hindi binabago ng mga dantaong doktrina ng simbahan ang katotohanan na hindi iniaatas ng Bibliya kay Maria ang papel na “tagapamagitan.” Sa kabaligtaran sinabi mismo ni Jesus: “Walang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6, Katolikong “Jerusalem Bible”)​—ED.

Teleskopyo Ang labas ng Marso 8, 1990 ay nagtampok ng isang artikulong pinamagatang “Isinisiwalat ng Di-Karaniwang Teleskopyo ang mga Hiwaga ng Araw.” Ipinakita ko ito sa aking guro sa siyensiya, at tuwang-tuwa siya rito. Pagkalipas ng dalawang araw binigyan ng guro ng mga photocopy ng artikulo ang lahat sa klase, at tinalakay namin ang buong artikulo. Balak niyang gamitin ang artikulo sa lahat ng kaniyang klase sa siyensiya.

A. V. A., Estados Unidos

Meykap Halos lahat ng mga batang babaing kaklase ko sa paaralan ay nakameykap, bagaman ang ilan sa kanila ay 13 anyos lamang. Nais ko sanang subukang magmeykap, pero ayaw ng mga magulang ko. Pagkatapos mabasa ang inyong artikulo (Mayo 22, 1990), nauunawaan ko na ngayon na ikaw ay maaaring magtinging maganda kahit walang meykap. Talagang inaakala kong napakahusay na inilalathala ninyo ang mga artikulong idinisenyo para sa mga kabataan.

D. C., Alemanya

Salamat sa inyong artikulo tungkol sa wastong paggamit ng meykap. (Hunyo 22, 1990) Hindi ako pinapayagang magmeykap sapagkat ako’y 11 anyos lamang. Subalit nalaman ko buhat sa inyong artikulo na kapag ako’y pinayagan nang magmeykap, bahagya lamang ang gagamitin kong meykap, at habang ako’y nagkakaedad at nangangailangan ng higit na meykap, saka na ako magdaragdag ng meykap.

S. D., Estados Unidos

Pamamahala ng Tao Ang inyong seryeng “Tinimbang ang Pamamahala ng Tao” ay nakalilito sa akin. Anong pakinabang na suriin at hatulan ang iba’t ibang anyo ng gobyerno ng tao kung ang lahat ng anyo ng gobyerno ay apektado ng walang-lubay na pakikialam ni Satanas? Paano malalaman ng isa kung saan nagwawakas ang pagmamaneobra ni Satanas at kung saan naman nagsisimula ang kawalang-kakayahan ng tao?

A. P., Estados Unidos

Ang pakikialam ni Satanas ay walang alinlangang siyang dahilan ng kabiguan ng tao na pamahalaan ang kaniyang sarili. Gayumpaman, ang pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos ay mabibigo kahit na hindi makikialam si Satanas. Sabi ng Jeremias 10:23: “Hindi para sa tao ang magtuwid kahit ng kaniyang hakbang.” Idiniriin lamang ng aming serye ang katotohanan ng mga salitang ito.​—ED.

Pagkasugapa sa Shabu Maraming salamat sa inyong tunay-sa-buhay na mga artikulo tungkol sa shabu. (Hulyo 22, 1990) Naranasan ko nang gumamit ng lahat ng klaseng droga maliban sa heroin, at ako’y gumagamit ng droga sa loob ng 11 taon. Ang aking asawang babae ay gumagamit at nagbebenta rin ng droga. Samantalang nabilanggo ng 27 buwan sa piitan, siya’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nabautismuhan. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, at sa tulong ni Jehova, ako man ay lubusang huminto sa paggamit ng mga droga.

C. V., Colombia

Ang paghinto sa nakasusugapang mga droga ay mahirap, at ang iba ay nangailangan ng propesyonal na tulong upang gawin iyon. Gayunman, ang pagkaalam sa mga katotohanan ng Bibliya ay maaaring maging isang malakas na tulong sa pag-alpas mula sa pagkasugapa.​—ED.