Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nag-aangking Mesiyas
“Malaon nang itinuro ng Unification Church ni Moon sa mga miyembro nito na ang tagapagtatag-propeta nito na isinilang sa Korea ay isang kinakailangang ikalawang Mesiyas sapagkat hindi nakompleto ni Jesus ang kaniyang misyon sa Lupa,” sabi ng Los Angeles Times. Subalit ngayon, sa kaniyang kauna-unahang pahayag sa publiko tungkol sa doktrinang iyon, “sinabi ni Sun Myung Moon sa isang relihiyosong komperensiya na siya ang Mesiyas.” Binabanggit na kailangan ng sanlibutan ang Mesiyas upang mapalaya ito mula sa impluwenisya ni Satanas, sinabi ni Moon: “Upang tulungang matupad ang layuning ito ako’y tinawag ng Diyos.” Ang pangungusap, na binigkas sa harap ng Asamblea ng mga Relihiyon ng Daigdig na itinaguyod ng kaniyang simbahan, ay nakabalisa sa maraming kalahok sa asamblea.
Bilang ng Namamatay sa Paninigarilyo
Mga 10,000 delegado ang dumalo sa International Cancer Conference sa Hamburg, Kanlurang Alemanya, noong Agosto 1990. Gaya ng iniulat ng Alemang pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung, narinig nilang ipinahayag ng tagapamanihala ng komperensiya: “Sa loob ng ilang dekada ang bilang ng mga kamatayan na nauugnay-sa-paninigarilyo sa buong lupa ay mas mataas kaysa kabuuang bilang niyaong namatay sa lahat ng digmaang pinagsama-sama.” Bagaman sang-ayon ang mga delegado sa mga hakbang upang sugpuin ang paggamit ng tabako, maraming espesyalista sa kanser ang nakitang lumalabas upang manigarilyo.
Nagaganap na Labanan
Isang Australianong magsasaka sa estado ng Victoria ang nagpakilala ng mga kuneho sa kontinente noong 1859 nang pakawalan niya ang 12 sa kanila sa kaniyang lupa para sa larong barilan. Noong 1950’s ang populasyon ng mga kuneho ay umabot sa 600 milyon! “Nginuya nila ang mga punla ng katutubong mga halaman at nadaig nila ang mga tupa at katutubong mga hayop sa panginginain ng damo, palumpon at mga sukal na damo . . . at maaaring maging sanhi ng malawakang pagkaagnas ng lupa,” sabi ng The Sun-Herald ng Sydney. Kaya ang virus na myxomatosis—nakamamatay sa mga kuneho—ay ipinakilala, pangunahin nang ipinalalaganap sa pamamagitan ng mga lamok at ng Pranses na mga pulgas. Bagaman ito ay naging matagumpay noong pasimula, ang mga kuneho ay nagkaroon ng panlaban sa virus, at ang populasyon ng mga kuneho ay muling dumami hanggang sa mahigit na 200 milyon. Ngayon binabalak ng Australia na ipakilala ang Kastilang pulgas upang ikalat ang virus sa mga lugar na napakatigang para sa mga lamok o sa mga Pranses na pulgas at upang magkaroon ng mas malakas na uri ng nakamamatay na myxomatosis na dadalhin nito. Binabanggit ng pahayagan na ang mga kuneho ay “nagpaparami nang hanggang 10 taon, na ang katamtamang kunehong babae ay gumagawa ng 25-30 mga anak.”
Tulong Para sa Nagtatrabahong mga Ina
Narating ng isang ahensiya sa pag-aanunsiyo na malapit sa Regensburg, Alemanya, ang isang maawaing lunas sa problema ng nagtatrabahong mga ina na hindi makakita ng sinuman upang mag-alaga sa kanilang mga anak sa araw. “Magtrabaho kayo nang part-time at dalhin ninyo ang inyong mga anak sa trabaho,” sabi ng manedyer ng kompaniya sa mga empleadong iyon, sang-ayon sa pahayagang Nürnberger Nachrichten. Ang manedyer ay nangangatuwiran: “Halos mga babae ang kasama namin dito sa trabaho, at bihira ang mabubuting kawani at lalo na sa pag-aanunsiyo. Kaya natural lamang na panatilihin ko ang aking mga kawani.” Mangyari pa, ang isang opisina na may lima o anim na mga batang naglalaro’t nag-iingay ay maaaring hindi laging nakatutulong sa trabaho, subalit nasusumpungan ng nagtatrabahong mga ina ang kanilang sarili na higit na nagaganyak, mas masigasig na palugdan ang isang kompaniya na ginawa ang lahat ng kanilang magagawa upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, at hindi gaanong nagagambala na para bang sila’y nagtatrabaho sa bahay. Ganito ang komento ng isang nagtatrabahong nagsosolong ina ng tatlong anak: “Walang ibang paraan na maaari akong makapagtrabaho.”
Mga Problema sa Tubig
“Sa sandaling ito, ang mga bansa ay nakahandang makipagdigma dahil sa langis, ngunit sa malapit na hinaharap, ang tubig ay maaaring pagmulan ng digmaan,” banggit ng magasing Time. “Sinasaid ng tao ang limitadong imbak ng sariwang tubig. Nilalason at inuubos ng tao ang mahalagang likido na sumusustini sa lahat ng buhay.” Bagaman ang kakulangan ng tubig ay waring hindi kapani-paniwala sa isang planeta kung saan 70 porsiyento ng ibabaw nito ay natatakpan ng tubig, dapat tandaan na 98 porsiyento ng tubig na iyan ay maalat at hindi puwedeng inumin o gamitin sa agrikultura. Ang kakulangan ng sariwa, malinis na tubig ay hindi lamang nagbabanta sa kalusugan, pag-unlad ng ekonomiya, at ng lahat ng maiilap na hayop at mga pananim kundi malamang na mangahulugan din ito ng taggutom sa bawat taon. Ang mga kaayusan upang gamitin ang ibang pinagmumulan ay kadalasang baligtad ang epekto. “Natututuhan ng daigdig na may mga hangganan sa kakayahan ng tao na ilipat ang tubig mula sa isang dako tungo sa isang dako nang hindi malubhang
ginugulo ang pagkakatimbang ng kalikasan,” sabi ng Time. Gayunman, ang panustos na tubig ay maaaring lubhang dagdagan sa basta pagbawas sa nawawalang tubig. Tinataya na, sa buong daigdig, mula 65 hanggang 70 porsiyento ng ginagamit na tubig ay nawawala dahil sa mga tulo, pagsingaw, at iba pang kawalang-kakayahan.Bagong Tuntunin ng Airline
Hinihiling ngayon ng pederal na tuntunin ng Estados Unidos na ang lahat ng taong nakaupo sa hanay na kalapit ng isang labasan ng eruplano ay nasa mabuting kondisyon ng katawan, nakababasa at nakapagsasalita ng Ingles, at kayang tumulong sa paglikas ng mga pasahero sa eruplano sakaling may emergency. Ang mga upuang iyon ay hindi pauupuan sa mga taong mahina, may kapansanan (pati na sa bingi at bulag), at wala pang 16 anyos at sa mga buntis o maliliit na bata. Ang mga pasahero para sa mga upuan na malapit sa labasan ay pipiliin sa gate at sasabihan ng kanilang mga pananagutan ngunit maaari tanggihan ang atas at lumipat sa susunod na upuan. Bibigyan din ng pantanging mga tagubilin ang mga taong nakaupo sa mga upuan na malapit sa labasan. Binabalak nga ng maraming airline na paupuan ang mga upuang ito sa kanila mismong mga empleado na naglalakbay nang walang bayad sa personal o pangnegosyong paglalakbay, yamang karaniwan nang sila’y may pantanging pagsasanay sa mga pamamaraang pangkaligtasan. Ang bagong tuntunin ay iminungkahi pagkatapos ng mga pag-aaral sa mga pagbagsak na nagpapakita na ang kawalang-kakayahan na mabilis na lisanin ang eruplano ang sanhi ng ilang kamatayan.
Mga Bata at ang AIDS
Sa unang ulat nito tungkol sa epekto ng AIDS sa mga bata, sinabi ng World Health Organization na mas maraming bata ang tinatablan ng virus kaysa dating inaakala at na mga sampung milyong bata ang malamang na mahahawaan nito sa taóng 2000. “Ang karamihan sa mga ito ay magkakaroon ng AIDS at mamamatay sa taóng 2000,” sabi ni Dr. Michael Merson, direktor ng pangglobong programa sa AIDS ng ahensiya. Ang mga tuklas ay nagdala rin ng isang pagrerebisa sa pagdami ng kabuuang HIV infection sa taóng iyon, itinataas ito sa 25 hanggang 30 milyong mga kaso. Ang mga batang isinisilang sa mga babaing nahawaan ng virus ay nawawalan sa dalawang paraan: Malamang na 30 porsiyento ay magkakaroon ng virus mismo, samantalang 70 porsiyento ang maaaring maging mga ulila dahil sa pagkamatay ng kanilang mga magulang dahil sa AIDS.
Mga Magtotroso sa Ilalim ng Tubig
Ang pagbaha ng libu-libong kilometro kudraro ng kagubatan sa Brazil ay nagbunga ng isang pambihirang bagong industriya: ang pagtotroso sa ilalim ng tubig. Angaw-angaw na kulay abo, walang dahong mga katawan ng punungkahoy, na umuusli mula sa isang nag-anyong lawa nang isang pagkalaki-laking hydroelectric dam ay itayo noong 1980’s, ang nakatawag ng pansin sa negosyanteng paningin ni Juárez Cristiano Gomes. Gumawa siya ng isang chainsaw na puwedeng gamitin sa ilalim ng tubig at nagtayo ng isang kompaniya na aani ng mga kahoy. Ang mga maninisid ay bumababa na may mga hose ng hangin hanggang sa lalim ng 50 metro upang putulin ang mga punungkahoy. Ang mga magtotroso sa ilalim ng tubig ay hindi nanganganib sa bumabagsak na mga punungkahoy, yamang ang karamihan ng mga punungkahoy ay “natutumba” sa ibabaw, handang lumutang sa mga lagarian sa tabi ng tubig. Subalit may ibang mga panganib na dapat bantayan. Noong nakaraang taon isang maninisid ang nakagat ng isang piranha.
Pagdami ng mga Plastik
“Animnapung taon ang nakalipas walang gamit sa bahay ninuman ang yari sa plastik,” sabi ng Asiaweek. “Ngayon maraming klaseng plastik ang nasa bawat silid.” Sa buong daigdig, ito’y isang $200,000,000,000 industriya. Ang pinakamaraming gamit, mga 30 porsiyento, ay para sa pambalot, pati na ang mga bote at mga bag. Ang ikalawa, na mayroong halos 20 porsiyento, ay ang gamit nito sa mga materyales sa pagtatayo. Bagaman lubhang kapaki-pakinabang at mura, ang mga plastik ay mayroon ding disbentaha sa pagtatapon. Kapag sinunog, ito ay naglalabas ng nakalalasong pamparumi; kapag itinapon, ito’y nananatiling “isang di-nabubulok na basura sa tanawin.” Bagaman maaaring lutasin ng muling pagreresiklo ang problema, ang pagkolekta at pag-uuri ay napakamahal.
Ang Pagiging Palaisip sa Kaligtasan ay May Pakinabang
Ang dami ng kamatayan dahil sa mga aksidente ay bumaba ng 21 porsiyento sa Estados Unidos noong nakalipas na dekada, sang-ayon sa mga bilang na inilabas ng National Safety Council, ginagawa ang dekada na higit na natatangi sa pag-iwas sa aksidente kaysa anupaman sa dantaon. Halimbawa, may 20-porsiyentong pagbaba sa dami ng mga kamatayan sa mga sasakyang de motor. Ang mga aksidente na nauugnay-sa-trabaho ay bumaba ng 29 porsiyento. Ang mga aksidente ng publiko, gaya ng mga pagbagsak ng eruplano at pagkalunod, ay bumaba ng 22 porsiyento. At ang mga aksidente sa tahanan, pati na ang mga pagkahulog, sunog, at pagkalason, ay bumaba ng 16 na porsiyento; mas mabuti sana ito kung hindi dumami ang aksidenteng kamatayan dahil sa sobrang dosis ng gamot. Ang pagsulong sa pagbabawas ng mga aksidente, na ikaapat sa sanhi ng kamatayan (kasunod ng sakit sa puso, kanser, at atake), ay ipinalalagay na dahil sa humusay na mga regulasyon, nagbagong mga saloobin, at mga kampaniyang pangkaligtasan.