Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talón ng Iguaçú—Hiyas sa Luntiang Kulandong

Talón ng Iguaçú—Hiyas sa Luntiang Kulandong

Talón ng Iguaçú​—Hiyas sa Luntiang Kulandong

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil

“ISA sa pinakabantog na likas na kababalaghan ng Timog Amerika” gayon sinimulan ng isang ensayklopedia ang paglalarawan nito sa natatanging mga talón na ito na matatagpuan malapit sa kung saan nagtatagpo ang mga hangganan ng Argentina, Brazil, at Paraguay. Ang gumagawa ritong lubhang kaakit-akit ay ang likas na kapaligiran nito​—isang basal na tropikal na kagubatan. Tunay ngang mga hiyas sa luntiang kapaligiran. Hindi kataka-taka na ang pagdalaw rito ay lubhang kailangan para sa mga turista sa Timog Amerika!

Ang “Iguaçú” ay nangangahulugang “Malaking Tubig” sa wikang Guarani. At malaki nga ito, sapagkat ang dumadagundong na mga talón ay maririnig 30 kilometro ang layo. Depende sa panahon ng taon, mabibilang ng isa ang halos 300 iba’t ibang talón ng tubig na bumubulusok sa isang pagkalaki-laking bangin. Ang ibang mga talón ay ginagawa ito sa isang bulusok, ang iba naman ay nahuhulog sa isang ungos ng bato sa kalagitnaan at saka muling lulukso patungo sa ilalim ng bangin. Tinatayang kung tag-ulan, halos 10,000 metro cubiko ng tubig ang nahuhulog sa talón sa isang segundo. Bunga nito, nagkakaroon ng malaking ulap at tilamsik, na kapag maaraw ay nagpapakita ng sunud-sunod na makulay na mga bahaghari sa maghapon.

Ang pangunahing bahagi ng kahanga-hangang pagtatanghal na ito ay ang kilalang Garganta do Diablo (Lalamunan, o Bangin ng Diyablo), na inilarawan sa isang brosyur para sa mga turista bilang “ang pinakamaringal na tanawin ng buong pagtatanghal, isang bilog ng labing-apat na talón na nahuhulog sa matatarik na mga dalisdis na halos 90 m ang taas.”

Marahil ang pinakamagaling na paraan upang masdan ang mga talón ay sa pamamagitan ng helikopter. Pagkatapos ng pagsakay na iyon, sabi ng isang turista: ‘Para bang nadarama ng aming piloto ang aming pagpapahalaga sa magandang tanawin sa ibaba. At sa halip na lumayo na gaya ng madalas na ginagawa niya, ilang beses siyang nagparoo’t parito sa buong kahabaan ng libis. Ang aming mga kamera at video ay lagi naming ginagamit yamang itinatala nito para sa amin ang kahanga-hangang pagtatanghal na ito ng mapaglikhang mga gawa ni Jehova.’

Ang ibang mga bisita ay nasisiyahan na lamang na lumakad sa maraming landas at daanan na inihanda para sa kanila. Mula sa panig ng Brazil, nakikita ng isa ang buong magandang tanawin ng mga talón, samantalang sa panig naman ng Argentina, posibleng maglakad hanggang doon sa tabi mismo ng mga talón at, sa ibang dako, ay tawirin ito mula sa isang isla tungo sa ibang isla sa sementadong mga daanan. Ginagawa iyon kapuwa ng karamihan ng mga bisita, nagpipiging ang kanilang mga mata at ipinupokus ang kanilang mga kamera sa napakagandang tanawin ng mga talón na napaliligiran ng mayabong na luntiang kagubatan hanggang sa malayong abot-tanaw.

Makikita niyaong mga alisto ang mga layang-layang habang ang mga ito’y humahagibis papasok at palabas sa mga ulap ng tilamsik at pagkatapos ay tataas sa tuktok ng mga punungkahoy bago muling bubulusok. O makikita nila ang mga kawan ng pumipiyak na berdeng mga loro na sumisisid sa mga talón malapit sa itaas kung saan ang tubig ay hindi napakalalim, at saka sila kakapit sa dulo ng dalisdis, biglang lilitaw na muli at lilipad sa tuktok ng mga punungkahoy, hinuhusay ang kanilang mga balahibo. At kung pagmamasdang maingat ng mga bisita, makikita nila ang malalaking nakabiting mga pugad ng maingay na pula-puwitang cacique, isang uri ng ibong manghahabi. Ang mga ibon ay namumuhay sa mga kolonya, at ang kanilang mga pugad, na yari sa mahahabang hibla ng damo, ay nakabitin sa mababang mga sanga ng mga punungkahoy. Lahat ng ito, pati na ang maraming iba’t ibang uri ng paruparo, ay nagbibigay ng makulay na tanawin sa isang dumadalaw sa talón.

Tunay, ang Talón ng Iguaçú ay dapat makita at marinig upang lubusang mapahalagahan. Itinatag noong 1939, ang Iguaçú National Park ng Brazil, na siyang kapaligiran ng kamangha-manghang pagtatanghal na ito ng likas na kagandahan, ay dinadalaw ng libu-libong turista taon-taon. Hindi sila nabibigo, ni ikaw man ay mabibigo kung isasama mo ito sa iyong susunod na paglalakbay sa Timog Amerika.

[Mapa/Mga larawan sa pahina 24, 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Talón ng Iguaçú

BRAZIL

ARGENTINA

PARAGUAY