Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Magandang Kimono—Manatili Kaya Ito?

Ang Magandang Kimono—Manatili Kaya Ito?

Ang Magandang Kimono​—Manatili Kaya Ito?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón

NGAYON ay isang pantanging araw para sa kabataang si Kyoko. Isusuot niya ang bagong sedang kimono sa kauna-unahang pagkakataon. Ito’y kulay rosas na may matingkad-pulang bulaklaking disenyo.

Ang mahabang mga manggas, na tinatawag na furisode, ay abot halos hanggang sa laylayan. Ang kaniyang buhok ay nakapungos, na may taling pulang mga ribon na katerno ng kaniyang kimono. Lumalakad nang marahan sa kaniyang pulang zori, o sandalyas, larawan siya ng kagandahan.

“Kapag suot ko ang kimono para akong dalaga,” sabi ni Kyoko. At, tunay, talagang ginagawa siya nitong magtinging elegante.

Ang Pambansang Damit

Ang kimono ang pambansang damit ng Hapón para sa mga babae at mga lalaki. Ang salita ay basta nangangahulugang “(mga) kasuotan.”

Gayunman, sa mga Hapones, ang kimono ay hindi lamang basta isang kasuotan. Kinakatawan nito ang isang paraan ng pamumuhay, isang bahagi ng kanilang kultura. Kasama ng kanilang tradisyunal na pag-aayos ng bulaklak at seremonya sa pagsisilbi ng tsa, ang pagsusuot ng kimono ay sinasabing lumalarawan sa mga katangian ng kagandahan, pag-ibig, paggalang, at pagkakasuwato sa pang-araw-araw na buhay.

Ang kimono ay lapat sa katawan. Ito ay mahigpit na itinatali sa baywang ng isang malapad, matigas na sintas sa baywang na tinatawag na obi. Pero, ang mga manggas ay maluwag at malapad, parang isang pares ng pakpak kapag ang kamay ay nakaladlad. Ang damit mismo ay makipot at mahaba, abot hanggang sa bukung-bukong, at walang bitas o slit. Hindi kataka-taka na ang mga babae ay napakahinay kumilos kapag nakasuot ng kimono!

Ang kulay at disenyo ng kimono ay tradisyunal na itinatakda ayon sa edad ng babaing nagsusuot nito. Ang matitingkad na kulay, kaakit-akit na mga disenyo, at malapad, mahahabang manggas ay bagay sa kasiglahan ng mga kabataang babae. Habang sila’y nagkakaedad, maaari nilang ikula at muling kulayan ang tela upang bumagay sa kanilang edad. Ang mga babaing nasa edad 20’s at 30’s ay karaniwang nagsusuot ng mga kimono sa mapupusyaw na kulay na may pinong mga disenyo. Para sa mas matandang mga babaing may-asawa, ang itim na mga kimono na may ibang kulay na obi at makulay na disenyo sa palda ang nababagay.

Bagaman kaunti na lamang ang nagsusuot ng mga kimono araw-araw, maraming okasyon sa bawat taon kung kailan inilalabas ito ng mga tao. Ang isa rito ay kung ika-15 ng Enero, na kilala bilang Seijin no Hi, o Araw ng mga Adulto, para sa mga sumasapit sa gulang na 20 anyos sa taóng iyon. Ang mga pagtatapos at Shogatsu, o Bagong Taon, ang iba pang mga okasyon kung kailan isinusuot ng iba ang kimono. Oo, ang mga kababaihan sa buong daigdig ay nagagalak na magkaroon ng isang okasyon upang magdamit nang maganda!

Ang pormal na mga pangyayari, gaya ng kasalan at mga libing, ay maaari ring humiling ng paggamit ng angkop na mga kimono. Sa iba pang okasyon ang mga lalaki ay nagsusuot rin kung minsan ng mga kimono na tatlong-kapat-ang-haba na tinatawag na haori. Ang kimono ng lalaki ay karaniwang mapusyaw, madilim ang kulay, gaya ng kulay abo, asul, o kayumanggi. Bilang pormal na kasuotan, isang nahahating palda, na tinatawag na hakama, ay isinusuot na kasama ng haori.

Ang mga kimono ay isinusuot ng mga bata sa kapistahan ng shichi-go-san (pito-lima-tatlo) kung Nobyembre. Sa araw na ito, makikita mo ang mga batang lalaki at babae na pito, lima, o tatlong taóng gulang na nakasuot ng kanilang unang kimono. Ang nangingibabaw na kulay ay pula, subalit ang pondo ay maaaring asul o murado, na may tipikal na Hapones na mga disenyo ng bulaklak, ibon, nakatuping pamaypay, o mga tambol. Masdan mo ang munting bata na kinakaladkad ang kaniyang zori, animo’y elegante sa kaniyang guhitang asul at puting hakama at katernong haori. Tiyak na siya ay mas komportable kahapon sa kaniyang maong, T-shirt, at sneakers! Ngunit kapag nakita niya ang kaniyang shichi-go-san na mga larawan, malamang na matuwa na siya.

Mangyari pa, bagaman pinipili ng ibang tao na magsuot ng kimono kung may mga okasyon na itinuturing nilang espesyal, ito naman ay hindi sapilitan. Dahil sa kanilang mga paniwala, o budhi, maaaring piliin ng ibang tao na huwag igalang ang gayong ‘espesyal na mga okasyon’ at magsusuot ng damit na inaakala nilang angkop naman ayon sa kanilang palagay.

Pagsusuot ng Kimono

Nais mo bang magsuot ng isang kimono? Hindi ito madali gaya ng akala ng iba. Umpisahan natin sa mahabang panloob na kasuotang tinatawag na nagajuban. Ito ay dapat na ayusin nang wasto, kung hindi ang kimono ay hindi magkakasiya. Ang nagsasanib na kuwelyo ng kasuotang ito ay matigas at siyang humahawak sa itaas na bahagi ng kimono. Tiyaking ang kuwelyo ay malayo sa batok.

Kung ikaw ay babaing taga-Kanluran, malamang na isasara mo ang harap ng damit na kanan pakaliwa gaya ng ginagawa mo sa iyong blusa o amerikana. “Hindi! Hindi!” sabi ng aming kaibigan, “Dito, ang mga bangkay lamang ang binabalot mula kanan pakaliwa!” Kaya binabalot mo ang iyong nagajuban kaliwa pakanan, pagkatapos ay talian mo ito ng isang makitid na sintas sa baywang.

Ngayon handa ka na para sa kimono mismo. Sa palagay mo’y napakahaba nito? “Walang problema,” sabi ng aming kaibigan, “nag-uumpisa pa lamang tayo.” Ibalot ang kimono sa iyo​—tandaan, kaliwa pakanan​—at talian mo ito ng isang sintas sa baywang. Ngayon ayusin mo ang haba sa pamamagitan ng paghila pataas sa ekstrang tela sa sintas sa baywang hanggang sa ang laylayan ay hindi sumasayad sa sahig. Ituwid mo ang kuwelyo at unatin mo ang katawan. Hayaan mong maayos na bumitin ang ekstrang tela at itali mo ito ng isa pang sintas sa baywang.

Ngayon para sa masalimuot na bahagi​—ang obi. Yari sa matigas na tela, ito ay halos 30 centimetro ang lapad at 4 na metro ang haba, at literal na may daan-daang paraan ng pagtatali ng laso sa likod. Ang paglalagay nito nang walang katulong ay isang hamon, subalit ang aming kaibigang Hapones ay naliligayahang tumulong. Ang bawat hakbang sa pag-aayos ng obi ay nangangailangan ng isang pisi o sintas sa baywang upang ingatan ito sa lugar. Ang huling hakbang upang panatilihin sa lugar ang laso ay maayos na itinatali sa harap.

Bueno, ano ang pakiramdam mo sa pagsusuot ng kimono sa unang pagkakataon? ‘Talagang elegante, ngunit mahirap nga lang kumilos,’ marahil ang sabi mo.

Ang Tela at Habi

Ang kanais-nais na tela para sa isang kimono sa tuwina ay ang dalisay na seda. Hindi ito mahihigitan sa lambot, kintab, at tibay. Ang iba’t ibang distrito ay kilala sa kanilang partikular na habi at sa kaniyang proseso ng pagkukulay.

Halimbawa, sa isla ng Amami-Ō-Shima, timog ng Kyushu, isang natatanging proseso ng pagkukulay, na gumagamit ng balat ng punong techi at ng mayaman-sa-bakal na putik ng isla, ay tinawag ng gobyerno bilang isang “National Intangible Cultural Asset.”

Ang isang disenyo, na tinatawag na Bingata, ay galing sa isla ng Okinawa. Ang ibig sabihin ng bin ay pula, subalit ang iba pang matitingkad na kulay ay inihahalo sa mga disenyo ng bulaklak, ibon, ilog, at mga punungkahoy. Ang Kyoto, ang matandang kabisera ng Hapón, ay bantog din sa tela ng kimono nito.

Bagaman ang paghahabi ay karaniwang ginagawa sa pamamagitan ng mga makina ngayon, ang mga disenyo ay ginagawa pa rin sa pamamagitan ng kamay. Pagkatapos na maiguhit ang disenyo sa tela, ang mga kulay ay maingat na ipinipinta sa pamamagitan ng kamay. Ang ginto at pilak na dekorasyon ay maaaring idagdag, at ang ilang bahagi ng disenyo ay maaaring mangailangan ng burda sa kamay. Ang resulta ay isang tunay na gawa ng sining.

Nagbabagong Panahon

Gayunman, nitong nakalipas na mga taon, ang kahilingan para sa mga kimono ay bumaba. Ipinakikita ng isang surbey na isinagawa ng pahayagang Yomiuri na bagaman 64 na porsiyento niyaong mga tinanong ay nagsusuot ng kimono kung Bagong Taon, 3 porsiyento lamang ang pumipiling isuot ito para sa regular na kasuotan. Ang paghina sa pagsusuot ng kimono ay mababanaag sa isang larawan sa pahayagan na nagpapakita sa mga manggagawa na “dinudurog ang makinang ginagamit upang maghabi ng eleganteng mga seda sapagkat ang kahilingan para sa mga kimono ay lubhang bumagsak.”

Bakit ang paghina? Bahagyang ito’y dahilan sa popularidad at pagiging kombinyente ng mga damit na istilong-Kanluranin at dahilan din sa napakalaking halaga ng mahusay na klaseng mga kimonong seda. Karaniwan na, ito’y nagkakahalaga ng kalahating milyong yen (mga $2,000, U.S.), na ang katernong obi ay halos kalahati ng presyo nito. Isama mo pa rito ang halaga ng zori, tabi (ang isang-daliring medyas na isinusuot na kasama ng zori), pitaka, at mga gayak sa buhok, at makikita mo kung bakit isang tunay na luho ang magsuot ng isang kimonong seda.

Ang ibang pamilya ay nagsisimulang mag-ipon ng pera pagkasilang ng isang sanggol na babae upang may maisuot siyang mahusay na kimono pagdalaga niya. At ang gayong kimono ay kadalasang ipinapasa mula sa isang salinlahi tungo sa susunod na salinlahi.

Subalit mayroon pang dahilan. Ganito ang sabi ni Norio Yamanaka, tagapamanihala ng Sodo Kimono Academy: “Ang aming pang-araw-araw na buhay ay napakaabala. . . . Ang mga Hapones, lalo na ang mga lalaki, ay abalang-abala sa paghahanapbuhay noong panahon pagkatapos ng digmaan. Abalang-abala sila upang makayanan bilhin ang mga kimono.” Sa mabilis-kumilos na makabagong lipunan ay wala na silang panahon para sa gayong mga tradisyon na minana mula sa kanilang malayo nang mga ninuno.

Kung baga mananatili ang magandang kimono sa mga panggigipit ng makabagong-panahong lipunan, ay panahon lamang ang makapagsasabi. Subalit ang makulay na pambansang damit na ito ng Hapón ay tiyak na nakaragdag sa kahali-halinang pagkasarisari ng mga istilo ng pananamit na masusumpungan sa buong daigdig.