Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Masasabi Tungkol sa mga Nightclub?

Ano ang Masasabi Tungkol sa mga Nightclub?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Masasabi Tungkol sa mga Nightclub?

“KAILANGAN namin ng libangan.” “Pumupunta lamang kami upang magsayaw.” “Ang lahat ay nagpupunta roon.” “Gusto lamang namin ng katuwaan.” Gayon ang paliwanag ng ilang kabataan sa isang reporter ng Gumising! kung bakit madalas sila sa mga nightclub. Ang gayong mga dako kung gabi ay lubhang popular sa maraming kabataan, at kung ito ay umiiral sa inyong pamayanan, marahil ay nag-isip ka pa nga na magtungo roon mismo.

Ngayon, maraming kabataan ang nagsasama-sama sa sumusunod na uri ng mga club, gaya ng inilalarawan ng magasing Friday: “Ang panahon ng parti ay anumang panahon at ang anumang panahon ay ngayong gabi. Para sa walang pagpipigil, ang parti ay hindi humihinto. Ang pagkahumaling sa sayaw ay lumalaganap sa lungsod sa isang pagbaha ng malalamig na inumin, kukuti-kutitap ng mga ilaw at maharot na musika na hindi magpapaupo sa iyo. ‘Ang mga club ngayon ay may isang bagay para sa panlasa ng lahat. . . . May mga club na patungkol sa batang mga propesyonal, para sa mga estudyante sa kolehiyo, para sa mga bakla at mas matatandang tao.’ ”

Para sa mga alta sosyedad, may mga club na humihiling ng napakalaking butaw, mamahaling kasuotan, at tamang pag-uugali pa nga upang makapasok. Para sa hindi gaanong mayaman, may mga club na hindi labis-labis subalit masayang kapaligiran sa mas mababang halaga. At para sa mga kabataan (o hindi pa gaanong maligoy) upang makapasok sa mga club ng adulto, may mga “juice club” at mga “soda bar,” na ibig sabihi’y walang isinisilbing alak.

Hindi mahirap unawain kung bakit ang mga nightclub ay may malakas na pang-akit sa maraming kabataan. Kapag ikaw ay bata, natural lamang na nais mong magkaroon ng kasayahan. (Ihambing ang Eclesiastes 11:9.) Ang isang gabi ng sayawan ay maaaring magtinging isang malusog na paraan upang alisin ang mga kaigtingan ng paaralan at ng trabaho. Subalit gaano nga kanais-nais ang mga nightclub?

Ganito ang sabi ni Sonya, isang dalaga na madalas magtungo sa mga nightclub: “Ang ideya ay para bang walang anuman. Ikaw ay magsasayaw at magsasaya. Subalit kadalasan nang ito’y nagiging higit pa roon. Nagtutungo ka roon sa gabi kapag ang musika at ang pulutong na naroroon ay napakasaya. Hindi magtatagal at kilala mo na ang lahat ng mga regular o suki na nagpupunta roon, at ikaw man ay regular na roon. Ang ideya ay ang magsayaw​—at mayroon kang makakilala. At kung baga ito man ang iyong tunguhin o hindi, iyon ang kanilang tunguhin.” Nagpapakalabis ba si Sonya?

Mga Nightclub Ngayon

Ang tanawing disco sampung taon na ang nakalipas ay napabantog bilang pamugarang dako ng seksuwal na imoralidad, pag-abuso sa droga, at homoseksuwalidad pa nga. a At ang mga bagay ay hindi gaanong nagbago mula noon. Bagaman ang musika (sa Estados Unidos, ito ay karaniwang tinatawag na musikang pantahanan o basta musikang pansayaw) at ang mga hakbang ng sayaw ay nagbago, ang kapaligiran sa maraming night club ay lubhang nagpapagunita sa imoral na tanawin ng disco.

Sa isang artikulo sa magasing Life tungkol sa musikang pantahanan, isang apisyunado sa nightclub ay nagsasabi: “Ang musikang pansayaw sa pinakasaligan nito ay laging may pantribong damdamin​—ang pumupukpok na kumpas at erotikong pulso, na humihila sa iyo hanggang sa ikaw ay malipos ng kaligayahan. May kulang sa kagubatan-ng-mga-lungsod, at pinupunan iyan ng musikang pantahanan.” Ganito ang sabi ng deejay sa New York na si David Piccioni: “Ang layon ay ganap na kalagan mo ang iyong sarili sa buong magdamag.”

Dahil sa bagong mga usong sayaw na gaya ng imoral na lambada, ang magasing Mademoiselle ay nagsabi: “Sekso: Ito’y lumabas sa mga banyo at nagbalik sa dati nitong lugar​—sa mga sayawan. Noong unang mga panahon (ang ’70s), ang sayawan ay para pukawin ang erotikong mga damdamin at ang mga banyo ay para sa sekso at droga. Ngayon na ang lahat ay nababahala tungkol sa AIDS, ang mga banyo ay para sa paggagayak at ang sayawan ang dako kung saan minamasdan mo ang ibang tao na nagtatalik. O nagkukunwang nagtatalik.” Oo, ang musika ay maaaring gamitin upang lumikha ng isang kalagayan na nag-aalis ng pagpipigil sa moral at pinupukaw ang seksuwalidad.

Makipagkilala Kanino?

Ang ibang mga club ay kilala rin bilang mga dako upang makilala ang hindi kasekso. Gayunman, anong uri ng mga tao ang maaaring makilala mo? Ganito ang sabi ng isang babaing dating naglilibot sa mga nightclub: “Maraming tao roon ang namumuhay ng imoral na buhay at interesado na makipagtalik sa isa. Kung naaakit sila sa iyo, bibilhan ka nila ng mga inumin, inumin, inumin at hindi aalis sa tabi mo sa buong gabi na nangungusap ng magaganda, matatamis ng bagay sa pag-asang pagbibigyan mo ang kanilang kagustuhan.”

Ang ilang dako pa nga ay idinisenyo upang pagbigyan ang imoral na mga gawaing ito. Si Doris, isang dalagang dati’y regular sa mga nightclub, ay nagsabi: “May mga club na may mga upuang dako na may mga supa at upuang pandalawahan kung saan marami ang nagtutungo roon upang maghalikan at magkarinyuhan. Maraming lalaking may-asawa ang naroroon na hindi kasama ang kani-kanilang asawa. Ang iba ay naroroon at umaasang may makakatagpo para makaulayaw sa isang gabi, at ang iba naman ay naghahanap ng asawa.” Hinuha ni Doris: “Ang kapaligiran sa mga nightclub ay nakahihikayat sa imoralidad. Maraming alak ang nakukunsumo hanggang sa kinaumagahan, at kahit ano ay puede.”

Ang tanawin sa nightclub ay nauugnay rin sa malakas na paggamit ng droga. Isang may-ari ng nightclub ang iniulat na nagsabi: “Ang kilusan ay . . . lubusang nauugnay sa droga.” Ang droga at alkohol ay karaniwang masusumpungan kahit na sa sinasabing walang isinisilbing alak na mga juice bar. Ganito ang susog ni Jesse, isa ring dating regular sa mga nightclub: “Ang hangin ay punô ng usok ng marijuana at sigarilyo. Karamihan ng mga tao roon ay nakadamit sa paraang pumupukaw ng laman: mga damit na hapit na hapit at naghahantad ng katawan, mahalay na mga istilo, labis-labis na alahas.”

Pag-iingat

Mula noong sinaunang panahon, ang musika at sayaw ay ginamit upang akitin ang mga tao tungo sa maling paggawi. Halimbawa, nabasa natin na ang mga Israelita ay “naupo upang kumain at uminom. Sila’y tumindig upang magkatuwaan.” Kasangkot dito ang magaslaw na musika at hindi mapigil na pagsasayaw. Gayunman, ang “katuwaan” na ito ay pasimula lamang ng idolatriya at hindi mapigil na kahalayan.​—Exodo 32:6, 17-19, 28.

Kaya dapat iwasan ng mga kabataang Kristiyano ang mapasa anumang kalagayan na madaling nagiging ‘maingay at magulong pagsasaya,’ o ‘magulong parti.’ (Galacia 5:19, 21; Byington) Ang 1 Corinto 15:33 ay nagpapalaala sa atin: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali.” Maaari nga bang lubusang makisama ang isang tao sa isang masayang kapaligiran na kasama ng mga taong nasa “kadiliman ng kanilang pag-iisip, at hiwalay sa buhay ng Diyos” at gayunma’y hindi lubusang maapektuhan? (Efeso 4:18) At gaya ng amin ng isang dalaga: “Ang matalik na pakikisama at pakikipagkaibigan ay maaari at kadalasang nangyayari [sa iba pang mga regular sa nightclub].” Paano maaaring maapektuhan nito ang iyong espirituwalidad?

Gayunman, ang iba ay maaaring mangatuwiran na ang lunas ay magsama ng isang pangkat ng mga kapuwa Kristiyano. Gayunman, ang katuwiran ay maaari lamang lumago sa isang kapaligirang Kristiyano. (Santiago 3:18) At ang kapaligiran sa maraming nightclub ay idinisenyo upang pukawin ang mga damdamin na “makalupa, makahayop, maka-demonyo,” sa halip na espirituwal.​—Santiago 3:15.

Ipagpalagay na, hindi naman lahat ng nightclub ay nagpapakalabis na gaya ng binabanggit dito, ni makatuwiran man kayang gumawa ng isahang pagkondena sa lahat ng mga restauran na may sayawan o libangan. Subalit si Pablo ay nagpapayo sa atin na “patuloy na tiyakin ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.” (Efeso 5:10) At kung ikaw ay inanyayahn sa isang lugar na di-kilala o may kahina-hinalang reputasyon, dapat kang pakaingat sa pagtanggap ng paanyaya.​—Kawikaan 14:15.

Maaari mong tanungin ang iyong sarili ng mga tanong na gaya ng: Sinu-sino ang pupunta, at anong uri ng reputasyon mayroon sila? Ano ang nalalaman ng iyong mga magulang o ng ibang responsableng mga adulto tungkol sa lugar mismo? Anong uri ng kapaligiran ito? Anong uri ng mga tao ang madalas dito? Ito ba’y para lamang sa mga kabataan? Kung gayon, papaano ito maaaring magkaroon ng kanais-nais na kapaligiran? Kung may libangan, anu-ano ba ito? Anong uri ng musika ang patutugtugin? Isa ba itong lugar na nagpapahintulot sa mga parokyano na huwag makihalubilo sa iba, o ito ba ay isang sosyal na tanawin na pipilit sa iyo na makihalubilo sa iba?

Si Doris, na sinipi kanina, ay nagsasabi: “Ginagawa ni Satanas ang mga nightclub na magtinging kahali-halina, nakatutuwa, kaakit-akit, masaya​—ginagawa ang lahat upang akitin tayo.” Subalit huwag kang padaya sa kislap ng mga nightclub! Ito nga’y isang nakamamatay na silo para sa maraming kabataan. Humanap ng kanais-nais, kapaki-pakinabang na mga paraan upang aliwin ang sarili. b

[Mga talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Agosto 22, 1979.

b Para sa mga mungkahi tungkol sa bagay na ito, tingnan ang kabanata 37 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 16]

Marami na madalas magtungo sa mga nightclub ay mas interesado sa imoral na sekso kaysa paglilibang