Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anong Kaaliwan Para sa mga Biktima?

Anong Kaaliwan Para sa mga Biktima?

Anong Kaaliwan Para sa mga Biktima?

DOON sa dumanas ng biglang kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay sa mga aksidenteng nauugnay-sa-alkohol, “wala nang panahon . . . para magsabi ng ‘Paalam,’ . . . o ‘Mahal kita,’” sabi ni Janice Lord, autor ng Survivor Grief Following a Drunk-Driving Crash.

Gaya ng nakita na natin, ang mga nakaligtas ay maraming pakikitunguhan: sindak, malaking takot, galit, at kabiguan. Ang kamatayan ng mga minamahal sa gayong paraan ay lumilikha ng diwa ng permanenteng kawalan. Maaaring akalain ng mga nakaligtas na ang kirot na dinaranas nila ay hindi na maiibsan.

Natatanto ang kirot na naidudulot ng gayong kamatayan, maraming autoridad ang gumagawa ng mga batas o kondisyon na maaaring makabawas sa nakagigitlang dami ng mga nasasawi sa bawat taon. Halimbawa, binanggit ng isang opisyal ang kahinaan niyaong mga nakokonsensiya dahil sa pag-inom at pagmamaneho at iminungkahi ang pagtatayo ng mga sentrong pinag-uulatan para sa kanila kung saan, sa pamamagitan ng edukasyon at trabaho at pagpapayo tungkol sa droga, sila’y ‘maaaring pagtibayin at palakasin’ na pagtagumpayan ang kanilang mga kahinaan.

Ano Talaga ang Kailangan?

Gaano man kanais-nais ito, walang tao o ahensiya ng tao ang makapapawi sa kirot na dulot nito sa mga biktima, ni maibabalik man ng tao ang mga patay. Higit pa kaysa mailalaan ng tao ang kinakailangan upang maalis ang lahat ng pinsalang nagawa nito. Ang talagang kinakailangan ay isang ganap na kakaibang kaayusan sa daigdig, isa na hindi batay sa sakim at mapangwasak na ‘katuwaan anuman ang halaga’ na mga ideya ngayon na sumasawi ng napakaraming buhay.

Mayroon bang matibay na saligan na umasa sa gayong uri ng mas mabuting daigdig kung saan ang malungkot na mga sakunang iyon ay magiging isang lipas na bagay? Oo, mayroon. Sa katunayan, may tiyak na pag-asa tungkol sa isang bagong sanlibutan dito sa lupa kung saan titigil na ang malungkot na mga sakunang ito, isang daigdig kung saan kahit ang mga biktima ng aksidente ay bubuhaying muli. Anong di-mailarawang kagalakan kapag ang mga ito ay makasamang muli ng kanilang mga minamahal! Sa madaling panahon, ito’y magiging isang bagong sanlibutan kung saan ang malulungkot na alaala ng nakalipas na mga sakuna ay mapapawi na magpakailanman.

Ang pag-asang iyon sa isang bagong sanlibutan ay masusumpungan sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na nagsasabi: “Aktuwal na sasakmalin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8) Makakasama rito yaong mga patay na bubuhaying muli mula sa libingan. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Ako’y may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay na muli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ipinakita ito ni Jesus at ng mga apostol sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay.​—Lucas 7:11-16; 8:40-42, 49-56; Juan 11:1, 14, 38-45; Gawa 9:36-42; 20:7-12.

Ang buhay sa lupa sa isang bagong sanlibutan, kasama na ang buhay para sa mga patay na bubuhaying-muli mula sa libingan, ay magandang puputungan ng kasakdalan ng tao. Ang kapangyarihan ng Diyos na pagpapagaling ay gagawa sa isip at katawan ng lahat ng nabubuhay sa panahong iyon na ganap na malusog: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ” “Sa panahong iyon madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”​—Isaias 33:24; 35:5, 6; tingnan din ang Mateo 15:30, 31.

Inilalarawan ng Bibliya ang hinaharap na kalagayan ng tao sa lupa sa pagsasabing “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:4) Ang Tagapaglaan ng kamangha-manghang mga pakinabang at ng darating na nakaliligayang mga kalagayan ay nagsasabi: “Ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man. Ngunit mangagsaya kayo, kayong mga tao, at mangagalak kayo magpakailanman sa aking nililikha.”​—Isaias 65:17, 18.

Sa kaninong autoridad mangyayari ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ng autoridad at kapangyarihan ng dakilang Tagapagbigay ng pag-asa, ang Maylikha ng sansinukob, ang Diyos na Jehova. Iginagarantiya niya sa kaniyang Salita na ang gayong bagong sistema kung saan “tumatahan ang katuwiran” ay malapit nang humalili sa kasalukuyang sakim at marahas na sistema ng mga bagay, isang sistema na nasa “mga huling araw” na nito.​—2 Pedro 3:13; 2 Timoteo 3:1-5, 13; Kawikaan 2:21, 22.

Kaaliwan Buhat sa Salita ng Diyos

Ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng ibang tao, ay dumaranas din ng malulungkot na sakuna ng ating panahon, sa mapanganib na sanlibutang ito, hindi rin sila umaasa ng proteksiyon ng Diyos buhat sa kamatayan, di-sinasadya o iba pa. Alam nila na hindi ito ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyan. Ang Eclesiastes 9:11 ay nagsasabi: “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.” Gayunman, ang mga Saksi ay malaon nang nakatuon ang pansin sa Salita ng Diyos, yamang ang kaniyang mga pangako ay nagbibigay ng walang-hanggang kaaliwan sa lahat ng tumatanggap nito.

Isang Saksi ni Jehova ay lubhang naapektuhan nang mapatay ng isang lasing na tsuper ang kaniyang bayaw at iniwan ang kaniyang maybahay (kapatid niya) na mapinsala ang isip dahil sa grabeng pinsala sa ulo, anupa’t siya’y nangailangan ng patuloy na pangangalaga. Sila man ay mga Saksi ni Jehova. Sabi niya:

“Sa loob halos ng isang taon, ako’y naiiyak, at ako’y galit. Galit ako sa binatang nagpangyari ng malungkot na sakunang ito, galit sa kaniyang mga magulang dahil sa hindi pagkakaroon ng mas malapit na pangangasiwa sa kaniya. Kung minsan ang galit na iyon ay patungkol pa nga sa Diyos at sa mga anghel dahil sa pagpapahintulot na mangyari ito. Nasayang ang buhay ng dalawang mahuhusay na tao na naglilingkod sa kaniya!

“Totoo, alam kong ang Diyos ay walang pananagutan at ayaw niyang mangyari ang gayong mga bagay. Subalit inaakala kong pinapatnubayan niya ang bawat hakbang natin at iniingatan niya tayo mula sa gayong kasamaan. Ngayon ay natanto ko na kailangan kong kumuha ng mas timbang na pangmalas sa bagay na ito, at ako’y nagsimulang magsaliksik para sa mga kasagutan.

“Nangailangan ng panahon bago ko maalis ang kirot at sa gayo’y makapangatuwiran tungkol sa bagay na ito. Para ba akong si Asaph, na nagsabi sa Awit 73 na para bang ang mga balakyot ay pinagpapala. Subalit sa awit ding iyon, ipinakikita ng Salita ng Diyos na hindi gayon, na hindi pinapaburan ng Diyos ang mga balakyot, at na sa kaniyang takdang panahon, sila’y mapapahamak.

“Natalos ko na ang aking pag-iisip, hindi ang sa Diyos, ang mali. Mali ang pagkakapit ko ng mga kasulatan. Hindi iginagarantiya ng Diyos ang kalayaan mula sa mga aksidente, sakit, o kamatayan sa panahong ito kundi ipinangangako niya ang gayong mga pagpapala sa hinaharap, sa kaniyang bagong sanlibutan. Minsang maunawaan ko kung ano talaga ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa pag-iingat sa atin ng Diyos ngayon sa espirituwal na paraan, hindi sa pisikal, unti-unting humuhupa ang aking galit. Naitutuon ko na rin ngayon ang aking pansin sa tunay na pinagmumulan ng mga kalamidad, si Satanas na Diyablo, na mamamatay-tao at sinungaling mula noong panahong maghimagsik siya laban sa Diyos. Nililiwanag ng Bibliya na si Satanas ang siyang diyos ng sanlibutang ito na punô ng paghihirap.​—Juan 8:44; 2 Corinto 4:4.

“Minsan pa’y lubusan kong napahalagahan ang katotohanan kung bakit may paghihirap, kung bakit ipinahihintulot ito ng Diyos, at kung paano niya aalisin ito, naging malinaw na ang Diyos ay hindi natin kaaway, kundi siya ang ating kaligtasan!

“Gayundin, isang malaking kaaliwang malaman na sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, inaalalayan ni Jehova yaong mga naglilingkod sa kaniya. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na tutustusan tayo ng banal na espiritu ng ‘kapangyarihang higit kaysa karaniwan.’ Sa pamamagitan nito binibigyan niya tayo ng lakas upang makayanan natin ang mahirap batahin. At inaaliw din niya tayo sa pamamagitan ng pag-asa na makita ang ating mga mahal sa buhay sa pagkabuhay-muli. Sa gayon tayo’y makapananagumpay sa kahirapan.”​—2 Corinto 4:7.

Isang Magandang Hinaharap

Ang iba’t ibang uri ng malulungkot na sakuna ay nangyayari sa marami, pati na sa mga Saksi ni Jehova, sa nilakad-lakad ng panahon. Pinatutunayan nito ang Salita ng Diyos na ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa lahat. (Eclesiastes 9:11) Subalit pinatutunayan din ng mga karanasan ng mga lingkod ng Diyos ang katotohanan ng Salita ng Diyos na inaaliw at inaalalayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa panahon ng kanilang pangangailangan at iginagarantiya rin niya ang isang magandang hinaharap sa kaniyang bagong sanlibutan, kung saan ang gayong mga kalamidad ay magiging lipas na bagay.

Tunay ngang nakaaaliw malaman na sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, magkakaroon ng tunay na pag-ibig sa kapuwa at paggalang sa mahalagang kaloob ng buhay. Ang mahuhusay na katangiang ito ang hahalili sa kasakiman at sa pagsasamantala sa mga kahinaan ng tao para sa pakinabang na laganap ngayon sa sanlibutang ito. Mawawala na rin ang mga kabalisahan, panggigipit, at takot ng kasalukuyang sanlibutan na nagtutulak sa marami na makadama ng pangangailangan ng labis-labis na paggamit ng alkohol o ang pag-inom ng iba pang droga.

Ngayon pa lang, ang mga Saksi ni Jehova ay bumubuo ng isang pandaigdig na kapatiran na binubuklod ng tagapagkaisang puwersa ng pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Yaong mga bahagi ng kapatirang ito ay nagbibigay ng matibay na sistema ng pagsuporta sa pagtulong sa mga indibiduwal na namatayan. Sila’y maligayang tumulong sa sinuman na nagnanais maaliw kung paanong sila ay naaliw.​—2 Corinto 1:3, 4.

[Larawan sa pahina 13]

Ang Bibliya ay nangangako na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay