“Bakit Kinuha ng Diyos ang Anak Ko?”
Ang Pangmalas ng Bibliya
“Bakit Kinuha ng Diyos ang Anak Ko?”
ANG kamatayan ng isang anak ay kalunus-lunos sa kaninumang magulang. Isa itong kakila-kilabot na karanasan na hindi maaaring pawiin ng mga salita. Subalit kung naranasan mo nang mamatayan ng anak at nagtatanong ka kung bakit kinuha ng Diyos ang iyong anak, kung gayong ikaw ay naghihirap sa ilalim ng maling kaisipan na makadaragdag lamang sa iyong dalamhati. Kailangan mong malaman ang katotohanan: Hindi kinuha ng Diyos ang iyong anak.
Gayunman, marami ang naniniwala na kinuha ng Diyos ang kanilang anak. Halimbawa, isang babaing hindi maaliw-aliw ang nakatitig sa isang bukás na kabaong; sa loob nito ay nakahiga ang kaniyang 17-anyos na anak na lalaki, ang kaniyang buhok ay numipis dahil sa mga paggamot na hindi nakalunas sa kaniyang kanser. Bumaling siya sa isang bisita at ang sabi: “Nais makasama ng Diyos si Tommy sa langit.” Isang Romano Katoliko, ito ang itinuro sa kaniya ng mga taon ng pagsisimba niya. Ang mga Protestante man ay malaon nang sinisisi ang Diyos sa kamatayan ng mga bata. Ang kilalang Protestanteng repormador na si John Calvin ay nanangis pagkamatay ng kaniya mismong dalawang-linggo-gulang na anak na lalaki: “Tiyak na ipinasapit ng Panginoon ang masakit na sugat sa kamatayan ng aming sanggol na lalaki.”
Sang-ayon sa isang sinaunang pabulang Judio, ang kambal na anak na lalaki ng isang rabbi ay namatay samantalang siya’y wala. Pagbalik niya at nang hanapin niya ang kaniyang mga anak na lalaki, sabi ng kaniyang asawa: “Kung ikaw ay pinahiram ng dalawang mahalagang hiyas at sinabi sa iyo na maaari kang masiyahan dito habang ito ay nasa iyo, tututol ka ba kung hingin na ito sa iyo ng nagpahiram?” Sagot niya: “Siyempre pa hindi!” Saka niya ipinakita sa kaniya ang kaniyang dalawang patay na mga anak na lalaki at basta sinabi: “Binawi na ng Diyos ang kaniyang mga hiyas.”
Hindi Nakaaaliw ni Maka-Kasulatan Man
Talaga bang napakalupit ng Maylikha anupa’t makapritsong parurusahan niya ng kamatayan ang mga bata, gayong nalalaman niyang ito’y napakasakit sa kanilang mga magulang? Hindi, hindi ang Diyos ng Bibliya; sang-ayon sa 1 Juan 4:8, “Ang Diyos ay pag-ibig.” Pansinin na hindi nito sinasabi na ay Diyos ay may pag-ibig o na ang Diyos ay maibigin kundi na ang Diyos ay pag-ibig. Gayon na lamang katindi, kadalisay, kasakdal ang pag-ibig ng Diyos, lubusang nalalaganapan nito ang kaniyang pagkatao at mga kilos, anupa’t makatuwirang masasabing siya ang mismong personipikasyon ng pag-ibig. Hindi ito ang Diyos na pumapatay ng mga bata ‘sapagkat nais niyang bawiin ang kaniyang mga hiyas.’
Sa kabaligtaran, marubdob at walang pag-iimbot na mahal ng Diyos ang mga bata. Si Jesu-Kristo,Mateo 18:1-4; Marcos 9:36) Mga dantaon maaga rito, tinuruan ni Jehova ang kaniyang bayan na malasin ang kanilang mga anak na mahalaga at sanayin, turuan, at pangalagaan sila nang wasto. (Deuteronomio 6:6, 7; Awit 127:3-5) Nais niyang ang mga pamilya’y nagkakaisa sa buhay, hindi pinaghihiwalay ng kamatayan.
na ang bawat salita at gawa ay nagpapabanaag sa personalidad ng kaniyang makalangit na Ama, ay may masiglang personal na interes sa mga bata. Minsa’y inilagay niya ang kaniyang kamay sa isang munting bata at itinuro sa kaniyang mga alagad na dapat silang magpakita ng tulad-batang kawalang-malay at kapakumbabaan. (“Kung Gayon Bakit Namatay ang Anak Ko?”
Marami ang nag-aakala na yamang ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, nasa likuran siya ng mga pangyayari na kinokontrol ang lahat ng bagay na nangyayari sa daigdig na ito, pati na ang kamatayan ng mga bata. Subalit hindi naman kinakailangang maging gayon. Nang mamatay ang lahat ng sampung anak ni Job sa isang sakuna, akala niya’y si Jehova ang nagpasapit ng kakila-kilabot na kalamidad na ito sa kaniya. Hindi niya alam kung ano ang isinisiwalat sa atin ng Bibliya, yaon ay, na isang nakahihigit sa tao na kaaway ng Diyos na nagngangalang Satanas ang aktuwal na nasa likuran ng pangyayaring iyon, sinisikap na pahirapan si Job upang itakwil niya ang kaniyang pananampalataya sa kaniyang Maylikha.—Job 1:6-12.
Sa gayunding paraan, karamihan ng mga tao ngayon ay walang ideya sa lawak ng impluwensiya ni Satanas sa daigdig. Isinisiwalat ng Bibliya na si Satanas, hindi si Jehova, ang pinuno ng bulok na sistemang ito ng mga bagay. Gaya ng sinasabi ng 1 Juan 5:19: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng masama.” Si Jehova ay hindi dapat sisihin sa lahat ng kalunus-lunos na mga pangyayari sa sanlibutang ito. Hindi niya kinuha ang anak mo.
Kung gayon, nangangahulugan ba iyan na kinuha ni Satanas ang anak mo? Hindi sa tuwiran, hindi. Doon sa Eden, inilagay ng tao ang kaniyang sarili sa ilalim ng pamamahala ni Satanas nang siya’y maghimagsaik laban sa Diyos. Sa gayo’y naiwala niya ang kaloob na walang-hanggan, malusog na buhay para sa kaniyang sarili at sa lahat niyang mga anak. (Roma 5:12) Bunga nito, tayo’y nabubuhay sa isang sistema ng daigdig na hiwalay sa Diyos, isang sanlibutan kung saan kailangan nating batahin ang tinatawag ng Bibliya na “panahon at di-inaasahang pangyayari,” ang di-inaasahan at kadalasa’y nakapanlulumong pangyayari ng mga bagay-bagay sa buhay. (Eclesiastes 9:11) “Dinadaya [ni Satanas] ang buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Ang kaniyang pangunahing interes ay italikod ang mga tao sa Diyos. Sa gayon pinalalaganap niya ang pangit na mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. Ang isang kasinungalingan ay na ginagamit ng Diyos ang kamatayan upang agawin ang mga bata mula sa kanilang mga magulang.
“Anong Pag-asa para sa Aking Anak?”
Sa halip na sisihin ang Diyos, ang naulilang mga magulang ay kailangang umasa sa kaaliwan na iniaalok ng Diyos sa Bibliya. Iniwan ng huwad na relihiyon ang marami na nalilito kung tungkol sa kinaroroonan at kalagayan ng mga patay na anak. Langit, impierno, purgatoryo, Limbo—ang iba’t ibang patutunguhang ito ay mula sa hindi maunawaan hanggang sa kakila-kilabot. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na ang mga patay ay walang malay, nasa isang kalagayan na maihahambing sa tulog. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:11-14) Kaya, ang mga magulang ay hindi dapat mag-alala sa kung saan nagtutungo ang kanilang mga anak pagkamatay, kung paanong hindi sila nag-aalala kapag nakikita nilang mahimbing na natutulog ang kanilang mga anak. Binanggit ni Jesus ang panahon kapag ang “lahat niyaong nasa alaalang libingan” ay “lalabas” sa binagong buhay sa isang lupang paraiso.—Juan 5:28, 29; Lucas 23:43.
Totoo, hindi inaalis ng nagniningning na pag-asang iyon ang lahat ng kalunus-lunos na pangyayari sa kamatayan. Si Jesus mismo ay nanangis at umiyak sa kamatayan ng kaniyang kaibigang si Lazaro—at iyan ay mga ilang minuto lamang bago niya buhayin siyang muli! Kung gayon, sa paano man ang kamatayan ay hindi laging wakas. Si Jesus at ang kaniyang Ama, si Jehova, ay kapuwa napopoot sa kamatayan. Tinatawag ng Bibliya ang kamatayan na “ang kahuli-hulihang kaaway” at sinasabi na ito’y “lilipulin.” (1 Corinto 15:26) Sa dumarating na Paraiso, kapag ang pamamahala ni Satanas ay magiging isang lipás na bagay, mawawala na ang kamatayan magpakailanman. Ang walang malay na mga biktima nito ay ibabalik sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Sa panahong iyon, kapag makakasamang-muli ng mga magulang ang namatay na mga anak, sa wakas masasabi natin, ‘Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?’—Oseas 13:14.