Hinaharap ng mga Biktima ang mga Maysala
Hinaharap ng mga Biktima ang mga Maysala
ANG tagpo: Upper New York State’s Genesee County DWI Victims Panel. Ang eksena: Anim katao, sama-samang binubuklod ng dalamhating dinaranas nila at hawak ang larawan ng kanilang mga minamahal, ay nakikibahagi sa isang masakit na pagsisikap na maapektuhan ang mga maysala na nahatulan dahil sa pagmamaneho samantalang lasing.
Ang sumusunod ay mga halaw buhat sa kanilang mga sinabi, na pinaikli ng Gumising!
Mga Biktima
Isang ama: “Ito ang aming anak na si Eric. Siya’y ulirang anak, mapagpatawa, masayahin. Ngayon ako’y isang malungkot, nagdadalamhating ama ng patay na anak na 17 anyos. Sa isang saglit, nawala ang aming mga pangarap, ang aming pag-asa sa hinaharap, ang aming mahal—pinatay ng isang lasing na tsuper.
“Nagpupunta ako sa libingan kasama ng aking asawa. Ito ang aming huling pag-asa. Binabasa namin ang mga salita ni Eric na nakaukit sa lapida: ‘Hahanap-hanapin ko kayo nang aking buong puso, at umaasa akong hindi tayo magkakalayo; at kung magkalayo man tayo, iiyak ako sapagkat ayaw kong magsabi ng paalam.’ At ayaw din naming magsabi ng paalam.”
Isang batang-batang biyuda: “Ito ang aking pamilya. Isang 22-anyos na lalaki ang umalis sa isang handaan ng kasalan na nagsasabing hindi siya lasing. Sa kaniyang trak na pickup, na matuling naglalakbay sa madilim, di-kilalang daan, nakita niya ang isang nagbababalang tanda at hindi ito pinansin, saka nagpatuloy kahit na hinto ang tanda at sumalpok sa amin. Ang susunod na naalaala ko ay ang paggising ko na may masakit na nakadagan sa aking dibdib. Habang sinisikap kong buksan ang aking mga mata, nasilayan ko ang mister ko na makasadlak sa manibela. Narinig kong umiiyak ang aking sanggol. Natatandaan ko pang nagtanong ako, ‘Ano ang nangyari?’
“Walang sumasagot. Ang mister ko, si Bill, 31 anyos; ang panganay kong anak na lalaki, 6 na taóng gulang; at ang aking kambal na lalaki, 4 na taóng gulang, ay patay. Ang tanging pag-asang naiwan sa akin ay ang aking munting siyam-na-buwang-gulang na babae, na naospital dahil sa grabeng pinsala sa ulo.
“Habang nakahiga ako sa ospital isang mapanglaw, maulan, umaga ng Miyerkules, ang aking asawa at ang tatlong anak na lalaki ay inilibing. Naisip ko ang apat na kabaong, apat na baling mga katawan, apat kataong hindi ko na muling makikita, maririnig, o mahahawakan man. Ano na lang ang mangyayari sa akin?
“Kami ng aking munting anak na babae ay napilitang
magsimula ng isang bagong buhay. Ipinagbili ko ang aking bahay, yamang hindi ko kayang mabuhay sa mga alaala. Nahihirapan akong tanggapin ang bagay na ang aking asawa at ang tatlo kong magagandang anak na lalaki ay nasa libingan. Lahat ng pag-iintindi, pag-aalala, pag-ibig, ay hindi sapat upang ingatan sila. Ang kirot, kabiguan, at kahungkagan na nadarama ko ay hindi ko mabigkas. Napakaikli ng kanilang buhay.“Ang taong pumatay sa aking pamilya ay hindi isang pusakal na kriminal o isang alkoholiko o isang paulit-ulit na maysala—kundi isa lamang karaniwang tao na nakikipagsosyalan. Pinagbabayaran ko ang katakut-takot na halagang ito sapagkat pinili ng isang tao na uminom at saka magmaneho. Harinawang huwag mangyari ito sa iyo o sa iyong minamahal.”
Isang ina: “Ang pangalan ng anak ko ay Rhonda Lynn. Siya ay nagtapos sana sa high school noong Hunyo 21. Noong Hunyo 10 ay kinukuha niya ang kaniyang huling leksiyon ng kaniyang kurso sa pag-aaral magmaneho. Noong araw na iyon dalawang tao na dumalo ng parti at nakipag-inuman nang husto ay iresponsableng nagpasiyang magmaneho. Sa isang sandali, ginawa nila itong huling araw sa buhay ni Rhonda, gayundin sa buhay ng kaniyang guro sa pagmamaneho at ng kaniyang dalawang kaklase.
“Nang hapong iyon tumanggap ako ng tawag sa telepono na nagsasabing si Rhonda ay nasangkot sa isang aksidente. Ang nasa isip ko lamang ay makasama siya. Pagdating ko sa ospital, ako’y sinabihang huwag tingnan si Rhonda. Ngunit kailangan kong matiyak. Ipinaalis ko sa kanila ang kumot. Ang kaniyang mukha ay magang-maga at lubhang galusan. Tinitigan ko ang kaniyang magagandang mata at hinaplus-haplos ko ang kaniyang kamay, subalit hindi ko mapagaling ang kaniyang durog na katawan. Ang nagawa ko lamang ay haplusin ang kaniyang magandang buhok. Walang pagtugon. Wala na siya.
“Taglay ko ang malungkot na atas ng pagsasabi sa kaniyang ama at mga kapatid na lalaki na siya’y wala na. Ngayon ang aming mga araw ay hindi na gaya ng dati dahil sa kalungkutan. Kung mayayapos nga lang namin siya, minsan pa’y mahawakan siya. Ang buhay ay hindi na magiging gaya ng dati. Mga alaala lamang ang naiwan sa amin.”
Isang Maysala
Isang binata: “Ang aking kuwento ay kakaiba sa mga narinig na ninyo. Ang aking kuwento ay nagsisimula 23 buwan ang nakalipas. Nagugunita ko ito na para bang ito’y kahapon lamang. Ang aking kaibigang babae ay naglalaro ng bowling sa isang liga nang gabing iyon, kaya’t ako’y nagpasiyang uminom ng ilang inumin at masdan siya sa paglalaro ng bowling. Nakalima o anim na baso ako ng beer sa sumunod na dalawa at kalahating oras. Naisip ko na ako’y magiging responsable at ako’y magpapalipas ng isang oras bago ako magmaneho pauwi ng bahay.
“Mga 30 minuto sa aking paglalakbay pauwi, may ambulansiya sa daan, at may isang lalaki sa gitna ng daan na nagdidirekta ng trapiko. Hindi ko nakita ang lalaking iyon hanggang sa huli na ang lahat. Sinikap kong umiwas at nagpreno. Nang mabasag ang aking salamin sa harap, nasabi ko sa aking sarili: ‘Sana po ay isa itong usa o isang aso! ’ Subalit alam kong hindi gayon. Lumabas ako ng kotse at pinuntahan ko siya, na sumisigaw, ‘Ayos ka ba? Ayos ka ba?’ Hindi siya sumasagot. Natatandaan kong ako’y nakatayo sa harap niya, nakatingin sa kaniyang mukha. Ito’y pawang nakasasamâ.
“Dumating ang mga pulis ng estado at tinanong ako. Pagkatapos ay sinabi nila: ‘Ikaw ay lubhang matulungin, ngunit kakatuwa ang iyong lakad at pagsasalita. Nakainom ka ba?’ Dinala nila ako sa barracks ng mga pulis at binigyan ako ng pagsubok. Ito’y 0.08 [sukat ng alkohol sa dugo na labag sa batas sa karamihan ng bahagi ng Estados Unidos]. Hindi ako makapaniwala na nangyayari ito sa akin. Naisip ko na huwag sanang mangyari ito sa akin. Gayunman, nakakaharap ko ngayon ang kriminal na pagsasakdal ng walang ingat na omisidyo, DWAI [Driving While Ability Impaired o pagmamaneho samantalang napinsala ang kakayahan].
“Isang buwan na lamang at makukuha ko na ang aking sertipiko sa pagtuturo. Isip-isipin na lamang ang mataas na pagtingin ng lipunan sa mga guro. Inaasahan nila ang mga ito na maging walang dungis sa moral. Ito nga ang pinagsusumikapan ko, at ngayon pinagmamasdan kong mawala ang lahat ng ito.
“Tumanggap ako ng isang taong probasyon, naiwala ko ang aking lisensiya sa pagmamaneho sa loob ng 19 na buwan, at ako’y nagmulta ng 250 dolyar, ginugol ko ang dulo ng sanlinggo sa bilangguan, nagsagawa ng 600 oras ng paglilingkod sa
pamayanan, at dinaanan ko ang siyam-na-linggong kurso sa pagpapayo tungkol sa alkohol. Higit pa riyan, nagugunita ko ang mga gabi na ako’y nagigising na nanginginig, taglay ang larawan ng lalaking iyon sa aking isipan. At kailangan kong bumalik at harapin ang lahat ng aking kaibigan at pamilya. Para itong pagsusumikap na magpatuloy sa aking buhay. Hindi ko tiyak kung ito ba’y sulit. Kailangan kong magbalik sa student teaching at masdan ang lahat ng mga batang ito. Nag-iisip ako kung ilan kaya sa kanila ang nakaaalam ng nagawa ko. At kinukonsensiya ako at gayon na lamang pagsisisi ang nadarama ko para sa pamilya ng lalaking iyon.“Noong gabi ng aksidente, kailangan kong gawin ang pinakamahirap na bagay na kailanma’y ginawa ko sa aking buhay—tinawagan ko si inay at sinabi ko sa kaniya, ‘Inay, nakasagasa ako ng isang tao sa isang aksidente. Kailangan ko po ng masasakyan pauwi.’ Pagdating niya roon, basta kami nagyakap at nag-iyakan. Hindi ko nanaisin danasin kahit ng aking pinakamahigpit na kaaway ang dinanas ko. Ang mga taong umiinom at nagmamaneho—iyan ang problemang nais kong matulungan. Pag-alis ninyo sa pulong na ito, alalahanin ninyo kami. Huwag ninyo kaming kalimutan.”
Ang Hurado ay Naghihinuha
Si Patricia Johnston, coordinator ng mga biktimang ito na pangkat ng mga hurado, ay naghinuha taglay ang kaniyang sariling kalunus-lunos na karanasan ng nakamamatay na pagkabangga ng kaniyang alkoholikong ama. Sabi niya: “Kung maisasabotelya ko lamang ang dalamhati na dulot ng alkohol at masasabing ‘isa pa nga,’ hinding-hindi na kakailanganin ang isa pang programang tulad nito!”
Sa katapusan, tinanong ng tagapamagitan kung may katanungan ba ang sinuman. Wala nang katanungan. Subalit marami roon ang napaiyak na nagsabi: “Hinding-hindi na ako muling iinom at magmamaneho.”
Panahon lamang ang makapagsasabi kung ano ang magiging resulta ng gayong mga pangkat ng hurado sa mga naaresto na magbalik na muli sa daan upang magmaneho samantalang lasing. Subalit ang gumagawa sa problema na maging nakatatakot ay ang napakarami, angaw-angaw, niyaong mga nagmamaneho na napinsala ng alkohol at hindi nahuhuli.
Ipinakikita ng mga ulat kamakailan buhat sa Kawanihan ng Estadistika ng Hustisya ng Kagawaran ng Hustisya ng E.U. na sa isang taon lamang, halos dalawang milyon katao ang naaresto dahil sa DUI (Driving Under the Influence). Subalit ipinakikita rin ng estadistika na sa bawat DWI (Driving While Intoxicated) pag-arestong nagawa, kasindami ng 2,000 higit pa ang maaaring hindi napapansin sa mga lugar na hindi pinapatrolya ng pulis, marami pa ang naghihintay ng bagong mga biktima.
Ano ang lumilikha ng kapaligiran na nagpaparami sa gayong nakamamatay na iresponsableng pagkilos? Bakit ang pakikipagbaka laban sa pag-inom at pagmamaneho ay patuloy na ipinakikipagbaka subalit hindi nagwawagi? Tingnan natin ang ilan sa mga kasagutan.
[Larawan sa pahina 7]
Muling pagganap ng nagkasala na humaharap sa pangkat ng mga biktima