Isang Daigdig ng Pagsusugal
Isang Daigdig ng Pagsusugal
ANG mga slot machine ay karaniwang tinatawag na isang-sandatang mga tulisan. Subalit di-gaya ng tunay na mga tulisan, hindi nila puwersahang kinukuha ang pera ninuman; ang mga tao’y pumipila na parang mga tupa upang sila’y kuwartahan.
Mayroong halos 420,000 gayong mga makina sa Pederal na Republika ng Alemanya, abalang-abalang inuubos ang halos $900,000,000 mula sa mga Aleman taun-taon. Limang milyon katao roon ang gumugugol ng isang oras sa bawat linggo na ibinubuhos ang pera sa mga makina; 80,000 katao ang gumugugol na mahigit na limang oras sa isang linggo sa mga ito.
Ipinagmamalaki ngayon ng Espanya ang 750,000 slot machines. Ang pagsusugal ay ginawang legal doon noong 1977. Noong 1988, ang mga Kastila ay gumugol ng $25,000,000,000 isang taon sa lahat ng klase ng pagsusugal. Iniulat, na 200,000 Kastila ang pusakal na mga sugarol. Ang mga Italyano ay nagsugal ng halos $12,000,000,000 noong 1989—o halos $210 sa bawat tao, pati na ang mga bata. Sa isang linggo maaga noong 1990, ang mga Italyano ay gumugol ng $70 milyon sa pagtaya sa mga labanan ng soccer.
Ang mga sugarol sa Estados Unidos ay gumugugol ng mahigit $200,000,000,000 isang taon sa legal na mga uri lamang ng pagsusugal! Ipinagmalaki kamakailan ng presidente ng isang kawing ng mga casino roon: “Ang pagsusugal ang pinakamabilis umunlad na industriya, kasinlaki ng taunang badyet ng [militar ng E.U.].” Ipinalalagay niya ang pagkahumaling ng mga Amerikano sa pagsusugal ay bunga ng katulad na “pilosopikal na puwersa” at pagkukusang makipagsapalaran na nag-udyok sa mga tagapagtuklas at mga taong nakatira sa hangganan sa kasaysayan ng bansa. Subalit ang pangarap ng sugarol sa kagyat na yaman ay malayung-malayo sa mga taon ng pawis at pagpapagal ng mga manggagalugad at mga tagapangunang iyon sa kanilang pagkikipagsapalaran.
Ganito ang sabi ng sosyologong si Vicki Abt: “Ang mga loterya ay nagbibigay ng ideya na ang mga gantimpala ay walang kaugnayan sa iyong mga pagsisikap.” Ang gayong kaisipan ay maaaring makapinsala sa kalidad ng buhay. Ang utang, kahirapan, nasirang mga ugali sa trabaho, wasak na mga pamilya—ito ang kalunus-lunos na bunga ng pagsusugal. Para sa angaw-angaw, na ang dumaraming bilang nito ay mga tinedyer, ang pagsusugal ay nauuwi sa di-mapigil na pamimilit. Tunay, tama ang Bibliya nang sabihin nito na “ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.”—1 Timoteo 6:10.