Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Nakamamatay na Kombinasyon

Isang Nakamamatay na Kombinasyon

Isang Nakamamatay na Kombinasyon

“ISANG malubhang krisis,” pahayag ng presidente ng E.U. na si Bush. Isang “nakatatakot na kalagayan,” sabi ng The Star ng Timog Aprika. “Isang epidemya,” ulat ng U.S.News & World Report. “Isang parusa sa lipunan,” sabi ng isang nababahalang mamamayan.

Pinag-uusapan ba nila ang tungkol sa nakatatakot na virus ng AIDS? Hindi, kundi ang tungkol sa isa pang uri ng salot na sa karamihan ng mga bansa ay kasalukuyang kumukuha ng mas maraming biktima kaysa AIDS. Ano ba ito? Ang resulta ng isang nakamamatay na kombinasyon: ang pag-inom at pagmamaneho.

Sa buong daigdig, halos 300,000 katao ang namamatay sa mga aksidente sa sasakyan sa bawat taon. Sa angaw-angaw na nasugatan, sampu-sampung libo ang napinsala habang buhay. Ang pinansiyal na halaga ay libu-libong milyong dolyar taun-taon. Ang mga aksidenteng nauugnay-sa-alkohol ang dahilan ng malaking bahagi niyan.

Sa dekadang nagtapos noong 1990, 100,000 katao ang namatay dahil sa AIDS sa Estados Unidos. Subalit sa loob ng sampung taon ding iyon, halos 250,000 ang namatay sa mga aksidente sa sasakyan na nauugnay-sa-alkohol. Kalimitang ang AIDS ay tuwirang nakaaapekto sa mga handalapak sa sekso at sa mga gumagamit ng droga na itinuturok sa ugat. Subalit maaaring mapatay ng tsuper na pininsala-ng-alkohol hindi lamang ang nagpapakalabis sa alkohol kundi pati na ang walang malay na miron.

Ang pag-inom at saka pagmamaneho ay kadalasang nagbubunga ng pinakamarahas na uri ng kamatayan sa walang kamalay-malay na mga biktima, at pinaghihiwalay ang mga pamilya. Inuulila nito ang mga magulang sa kanilang mga anak, ang mga anak sa kanilang mga magulang, ang mga asawa sa kanilang mga kabiyak.

Mga Pagsisikap na Labanan Ito

Maraming pagsisikap ang ginagawa upang labanan ang daluyong na ito ng pagkawasak. Sa Estados Unidos, ang mga kampaniya upang bigyan-kabatiran ang publiko ay sinimulan ng lokal na mga organisasyon na gaya ng RID (Remove Intoxicated Drivers o Alisin ang Lasing na mga Tsuper) at MADD (Mothers Against Drunk Drivers o Mga Inang Laban sa Lasing na mga Tsuper). May mga programa na Stop-DWI (Driving While Intoxicated o Huwag Magmaneho Kung Lasing). Kahawig na mga organisasyon ay umiiral sa ibang bansa. Tinutulungan nito ang mga biktima sa kanilang mga karapatan at nagtatatag ng legal na mga reporma.

Dinagdagan ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas ang kanilang pagsisikap upang dakpin ang mga tsuper na naapektuhan ng alak, ginagamit ang mga bagay na gaya ng mga sobriety checkpoint upang subukin ang pagtitimpi sa pag-inom. Iba’t ibang batas ang pinagtibay upang papanagutin ang mga nagsisilbi ng mga inuming nakalalasing. Kahit na ang mga paskil ay ginagamit upang paalalahanan ang mga tsuper tungkol sa umiiral na batas.

Patuloy na Dumarami ang Namamatay

Sa kabila ng lahat ng pagsisikap na ito, ang kamatayan dahil sa mga lasing na nagmamaneho sa buong daigdig ay patuloy na dumarami. Sa Brazil isang tao ang namamatay tuwing 21 minuto​—mga 25,000 sa isang taon—​sa mga aksidenteng nauugnay-sa-alkohol. Iyan ay halos 50 porsiyento ng lahat ng nasawi sa trapiko roon. Sa Inglatera at Alemanya, halos sangkalima ng lahat ng mga nasawi sa trapiko ay sinasabing nauugnay sa alkohol. Sa Mexico, ayon sa ilang pinagmumulan ng balita, 80 porsiyento ng 50,000 mga nasawi sa trapiko ay dahil sa ‘pagkakamali ng tao, pangunahin nang dahil sa pagmamaneho na lasing,’ ulat ng El Universal ng Lungsod ng Mexico.

Tinatayang mahigit na 25 porsiyento ng mga nasawi sa trapiko sa Timog Aprika ay kinasangkutan ng alkohol. Sa Estados Unidos sa isang katamtamang taon, 650,000 ang nasugatan sa mga aksidenteng nauugnay-sa-alkohol, kung saan halos 40,000 ang malubha; mahigit na 23,000 mga tao ang namatay​—halos kalahati ng kabuuang mga nasawi sa trapiko.

Dala ng kawalang pag-asa sa pagsisikap na sugpuin ang tsuper na napinsala-ng-alkohol, isang DWI Victims Panel ang inorganisa sa Estado ng Washington, E.U.A. Naging bahagi na ito ng hudisyal na pamamaraan sa paghatol sa mga nahatulan ng pagmamaneho samantalang nasa ilalim ng impluwensiya ng isang nakalalasing na inumin. Ang programa ay ginagamit na ngayon sa maraming bahagi ng bansang iyon. Ang layunin nito ay iharap ang mga maysala sa kalunus-lunos na mga resulta ng kanilang iresponsableng pag-iinom. Ang mga maysala ay sinisentensiyahan ng mga hukuman na pakinggan ang mga biktima at ang mga miyembro ng kanilang pamilya at alamin ang kakila-kilabot na halagang ibinayad. Ang Gumising! ay inanyayahang obserbahan ang isang paghaharap na iyon.

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Dominic D. Massita, Sr./Accident Legal Photo Service of New York