Napawi ang “Misteryo” ng Microfilm
Napawi ang “Misteryo” ng Microfilm
ANO ang naiisip mo kapag narinig mo ang salitang “microfilm”? Misteryo at intriga? Mga superspy at mga sekreta? Ngunit ang microfilm ay hindi naman misteryoso na gaya ng iyong pang-araw-araw na litrato na kinuha sa isang 35mm rolyo ng pilm. Gayunman, maaari nitong maapektuhan ang iyong buhay sa iba’t ibang paraan.
Marahil ang “micro” sa salitang “microfilm” ang nakalilito. Sa katunayan, ang maliit ay, hindi ang pilm, kundi ang larawan sa pilm. Papaano? Bueno, may tatlong pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng microfilm at ng iyong ordinaryong litrato. Una, ang iyong litrato ay maaaring naglalaman ng mga tao o tanawin, samantalang ang microfilm ay nagiging imbakan ng limbag na impormasyon para sa mga titingin nito. Ikalawa, ang uri ng pilm na ginagamit sa iyong litrato ay kakaiba sa pilm na ginagamit para sa microfilm. Bakit? Sapagkat dapat magawa ng microfilm ang maliliit ng mga detalye, gaya ng mga letra sa isang limbag na pahina. Ikatlo, ang iyong litrato ay karaniwang nagtatapos na inililimbag sa potograpikong papel, subalit ang microfilm ay karaniwang inililimbag sa pilm.
Kung Paano Ka Naaapektuhan Nito
Gumamit ka na ba ng isang aklatan kamakailan? Maraming aklatan ngayon ang nag-iingat ng makasaysayan o out-of-print na mga dokumento, gayundin ng hindi pangkaraniwang mga aklat at mga magasin, sa microfilm. Halimbawa, kung nais ng isang estudyante ng Bibliya na magsaliksik ng isang napakatandang relihiyosong babasahin, maaari itong masumpungan sa microfilm. Mayroon ding paggamit ng microfilm sa edukasyon, paggawa, seguro, at sa pamamagitan ng pederal, pang-estado, at lokal na gobyerno.
Ikaw ba’y nasa negosyo? Ang paglalagay sa microfilm ng mga rekord ng tauhan ay maaaring mag-ingat sa kanila mula sa hindi autorisadong pagsusuri o pagbabago, samantalang ginagawang mas madali ang pagpapasok at pag-iimbak ng impormasyon. Kung ang mga rekord ng kuwentang binayaran at tinanggap ay nasa microfilm, natitiyak ang proteksiyon at madaling pagkuha at nababawasan ang rutinang klerikal na mga gawain. Ang paglalagay sa microfilm ng mga salansan ng parokyano ay nagtataguyod ng mas mahusay na paglilingkod at kaugnayan sa mga parokyano.
Kailangan o ginagamit mo ba ang mga drowing sa inhinyerya? Ang paglalagay sa microfilm ng mga drowing na ito ay makapagtitipid ng salapi. Ang paglalagay nito sa microfilm ay makababawas sa pagkasira at pagkapunit ng mahalagang mga orihinal, sa halaga ng reproduksiyon at pamamahagi, at sa panahong ginugugol ng mahal ang bayad na kawani. Maaari nitong gawing permanenteng organisado ang iyong drafting room. Maiingatan din ng paglalagay sa microfilm ang nasusulat na mga pamamaraan at ang magagamit na mga rekord ng mantensiyon; gayundin ang masasabi sa mga rekord ng payroll at buwis na inilalagay sa microfilm.
Kaya, ano ngayon ang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang “microfilm”? Napawi ba ang ilang misteryo nito sa iyo? Walang alinlangan na mauunawaan mo ngayon na ang microfilm ay isang maraming-gamit na pamamaraan na sa malao’t madali ay maaaring makaapekto sa iyong buhay.
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
“Microfiche”
Isa sa pinakakaraniwang ginagamit na microfilm ngayon ay ang microfiche. Ang isang microfiche, na kasinlaki ng isang baraha, ay maaaring maglaman ng halos isang daang pahina ng nakamakinilyang impormasyon. Ang istandard na microfiche, kung saan nakaayos ang mga pagkaliliit na mga larawan, na karaniwang inaayos sa 7 hilera at 14 na hanay para sa sukdulang 98 pahina sa bawat fiche, ay humigit-kumulang 105 por 148 milimetro ang laki. Ang bentaha ng microfiche sa rolyo ng pilm ay ang pagkakaroon ng kompletong yunit ng madaling-iimbak, madaling-kilalanin, at madaling-basahing impormasyon sa isang pilyego ng pilm.
[Larawan]
Ang sampol sa itaas, na ipinakikita sa aktuwal na laki, ay naglalaman ng 773,746 salita ng isang edisyon ng “King James Version”
[Kahon sa pahina 27]
Ang Ganap na Pagbabago ng Microfilm
Bagaman ipinalalagay ito ng karamihan ng mga tao bilang isang pagsulong sa kaalaman sa ika-20 siglo, ang mga microfilm ay ginamit na noon pang dakong huli na 1800’s. Noong panahon ng Digmaang Franco-Prussian ng 1870-71, ginamit ni Rene Prudent Dagron ang maagang anyo ng microfilm upang ihatid ang mga mensahe sa pamamagitan ng mga kalapati mula sa Paris tungo sa Bordeaux, Pransiya. Ang unang microfilm na ito, na tinatawag na pellicle, ay ginagawa sa pamamagitan ng paglitrato sa mga mensahe na ginagamit ang isang emulsion sa salamin; kapag natuyo ang emulsion, ito’y inaalis sa salamin at ibinibilot sa maliliit na rolyo, na ikinakabit sa mga kalapati.
Bagaman ang unang microfilm reader-printer ay nagamit lamang noong 1928, ang pagpapakilala ng unang de-buton na microfilm reader-printer noong 1957 ang nagsimula ng isang ganap na pagbabago sa microfilm. Pinangyari ng aparatong ito hindi lamang ang pagtingin sa kung ano ang nasa pilm kundi maaari rin gumawa ng malaking kopya sa papel. Nakita noong taóng 1958 ang isa pang malaking pagsulong sa ganap na pagbabago ng microfilm, ang COM (Computer Output Microfilming). Ito ang pamamaraan ng pagkumberte ng impormasyon mula sa isang computer tungo sa mga larawan sa microfilm nang walang potograpikong mga hakbang sa pagitan.
Karagdagan pa sa COM, may dalawa pang dako kung saan ginagamit ang microfilm. Ang una, at ang pinakamatanda, ay ang source document filming. Ito ang paglalagay sa microfilm ng mga dokumento, gaya ng mga mapa, drowing, talaan ng mga binili at halaga, mga tseke sa bangko, sertipiko ng kapanganakan, at iba pang mahalagang mga dokumento. Ang ikalawang dako ay ang micropublishing, na tumutukoy sa bagong impormasyon na unang ipinagbili o ipinamahagi sa anyong microfilm. Ang isang manwal sa mantensiyon ng isang airline na ginagamit ng komersiyal na mga airline ay isang halimbawa.
Taglay ang mga pagbabagong ito, ang microfilm ay hindi lamang basta isang space saver kundi isang pamamaraan taglay ang mga pakinabang na ito: pagbawas ng halaga, pagiging kompleto ng salansan, mas mabilis at mas madaling pangangasiwa ng impormasyon, at pagbawas ng pagnanakaw, pagsira, at pagbabago.