Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
40,000 Bata Araw-Araw
Sang-ayon sa pahayagan ng Paris na International Herald Tribune, ang direktor ng UNICEF (United Nations Children’s Fund) ay nagsabi: “Walang taggutom, walang tagtuyot, walang likas na sakuna ang pumatay ng 40,000 mga bata sa isang araw, gayunman ganiyan karami ang pinapatay ng maiiwasang sakit at malnutrisyon araw-araw—nang hindi kinakailangan.” Nag-uulat tungkol sa World Summit for Children ng UNICEF, idinagdag pa ng pahayagan na ang problema ay bahagyang nanggagaling sa umiiral na saloobin na sa nagpapaunlad na mga bansa ang gayong mga sakit at kamatayan ng mga bata ay “normal at hindi maiiwasan.” Ang layunin ng summit ay sikaping pagbutihin ang mga kalagayan para sa 1,500 milyong mga bata na inaasahang ipanganganak sa susunod na sampung taon. Ito, sang-ayon sa Tribune, “ang pinakamalaking salinlahi ng mga bata na kailanman ay ipinagkatiwala sa sangkatauhan.”
“Balitang Hindi Pinapansin”
Sang-ayon sa Diario Las Américas, isang pahayagan sa wikang Kastila na inilalathala sa Miami, Florida, E.U.A., pinasimulan ng pamahalaan ng Mexico ang isang programa laban sa paninigarilyo na nagbabawal ng paninigarilyo sa mga lugar na pampubliko. Ang hakbang, na nilayon para pangalagaan ang mga hindi naninigarilyo, ay nagtatakda na ang paninigarilyo sa mga lugar na pampubliko ay lilimitahan sa isang itinalagang bukod na mga dako. Gayunman, inaakala ng iba na “ang planong ito ay waring balitang hindi pinapansin” yamang walang sapilitang mga hakbang, multa, o mga inspektor upang ipatupad ang pagsunod dito,” sabi ng Diario. Napansin ng pahayagan na ang populasyon sa pangkalahatan ay hindi naniniwala sa batas na ito at basta hindi ito pinapansin.
“Modernong-Panahong Baluti”
Ang daluyong ng marahas na krimen sa Lungsod ng New York kamakailan ay nagpalakas sa benta ng kasuutan at dagdag na gamit na hindi tinatablan ng bala. Ang Daily News ay nag-uulat na “ang mga tao ay gumagasta ng malaking halaga upang takpan ang kanilang mga sarili, ang kanilang mga anak at maging ang kanilang mga aso ng kasuutan na may aporong tela na hindi tinatablan ng bala na gaya ng Kevlar, isang magaang na tela na mas matibay kaysa bakal.” Kabilang sa listahan ng makukuhang bagay ay mga kapote na ipinagbibili sa halagang $1,000, mga payong sa halagang $1,000 hanggang $2,000, ski jackets mula $800 hanggang $2,500, at mga pangginaw na yari sa balahibo ng hayop na ang halaga ay sa pagitan ng $12,000 at $80,000. Tinukoy ng pahayagan ang mga bagay na ito bilang “modernong-panahong baluti para sa mga lansangan ng New York” at idinagdag pa na maaaring “sanggain ng [mahalagang tsaleko] ang bala na ipinaputok nang malapitan.”
Hindi Naiibigang Pagdami
Sa kasalukuyan ang daigdig ay may halos 5,300 milyong maninirahan. Tinatayang sa pagtatapos ng ika-20 siglo, maaabot ang bilang na 6,250 milyon. Sang-ayon sa Visión, isang magasin sa Latin-Amerika, ang mahihirap na bansa ay lubhang maaapektuhan ng pagsabog na ito ng populasyon. Sa bagong karagdagang ito sa lahi ng tao, 90 porsiyento ang ipanganganak sa mahihirap na bansa. Iniulat ng Visión na sa 20 pinakamataong lungsod sa daigdig, 17 ay nasa nagpapaunlad na mga bansa. Halimbawa, “sang-ayon sa siyentipikong mga panukala, sa taong 2025, ang Latin Amerika ay magkakaroon ng populasyon na 740 milyon.” Ang Bolivia, Costa Rica, Guatemala, Nicaragua, Paraguay, at Venezuela ang may pinakamabilis na pagdami ng populasyon sa Latin Amerika, samantalang ang Argentina, Cuba, at Uruguay ang may pinakamababa. Isinusog pa ng magasin na “sa pagitan ng mga taóng 1985 at 1990, ang bilis ng pagdami ng populasyon ng Latin Amerika ay 20.77 porsiyento.”
Isang Huwad na Mesiyas
Libu-libong relihiyosong mga debotado ay pinagkaitan ng kanilang lider nang ito at 12 pang miyembro ng isang relihiyosong grupo na kilala bilang Nation of Jahweh ay arestuhin. Sang-ayon sa The New York Times, “ang demanda ay nagpaparatang ng 18 espisipikong halimbawa ng pangraraket na kinabibilangan ng 14 na mga pagpatay, dalawang tangkang pagpatay, pangingikil at arson.” Ang pangulo ng grupo, na ang punong tanggapan ay nasa Miami, Florida, E.U.A., ay kilala bilang Yahweh Ben Yahweh. Sinasabi niyang siya’y binuhay-muli mula sa
mga patay bilang isang mesiyas upang akayin ang mga taong itim “mula sa ilang ng pangingibabaw ng mga puti.” Siya at ang iba pang miyembro ng kulto ay inakusahan ng pagpatay sa dating mga miyembro na hindi sang-ayon sa lider. “Sa isang kaso, sabi ng pagsasakdal, isang dating miyembro ang pinugutan ng ulo,” ulat ng Times.Mga Batang Lansangan
“Tinataya ng mga pulis at ng mga social worker na 10,000 mga kabataang walang tirahan ang aali-aligid sa mga lansangan ng Metro Toronto,” sabi ng The Toronto Star. Nasumpungan ng pag-aaral na 90 porsiyento ng mga batang babae na walang tirahan ang “nagsasabi na sila’y hinalay bago pa sila umabot sa gulang na 12 ng isang miyembro o kaibigan ng pamilya.” Iniulat na karamihan ng mga batang ito ay itinaboy sa mga lansangan dahil sa “mga problema sa pamilya na gaya ng pisikal at seksuwal na pag-abuso at alkoholismo na gumawa sa lansangan, taglay ang lahat ng mga kakilabutan nito, na mas mabuti kaysa tahanan.” Ikinatatakot ng mga awtoridad na ang pamayanang ito ng mga batang lansangan ay magiging sanhi ng pagkahawa ng AIDS sa gitna ng pangkalahatang populasyon ng mga adolesente. Sinabi pa ng Star na “kalahati ng mga batang babae na hindi mga patutot ay nagkaroon ng 10 seksuwal na katalik at 30 porsiyento ng mga batang lalaki ay nagkaroon ng mahigit sa 50 katalik. Sa gitna ng mga patutot, 70 porsiyento ng mga babae at 50 porsiyento ng mga lalaki ang nag-ulat ng mahigit na 100 katalik.”
Tropikal na mga Mamamatay-Tao
Parami nang paraming turista at mga negosyante ang dumadalaw sa tropikal na mga bansa. Ang pahayagang Pranses na Le Figaro ay nag-uulat na maraming naglalakbay ay umuuwing may malaria, disenteryang dala ng amoeba, hepatitis, o isa sa marami pang ibang tropikal na sakit na madaling makahawa sa hindi maingat na naglalakbay. Sa buong daigdig, ang malaria lamang ay pumapatay ng mahigit dalawang milyon katao sa bawat taon. Ang panganib ay umiiral sapagkat ang mga sintomas na nararanasan ng mga naglalakbay ay maaaring hindi wastong naririkonosi sa kanilang lugar ng mga doktor doon na hindi sanay sa tropikal na mga medisina. Kaya, ang nakamamatay na mga sakit ay di-wastong ginagamot.
Di-pantay na Pamamahagi
Sang-ayon kay Mariano Grondona, na sumusulat sa Visión, isang magasin sa Latin-Amerika, iniulat kamakilan ng World Bank na 1,100 milyong tao sa buong daigdig ay namumuhay sa karalitaan. Sa katamtaman, ang mga taong ito ay may araw-araw na kita na wala pang isang dolyar sa bawat tao. Sa populasyon ng mga 450 milyong tao sa Latin Amerika, halos 90 milyon ang namumuhay sa gayong karalitaan, na ayon kay Grondona, ay gumagawa sa Latin Amerika na “isang hindi makatarungang lipunan.” Binanggit ng report na ang Latin Amerika ay “may pambihirang mataas na antas ng hindi pantay na pamamahagi ng kita” at na walang ibang rehiyon sa nagpapaunlad na bansa ang may gayong kalaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap.
Nanlulumong mga Sanggol
Sang-ayon sa pahayagang El País ng Columbia, sa Cali 29 porsiyento ng lahat ng mga batang dinadala sa mga sentrong pangkalusugan ay may sikolohikal na diperensiya na nangangailangan ng propesyonal na paggamot. Sang-ayon sa isang awtoridad, ang kalimitang sanhi ay mga problema sa pamilya, na nagdudulot sa mga bata ng mga damdamin ng pagkabalisa, panlulumo, kawalang kakayahang matuto, mga karamdaman sa pagtulog, at iba pa. Idinagdag pa ng El País na ang pinakamaraming insidente ng mga suliraning pangkaisipan sa mga bata ay nakikita sa unang siyam na taon ng buhay. Isinisiwalat ng isang pag-aaral na kapag kulang ang ugnayang magulang-anak, kahit ang mga sanggol ay maaaring dumanas ng panlulumo.
Balita para sa mga Umiinom ng Kape
Ipinakita ng isang dalawang-taong pag-aaral sa 45,589 mga lalaki kamakailan na walang kaugnayan sa pagitan ng nakukunsumong kape at sakit sa puso, ulat ng The New England Journal of Medicine. Bagaman nasumpungan ng ibang pag-aaral kamakailan ang kaugnayan sa pagitan ng pag-inom ng kape at ng panganib sa sakit sa puso, ang malawak at bagong pag-aaral na ito, gayundin ang iba pang dating pag-aaral, ay walang nasumpungang kaugnayan. Ang presidente ng American Heart Association ay nagsabi: “Batay sa pag-aaral na ito mas may pagtitiwala akong sabihin sa mga pasyente na bilang isang hakbang sa kalusugan ng publiko hindi ko sila papayuhang huminto sa pag-inom ng kape.” Sa kabilang dako, nasumpungan ng isa pang pag-aaral kamakailan ang bahagyang pagdami ng panganib sa mga atake sa puso sa mga taong umiinom ng mahigit sa apat na tasang kape sa isang araw.