Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang May Sala?

Sino ang May Sala?

Sino ang May Sala?

“ANG paglalasing ay tinatanggap” ng maraming tao sa lipunan, sabi ni Jim Vanderwood ng Mohawk Valley Council on Alcoholism sa Estado ng New York. Nakalulungkot sabihin, hindi maikakaila na ang pag-inom, nang labis pa nga, ay bahagi ng kayarian ng kanilang lipunan.

Sa loob ng mga ilang taon ipinahihintulot ng karamihan ng mga lipunan ang regular, at kahit na ang malakas, na pag-inom. Hinimok nito ang iba na gayahin ang mapagpalayaw na saloobin. Gaya ng sabi ni Vanderwood: “Tingnan ninyo ang mga pelikula. Lagi nating pinupuri ang mga taong malakas uminom nang walang anumang masamang nangyayari. Ito’y minamalas na isang uri ng tagapagtayo ng pagpapahalaga-sa-sarili. Paano mo lalabanan iyan?”

Kaya, bagaman ang pangunahing pagkadama ng pagkakasala ay naroon sa mga nakapinsala sa pamamagitan ng pag-inom at pagmamaneho, ang mapagpalayaw, mapagparayang mga lipunan taglay ang kanilang di-timbang na saloobin sa alkohol ay mayroon ding kasalanan.

“Ang pag-inom ay hindi lamang kanais-nais kundi masigasig na itinataguyod,” sabi ng opisyal sa paghadlang ng krimen na si Jim Thompson. Sinabi niya sa Gumising!: “Maraming paligsahan sa laro ang nakasentro sa industriya ng alkohol, gaya ng industriya ng beer.” Binanggit niya na kung panahon ng maraming paligsahan sa isports, “ang pinakamagaling na mga komersiyal sa TV ay mga komersiyal ng beer, na lahat ng nagniningning na mga bituin ng lipunan ay inirerekomenda ang kanilang paboritong beer.”

Isang pederal na workshop na idinaos sa ilalim ng pamamatnugot ng dating surgeon general ng E.U. na si C. Everett Koop ay binoykoteo ng Pambansang Samahan ng mga Brodkaster at ng Pambansang Samahan ng mga Tagapag-anunsiyo. Bakit? Sapagkat tinalakay nito ang tungkol sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alkohol at sa pagkakasala. Si Dr. Patricia Waller, na namanihala sa Pangkat ng Edukasyon sa workshop, ay nagsabi: “Ang totoo ay na nilikha natin [ng lipunan] ang problemang ito, at ang mga tao’y walang imik na napadaig sa lahat ng panggigipit na inilalagay natin sa kanila yamang sila’y may edad na upang mapansin ang lahat ng bagay sa telebisyon. ‘Ngunit,’ [sabi ng lipunan] ‘ wala kaming pananagutan. Hindi namin problema iyan.’”

Kabataang Maysala Ngayon​—Problemang Manginginom Bukas

Sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, gaya ng telebisyon, pelikula, at pag-aanunsiyo, ang pag-inom ay pinagtitinging kaakit-akit. Nararating nito ang bata, madaling hubuging isip ng mensaheng, ‘Maaari kang uminom at gayunma’y mabuhay ng maligaya magpakailanman.’

“Ang karaniwang bata ay 75,000 ulit na makakikita sa TV ng pag-inom ng alkohol bago siya sumapit sa legal na edad ng pag-inom,” sabi ni Dr. T. Radecki ng National Coalition on Television Violence sa Estados Unidos. Sinurbey ng Britanong mananaliksik na si Anders Hansen ang prime-time TV sa United Kingdom at nasumpungan niya na 71 porsiyento ng lahat ng mga programang katha ay nagtatampok ng pag-inom. Sa katamtaman, ang mga ito ay 3.4 mga eksena ng pag-inom sa bawat oras na may “kaunting pagpapakita ng pag-inom ng alak na mayroong mas espisipikong resulta,” gaya ng mga aksidente sa sasakyan at omisidyo, panangis ni Hansen.

Sumusulat sa The Washington Post, ganito ang pagkakasabi rito ng kolumnistang si Colman McCarthy: “Sa likuran ng katuwaan-at-laro ng . . . dating mga manlalaro bilang mga tagapag-anunsiyo ng alak ay ang mga anunsiyo at promosyonal na mga kampaniya na idinisenyo upang akitin ang mga bata at ipasok sa isipan ng mga estudyante sa kolehiyo ang ideya na ang pag-inom ng alak, marami nito, ay mahalaga para sa kapakanang panlipunan. Pakinggan ninyo ang ‘palainom’ na mga lalaking ito, kung hindi kayo umiinom, kayo’y makaluma.”

Sa Unyong Sobyet, ang pag-inom at pagmamaneho ay isa sa malaking pambansang problema. Pinag-aalinlanganan ng ilang opisyal doon na ang mga bisyo sa pag-inom ay maaaring baguhin. “Nasa Rusong ugat na natin ito,” sabi ng isa. Bagaman ito ay maaaring totoo, ito ay ipinalalagay ng marami bilang isang anyo ng paglilibang. Kaya ang mga kabataan at madaling maniwala ay lumalaki sa isang kapaligiran ng pag-inom.

Si J. Vanderwood ay nagpapaliwanag na ang Estados Unidos ay may “batang kultura sa pag-inom. Ang alkohol ay nangangahulugan ng softball, bowling, superbowl, maliligayang oras. Kung ito’y paglilibang, ito’y alkohol, kung ito’y alkohol, ito’y paglilibang.” Sabi niya: “Maaaring hindi ka mahubog ng kaisipang ito kung hindi mo pa napasisimulan ang iyong pagkasugapa sa saykolohikal, sosyolohikal, o pisikal na paraan.” Subalit siya ay nagbababala: “Isang bagay ang nalalaman namin buhat sa pananaliksik, at ito’y pinatutunayan nang husto, na kung ikaw ay magsimulang uminom nang malakas kung ikaw ay 14, 15, o 16, maaari kang maging sugapa sa loob ng isang taon. Sa maagang 20’s, sa loob ng ilang taon.”

Kataka-taka ba na ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga 16-hanggang 24-anyos sa Estados Unidos ay mga aksidente sa trapiko na nauugnay-sa-alkohol? Walang alinlangan na ito rin ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa maraming iba pang bansa. Kaya, si Dr. Waller ay naghihinuha na nakakaharap ng maingat na mga magulang na nagsisikap palakihin ang kanilang mga anak sa isang kapaligiran sa tahanan na humihila sa direksiyon ng pagtitimpi sa pag-inom ng alak ang isang mapagpalayaw na lipunan na “humihila naman sa kabilang” direksiyon.

Kaya ang kabataang manginginom ngayon ay maaaring maging talamak na problemang manginginom bukas. At kadalasang siya’y tumatanggi sa rehabilitasyon, na isang malaking banta sa kaligtasan ng publiko sa mga daan. Isang 34-anyos na umulit na maysala, pagkatapos dumaan sa isang programa sa alkohol na ipinag-utos ng estado, ay nakipag-inuman at minaneho ang kaniyang trak na pickup sa maling panig ng daan sa isang haywey sa Kentucky. Siya’y bumangga sa isang bus na punô ng mga tinedyer at 27 katao​—24 na mga kabataan at 3 adulto—​ang tinupok sa kamatayan. Oo, natiyak na mahigit na sangkapat niyaong mga nahatulang lasing na mga tsuper ay dating mga maysala.

Alkohol​—Hindi Bawal na Droga

Tinatawag pansin ng maraming autoridad sa publiko na ang alkohol ay isang hindi bawal (legal) na droga. Inihahambing nila ang alkohol sa iba pang nakasusugapang droga.

Sa isang pantanging tagubilin sa White House, si presidente Bush ng E.U. ay nagpahayag na ang pagmamaneho nang lasing ay “nakalulumpo na gaya ng crack. Walang pinipili na gaya ng karahasan ng barkada. At ito’y pumapatay ng mas maraming bata kaysa napapatay ng crack at karahasan ng barkada.” Idiniin din niya na “dapat nating turuan ang ating mga anak na ang alkohol ay isang droga.”

Kung hindi mo ipinalalagay ang alkohol na isang droga noon, hindi ka nag-iisa. “Hindi ito iniuugnay ng maraming tao,” sabi ni C. Graziano, isang patnugot sa kaligtasang pantrapiko, at sabi pa niya: “Mga abugado, doktor, hukom. Maaaring maapektuhan ng alkohol ang sinuman . . . Madaling kunin. Napakadali nitong kunin!” Sapagkat ito ay legal sa karamihan ng mga bansa, mabibili ito sa iba’t ibang klase ng tindahan. Kadalasan ay ilan lamang ang paghadlang.

Sa teknikal na paraan, ang alkohol ay pagkain dahil sa nilalaman nitong calorie. Subalit dapat din itong ituring na isang droga sapagkat pinanghihina nito ang sentral na sistema nerbiyosa ng katawan. Sa malaking dosis ito ay may narkotikong epekto sa katawan na gaya ng isang barbiturate. Dahil sa “bumabago ng kalagayang katangian nito, binabawasan nito ang kaigtingan,” sabi ni J. Vanderwood. “Nawawalan ka ng pagpipigil, binabago ang takbo ng iyong isip. Inaakala mong magagawa mo ang isang bagay gayong talagang hindi mo ito magawa.” Nariyan ang problema sa pag-inom at pagmamaneho. Gaya ng konklusyong niya: “Isang may kapansanang tao ay gumagawa ng mahinang kahatulan tungkol sa isang mahinang gawa.”

Ang ilan na nasasangkot sa mahihirap na kalagayan​—diborsiyo, kawalan ng trabaho, mga problema sa pamilya—​ay kadalasang napipilitang uminom nang marami sa pagsisikap na makayanan ang panggigipit at kaigtingan. Sa kalagayang ito sila ay gumagawi nang “hindi makatuwiran, iresponsable, at nagmamaneho nang lasing,” sabi ng Journal of Studies on Alcohol.

Gayunman, sa alkohol ang isa ay hindi kinakailangang maging lasing upang maapektuhan ang gawa ng isa. Ang isa o dalawang inuming nakalalasing ay maaaring makasira sa paghatol ng isang tsuper at gawin siyang isang banta sa kaniyang sarili at sa iba.

Tunay ngang kalunus-lunos ang hampas nito sa lipunan, na nilason ang sarili ng isang nakamamatay na kombinasyon ng komersiyal na kasakiman at isang mapagpalayaw na saloobin sa isang legal subalit lubhang mapanganib na bagay. Kung gayon, ano ang kaaliwan niyaong mga nagdadalamhati dahil sa malungkot na sakunang ito? Anong tunay na pag-asa na makasumpong ng lunas?

[Blurb sa pahina 10]

Ang mga tinedyer na malakas uminom ay maaaring maging sugapa sa loob ng isang taon

[Blurb sa pahina 10]

Hindi kinakailangang maging lasing upang maapektuhan ang pagmamaneho ng isa

[Larawan sa pahina 9]

Sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, gaya ng telebisyon, ang pag-inom ay pinagtitinging kaakit-akit