AIDS at ang Di-tunay na Seguridad
AIDS at ang Di-tunay na Seguridad
ISANG babae na positibo ang resulta ng pagsubok sa virus ng AIDS ay sumulat, gaya ng sinipi ng The New York Times ng Hunyo 16, 1990: “Ako’y isang 36-anyos na maligayang may-asawa, puting babae, na hindi kailanman nagkaroon ng sipilis, gonorrhea o chlamydia, hindi kailanman gumamit ng “crack,” hindi kailanman gumamit ng droga na pinadaraan sa ugat, hindi kailanman nagpasalin ng dugo.”
Sabi pa niya: “Sapagkat hindi ako nakipagtalik kaninuman maliban sa aking asawa sapol nang mag-asawa kami, nangangahulugan ito na ako’y positibo na ng di kukulanging limang taon na nang walang anumang sintomas.” Natatangi ba ang babaing ito? Hindi naman, gaya ng sabi niya: “May nakikilala akong mga babae mula sa aking support group na may kaparehong panlipunan at pangkabuhayang pinanggalingang na may kahawig na kuwento.”
Kaya, paano nga nahawaan ng AIDS ang mga taong iyon? Ang babae ay nagpapaliwanag: “Maliwanag, nakuha ko ang virus ng acquired immune deficiency syndrome (AIDS) sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa mga lalaki [bago mag-asawa]. . . . Maliwanag din, na ang lalaking gayon ay maituturing din ngayon na isang mapanganib na katalik, subalit hindi ito maliwanag noon sa akin.”
Ang AIDS ay karaniwang inuuri bilang isang sakit na natatakdaan lamang sa mga bakla at sa mga gumagamit ng droga na pinadaraan sa ugat. Subalit batay sa sarili niyang karanasan at sa impormasyong galing mismo sa nagbalita, iginigiit ng babae na ang palagay na ito ay “nagbibigay sa mga kabilang sa katamtamang-uri ng lipunan ng mga puti ng isang di-tunay na seguridad.”
Siya’y naghinuha: “Ang AIDS ay lilitaw sa populasyon sa pangkalahatan kung patuloy nating iisipin ang tungkol sa mga nanganganib na grupo, isipin na iba ang magkakaroon nito, hindi ako. Tayong lahat ay nanganganib. Kung ako ay maaaring maging positibo [sa AIDS], ang sinumang babae (o lalaki) ay maaari ring maging positibo.”
Sa ibang salita, ang ibig niyang sabihin ay na ang sinumang babae o lalaki na nakikipagtalik bago mag-asawa—na nagsasagawa ng pakikiapid—ay maaaring mahawa. Kaya nga, anong inam na sundin ang payo ng Bibliya: “Magsitakas kayo sa pakikiapid. Lahat ng mga iba pang kasalanan na gawin ng tao ay nasa labas ng kaniyang katawan, ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.”—1 Corinto 6:18.