Alisto Upang Tumulong sa Iba
Alisto Upang Tumulong sa Iba
SAMANTALANG nagtatrabaho sa Dade County Criminal Traffic Courthouse, isa sa mga Saksi ni Jehova sa Miami, Florida, ay nagkaroon ng pagkakataon na magbigay ng espirituwal na tulong sa kapuwa manggagawa. “Isang araw,” sulat ni Rafael, “isang babaing regular na tumatanggap ng mga kopya ng magasing Bantayan at Gumising! sa akin ay nagsabi na isang ahente ang nag-alok sa kaniya ng isang ensayklopedia sa Bibliya para sa kaniyang otso-anyos na anak na lalaki sa halagang $500 subalit hindi niya kaya ito. Agad kong inalok na dadalhan ko siya ng isang-tomong publikasyon na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Dinala ko ito kinabukasan, at nagustuhan niya ang mga ilustrasyon at pinuri ito.
“Inilapag niya ang aklat sa kaniyang desk at nagpatuloy sa pagtatrabaho. Wala pang 15 minuto ang nakalipas, isa pang empleado ang lumapit sa desk ko dala-dala Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya; nais niyang malaman kung saan ko nakuha ito. Ipinaliwanag ko na ito’y inilalathala ng Samahang Watch Tower. Nais niya ng tatlong kopya para sa kaniyang mga anak. Siya’y nagtuturo sa Sunday school at inaakala niyang ang aklat na ito ay magpapasigla sa kaniyang klase. Sabi niya na ipaaalam na lamang niya sa akin kung ilang kopya pa ang kakailanganin niya.
“Pagkalipas ng kalahating oras, isa pang kamanggagawa ang lumapit sa akin na dala-dala ang aklat, nagnanais malaman kung paano siya magkakaroon ng tatlo nito. Hindi nagtagal ang iba pa ay humihiling ng mga aklat, at bago ko namalayan ito, ako’y tumanggap ng mga pidido na 12 kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Nagalit pa nga sa akin ang mga babae dahil sa hindi ko pagsabi sa kanila tungkol sa aklat noon! Nang sumunod na araw ng trabaho, dinala ko ang mga aklat sa opisina at inihatid ko ang mga ito roon sa mga humiling nito.
“Nang sumunod na linggo ang guro sa Sunday school ay nagsabi na nangangailangan siya ng 15 aklat para sa kaniyang mga estudyante. Hinintay pa niya ang pagsang-ayon ng pari at gayundin ng superintendente ng paaralan. Sabi niya, naibigan ng pari ang aklat at pinuri ang maraming ilustrasyon nito. Sinang-ayunan niya ang pagkuha ng mga aklat.
“Nais ng guro sa Sunday-school na ibigay ang mga aklat sa mga bata bilang regalo sa Pasko. Sabi niya na batid niyang hindi ako nagdiriwang ng Pasko, subalit ang aklat na ito ay magandang regalo sa Pasko. Sinabi niya sa akin kung gaano kadaling makuha ang pansin ng mga bata na makinig kapag siya’y bumabasa sa kanila mula sa aklat.
“Sinabi sa akin ng isang kamanggagawa na binabasa niya ang aklat sa kaniyang mga anak gabi-gabi at na kahit na siya ay natuto ng mga bagay. Halimbawa, hindi niya alam na may mga higante palang nabuhay sa lupa noong panahon ni Noe. Sinabi naman ng isa pang kamanggagawa na isang henyo ang gumawa ng mga ilustrasyon sa aklat. Ang mga ito’y parang tunay. ‘Ang aklat ay isang mahalagang hiyas,’ sabi niya.
“Lahat-lahat, sa loob lamang ng ilang araw, ako’y nakapagsakamay ng 32 kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa trabaho, at ang bilang ay patuloy na dumarami. Tuwing ipakikita ko ang aklat sa isa, ang tanong ay, ‘Saan mo nakuha ito?’ ”
Alisto ka ba na sapatan ang espirituwal na pangangailangan ng iba? Si Rafael, ngayon ay isang matandang Kristiyano sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Miami ay naghinuha: “Ang karanasang ito ay nagturo sa akin ng leksiyon tungkol sa di-pormal na pagpapatotoo at pagiging handa sa pagtulong sa iba.”