Bakit Kailangan Kong Maging Tagapag-alaga ng Bata?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kailangan Kong Maging Tagapag-alaga ng Bata?
“ANO ang nadarama mo tungkol sa pag-aalaga sa iyong nakababatang mga kapatid na lalaki o babae?” itinanong ito ng Gumising! sa maraming kabataan. Ang mga sagot ay iba-iba.
“Maibigin ako sa mga bata,” sabi ng isang tinedyer na babae, “kaya walang problema.” Isang tinedyer na lalaki ang nagmalaki pa nga: “Nasisiyahan ako sa kapangyarihan!” Gayunman, ang iba ay mabigat ang loob—o naghihinanakit. “Ginagawa ko ito sapagkat alam kong kailangan ng aking mga magulang ng tulong,” sabi ng isang kabataang babae. “Ngunit hindi ako maligaya sa paggawa nito.” Isa pang batang babae ang nagsabi: “Kung minsan gusto kong manood ng sine o ng ibang bagay, ngunit sasabihin ng nanay ko, ‘Isama mo ang kapatid mong bata.’ Talagang ayaw ko siyang isama.”
“Ako ba’y Tagapagbantay sa Aking Kapatid?”
Walang malasakit na itinanong ng panganay ni Adan, si Cain, ang tanong na ito tungkol sa kaniyang kapatid na si Abel. (Genesis 4:9) At maaaring naghihinanakit ka rin kung ikaw ay hinihiling na alagaan ang iyong nakababatang mga kapatid. Bakit ba ang iyong panahon ng paglilibang ay kailangang gugulin sa pagpapalit ng mga lampin o paggamot sa nagalos na tuhod? Gaya ng may kapaitang sabi ng isang 15-anyos na batang babae: “Hindi lamang sarili ko ang iniintindi ko kundi iniintindi ko rin ang aking mga kapatid na lalaki at babae.”
Iba naman ang reklamo ng kabataang si Marna: “Kung kami’y pupunta sa parke o gagawa ng ibang bagay, lagi kong inaalagaan ang mga bata at hindi ako makapagsaya. Nakakabaliw. . . . Kapag sinabi ko kay [Inay], sasabihin niya, ‘Ikaw ang mas matandang kapatid na babae at kailangan mong alagaan ang mga bata.’ Nagalit ako at sinabi ko sa kaniya, ‘Marahil ang aking mga anak, ngunit hindi ang inyong mga anak! Kayo ang nag-anak, hindi kami. Dapat ninyong pangalagaan sila.’”—The Private Life of American Teenager, nina Norman at Harris.
Maaaring ikalungkot din ng mga kapatid mo ang pangangalaga mo sa kanila. At maaaring masiyahan sila sa pagsasabotahe sa iyong pinakamagaling na mga pagsisikap sa pagpapanatili ng kautusan at kaayusan. “Kung minsan ay ikinagagalit ko ang pag-aalaga ko sa aking kapatid na lalaki at babae,” sabi ng 14-anyos na babae sa Gumising! “Ang mga bagay na ginagawa nila! Kung minsan ay nag-aaway sila, at aawatin ko, at sasabihin nila, ‘Ano ang palagay mo sa sarili mo? Hindi ka naman si Inay?’ Bale wala sana sa akin kung ang mga ito ay mas madaling pangasiwaan.”
‘Bakit Ako?’
Nang isang malaking pangkat ng mga tinedyer ay tanungin, “Sa palagay ninyo aling gawain sa bahay ang dapat gawin ng mga tinedyer?” pag-aalaga ng bata ang itinala ng 32! Oo, ang mga pananagutan ng pag-aalaga ng bata ay isang katotohanan ng buhay para sa mga kabataan ngayon. Sa isang bagay, ang gawaing bahay ay maaaring maging mabigat, nakapapagod na trabaho para sa isang ina. Nakakaharap ng mga ama ang pang-araw-araw na hirap sa pagtatrabaho sa isang sekular na trabaho. Parami nang paraming mga ina ang kailangan ding magtrabaho kapuwa sa tahanan at
sa isang trabaho sa labas. Kadalasan nang sila’y nahihirapan.Posibleng magkaroon si inay at si itay ng kinakailangang pahinga paminsa-minsan kung may mag-aalaga ng bata. At kung sila kapuwa ay nagtatrabaho sa labas, tinitiyak ng isang tagapag-alaga ng bata na ang mga bata ay napangangasiwaang husto hanggang sa pagdating ng mga magulang sa bahay. Totoo, maaaring kaya ng iyong mga magulang na umupa ng isang tagalabas upang mag-alaga ng bata. Ngunit hindi ba mas palagay ang loob nila sa pagkaalam na ang kanilang maliliit na anak ay nasa mga kamay ng isang may kakayahan at maibiging miyembro ng pamilya?
Ipagpalagay na, ang pangangalaga sa iyong mga kapatid ay pananagutan ng iyong mga magulang. (Efeso 6:4) Subalit ang iyong pagtulong bilang isang tagapag-alaga ng bata ay makatutulong sa iyong mga magulang sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Isa rin itong paraan ng “paggalang sa iyong ama at sa iyong ina.” (Efeso 6:2) Isa pa, ang pag-aalaga ng bata ay mahusay na pagsasanay para sa pagkamaygulang. Ganito ang gunita ng isang dalagang nag-aalaga sa kaniyang mga kapatid na lalaki at batang kapatid na babae samantalang ang kaniyang nanay, isang nagsosolong magulang, ay nagtatrabaho bilang isang waitress: “Araw-araw inaalagaan ko sila hanggang pag-uwi ni Mama sa bahay. Iniiwanan niya ako ng listahan ng mga bagay na gagawin: ‘Isampay mo ang mga damit, maglinis ka ng bahay, magluto ka.’” Mabigat na trabaho para sa isang tinedyer na babae! Ngunit ang sabi niya: “Kung gugunitain ay nauunawaan ko na ito ang pinakamabuting bagay sa daigdig para sa akin. Mas mabilis akong nagkaisip at naging responsable.”
Siyanga pala, wala namang hindi maka-lalaki tungkol sa mga batang lalaki na nag-aalaga ng mga bata. Karaniwang ginagawa ito ng mga lalaki noong panahon ng Bibliya. (Bilang 11:12) At hindi ipinalagay ni apostol Pablo na walang dignidad na ihambing ang kaniyang sarili sa “isang sisiwa.”—1 Tesalonica 2:7.
Pagkuha ng Positibong Pangmalas
Gayunman, maaaring may dapat kang gawin upang ikaw ay masiyahan sa pag-aalaga ng iyong mga kapatid. Kadalasan nang umiiral ang paligsahan sa gitna ng magkakapatid na lalaki at babae. At kung ikaw ay palaging nakikipag-away sa iyong mga kapatid, o kung ipinalalagay mo sila na mga pilyong bata, baka mahirap sa iyo na magkaroon ng positibong pangmalas sa pag-aalaga sa kanila. Kaya, maaaring makatulong sa iyo na bulaybulayin ang ilang leksiyon na itinuro sa Bibliya.
Isaalang-alang, halimbawa, ang ulat tungkol sa kabataang si Jose at ang kaniyang mga kapatid. Sapagkat si Jose ay paborito ng kaniyang ama, ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay “napoot sa kaniya, at hindi nila mapagsalitaan siya nang payapa.” Kung gayon, isip-isipin kung ano ang nadama ni Jose nang sabihin sa kaniya ng kaniyang ama: “Ang iyong mga kapatid ay nagpapastol ng kawan sa Sichem, hindi ba? Halika, at uutusan kita sa kanila. . . . Tingnan mo kung mabuti ang lagay ng iyong mga kapatid at kung mabuti ang lagay ng kawan, at balitaan mo ako.” Tiyak na maaalaala ng mga maninirahan doon ang walang awang pagpatay ng mga kapatid na lalaki ni Jose sa Sichem mga ilang taon na maaga. (Genesis 34:25-31) Maaaring maging mapanganib kay Jose na magtungo roon! Hindi lamang iyan, tiyak na ikagagalit ng kaniyang mga kapatid ang pagpunta niya. Gayunman, dahil sa paggalang sa kaniyang ama at dahil sa tunay na pag-ibig niya para sa kaniyang mga kapatid, si Jose ay tumugon: “Narito ako!” at tinanggap niya ang atas.—Genesis 37:4, 13, 14.
Ang batang si Miriam ay isa pang pambihirang kabataan. Nang ang Faraon ng Ehipto ay nagbalak na patayin ang mga sanggol na Hebreo, si Miriam ay tumulong upang ingatan ang kaniyang sanggol na kapatid na lalaking si Moises. Nang ang sanggol ay ligtas na nailagay sa isang maliit na daong at pinaanod sa ilog Nilo, hindi inisip ni Miriam na ang kinabukasan ng kaniyang kapatid na lalaki ay problema ng kaniyang mga magulang. Hindi, siya’y “tumayo sa malayo upang malaman ang mangyayari sa bata.” Nagawa pa nga ni Miriam na isaayos na ang ina mismo ni Moises ang maatasang mag-alaga sa kaniya!—Exodo 2:4-10.
Oo, di-gaya ni Cain, na walang malasakit sa kaniyang kapatid na lalaki, itinuturing ng mga kabataang may takot sa Diyos ngayon na isang pribilehiyo at pananagutan ng alagaan ang kanilang mga kapatid—kahit na ito ay mahirap o hindi kombinyente. Ang Unang Juan 4:21 ay nagsasabi: “Ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid.” At bagaman ito ay pangunahin nang kumakapit sa ating espirituwal na mga kapatid, hindi ba totoo rin ito roon sa ating mga kapatid sa espiritu at sa pisikal? a
Ang iyong malasakit at interes, ang iyong pagnanasang ingatan, at, higit sa lahat, ang iyong maliwanag na pag-ibig sa iyong mga kapatid ay maaari pa ngang gumanap ng isang mahalagang papel sa kanilang pisikal, emosyonal, at espirituwal na paglaki. At, ang pag-aalaga ng maliliit na bata ay maaaring maging isang tunay na hamon, at tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang ilang nakatutulong na mga mungkahi upang tulungan kang mabisang mag-alaga ng bata.
[Talababa]
a Ang kabanata 6 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas (inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.) ay may mga mungkahi pa sa pagpapaunlad ng mga ugnayang magkakapatid.
[Kahon sa pahina 27]
‘Napakatanda Ko Na Upang Mangailangan ng Isang Tagapag-alaga!’
Nang tanungin ng Gumising! ang isang pangkat ng mga kabataan kung kailan ang isang bata ay napakatanda na upang mangailangan ng isang tagapag-alaga, ang ilan ay nanghula “11,” “13,” at, hindi kapani-paniwala, “7” pa nga! Gayunman, isang kabataang babae ang nagsabi: “Sa palagay ko’y walang takdang gulang. Ito’y may kaugnayan sa pagkamaygulang. Maaaring ikaw ay 15 anyos at napakabata pa rin upang mangailangan ng isang tagapag-alaga.”
Mangyari pa, ang pagtaya ng iyong mga magulang sa iyong pagkamaygulang ay maaaring malayung-malayo sa iyong pagtaya. At magkakaiba rin ang paraan ng pangangasiwa ng iba’t ibang pamilya. Kaya kung ang ilan sa iyong mga kaibigan ay maaaring pinababayaan sa kanilang bahay kapag ang kanilang mga magulang ay nanood ng sine, maaaring ikaw ay dumanas ng “pagkapahiya” na ikaw ay nangangailangan ng tagapag-alaga. Ito ay lalo nang mahirap kung ang tagapag-alaga ay isang nakatatandang kapatid na lalaki o babae. “Ayaw kong binabantayan ako ng aking kapatid na lalaki,” sabi ng batang si Alisha. “Ayaw ko nga nang inuutusan niya ako kung ano ang dapat kong gawin!”
Gayunman, ang iyong mga magulang ay interesado sa iyong kapakanan. Nababasa nila sa mga pahayagan ang tungkol sa dumaraming krimen at pag-abuso sa mga bata, at may mabuting dahilan sila na mabahala. Isa pa, ang pag-iisa sa inyong bahay ay maaaring nakatatakot. “Talagang natatakot akong walang kasama sa bahay,” sabi ng isang babae. “Kaya naipasiya kong mas mabuti pang mapahiya nang kaunti kaysa matakot nang husto.”
Ipagpalagay na, kung minsan minamaliit ng mga magulang ang kanilang mga anak. At kung gayon ang kalagayan, marahil ay maaari mong ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang at tiyakin mo sa kanila na kaya mong maiwanang mag-isa. Sa pagsigaw o pag-ingit, marahil ay makukumbinsi mo sila na wala ka pang sapat na gulang. Gayunman, kung ipakikipag-usap mo sa kanila ang espisipikong mga bagay—halimbawa, kung papaano mo pangangasiwaan ang iyong panahon at pakikitunguhan ang mga emergency—maaaring makita nila ang mga bagay ayon sa iyong paraan. Kung hindi, marahil ang isang kaaya-ayang kompromiso, gaya ng pagtigil mo sa bahay ng isang kaibigan, ay maaaring gawin.
Mangyari pa, maaaring igiit pa rin ng iyong mga magulang ang pagkakaroon mo ng isang tagapag-alaga. Sa halip na gawing mahirap ang mga bagay para sa iyo at sa iyong tagapag-alaga, sikaping malasin siya bilang isang pansamantalang karugtong ng autoridad ng iyong mga magulang at hangga’t maaari ay makipagtulungan ka. Kumusta naman kung mangyari ang maliliit na pag-abuso ng kapangyarihan? (“Sinamantala naman ako ng aking kapatid na babae,” panangis ng isang batang babae. “Ipinagawa niya sa akin ang kaniyang mga gawain sa bahay.”) Marahil ay makabubuting hintayin ang pagdating ng inyong mga magulang sa bahay at ipakipag-usap ito sa kanila sa halip na makipag-away sa tagapag-alaga.