Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Color Blindness”—Isang Di-karaniwang Depekto

“Color Blindness”—Isang Di-karaniwang Depekto

“Color Blindness”​—Isang Di-karaniwang Depekto

ANONG laking pagkabigla para sa maliwanag-pag-iisip na mga Quaker nang makita nila ang matingkad-pulang mga medyas ni John Dalton! Karaniwang nakasuot ng madilim na mga kulay​—abuhin, kayumanggi, at itim​—sabihin pa, nasumpungan nilang nakagugulat ang kasuotan ni John. Ano ang nangyari?

Inilarawan ni Dalton, na isinilang noong 1766 sa Eaglesfield, Inglatera, ang dugo na kulay “bottlegreen” at ipinalalagay ang isang dahon ng laurel na “isang mahusay na katapat ng [pulang] sealing wax.” Oo, si Dalton, na naging kilalang kemiko, ay pinahihirapan ng color blindness, o mas angkop, may depektong pagtingin sa kulay.

Kay Dalton, ang pula ay parang kulay abo at kaunti lamang ang kaibhan sa berde. Hindi kataka-taka pinagpapalit ng kaniyang nagbibirong kaibigan ang kaniyang mga medyas at nagpapangyari ng gayong paghamak! Kawili-wili, sa ibang Europeong bansa, ang color blindness ay kilala bilang Daltonism.

Isang Pambuong Daigdig na Problema

Noong 1980, tinataya ni Dr. Janet Voke ng City University, London, na mahigit na dalawang milyon katao sa Britaniya ang may depektong pagtingin sa kulay. Sa ilang nabubukod na pamayanan, iilan lamang ang may ganitong problema. Sa Fiji, 1 lalaki lamang sa bawat 120 ang color-blind, samantalang sa Canada, sa katamtaman, bawat ika-9 na lalaki ay hindi normal ang pagtingin sa kulay.

Iba-iba ang pagtingin sa kulay ng mga tao. Sang-ayon sa isang malawakang kinikilalang teoriya, ang iyong paningin ay normal kung ikaw ay nakakakita ng puti kapag ang tatlong sinag ng liwanag​—isang pula, berde, at asul​—ay magkakasukat na pinagsama. Kapag ang tatlong sinag ng liwanag ay nagsama sa magkakaibang kasukat, ibang kulay na likas na nakikilala mo ang maaaring magawa.

Gayunman, kung ang lahat ng kulay na nakikita mo ay maaaring ipares sa pamamagitan ng paghahalo ng dalawa lamang sa mga primary color na ito, at ang pagdaragdag ng ikatlong kulay ay hindi gaanong napapansin ang kaibhan, kung gayon ang iyong pagtingin sa kulay ay depektibo. Ikaw ay tinawag na dichromat. Si John Dalton ay isang bulag-sa-pula na dichromat.

Ang mga depekto na nararanasan niyaong tinatawag na mga monochromat ay mas grabe. Yaong mga nasa kalagayang ito ay hindi nakakikilala ng kulay. Para sa mga monochromat, ang color TV ay parang modelong black-and-white.

Ang karamihan ng mga taong color-blind (hindi nakakakilala ng kulay) ay mga tiwaling trichromat. Ang mga kulay na nakikita ng mga taong ito ay pagsasama pa rin ng lahat ng tatlong primary color, subalit ang tiwaling trichromat ay naiiba sa katumbasan ng mga primary color na kanilang nalalaman. Kung ito ang problema mo, ang pagbabago ng pagkakatimbang ng kulay sa inyong TV ay maaaring pagmulan ng mga reklamo na “Napakapula niyan!” o “Napakaberde niyan!” mula sa iyong mga kasamang normal ang tingin sa kulay.

Mga Sanhi

Ano ang mga sanhi ng gayong depekto? Kinikilala ng The New Encyclopædia Britannica ang salarin bilang ang iyong “wavelength discrimination apparatus.” Ang bawat isa sa iyong mga mata ay mayroong halos 130 milyong tagasagap ng liwanag sa retina, subalit 7 milyon lamang nito ang nagbibigay sa iyo ng kanilang pagtingin sa kulay. Ang mga tagasagap na ito ng kulay ay tinatawag na mga kono (cone) dahil sa kanilang hugis kono.

Ang mga taong may normal na pagtingin sa kulay ay may tatlong uri ng kono. Ang ilang mga kono ay tumutugong mabuti sa mas mahabang mga wavelength ng liwanag (pula). Ang ikalawang grupo ay tumutugon sa katamtamang mga wavelength (berde), at ang iba pa ay tumutugon sa mas maiksing mga wavelength (asul). Kung wala o hindi tumugon nang wasto ang isang grupo ng mga kono sa katapat nitong wavelength, magkakaproblema ka. Halimbawa, kung hindi ka normal na makatugon sa pula, hindi mo gaanong mapapansin ang pagbabago ng kulay ng nahihinog na kamatis mula sa berde tungo sa kulay dalandan tungo sa pula.

Ang pinsala sa optic nerve na nakaaapekto sa mga mensahe ng kono patungo sa utak ay maaaring pagmulan ng color blindness. Maging ang ilang anyo ng paggagamot, gaya ng mga pilduras na panlaban sa malaria, ay nasumpungang nakasisira sa pagtingin sa kulay. Iniuulat na maaaring baguhin ng iniinom na mga kontraseptib ang pagkakita sa mga kulay na asul, berde, at dilaw. Sa aklat na Colour Vision Testing, itinala ni Dr. Voke kapuwa ang tabako at alkohol na siyang may pananagutan sa ilang permanenteng pagkabulag sa kulay pula-berde.

Apektado rin ito ng pagtanda, lalo na ang pagtugon ng isa sa asul na liwanag. Ang mananaliksik na si R. Lakowski ay nagkokomento na ang pagkilala sa kulay ay umaabot sa sukdulan sa panahon ng adolesente, at tumatagal hanggang sa gulang na 35. Pagkatapos ang pagkilala ng isa sa kulay ay unti-unting humihina, lalo na sa edad na 60.

Bagaman maaaring masira ang iyong pagtingin sa kulay, karamihan niyaong color-blind ay gayon mula sa pagkasilang. Bakit?

‘Kung Ano ang Lolo, Gayundin ang Apo’

Ang normal na pagtingin sa kulay ay isang pantanging kaloob. Kung ang iyong mga kono ay kumikilos nang wasto at ang iyong mga optic nerve ay matapat na naghahatid ng mensahe sa utak, kung gayon nakikita mo ang lahat ng kulay. “Ang sanay na mata ng tao ay makakikilala ng kasindami ng 150 kulay,” ulat ng aklat na How Animals See. “Maraming hayop . . . ang marahil ay hindi nakakikita ng mga kulay na nakikita natin. Ngunit ang kalagayan ay normal sa kanilang mga mata, hindi sira,” sabi ng The World Book Encyclopedia.

Kung ang iyong paningin ay lagi nang sira, walang alinlangan na ito ay namana mo. Kanino? Binibigyan-kahulugan ng Health and Disease ang color blindness bilang isang “nauugnay-sa-sekso” na genetikong sakit na “dinadala ng mga babae subalit karaniwang lumilitaw tuwing ikalawang salinlahi ng mga lalaki.” Kaya, kadalasan, ‘kung ano ang lolo, gayundin ang apo.’

“Color-Blind”? Kung Paano Malalaman

Nagsususpetsa ka bang ang iyong mga anak ay color-blind? “Kung napapansin mong ang iyong 5- o 6-anyos na anak ay nahihirapang makilala ang mga kulay; kung siya’y nagsusuot ng hindi magkapares na medyas; o kung hindi niya makuha ang tamang krayon mula sa isang kahon kapag hinihiling mo siyang pumili ng isang kulay,” kung gayon, ang aklat na Childcraft ay nagsasabi, “dapat mong patingnan ang kaniyang paningin.” Papaano?

Isa sa pinakapopular na paraan ng pagsubok sa pagtingin sa kulay ay ang Ishihara test. Ipinakikita ng tagasuri sa iyong anak ang sunud-sunod na mga kard na natatakpan ng mga tuldok na may iba’t ibang kulay. Nakaayos sa mga kard ang mga padron at mga bilang na makikita ng sinumang normal ang pagtingin sa kulay. Kailangang sabihin ng iyong anak kung anong padron o bilang ang kaniyang nakikita. Tumitingin sa isang tsart, nakikita ng batang bulag-sa-pula ang “6,” nakikita ng batang bulag-sa-berde ang “9.” Kung nakikita ng iyong anak ang “96,” normal ang pagtingin niya sa kulay, ayon sa bahaging iyong ng pagsubok.

Dahil sa dumaraming paggamit ng kulay sa mga materyal na ginagamit sa pagtuturo ng mga bata, matalinong alamin kung ang pagtingin sa kulay ng iyong mga anak ay may sira. Subalit yamang ang namanang color blindness ay kasalukuyang hindi mababago at walang lunas, may magagawa ba tayo rito?

Mga Pag-iingat na Dapat Gawin

Inirerekomenda muna ni Hazel Rossotti, awtor ng aklat na Colour, ang maagang rikonosi. Pagkatapos maaaring “ipaalam [sa taong color-blind] ang mga kalagayan na maaaring makalito at turuan siyang kailanma’t maaari na magtiwala sa mga salik na maliban sa malabong mga kulay.”

Maaari mong ituro sa iyong anak na color-blind ang kahulugan ng mga kulay ng tanda sa trapiko sa daan. Bagaman maaari niyang madistinggi ang pulang ilaw para sa paghinto mula sa berdeng ilaw para sa “lakad” sa pamamagitan ng posisyon nito, tulungan siyang pansinin ang iba’t ibang tindi o tingkad ng bawat ilaw. Kung gayon, kapag siya’y nag-iisa, mababasa niya nang wasto ang mga tanda kahit na sa dilim.

Kung ikaw ay color-blind, makabubuting iwasang umasa lamang sa kulay sa paggawa ng mga disisyon. Yamang napupunan ng utak ang mga depekto sa pagtingin sa kulay, tinutustusan ang impormasyon nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit na pansin sa liwanag, posisyon, at hugis ng isang bagay. Huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa inyong mga kaibigan at kamag-anak na normal ang pagtingin sa kulay.

Sa paggawa ng mahahalagang disisyon, gaya ng uri ng trabahong ginagawa mo, makabubuting isaalang-alang ang mga disbentaha na dala ng mga depekto ng pagtingin sa kulay. Sa ilang trabaho, ang color blindness ay maaaring maging isang malaking sagabal. Halimbawa, isa itong sagabal para sa maraming kemiko, parmaseutiko, color printers, at litratista. Ang mahusay na pagtingin sa kulay ay mahalaga rin sa mga dentista kapag ibinabagay nila ang pustiso. At, ang mga mangangatay ng karne at yaong iba pa sa industriya na nangongontrata ng pagpapakain ay maaaring maging higit na alisto sa mga pagbabago sa kalagayan ng pagkain kung sila ay may mahusay na pagtingin sa kulay. Mahirap para sa mga narses at doktor na hindi nakakikilala ng kulay na matiyak ang kalagayan ng kalusugan ng kanilang mga pasyente kapag sinusuri ang mga ito.

Ang lahat na nakakakita nang malinaw ay may mahalagang bagay na taglay. Kung ang iyong pagtingin sa kulay ay bahagi lamang, dapat kang pakaingat. Halimbawa, dapat ay alam mo na ang pag-inom ng di-kinakailangang mga gamot, pag-inom nang labis ng mga inuming may alkohol, o ang paggamit ng tabako ay maaaring magpahina sa iyong pagkilala ng kulay. Kung husto ang pagtingin mo sa kulay, kung gayon mayroon kang mahalagang kaloob na dapat pakaingat-ingatan.