Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginawa Naming Aming Sariling Bayan ang India

Ginawa Naming Aming Sariling Bayan ang India

Ginawa Naming Aming Sariling Bayan ang India

MAGANDANG kilos hangga’t maaari, sinikap namin ng kapatid kong si Leona ang komportableng maupo sa lupa. Dalawang makinis na dahon ng saging ang inilagay sa harap namin, na may nakahaing kanin at sarisaring curry, chutney, at mga matamis. Kaming dalawang babae, na dumating sa India ng wala pang isang linggo, ay naanyayahan sa isang handaan sa kasal.

Pinagmasdan namin ang mga tagaroon at dinampot namin ang pagkain sa pamamagitan ng aming kanang kamay at kumain kami na ginagamit ang aming mga daliri, gaya ng ginagawa ng iba. Ito’y isang mainit, maalinsangang araw, at habang nauupo kami sa ilalim ng pandal (kulandong) ng handaan, kumakain ng maanghang na mga curry, talagang pinagpawisan ang aming mukha. Sinipon kami sa pinulbos na sili. Tiyak na kami ay isang kawili-wiling tanawin! Subalit hindi namin malilimot ang insidenteng ito, isang bahagi ng aming pambungad sa India 38 taon ang nakalipas.

Mula noon kabisado na namin ang India at ang marami sa mga tao nito, sinisikap na gawing aming sariling bayan ang bansang ito. Bakit? Hindi dahil sa diwa ng pag-aabentura; bagkus, mayroon kaming espisipikong layunin. Gayunman, hayaan mong ipaliwanag muna namin kung paano kami napunta sa India at kung ano ang nakatulong sa amin na makibagay.

Maagang Buhay sa Canada

Kami’y isinilang sa isang maliit na kabukiran sa Humboldt, Saskatchewan, sa Canada. Nang dumating ang “Depression” noong 1930’s, sabi ng aming tatay na kailangan naming tumigil sa pag-aaral at magtrabaho upang makatulong. Talagang umiyak kami. Ang aming tunguhin ay makapag-aral sa high school, subalit kailangan munang mauna ang mga pangangailangan sa kabuhayan.

Noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang kapatid kong si Leona ay sumali sa Canadian Air Force, samantalang ako ay nanatili sa bahay at nagtrabaho. Regular akong nagtutungo sa Simbahang Katoliko at umaawit sa koro. Subalit noong minsan nang dumating ang mga Pentecostal, binigyan nila ako ng isang Bibliya, at dinala ko ito sa mga sesyon ng koro. Binabasa ko ito kapag hindi kami umaawit. Nakarating ito sa pari sa parokya at siya’y nagpunta sa aming bahay. Sinabi niya na ako’y isang masamang impluwensiya at hindi na ako dapat pumunta sa mga sesyon sa koro. Sa katunayan, sinabi niya na dapat sana’y itiwalag ako. Hindi na ako nagbalik sa simbahan pagkatapos niyan.

Samantala, ang mga Saksi ni Jehova ay dumadalaw sa aming tahanan at mag-iiwan sa aming pamilya ng iba’t ibang publikasyong salig-Bibliya. Sa wakas, ako’y nakipag-aral sa mga Saksi. Nang si Leona ay magbakasyon at umuwi ng bahay, sinabi ko sa kaniya kung ano ang natututuhan ko. Nakisama siya sa aking pag-aaral at nagustuhan niya ang kaniyang natututuhan. Pagbalik niya sa Ottawa, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa mga Saksi roon hanggang sa siya ay umalis sa militar noong 1945. Kami ay kabilang sa 2,602 na nabautismuhan noong 1946 sa Masayang mga Bansang Teokratikong Asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Cleveland, Ohio.

Pagtiyak sa Aming Layunin sa Buhay

Noong 1949, kami ni Leona ay lumipat sa Calgary, Alberta, kung saan nakilala namin ang maraming buong-panahong mga ministro, tinatawag na mga payunir, na nagpasigla sa amin na magpayunir. Sa simula kami ay nag-atubili. Inaakala naming kailangan naming magkaroon ng kaunting ipon sa bangko. Subalit kami’y pinatibay-loob ng naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova sa dakong iyon, kaya’t nagsimula kaming magpayunir nang walang ipon sa bangko. Kami’y tumugon sa paanyayang magpayunir sa lalawigan ng Quebec, kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal.

Wala kaming pera para pambayad sa tren, kaya kami ni Leona, kasama ng dalawa pang babae, ay nakisakay sa ibayo ng Canada patungo sa Montreal, Quebec. Pagkatapos nagkaroon kami ng pagkakataon na daluhan ang isang graduwasyon ng Watchtower Bible School of Gilead sa Estados Unidos. Tuwang-tuwa kaming makita ang napakaraming binata’t dalaga na handang kumuha ng atas misyonero sa isang banyagang bansa. Agad naming inilagay ang aming aplikasyon upang mag-aral sa paaralang iyon.

Hindi namin napangarap kailanman na kami’y tatawagin, kaya isang tunay na sorpresa ang maanyayahan sa ika-20 klase, na nagsimula noong taglagas ng 1952. Kami’y agad na sinabihang ang aming atas ay sa India, at kami’y tumanggap ng ilang patiunang pagtuturo sa wikang Malayalam mula sa isang kaklaseng taga-India. Ang aming layunin sa India ay ang makatulong sa hangga’t maaari’y maraming tapat-pusong mga tao na makaalam ng katotohanan ng Bibliya.

Ginagawa ang India na Aming Sariling Bayan

Noong 1953, pagkatapos ng graduwasyon, 13 sa amin ang tumulak sakay ng barko. Kumuha ng isang buwan upang marating namin ang Bombay. Ang tanawin ng maraming tao at mga pulubi ay talagang nakagulat sa amin, subalit unti-unti naming nakasanayan ang iba’t ibang kalagayang ito.

Mula sa Bombay sumakay kami ng tren patungo sa estado ng Kerala. Pito sa amin ang naatasan sa bayan ng Trichur, na noong panahong iyon ay walang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kumuha kami ng isang tahanang misyonero, subalit walang mga muwebles, kaya pansamantala, kami’y nahiga sa banig. Kabilang sa aming pang-araw-araw na atas ay ang pagpapakulo ng tubig mula sa balon para sa ligtas na inumin at pag-iinit ng higit pang tubig para sa paligo. Lahat ng ito, pati ang pagluluto, ay ginagawa sa isang-lutuang kusinilya.

Ang kasilyas ay malayo sa bahay, sa isang lugar na kilala sa mga cobra at iba pang ahas. Maguguniguni ninyo kung ano ang nadarama naming mga babae. At, binabalaan din kami tungkol sa payat na mga berdeng ahas na paminsan-minsan ay nakabitin sa mga punungkahoy, handang tuklawin ang sinumang di maingat na biktimang dumaraan sa ilalim. Hindi na kailangan pang sabihin, bihira kaming mangahas na pumunta roon sa gabi. Kapag kami’y nagdaraan doon, pinapadyak namin ang aming paa sa lupa, nag-iingay kami, at lumalayo kami sa mga punungkahoy. Oo, ang mga bagay ay lubhang kakaiba. Subalit iningatan namin sa isipan ang aming layunin, kaya nang maglaon kami’y nasanay na. Kailanman ay hindi namin naisip ang umalis sapagkat ang mga kalagayan ay napakahirap.

Noong unang araw, nakibahagi kami sa gawaing pangangaral. Agad naming nasumpungan ang aming mga sarili na pinaliligiran ng maraming tao. Ang kanilang pag-uusyoso ay lubhang nakatakot sa amin anupa’t kami’y mabilis na nagbalik sa katiwasayan ng tahanang misyonero. Gayunman, pagkalipas ng ilang panahon aming napahalagahan ang tunay na interes ng mga tao sa iba.

Bago pa man namin maibigay ang aming presentasyon sa Bibliya, kami’y tinatanong ng mga tanong na gaya ng: Sino ang tatay at nanay mo? Bakit kayo naririto? Ilan taon ka na? Sino ang nagbabayad sa inyo? Anong pagkain ang kinakain ninyo? Bakit wala ka pang asawa? Ayaw ba ninyong magkaanak? Pagkatapos malaman ang gayong mga detalye buhat sa amin, ang mga tao ay karaniwang makikinig sa aming mensahe. Nang maunawaan naming higit ang mga tao, naging mas palagay kami sa aming bagong kapaligiran.

Ang Kerala ay isang magandang lugar, luntian at maraming puno ng niyog at iba pang puno ng palma. Maraming kaparangan, at tahimik na maglakad sa kahabaan ng mga palayan patungo sa mga tahanan. Kung minsan ay namamangka kami upang marating ang mga nayon. Ang kapaligiran ay masyadong relaks. Oo, ang mga tao ay abala, subalit naglalaan sila ng panahon upang makinig.

Naroon din sa aming lugar ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, ngunit hindi nagtagal ay nakita ng mga tao roon ang kaibhan sa pagitan nila at namin. Sila’y kasangkot sa iba’t ibang anyo ng gawaing panlipunan, subalit kakaunti lamang kung mayroon man silang ginagawang pagtuturo ng Bibliya. At di-tulad nila, hindi kami nakatira sa malalaking bungalow at nagtutungo sa mga rantso sa burol kung mainit na panahon. Sa katunayan, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nagbigay ng masamang reputasyon sa Sangkakristiyanuhan.

Gumugol kami ng halos walong taon sa Kerala, at pagkatapos kami’y inilipat sa Bombay, kung saan kami naglilingkod hanggang ngayon. Mangyari pa, ang paglipat sa isang malaki at siksikang lungsod ay nangailangan din ng ilang pagbabago. Subalit ang atas na ito ay nagpangyari sa amin na makilala ang iba’t ibang tao sa India.

Mula sa simula, nakilala namin nang husto ang ating mga kapatid na lalaki’t babae sa India. Sila’y mapagpatuloy, lagi kaming inaanyayahan tumira sa kanila. Ang kanilang mga bahay ay karaniwan nang maliliit, at walang pribadong silid na kinasanayan namin. Maaari kaming matulog sa iisang silid tulugan​—na ang lolo sa isang tabi at ang ilang anak ay nakapaligid sa amin sa sahig. Ngunit ang pag-ibig na ipinakita sa amin ay nagpangyari sa amin na makibagay.

Sa nakalipas na mga taon, natutuhan namin na huwag kailanman gamitin ang katagang “sariling bayan” upang tumukoy sa lugar na aming pinanggalingan. Bagkus, ang aming sariling bayan ay kung saan kami inatasang maglingkod. Sa halip na patingkarin ang mga pagkakaiba, natutuhan naming maging gaya ng mga taong nasa paligid namin sa kanilang mga panlasa at paraan ng paggawa ng mga bagay.

Kamakailan ay naglakbay kami mula sa Bombay pabalik sa aming unang atas sa Kerala. Nagbago ba ang mga bagay-bagay? Bueno, nang una kaming dumating sa Kerala, wala pang 300 ang mga Saksi sa buong estado, ngunit ngayon mahigit na 4,000 ang presente sa pandistritong kombensiyon na aming dinaluhan. Anong laking kagalakang makita ang ilan na pinagdausan namin ng pag-aaral sa Bibliya mga 30 taon na ang nakalipas na matapat pa ring naglilingkod kay Jehova!

Iniwan namin ang maraming mahal sa buhay sa Canada nang kami’y magsimula sa aming paglilingkod misyonero noong 1953. Subalit gaya ng mga salita ni Jesus, mabilis kaming nagkaroon ng maraming, maraming ama at ina at mga kapatid na babae at lalaki. (Marcos 10:28-30) At habang tinutulungan namin ang mga tulad-tupa na natuto ng katotohanan ng Salita ng Diyos, kami rin ay pinagpala ng espirituwal na mga anak. Palibhasa’y laging nasa aming isipan ang aming layunin ay tunay na nagdala sa amin ng maraming gantimpala. Kaya, walang pagsisisi, nililingon naming may kasiyahan na ginawa naming aming sariling bayan ang India!​—Gaya ng isinaysay ni Tillie Lachmuth.

[Mga larawan sa pahina 18]

Isang kanal sa Kerala

Paggawa ng goma