Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Problema Para sa Iglesya Katolika

Isang Problema Para sa Iglesya Katolika

Isang Problema Para sa Iglesya Katolika

“ISANG BAGONG PENTECOSTES.” Gayon ang inaasahan ni Papa John XXIII para sa ekumenikal na konseho na nagsimula noong 1962 at nakilala bilang Vatican II. Inaasahan niyang ito’y magiging isang espirituwal na pagsiglang muli sa gitna ng mga Katoliko at na ito’y magdadala ng mga pagbabago na magbubukas ng daan para sa muling pagkakaisa ng Sangkakristiyanuhan.

Subalit ang mga ideyang iyon ng aggiornamento (pagsunod sa pinakabago) ay hindi sinasang-ayunan ng lahat ng prelado sa Vaticano. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nag-uulat: “Dahil dito, ang disisyon ng Papa ay may kalamigang tinanggap ng kaniyang konserbatibong Curia, na kumbinsidong ang simbahan ay umunlad sa ilalim ng liderato ni Pius XII at wala silang nakikitang mabuting dahilan para sa mga pagbabagong naiisip ni John. Sa katunayan ginawa ng ilang kardinal sa Vaticano ang lahat ng kanilang magagawa upang iantala ang konseho hanggang sa mamatay ang matanda at sa gayo’y tahimik na mapahinto ang proyekto.”

Ang Batas ng Vatican II Tungkol sa Ekumenismo

Si Papa John XXIII ay nabuhay pa nang matagal upang pakilusin ang Ikalawang Konseho ng Vaticano, ngunit siya’y namatay pagkatapos niyaon, noong Hunyo 1963, bago pa magtapos ang konseho noong Disyembre 1965. Gayunman, ang Batas Tungkol sa Ekumenismo ay ipinahayag ni Papa Paul VI noong Nobyembre 21, 1964. Binanggit nito sa kaniyang pambungad: “Ang pagsasauli ng pagkakaisa sa gitna ng mga Kristiyano ay isa sa mahalagang pagkabahala ng Ikalawang Konseho ng Vaticano.”

Mahalaga, ang paring Jesuita na si Walter M. Abbott ay sumulat sa The Documents of Vatican II: “Ang Batas Tungkol sa Ekumenismo ay palatandaan ng ganap na pagsali ng Iglesya Katolika Romana sa kilusang ekumenikal.” At sa kahawig na diwa, sa ilalim ng paulong “Katolisismong Romano kasunod ng ikalawang Konseho ng Vaticano,” ang The New Encyclopædia Britannica ay punô ng pag-asang nagsabi: “Opisyal na tinalikdan na ng Iglesya Katolika Romana ang katayuan nito bilang ang ‘isang tunay na iglesya.’ ”

Subalit tinalikdan nga ba ng Iglesya Katolika ang katayuang iyon? Sa anong mga kalagayan mangyayari ang pagkakaisa? Pagkatapos maipaliwanag kung sa anong lawak maaaring makibahagi sa ekumenikal na gawain ang mga Katoliko, ang Batas Tungkol sa Ekumenismo ay nagtatakda: “Hinihimok ng sagradong Konseho na ito ang mga tapat na umiwas sa anumang hangal o pabigla-biglang sigasig. . . . Ang kanilang ekumenikal na gawain ay hindi maaaring maging ganap at taimtim na Katoliko, yaon ay, tapat sa katotohanan na tinanggap natin mula sa mga Apostol at mga Ama, kasuwato ng pananampalataya na laging ipinahahayag ng Iglesya Katolika.”

Mga Hadlang sa Pagkakaisa

Ang totoo ay, hindi tinalikdan ng Iglesya Katolika Romana ang katayuan nito na ito ang isang tunay na iglesya. Ang Batas Tungkol sa Ekumenismo ng Vatican II ay nagsasabi: “Sa pamamagitan lamang ng Iglesya Katolika ni Kristo, na siyang pansansinukob na tulong para sa kaligtasan, maaaring matamo ang ganap na kahulugan ng kaligtasan. Kami’y naniniwala na sa apostolikong kolehiyo lamang, na si Pedro ang ulo, ipinagkaloob ng Ating Panginoon ang lahat ng pagpapala ng Bagong Tipan.”

Ang bagong akdang Pranses na Théo​—Nouvelle Encyclopédie Catholique (1989) ay nagsasabi: “Para sa mga Katoliko, ang papa, bilang kahalili ni Pedro, ang teolohikal na permanenteng elemento sa pagkakaisa ng Simbahan at ng mga obispo. Gayunman, ang maliwanag na katotohanan ay na ang papa ang pangunahing dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga Kristiyano.”

Ang bumabahaging doktrina ng kahigitan ng papa ay malapit na nauugnay sa mga doktrina ng hindi pagkakamali ng papa at ang apostolikong paghahalili ng mga obispong Katoliko, na kapuwa hindi kalugud-lugod sa karamihan ng di-Katolikong mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. May ginawa ba ang Vatican II upang baguhin ang katayuan ng mga Katoliko sa mga doktrinang ito?

Ang Dogmatic Constitution on the Church ng Vatican II ay sumasagot, sa parapo 18: “Ang sagradong sinodong ito, na sumusunod sa mga hakbang ng Unang Konseho ng Vaticano [na nagpahayag sa doktrina ng hindi pagkakamali ng papa], ay nagtuturo at nagpapahayag na kasama nito na si Jesu-Kristo, ang walang-hanggang pastor, ang nagtayo ng banal na Iglesya sa pamamagitan ng pagtatagubilin sa mga apostol ng kanilang misyon kung papaanong siya ay isinugo ng Ama (ihambing ang Jn.Juan 20:21). Nilayon niya na ang kanilang mga kahalili, yaon ay ang mga obispo, ay dapat na maging mga pastol sa kaniyang Iglesya hanggang sa katapusan ng mundo. Gayunman, upang ang episkopado mismo ay maging isa at hindi nababahagi inilagay niya si Pedro bilang pangulo ng iba pang mga apostol, at itinatag niya sa kaniya ang isang walang-hanggan at nakikitang pinagmumulan at pundasyon ng pagkakaisa kapuwa sa pananampalataya at ng komunyon. Ang turong ito tungkol sa institusyon, sa pagkapermanente, kalikasan at halaga ng sagradong kahigitan ng Papang Romano at ang kanilang di-nagkakamaling tanggapan ng pagtuturo, ang sagradong sinodo na nagmumungkahi uli na dapat matatag na paniwalaan ng lahat ng mga tapat, at, walang pagbabagong nagpapatuloy sa gawaing ito, iminumungkahi nito na ipahayag nang hayagan at malinaw ang doktrina tungkol sa mga obispo, mga kahalili ng mga apostol, na kasama ng mga kahalili ni Pedro, ang Kahalili ni Kristo at ang nakikitang pangulo ng buong Iglesya, na pangasiwaan ang bahay ng buháy na Diyos.”

Mahalaga, ang Dogmatic Constitution on the Church na ito ay ipinahayag ni Papa Paul VI noong araw na lagdaan niya ang Batas Tungkol sa Ekumenismo. At noon ding Nobyembre 21, 1964, ipinahayag niya si “Maria na ‘Ina ng Iglesya,’ yaon ay, ng lahat ng mga tapat at ng lahat ng mga pastor.” Paano nga masasabi na ang Batas Tungkol sa Ekumenismo ay ‘palatandaan ng ganap na pagsali ng Iglesya Katolika Romana sa kilusang ekumenikal’ gayong pinili ng papa noong araw na iyon mismo na ito’y mailathala na muling pagtibayin ang mga doktrina na lubusang hindi tinatanggap ng karamihan ng mga miyembro ng WCC (World Council of Churches)?

Ang Problema ng Simbahan

Si Dr. Samuel McCrea Cavert, dating panlahat na kalihim ng National Council of Churches, na gumanap ng mahalagang bahagi sa pagtatatag ng World Council of Churches, ay nagsabi: “Ang Batas [tungkol sa Ekumenismo] ay talagang hindi kasuwato ng ekumenikal na palagay na ang Romano Katoliko ang tanging tunay na Iglesya. . . . Kaugnay rito ang palagay pa tungkol sa kahigitan ni Pedro at ng kaniyang autoridad sa buong Iglesya. Ang mga palagay na ito ay waring nagpapahiwatig na ang pagkaunawa ng Romano Katoliko sa ekumenismo ay walang pagbabagong nakasentro-sa-Roma.”

Si Dr. Konrad Raiser, kinatawan ng kalihim-panlahat ng WCC, ay nagsabi: “Ang papa [John Paul II] ay gumagawa ng maraming ekumenikal na mga pahayag, subalit siya’y napasigla ng isang misyon na nagdadala sa kaniya sa iba’t ibang direksiyon.”

Ang maliwanag na pagkakasalungatang ito sa pagitan ng kunwaring ekumenismo ng Vaticano at ang mahigpit na pagkapit nito sa sarili nitong tradisyunal na mga ideya ay nagsisiwalat lamang na nasusumpungan ng Iglesya ng Roma ang sarili nito sa alanganin. Kung ito ay taimtim sa pakikibahagi nito sa kilusang ekumenikal para sa pagkakaisang Kristiyano, dapat nitong talikuran ang pag-aangkin nito bilang ang tanging tunay na iglesya. Kung hindi nito tatalikuran ang pag-aangking ito, dapat nitong tanggapin na ang tinatawag na ekumenismo ay isa lamang mataktikang pagkilos upang hikayatin ang mga relihiyong Orthodoxo at Protestante pabalik sa Katoliko.

Sa tapatang pananalita, dapat aminin ng Iglesya Katolika na ang daan-daang taóng mga pag-aangkin nito ay mali o na ang kasalukuyang pakikibahagi nito sa kilusang ekumenikal ay pagpapaimbabaw lamang. Sa alinmang paraan, maraming taimtim na mga miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nalilito. Nagtataka sila kung makakamit pa kaya ang pagkakaisang Kristiyano.

[Blurb sa pahina 8]

‘Ang Batas Tungkol sa Ekumenismo ay palatandaan ng ganap na pagsali ng Iglesya Katolika Romana sa kilusang ekumenikal’

[Larawan sa pahina 7]

Inilagay ng Vatican II ang Iglesya Katolika sa alanganin

[Credit Line]

UPI/Bettmann Newsphotos