Makipagkilala sa Mailap na Kudu
Makipagkilala sa Mailap na Kudu
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya
‘ANG mailap na ano?’ tanong mo. Ang mailap na kudu! Isang magandang antelope na nakatira sa pambansang mga parke at reserbadong lupa ng Silangang Aprika. At mailap ang pinakagaling na salita upang ilarawan ang totoong mahiyaing hayop na ito. Tayo na sa Tsavo National Park sa Kenya at tingnan natin kung masusulyapan natin ang isa nito.
Kalagitnaan na ng umaga pagpasok namin sa gawing kanluran ng parke. Ang Kilimanjaro, ang pinakamataas na bundok sa Aprika ay bumungad sa aming mga mata. Ang maringal na tuktok nito na nababalot ng yelo ay isa sa maraming tanawin na naiibigan namin habang kami’y namamasyal sakay ng kotse sa magandang kanlungang ito. Hindi, hindi natin makikita ang anumang kudu ngayon. Sila’y kumakain at kumikilos sa madaling-araw, sa takipsilim, o sa gabi. Sa kainitan ng araw, sila’y nagpapahinga sa mga palumpon. Kaya upang makita sila, dapat tayo’y nasa angkop na lugar paglubog ng araw o mga ilang oras bago lumubog ang araw.
Pagdating ng dapit-hapon, itinayo namin ang aming tolda sa isang campsite sa itaas ng isang mababang mabuhanging dalisdis na nakatunghay sa Ilog Tsavo. Bumangon kami sa madaling-araw, at pagkatapos ng isang simpleng almusal, umalis na kami, marahang nagbibiyahe sa daan. Hayun! Aba, isang lalaking kudu, nakatayong walang kakilus-kilos.
Oh, anong pagkaganda-gandang tinatamaan siya ng liwanag sa umaga! Siya’y magandang lalaking kudu na kulay abo. Ang kaniyang katawan ay may 13 o 14 na puting guhit. Isang lantad na puting tagpi ang nagpapalamuti sa kaniyang leeg, at puting guhit sa gawing ibaba ng kaniyang leeg. Ang puting hugis-v sa pagitan ng kaniyang malasutlang mga mata at puting batik sa palibot ng kaniyang bibig ay nagbibigay katangian sa kaniyang maitim na mukha. Ang malamig na simoy ng hangin ay marahang pinaoonda-onda ang maiksing puting kiling sa kaniyang leeg, balikat, at likod. Ang kaniyang ulo ay napuputungan ng dalawang tatlong-pilipit na mga sungay na magandang nakaikid pataas at palabas.
Ang kudung aming pinagmamasdan ay isa sa dalawang uri na masusumpungan sa Aprika. Siya ay kilala bilang ang nakabababang kudu. Ang kaniyang ‘malaking pinsan,’ ang mas malaking kudu, ay madalas sa gawing hilaga ng Kenya at bihirang makita sa Tsavo. Bukod sa pagiging mas malaki, ang mas malaking kudu ay maaaring makilala sa pamamagitan ng makapal na kayumanggi at puting balbas na umaabot sa kaniyang dibdib na parang palawit ng leeg. Ang kaniyang mga sungay ay mas malaki, at ang kaniyang mga tainga ay kasukat ang laki. Hindi na hihigit pa sa walo ang puting guhit niya sa katawan.
Pagkasanggol at Pagtatanggol ng Teritoryo
Kapag ipinanganak ang isang batang kudu, agad na hihimurin ito ng kaniyang ina upang hindi ito magkaroon ng amoy na maaaring matunton ng mga maninila. Pagkatapos, kapag ang ina ay aalis upang kumain, ang batang antelope ay masunuring maiiwan, tahimik na mahihiga kung saan ito inilagay ng kaniyang ina. Regular na “hihimurin” ng ina ang kaniyang sanggol upang panatilihin itong animo’y may deodorante at sa gayo’y maingatan mula sa mga maninila. Subalit sa mga ikasampung araw, kapag ang kaniyang anak ay nagsisimula nang kumain ng mga pananim, ito’y nagkakaroon ng amoy. Yamang ang espesyal na proteksiyon nito para matunton ay wala na, sa sandaling iyon, sasama-sama ito sa kaniyang ina saanman.
Ang hayag na katangian ng kudu ay yaong pagtatatag
ng mga hangganan ng teritoryo. Ito’y ang pagpili at pagtatanggol ng isang partikular na piraso ng lupa ng mga lalaking kudu. Sa pag-aangkin sa isang lugar, tinatandaan ng lalaki ang hangganan sa pag-iiwan ng mga inilalabas ng katawan nito sa damo at mga palumpon. Pagkatapos ay ipinagtatanggol niya ang kaniyang lugar sa pagtataboy sa kaninumang lalaking kudu na papasok nang walang pahintulot sa may amoy na mga hangganan ng teritoryo. Kumusta naman ang tungkol sa mga babaing kudu na pumapasok nang walang pahintulot? Aba, sila’y hindi itinuturing na mga pumapasok nang walang pahintulot! Sila’y mga bisita na tinatanggap na manatili roon. Sa katunayan, maaari pa nga silang piliting manatili roon!Katibayan ng Matalinong Disenyo
Ang katutubong paggawi ng pagtatanda ng mga hangganan sa teritoryo ay nagpapangalat sa mga kawan at nag-iingat sa kanila laban sa labis-labis na panginginain ng damo. Sa gayon, tinitiyak ang nanginginaing kudu ng walang patid na panustos ng madahong palumpon na gustung-gusto nila. Subalit ano ang nangyayari kapag nagkaroon ng tagtuyot?
Ang conservationist na si Daphne Sheldrick ay nagpapaliwanag sa magasing Swara ng East African Wildlife Society: “Gayunman, kapag mahirap ang panahon at kakaunti ang pagkain at tubig, ipinakikilala ng Kalikasan ang isang radikal na hakbang na siyang kabaligtaran ng pagtatanggol ng teritoryo . . . , at yaon ay ang Pandarayuhan. Ang pagtatanggol ng teritoryo ay kumikiling sa paghihiwalay at pagiging handang lumaban at makipareha; hinahadlangan ng pandarayuhan ang dalawang mahalagang katutubong ugaling ito habang ang pangangailangan para sa mas malapit na pagsasama-sama ay tumitindi. Ang kaligtasan ang nagiging pangunahing pagkabahala ng lahat, kaya’t ang mga lalaki’t babae ay nagsasama-sama . . . sa mapayapang haluang samahan. At pagkatapos, isang araw, para bang Utos ng Diyos, sama-sama nilang lilisanin ang isang lugar at magaganap ang isang pangkalahatang pag-alis.” Oo, umaalis sila, upang humanap ng bagong lugar na pagkakanan kung saan sagana ang mga halaman!
Magagawa ba ng isang walang talino, hindi inuugitang puwersa na tinatawag na Kalikasan ang gayong kasalungat na paggawi? Tiyak, tanging isang matalinong Dakilang Disenyador lamang ang makapoprograma sa masalimuot na katutubong ugaling ito sa kudu.
Biglaang Pag-alis
Ngayon, hindi ka ba nagagalak na ang iyong pag-uusisa tungkol sa kudu ay nagpakilos sa iyo na sumama sa amin? Habang minamasdan natin siya roon, abalang-abalang nanginginain sa mga palumpon, wari bang hindi siya mailap! Subalit nakita niya tayo! Walang anu-ano, ang mga butas ng kaniyang ilong at malalaking tainga ay kumibot. Pagkahol niya, siya’y lumukso sa mga palumpon at nagmamadaling lumayo. Samantalang inihihinga namin ang aming napigil na hininga, muli kaming nagulat! Mula sa kung saan, isang abuhing-kayumangging babaing kudu ang lumukso kasunod niya. Sa buong panahon pala, ang babaing kudu ay nakatayo sa kalapit na palumpon! Ang kaniyang kulay at hindi pagkilos ay lubusang nagkubli sa kaniya.
Ganito nabubuhay ang mapayapang kudu sa mga kaparangan ng Aprika. Ang proteksiyon nito ay ang katutubong kakayahan nito na tumayong walang kakilus-kilos at makibagay sa kapaligiran nito. Hindi kataka-taka na ang kudu ay napakailap! Depende rito ang kaniyang buhay.