Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pagsisikap Upang Magkaisa

Mga Pagsisikap Upang Magkaisa

Mga Pagsisikap Upang Magkaisa

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya

PAGKAHIYA! Oo, pagkahiya ang nagpasimula sa kilusang ekumenikal. Pagkahiya sa ano? Pagkahiya sa di kaaya-ayang panoorin na iniaalok ng Sangkakristiyanuhan sa daigdig ng mga di-Kristiyano sapagkat ito’y nababahagi sa ganang sarili.

Sa kauna-unahang asamblea ng WCC (World Council of Churches), ang panlahat na kalihim nito, si Dr. W. A. Visser ’t Hooft, ay nagpaliwanag: “Tayo’y isang Konseho ng mga Iglesya, hindi ang Konseho ng isang di-nababaha-bahaging Iglesya. Ipinakikita ng ating pangalan ang ating kahinaan at ang ating kahihiyan sa harap ng Diyos, sapagkat si Kristo ay mayroon at sa wakas ay may isa lamang Iglesya sa lupa.”

Ganito ang amin ng isang bagong lathalang Pranses na Katolikong ensayklopedia: “Ang kabatiran tungkol sa iskandalo mula sa nagkakabaha-bahaging mga relihiyon ay lumubha pa noong ika-19 na siglo. Totoo ito lalo na sa gitna ng mga misyonero, na ang pagsasalungatan sa isa’t isa ay labag sa Ebanghelyo na kanilang ipinangangaral sa mga di-Kristiyano. . . . Ang tiyak na pagkasindak ay dumating na kasama ng pag-unlad ng mga misyon sa Aprika at Asia na nagbunyag sa mga pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga Kristiyano na nakahahadlang sa gawaing pag-eebanghelyo.”

Ang mga Pasimula Nito

Ang salitang “ekumenikal” ay hango sa salitang Griego na oi·kou·meʹne (tinatahanang lupa). Ang kilusang ekumenikal, na nagsimula noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ay naglalayon ng pambuong-daigdig na pagkakaisa ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Natatalos ang mga disbentaha ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga relihiyon, inorganisa ng mga repormador ang iba’t ibang interdenominasyonal na mga samahan noong ika-19 at maaga ng ika-20 siglo.

Nalalaman ng mga misyonero na sinugo upang kumbertihin ang mga di-Kristiyano ang hidwaan sa loob ng Sangkakristiyanuhan. Halos hindi nila maituro ang natilamsikan-ng-dugo na mga pahina ng kasaysayan ng simbahan bilang patotoo ng kahigitan ng kanilang relihiyon. Paano nga nila maipagmamatuwid ang pag-iral ng napakaraming relihiyon, pawang nag-aangking Kristiyano, samantalang kasabay nito ay sinisipi si Jesus o si apostol Pablo, na kapuwa idiniin ang pangangailangan para sa pagkakaisang Kristiyano?​—Juan 13:34, 35; 17:21; 1 Corinto 1:10-13.

Walang alinlangan na ang kalagayang ito ay nakatulong sa pagtatatag ng modernong kilusang ekumenikal, na nagpatawag ng unang World Missionary Conference, sa Edinburgh, Scotland, noong 1910. Nang maglaon, noong 1921, ang International Missionary Council ay itinatag. Ganito ang sabi ng New Catholic Encyclopedia: “Ang International Missionary Council ay itinatag hindi lamang upang ikalat ang impormasyon tungkol sa mabisang mga pamamaraang misyonero, kundi upang bawasan din ang iskandalo tungkol sa mga pagkakabaha-bahaging Kristiyano sa pamamagitan ng pag-iwas sa kompetisyon sa di-Kristiyanong mga bansa.”

Malamig na Pakikitungo ng Katoliko

Ano, kung gayon, ang ginawa ng Iglesya Katolika Romana upang bawasan ang iskandalo ng pagkakabaha-bahaging Kristiyano? Noong 1919 ang Iglesya Katolika ay inanyayahang makibahagi sa isang talakayan ng mga relihiyon tungkol sa pananampalataya at patakaran, kung saan ang mga pagkakaiba sa doktrina at ministeryo ay isasaalang-alang. Subalit tinanggihan ni Papa Benedict XV ang alok na ito. Muli, noong 1927, ang Iglesya Katolika ay tumanggap ng isang paanyaya na makibahagi sa Unang Pandaigdig na Komperensiya sa Pananampalataya at Patakaran, na ginanap sa Lausanne, Switzerland. Ang mga delegado buhat sa ilang relihiyong Protestante at Orthodoxo ay nagtipon upang talakayin ang mga hadlang sa pagkakaisa, subalit hindi pinayagan ni Papa Pius XI ang anumang pakikibahagi ng Katoliko.

Sa artikulo nito tungkol kay Papa Pius XI, ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Negatibo ang saloobin ng Santa Sede sa kilusang ekumenikal ng di-Katolikong Sangkakristiyanuhan.” Noong 1928, ang negatibong saloobing ito ay naging hayagang pagkapoot nang ilabas ng papa ang ensiklikal na liham na Mortalium animos. Dito ay kinondena niya ang kilusang ekumenikal at pinagbawalan ang mga Katoliko na magbigay ng anumang suporta sa ekumenismo.

Noong 1948 natatag ang WCC. Sa pagkatatag nito, ang mga miyembro nito ay binubuo ng halos 150 mga relihiyon, karamihan dito ay Protestante. Kasali rin dito ang ilang relihiyon ng Eastern Orthodox, at nang maglaon sumama rin ang iba pang relihiyong Orthodoxo sa WCC. Tinanggap ng lahat ng relihiyong ito na pinaka-saligan sa pagiging miyembro ang pahayag na: “Ang World Council of Churches ay isang samahan ng mga relihiyon na tumatanggap sa Panginoong Jesu-Kristo bilang Diyos at Tagapagligtas.” Sa kabila ng tiyak na Trinitaryong pahayag na ito, tinanggihan ni Papa Pius XII ang paanyaya na isama ang Iglesya Katolika sa ekumenikal na konsehong ito.

Isang Pagbabago sa Gitna ng mga Katoliko?

Si John XXIII, na nahirang na papa noong 1958 sa gulang na halos 77 anyos, ay itinuturing ng maraming Katoliko na isa lamang papa di passaggio, o pansamantalang papa. Gaya ng nangyari, binuksan niya ang mga bintana ng Vaticano sa mga hangin ng pagbabago na hanggang sa ngayon ay naging sanhi ng mga kaguluhan sa mga samahang Katoliko. Ang una sa mga disisyon ni Papa John, maaga noong 1959, ay ang magpatawag ng isang ekumenikal na konseho, na, sa kasabihang Katoliko, ay nangangahulugan ng isang panlahat na pulong ng mga obispo ng buong Iglesya Katolika.

Ang layunin ng pagtitipong ito ay, una, upang “isunod sa panahon ang simbahan” at, ikalawa, upang “buksan ang daan tungo sa muling pagsasama ng nagkahiwalay na magkakapatid sa Silangan at Kanluran sa isang kawan ni Kristo.” Kasuwato ng ikalawang layuning ito, itinatag ni Papa John XXIII noong 1960 sa Vaticano ang Secretariat para sa Pagtataguyod ng Pagkakaisang Kristiyano. Ito ay pinapurihan bilang “ang unang opisyal na pagkilala ng Iglesya Katolika Romana sa pag-iral ng kilusang ekumenikal.”

Ang mga hangin ng pagbabago ay tunay na waring umiihip. Subalit sang-ayon ba ang Curia Romano, ang makapangyarihang grupo ng mga prelado na bumubuo sa administratibong pamamahala ng iglesya, sa mga pagbabagong ito? At kung gayon, ano ang kanilang ideya tungkol sa pagkakaisang Kristiyano?