Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang “Gumising!” ay Nagtutungo sa Kolehiyo Ako’y isang propesor sa English, at ginagamit ko ang magasing Awake! sa aking mga kurso sa college composition sa nakalipas na pitong taon . . . Ang mga artikulo sa Awake! ay hindi lamang nakalilibang at nakapagtuturo kundi ito rin naman ay may napakahusay na katangiang pambalarila. Ginagamit ko ito upang sipiin ang wastong gamit ng bantas, mga sawikain, makasagisag na wika, at pagbigkas.
J. D. G., Estados Unidos
Buhay sa Ibayo Pa Roon ng Daigdig? Salamat sa nagsisiwalat na artikulong “May Buhay ba sa Ibayo Pa Roon ng Daigdig?” (Abril 8, 1990) Kailanman ay hindi pa ako tumanggap ng isang kasiya-siyang sagot sa tanong na ito. Subalit ang lohikal na pangangatuwiran sa inyong artikulo, salig sa Bibliya, ay nakatulong sa akin na pahalagahan kung gaano kahanga-hangang pribilehiyo ang taglay natin sa paninirahan sa pambihirang planetang ito.
A. A. C., Brazil
Pagbibili ng Dugo Ang mga artikulo sa “Ang Pagbibili ng Dugo ay Malaking Negosyo” (Oktubre 22, 1990) ay lalo nang kawili-wili sa akin, yamang ako ay inalok ng isang malaki-ang-sahod na trabaho na pagkuha ng dugo sa isang bangko ng dugo. Pagkatapos basahin ang materyal, kumbinsido ako na ito ay masama. Bagaman maaari ko sanang gamitin ang salapi, isinaalang-alang ko ang nakapipinsalang mga epekto ng dugo at hindi ko tinanggap ang trabaho.
R. M., Estados Unidos
Maling Pagkakatulad Sa inyong labas ng Nobyembre 8, 1990 tungkol sa mga UFO, binanggit ninyo “ang yumaong Dr. James McCampbell.” Tiyak na ang ibig ninyong tukuyin ay si Dr. James McDonald, isang siyentipiko na namatay noong 1971. Tungkol naman sa aking sarili, madalas akong mahuli, subalit maaaring magalak ang ilang mambabasa na malaman na hindi pa ako “yumaon” sa pangwakas na diwa.
James M. McCampbell, Estados Unidos
Kung hihiramin ang isang parirala mula kay Mark Twain, lumilitaw na ang mga ulat tungkol sa kamatayan ni G. McCampbell ay isang kalabisan. Ikinalulungkot namin ang kalituhan.—ED.
Pagpili ng mga Pelikula Ako po ay sampung taóng gulang. Salamat po sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makapipili ng Isang Desenteng Pelikula?” (Agosto 8, 1990) Pagkatapos kong basahin ito, ako’y natutuksong manood ng isang pangit na pelikula, subalit natandaan ko ang payong ibinigay ninyo at ako’y tumanggi.
M. B., Estados Unidos
Tapatan, may mga panahon na nilayasan ko ang isang pelikula. Gayunman, kung minsan ako’y nanatili kung kailan dapat akong umalis. Natatakot akong hindi kalugdan ng aking tinatawag na mga kaibigan samantalang dapat na mas mabahala ako kung hindi ko mapalugdan ang Diyos. Nasumpungan kong lubhang nakatutulong ang impormasyong ito. Maraming salamat sa inyong pangangalaga sa mga kabataan.
G. B., Estados Unidos
Pag-alis ng Tingga Nabigla kami na mabasa sa inyong artikulong “Isang Daigdig na Punô ng Tingga?” (Agosto 8, 1990) na ‘tanging ang magastos na reverse-osmosis filter’ ang mabisang makaaalis ng tingga na tumagas sa tubig na iniinom sa mga tubo sa bahay. Malawakang kinikilala na may iba pang paraan ng pag-aalis ng tingga.
G. J., Estados Unidos
Ikinalulungkot namin kung kami’y nakabigay ng maling impresyon. Hindi namin layon na ipuwera ang mapagpipiliang mga paraan ng pag-aalis ng tingga, gaya ng mga sistema ng distilasyon.—ED.
Ang Tambak ng Basura Isang kaibigan ko ang nagpadala sa akin ng isang regalong suskripsiyon sa Gumising!, at nasumpungan kong iba-iba at kawili-wili ang materyal. Gayon na lamang ang pagkabalisa ko na mabasa ang mga artikulo tungkol sa tambak ng basura (Setyembre 22, 1990) sapagkat hindi ko sukat akalain na ang bagay na ito ay napakasalimuot! Bagaman hindi ako isa sa mga Saksi ni Jehova, nagugustuhan ko ang ekselenteng mga paksang inilalathala sa inyong mga magasin.
L. R. A., Brazil