Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pag-abuso sa Bata sa Gresya

Tinataya ng mga dalubhasa na sa Gresya 7,000 bata ang inaabuso ng mga miyembro ng pamilya taun-taon, sang-ayon sa pahayagang Kathimerini. Sa bilang na iyon, mga 4,000 ang seksuwal na inabuso. Gayunman, bahagi lamang ng mga kaso ang iniuulat. Ang Kathimerini ay nag-uulat: “Tinatayang mula 40 hanggang 60 porsiyento ng mga batang inabuso ang muling daranas nito kung walang paghadlang, samantalang sa 20 hanggang 70 porsiyento ng mga kaso, kahit na ang mga kapatid na lalaki o babae ng mga batang iyon ay nanganganib na maabuso.” Binabanggit ng pahayagan ang isang tantiya na ginawa ng isang abugado na 58.8 porsiyento ng mga tangkang pagpapakamatay ng mga bata ay masasabing dahil sa pag-abuso sa kanila.

Epekto ng “Greenhouse” sa mga Koral

Isang pangkat ng mga siyentipiko ang nagbabala kamakailan na isang misteryosong pamumusyaw ng mga batuhan ng koral, unang napansin isang dekada na ang nakalipas sa Great Barrier Reef ng Australia, ay pinipinsala ngayon ang mga batuhan sa palibot ng daigdig. Ang mga koral ay namumusyaw kapag mawala nila ang ilang uri ng algae kung saan sila dumidepende sa pagkain, oksiheno, proteksiyon mula sa liwanag ng araw, at pag-aalis ng dumi. Yamang naniniwala ang maraming siyentipiko na kahit na ang kaunting pagtaas ng temperatura ay maaaring pagmulan ng pamumusyaw, sinisisi nila ang pangglobong pag-init na sinasabi ng iba na dahil sa “greenhouse effect.” Tinatawag ng siyentipikong si Thomas Goreau ng University of West Indies ang mga batuhan ng koral na “ang tropikal na mga kagubatan ng karagatan.” Siya’y nagbabala na ang mahalagang ecosystem na ito ng karagatan ay lalong sumamâ sa nakalipas na 4 na taon dahil sa pamumusyaw kaysa lahat ng sama-samang iba pang sanhi sa nakalipas na 40 taon.

“Bantay-Aso” na mga Ostrich

Ang naghahayupan ng mga ostrich na si Johann Stegmann ng Cradock, Timog Aprika, ay may bagong trabaho para sa kaniyang mga ibon​—“mga bantay-aso”! Sang-ayon sa babasahin sa Timog Aprika na Farmer’s Weekly, si G. Stegmann ay nagsasabi: “Talagang hinahadlangan nila ang mga magnanakaw, sapagkat kapag nakita nila ang isang estranghero . . . , mapanganib na sumusugod sila, pinapagaspas ang kanilang mga pakpak at nanlilisik.” Ang mausisang dalawa’t-kalahating-metro ang taas na ibon ay karaniwang hindi sumasalakay sa mga tao subalit wari bang nasisiyahan sila sa isang uri ng laro na nanaising iwasan ng isang pumapasok nang walang pahintulot. “Kung ikaw . . . ay tatakbo, hahabulin ka nila,” sabi ni G. Stegmann, “at kapag huminto ka, sila ay tatayong nakaabang na nakabuka ang kanilang mga pakpak, para bang hinahamon kang tumakbong muli.” Gayunman, sa panahon ng pagpaparami, sila ay nagiging masyadong agresibo at “sinasalakay nila ang lahat ng nangangahas na pumasok” sa kanilang kampo. Ang aklat na Birds of the World ay nagbababala na ang mga ostrich “ay lumalaban sa pamamagitan ng kanilang mga paa, naninipa sa pamamagitan . . . ng kanilang mabibigat na kuko na madaling makalalaslas sa isang leon o isang tao.”

Pagpapasigla sa Pagtuturo ng Budismo?

Ang kalidad ng pagtuturo ng Budismo sa mga paaralan sa Thailand ang naging paksa ng mainit na debate kamakailan, ulat ng Bangkok Post. Iminungkahi ng Ministri ng Edukasyon ng bansa ang isang bagong kurikulum ng paaralan, na magkakabisa sa susunod na taon. Lubhang babawasan ng kurikulum ang oras ng klase na inilaan sa pag-aaral ng Budismo. Bilang pagtutol sa pagbabago, isang pantanging pangkat ng mga Budista ang naglunsad ng isang pambansang kampaniya na dagdagan at pagbutihin ang pagtuturo ng Budismo sa mga paaralan. Ang pangkat, na nag-aakala na napakakaunting Budismo ang itinuturo sa paaralan, ay nagsasabi tungkol sa bagong kurikulum: “May hinala kami na ito ay bahagi ng isang unti-unting pagsisikap na palisin ang Budismo sa Thailand.”

Selosang Diyosa?

Bagaman ang press ay inanyayahan, isang babaing reporter ang hindi pinapasok sa isang seremonya kamakailan upang tandaan ang pagkayari ng isang tunél sa gawing hilaga ng Hapón. Ang pangalawang superbisor ng proyekto ay nagpaliwanag: “May malas. Yamang ang diyos ng bundok ay isang babae, magagalit siya at magpapasapit ng mga aksidente kung papasok ang ibang babae sa lugar na iyon. Sinasabi ng mga lalaki na hindi nila ipagpapatuloy ang nalalabing bahagi ng paghuhukay kung may papasok na babae.” Ang alamat ay batay sa paniniwala ng mga sexist na ang mga babae ay marumi, sabi ng isang nasusuyang lalaking propesor ng sikolohiya. Bagaman ang gawaing ito ay “nagtatangi,” inamin ng isang opisyal ng Ministri ng Konstruksiyon, “hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga damdamin ng mga manggagawa sa konstruksiyon.”

Pahulugang Tore

Kadalasan nang kinakailangang isagawa ng mga siyentipiko ang kanilang mga pananaliksik sa isang kapaligiran na malaya-sa-grabidad subalit hindi nila kayang magtungo sa panlabas na kalawakan upang gawin iyon; kaya, ang pagtatayo sa Bremen sa Alemanya ng isang pambihirang tore na magpapangyari sa mga siyentipiko na maobserbahan ang mga bagay na nasa kalagayan ng pagkahulog. Ang tore ay may taas na 146 metro at naglalaman ng isang tubo na 110 metro ang taas at 3.5 metro ang lapad. Mga bagay na nakalagay sa isang 2 metrong kapsula sa loob ng tubo ay gumugol ng 4.74 segundo sa patihulog na pagbaba sa bilis na hanggang 167 kilometro sa bawat oras. Isang kamera na kumukuha ng 6,000 litrato sa bawat segundo ay kabilang sa mga instrumento na ginamit upang kumuha ng impormasyon sa panahon ng paghulog.

Obligadong Bumoto

Ang mga Braziliano ay inobligahan ng batas na bumoto, subalit sa isang eleksiyon kamakailan, nasumpungan ng marami ang isang paraan upang ipakita ang kanilang kakulangan ng interes o pagkainis pa nga. Ang magasing Veja ay nagkokomento: “May mga nais bumoto at pumili ng mga kandidato at may iba naman na ayaw, at nahahadlangan ng batas na manatili sa bahay, pinipili nilang maghulog ng blangko o walang bisang boto.” Ipinaliliwanag ng Veja kung bakit ang ilan ay maliwanag na walang interes sa pagboto: “Sa paghuhulog ng walang bisang boto, maaaring nais ipakita ng botante ang kaniyang biglang pagbabago sa buong sistema ng pagpili ng mga kandidato.”

Diborsiyo Dahil sa Alzheimer

Ipinagkaloob ng isang hukumang Hapones ang diborsiyo sa isang lalaki na ang 59-anyos na asawang babae ay pinahihirapan ng sakit na Alzheimer. Ang mga dahilan, sang-ayon sa Asahi Evening News, ay na “ang pag-aasawa ay nasira at ang mag-asawa ay hindi makapamuhay ng normal na buhay may-asawa.” Ang abugado ng lalaki ay sinipi na nagsasabing ang pasiya “ay isang pantanging kaso kung saan ang lalaki ay 42 anyos lamang at nasa kalakasan pa ng buhay.” Gayunman, ang sosyologong si Chizuko Ueno ay sumulat sa Yomiuri Shimbun na ang kasong ito ay nagpapatunay sa konklusyon na kadalasan ang pamilya ngayon ay binubuklod lamang ng kung ano ang makukuha ng bawat miyembro mula rito. Ikinatatakot niya na ang pasiya ng hukuman ay magbukas ng daan para sa legal na pagkilala na “ang mga pamilya ay nananatiling sama-sama hanggang walang sumisira sa pag-aasawa,” sa gayo’y pinapayagan na ang mga pag-aasawa ay mabatay sa mga salik na gaya ng kalusugan, trabaho, o kaginhawahan pa nga.

Britanong mga Panghuling Kotse

Ang mga paghahabol sa seguro sa Britaniya para sa 378,000 ninakaw na mga kotse noong nakaraang taon ay umabot hanggang $500 milyon (£280 milyon). Upang mahuli ang mga magnanakaw, ang mga pulis sa maraming lugar ay gumagamit ngayon ng mga kotseng pantanging binago, karaniwang tinatawag na mga panghuli-ng-daga. Ang susi ay iniiwan sa mga kotse, na nagkakahalaga ng hanggang $1,800 (£1,000) bawat isa upang baguhin, upang tuksuin ang mga kriminal na patakbuhin ang mga ito. Subalit minsang ang isa sa mga kotseng ito ay nakatakbo na ng 15 metro o higit pa, ang makina ay tumitigil, ang mga pinto ay nagkakandado, at ang mga bintana ng hindi nababasag na salamin o plastik ay hindi maaring buksan. Kasabay nito, ang alarma ng radyo ay nagbababala sa mga pulis, na agad darating sa eksena upang dakpin ang tsuper. Ang National Council of Civil Liberties ay nagpahayag ng pagkabahala sa gawaing ito, subalit ang direktor ng Home Office’s National Crime Prevention Centre ay nagsabi na ang mga sasakyang ito na kusang nagkakandado ay “isang mahalagang sandata sa pakikipagbaka laban sa mga magnanakaw ng kotse,” ulat ng The Sunday Times ng London.

Pagkabawi Mula sa Pag-ulan ng Asido

Ang pinsala na dala ng pag-ulan ng asido sa tubig-tabang sa mga lawa sa buong daigdig ay maaaring baligtarin, ayon sa dalawang biyologong taga-Canada. Sinimulan nila ang kanilang sampung-taong pag-aaral sa Whitepine Lake sa Ontario, Canada, habang dinudumhan ng pag-ulan ng asido ang mga tubig ng lawa. Samantalang tumitindi ang pagkaasido ng tubig, ang bilang ng mga isdang trout at iba pang uri ng isda sa lawa ay umunti. Gayunman, anim na taon pagkaraang maihinto ang polusyon at nang ang pagkaasido ng lawa ay nagbalik halos sa normal, dalawang-katlo ng bilang ng trout ay muling lumitaw, at ang mga ito gayundin ang iba pang anyo ng buhay sa tubig ay patuloy na dumami. Kaya waring ang ilan sa mga lawang napinsala ng pag-ulan ng asido ay maaaring natural na magbalik sa normal nang hindi pinakikialaman ng tao​—kung maaalis lamang ang pinagmumulan ng polusyon.

Islang Gumagala

Isip-isipin ang isang malaking isla, mga 154 kilometro ang haba at 35 kilometro ang lapad at 230 metro ang kapal, na lumulutang sa karagatan. Iyon ang malaking tipak ng yelo na pinangalan ng mga siyentipiko na B-9. Nahiwalay ito sa Antarctic Ross Ice Shelf noong 1987. Unang nakita ng mga satelayt ang B-9, at pagkatapos ay sinubaybayan ng mga siyentipiko ang mga pagkilos nito sa pamamagitan ng isang transmiter ng radyo na inihulog sa ibabaw nito. Mula nang humiwalay ito, binubura ang tanyag na heograpikong bahagi ng Antarctica, ang Bay of Whales, ang B-9 ay naglakbay na ng 2,000 kilometro. Mula rito, ito ay nahati sa tatlong dambuhalang mga piraso at tinuruan nito ang mga siyentipiko tungkol sa masalimuot, mahirap-sukatin na mga agos ng karagatan sa palibot ng Antarctica. Kung buo, ito’y naglalaman ng 1,196 kilometro cubiko ng nagyelong tubig-tabang​—sapat, ayon sa tantiya, upang maglaan ng dalawang basong tubig araw-araw para sa lahat sa ibabaw ng lupa sa loob halos ng dalawang libong taon.