Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Posible ba ang Pagkakaisang Kristiyano?

Posible ba ang Pagkakaisang Kristiyano?

Posible ba ang Pagkakaisang Kristiyano?

ANG Sangkakristiyanuhan ay isang nababahaging bahay. Ang tinatayang miyembro nito na mahigit 1,500 milyon katao ay nababahagi sa Romano Katoliko, Eastern Orthodox, Protestante, at iba pang mga relihiyon at sekta na nag-aangking Kristiyano. Maraming taimtim na mga tao ang nagtatanong kung makakamit pa kaya ang pagkakaisang Kristiyano.

Ikinalulungkot ang pagkakabaha-bahagi ng mga relihiyon, ganito ang sabi ng isang dokumento tungkol sa Ikalawang Konsehong Vaticano: “Ipinahahayag ng lahat ang kanilang mga sarili na mga alagad ng Panginoon, subalit ang kanilang mga paniwala ay nagkakasalungatan at ang kanilang mga landas ay magkakaiba, para bang ang Kristo Mismo ay nahahati (ihambing ang 1 Cor. 1:13). Walang alinlangan, ang di-pagkakasundong ito ay hayagang sumasalungat sa kalooban ni Kristo, nagbibigay ng katitisuran sa sanlibutan, at pumipinsala sa pinakabanal na layunin na paghahayag ng mabuting balita sa bawat nilalang.”

Ang Iglesya Katolika at ang Pagkakaisa

Ang Iglesya Katolika, na nag-aangkin ng halos kalahati ng kabuuang miyembro ng Sangkakristiyanuhan, ay may sariling ideya tungkol sa pagkakaisang Kristiyano. Iba’t ibang “pagsasama ng panalangin” ang itinatag sa pagtatapos ng dantaon. Kabilang dito ang Archconfraternity of Our Lady of Compassion for the Return of England to Catholic Faith, ang Pious Union of Prayer to Our Lady of Compassion for the Conversion of Heretics, at ang Archconfraternity of Prayers and Good Works for the Reunion of the Eastern Schismatics sa Iglesya.

Noong 1908, sa pangunguna ng isang paring Anglicano na naging Katoliko, isang taunang Katolikong linggo ng pananalangin (Enero 18-25) ang isinaayos “para sa kumbersion at pagbabalik ng nahiwalay na mga kapatid.” Nang maglaon ito ay naging taunang Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisang Kristiyano, kung saan ang WCC (World Council of Churches) ay nakisama buhat pa noong maagang 1950’s.

Ang Katolikong aklat na The Documents of Vatican II ay nagsasabi: “Sa Enero ng bawat taon, sa loob ng maraming dekada, ang mga Romano Katoliko ay naghahandog ng walong araw na panalangin para sa pagkakaisang Kristiyano. Hanggang noong 1959, ang panlahat na ideya sa likuran ng mga araw na iyon ng panalangin, Enero 18-25, ay ang pag-asang ang mga Protestante ay ‘magbalik’ sa isang tunay na Iglesya, at na magwakas ang pagkakabaha-bahaging Orthodoxo.”

Binago ba ng Vatican II ang pangmalas ng Iglesya Katolika tungkol sa pagkakaisang Kristiyano? Ipinahayag ng kahalili ni Papa John, si Paul VI, ang Vatican II Dogmatic Constitution on the Church, na nagsasabi: “Ito ang tanging Simbahan ni Kristo na ang Kredo ay aming ipinahahayag na iisa, banal, katoliko at apostoliko. . . . Ang Iglesyang ito, itinatag at isinaayos bilang isang lipunan sa sanlibutan sa kasalukuyan, ay namamalagi sa Iglesya Katolika, na pinamamahalaan ng kahalili ni Pedro at ng mga obispo sa pakikipag-isa sa kaniya.”

Kaya ang palagay ng Iglesya Katolika tungkol sa pagkakaisang Kristiyano ay hindi pa rin nagbago. Sa katunayan, ang palagay na ipinahayag sa Vatican II ay na anumang mabubuting bagay ang umiiral sa labas ng Iglesya Katolika ay talagang kaniya at, samakatuwid, gaya ng sinasabi ng Dogmatic Constitution on the Church, ay “mga puwersang nagtutulak tungo sa pagkakaisang Katoliko.”

Kuwalipikado na Magtaguyod ng Pagkakaisa?

Ano ang masasabi tungkol sa madalas-uliting pagpapahayag ng Iglesya Katolika bilang “iisa, banal, katoliko, at apostoliko”? Una, ang pagkakahati-hati kamakailan ng tradisyunal na mga Katoliko sa ilalim ng liderato ni Arsobispo Lefebvre, huwag nang banggitin ang tahasang paghihimagsik ng daan-daang teologong Katoliko, ay nagpapabulaan sa pag-aangkin ng simbahan bilang “iisa.” a

Ikalawa, ang rekord ng Iglesya Katolika, kasali ang pagkapoot nito sa mga Judio, ang pagpapahirap nito sa “mga erehes,” ang pagtataguyod nito ng “sagradong mga digmaan,” at ang pakikisangkot nito sa pulitika at maruming mga iskandalo sa pananalapi, ay nagsisiwalat na ito ay malayo sa pagiging banal.

Ikatlo, ang Iglesya ng Roma ay malayung-malayo sa pag-aangkin nito na ito ay “katoliko,” o “pansansinukob,” yamang ito ay binubuo lamang ng kalahati niyaong nag-aangking Kristiyano, o humigit-kumulang 15 porsiyento ng populasyon ng daigdig.

Katapusan, ang mga patotoo ng kasaysayan, ang rekord ng pagka-papa, ni ang kayamanan, ang imoralidad, ang pagkasangkot sa pulitika ng maraming preladong Katoliko, ay hindi maaaring magbigay-matuwid sa pag-aangkin ng simbahan na ito’y “apostoliko.” Maliwanag, ang Iglesya Katolika ay wala sa katayuang mag-angking tumutulong sa tunay na pagkakaisang Kristiyano.

Ang World Council at ang Pagkakaisa

Kasali sa World Council of Churches ang mahigit na 300 relihiyong Protestante at Eastern Orthodox na may mahigit na 400 milyong miyembro sa mahigit na isang daang bansa. Ang layunin ng konsehong ito ay “ipahayag ang mahalagang pagkakaisa ng Simbahan ni Kristo at upang panatilihing mahalaga sa harap ng mga relihiyon ang obligasyon na ipakita ang pagkakaisang iyon at ang pagkaapurahan ng gawaing pag-eebanghelyo.” Gayunman, ang WCC ba ay nag-aalok ng anumang pag-asa para sa tunay na pagkakaisang Kristiyano gaya ng iniaalok ng Iglesya Katolika Romana?

Salig sa ano inaasahang mapagkakaisa ng WCC ang mga Kristiyano? Isang ensayklopedia ang nagsasabi: “Ang World Council of Churches. . . . Ang mga miyembro ay panlahatang sumasang-ayon na ang pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga Kristiyano ay labag sa kalooban ng Diyos at isang malaking hadlang sa pagtanggap sa Kristiyanismo ng mga di-Kristiyano. . . . Ang matibay na paniniwala ay lumago anupa’t ang pagkakaisa ay dapat na nasasalig sa katotohanan.” Kung gayon, ano ba ang itinuturing na mahalagang katotohanan ng mahigit na 300 miyembrong mga relihiyon ng WCC?

Noong 1948 ang dating saligan para sa pagiging miyembro sa WCC ay itinuturing ng ilang mga relihiyon na hindi sapat na Trinitaryo. Kaya noong 1961 ang saligan para sa pagiging miyembro ay binago na kababasahan ng: “Ang World Council of Churches ay isang samahan ng mga relihiyon na nagpapahayag sa Panginoong Jesu-Kristo bilang Diyos at Tagapagligtas ayon sa mga Kasulatan at samakatuwid ay naghahangad na sama-samang matupad ang kanilang iisang pagkatawag na luwalhatiin ang isang Diyos, Ama, Anak at Espiritu Santo.”​—Amin ang italiko.

Ang mismong saligan para sa pagiging miyembro sa WCC ay isang pagkakasalungatan. Bakit? Sapagkat ang paniniwala sa “iisang Diyos, Ama, Anak at Espiritu Santo” ay hindi “naaayon sa Kasulatan.” Ang Encyclopedia of Religion ay nagsasabi: “Ang mga teologo ngayon ay sang-ayon na ang Bibliyang Hebreo ay hindi naglalaman ng isang doktrina tungkol sa Trinidad.” Isa pa, ganito ang paliwanag ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang sinaunang Kristiyanismo ay maliwanag na walang doktrina tungkol sa Trinidad.” At ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang salitang Trinidad ni ang doktrina ay hindi lumilitaw sa Bagong Tipan, ni binalak man ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod na salungatin ang Shema sa Matandang Tipan: ‘Dinggin mo, Oh Israel: Ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon’ (Deut. 6:4).”

Higit pa riyan, ang WCC ay lubhang napasangkot sa pulitikal na mga labanan. Halimbawa, ito’y naglaan ng pondo para sa armadong mga kilusan sa pagpapalaya. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsisiwalat: “Ang pagkasangkot ng mga pangkat ng WCC sa mga kilusang rebolusyunaryo ay paminsan-minsang pinupuna ng ilang kasaping iglesya.” Ang di-Kristiyanong pagkasangkot sa pulitika ay hindi maaaring magpangyari ng tunay na pagkakaisang Kristiyano, kung paanong ang hindi makakasulatang doktrina ay hindi rin makapagdadala ng tunay na pagkakaisang Kristiyano.

Posible ang Tunay na Pagkakaisa

Kapansin-pansin, ang Pranses na Encyclopædia Universalis (1989) ay nagsasabi na ang layunin ng ekumenismo ay “ibalik sa nahahating sambahayan ng mga Kristiyano ang masidhi at nakikitang pagkakaisa, kasuwato ng mga turo ni Jesus. . . . Nakikita kung paano nag-iibigan ang mga Kristiyano sa isa’t isa, ang mga di-Kristiyano ay dapat na magkaroon ng pananampalataya at sumama sa Simbahan, inilalarawan ang bagong sanlibutan na doon ang paglilingkod, katuwiran, at kapayapaan ang mamamahalang mga simulain, gaya ng inihula at ipinakita ni Kristo. . . . Kapansin-pansin na . . . ang Sulat sa mga taga-Hebreo (II, 5) ay bumabanggit tungkol sa ‘oi·kou·meʹne [tinatahanang lupa] na darating,’ sa gayo’y idiniriin na ang pag-asang Kristiyano ay hindi para sa isang espirituwal na daigdig, kundi para sa tinatahanang daigdig [lupa] na ito na nakasundo na ng Maylikha nito.”

Natatanto ng parami nang paraming miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na ang mga turo ng kanilang relihiyon ay hindi kasuwato ng mga turo ni Jesus. Napapansin nila taglay ang pagkapahiya na ang mga miyembro ng kanilang relihiyon ay hindi nag-iibigan sa isa’t isa. Gayunman, nasumpungan ng marami sa kanila ang isang sambahayan ng mga Kristiyano na talagang nagkakaisa, at napapansin nila kung paano nag-iibigan sa isa’t isa ang mga ito. Oo, nasumpungan nila ang tunay na pagkakaisa at pag-asang Kristiyano sa gitna ng pambuong daigdig na sambahayan ng mga Saksi ni Jehova.

Bunga nito, angaw-angaw na dating mga miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagkaroon ng pag-asa sa nagkakaisang bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan ang paglilingkod, katuwiran, kapayapaan ay mamamahalang mga simulain.

[Talababa]

a Para sa mga detalye, tingnan ang Gumising! na may petsang Hunyo 22, 1990, “Bakit ang Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya Katolika?”

[Blurb sa pahina 11]

Nasumpungan ng maraming tao ang isang pangglobong sambahayan ng mga Kristiyano na nagkakaisa na

[Larawan sa pahina 10]

Ang monumentong ito sa punong tanggapan ng World Council of Churches, sa Geneva, Switzerland, ay kumakatawan sa kanilang mga panalangin para sa pagkakaisa ng iglesya, na hindi pa sinasagot