Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kamatayan ng Isang Bata—Bakit Pinapayagan Ito ng Diyos?

Ang Kamatayan ng Isang Bata—Bakit Pinapayagan Ito ng Diyos?

Ang Kamatayan ng Isang Bata​—Bakit Pinapayagan Ito ng Diyos?

MARAMING naulilang mga magulang ang nagiginhawang malaman na hindi kinuha ng Diyos ang kanilang anak sa kamatayan, gaya ng itinuturo ng ilang relihiyon. a Gayunman, ang maliwanag na katotohanang ito ay nananatili: Ang Diyos ay may kapangyarihang hadlangan ang kamatayan. Gayunman, pinapayagan niyang magpatuloy ito.

Kaya kapag namatay ang isang bata, ang mga magulang ay maaaring manangis, “Bakit pinayagan ito ng Diyos?” Ang kamatayan, ito man ay sa pamamagitan ng aksidente, sakit, o karahasan, ay halos lagi nang malupit at walang katarungan. Lalo pa ang kamatayan ng isang bata. Sa isang libingan isang lapida ng bata ay may nakasulat na ganitong mapanglaw na protesta: “Napakaliit, napakabait, napakadali.”

Ang Maylikha ay Nakikiramay sa Inyo

Paano nga mapapayagan ng Diyos ang gayong pasakit? Kung ikaw ay namatayan kamakailan ng isang anak, walang paliwanag, gaano man kamakatuwiran, ang basta makaaalis sa kirot na dulot ng pagkamatay na iyon. Noong panahon ng Bibliya, kahit na ang mga lalaki na may malaking pananampalataya ay nakadama ng matinding kirot sa di-makatarungang malungkot na mga pangyayari sa buhay at nagtanong sa Diyos kung bakit niya pinayagan ang mga bagay na iyon. (Ihambing ang Habacuc 1:1-3.) Ngunit may mga kasagutan sa Bibliya na sa paglipas ng panahon ay makaaaliw sa atin.

Una muna’y alamin na hindi gusto ng Diyos na mamatay ang iyong anak. Ang Diyos ay hindi nalulugod kahit na sa kamatayan ng masama, ano pa kaya sa kamatayan ng isang bata. (Ihambing ang 2 Pedro 3:9.) Tunay, siya’y nakadarama ng matinding kirot kapag namatay ang isang bata. Sa paano man, nadarama natin ang malungkot na pangyayari ng kamatayan dahil lamang sa tayo ay may kakayahang magmahal, makiramay sa mga biktima nito. At tayo’y may kakayahang magmahal sapagkat tayo’y ginawa ayon sa larawan ng Diyos. Ipinababanaag natin ang sakdal na kakayahan ng Diyos na umibig, bagaman sa pinakamainam ay hindi gaanong masidhi. (Genesis 1:26; 1 Juan 4:8) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na nababasa ng Diyos ang pinakamalalim na mga damdamin ng ating puso, binibilang ang mismong mga buhok sa ating mga ulo, nalalaman pa nga kapag nahulog ang isang maya sa isang punungkahoy. Kaya, siya ay tinatawag na “Ama ng kaawaan.”​—2 Corinto 1:3; Mateo 10:29-31.

Maliwanag, kung gayon, hindi nais ng Diyos na mamatay ang sinuman sa kaniyang matalinong mga nilalang. Nilalayon niyang wakasan ang kamatayan, sasakmalin ito magpakailanman. (Isaias 25:8) Subalit kung gayon ang nadarama niya, bakit niya pinapayagan ang kamatayan ngayon, lalo na sa mga bata?

Kung Kailan Nagsimula ang Kamatayan

Pinapayagan lamang ng Diyos ang mga bata na mamatay sa katulad na dahilan na pinapayagan niya na mamatay ang mga adulto. Pinili ni Adan ang kamatayan, hindi ang Diyos. Kahit na bago pa naghimagsik sina Adan at Eva sa kanilang Maylikha sa Eden, alam na alam nilang dalawa na ang Diyos ay nagtakda ng parusang kamatayan sa kasalanan. Kung hindi nila piniling maging di-tapat sa Diyos, buhay pa sana sila ngayon. Ngunit may kamangmangang itinapon nila ang pinakamahalagang pamanang maipapasa nila sa kanilang mga supling​—ang karapatan sa sakdal, walang-hanggang buhay sa lupa. Minsang sila’y magkasala, hindi na sila sakdal. Ang maipapasa lamang nila sa kanilang mga supling ay ang kasalanan at ang kamatayan.​—Genesis 3:1-7; Roma 5:12.

Ngunit maitatanong mo: ‘Yamang napakataas ng halaga, bakit hinayaan ng Diyos na magkasala sina Adan at Eva? O bakit hindi niya sinugpo ang kanilang paghihimagsik bago pa nila maipasa ang kamatayan at kahirapan sa kanilang mga anak​—at sa ating mga anak?’

Isang Pansansinukob na Isyu ang Nasangkot

Pinayagan ng Diyos ang ating unang mga magulang na sumuway sapagkat hindi nila nilayon na lumikha ng isang daigdig ng mga robot, mga kinapal na naglilingkod sa Diyos dahil lamang sa sila’y iprinograma na gawin iyon. Gaya ng sinumang magulang, nais ng Diyos na ang kaniyang mga anak na tao ay sumunod sa kaniya dahil sa mga damdamin ng pagtitiwala at pag-ibig, hindi sapilitan. Binigyan niya sina Adan at Eva ng sapat na dahilan upang magtiwala at umibig sa kaniya, subalit sila’y sumuway at tinanggihan nila ang kaniyang pamamahala.​—Genesis 1:28, 29; 2:15-17.

Bakit hindi hinatulan ng Diyos ang mga rebelde ora mismo? Sinabi na ng Diyos ang kaniyang layunin na ang lupa balang araw ay titirahan ng mga supling nina Adan at Eva. Lagi niyang tinutupad ang kaniyang mga layunin. (Isaias 55:10, 11) Ngunit mas mahalaga, isang napakaimportanteng katanungan ang ibinangon sa Eden. May karapatan ba ang Diyos na mamahala sa tao, at ang Kaniyang paraan ba ang pinakamabuti, o maaari bang mas mabuting pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili?

Ang tanging makatarungang paraan upang sagutin ang tanong minsan at magpakailanman ay hayaan ang tao na mamahala sa kaniyang sarili. Matatag na sinagot ng kasaysayan ang katanungan. Ang kahabag-habag na resulta ng pamamahala ng tao ay nasa paligid natin​—isang daigdig kung saan ang kamatayan ng walang malay na mga bata ay pangkaraniwan, halos hindi mapansin dahil sa iba pang kasamaan. Hindi lamang iyan, ito pa ang pinatunayan ng anim na libong taon ng pamamahala ng tao: Ang ideya na maaaring pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili nang wala ang Diyos ay masahol pa sa isang malungkot na panlilinlang; ito’y malaking kasinungalingan. Habang namamahala ang tao nang wala ang Diyos, ang tao ay mabubuhay at mamamatay sa hirap.

Si Jehova, ang maibigin, matuwid na Diyos, ay mayroong mas matalinong mapagpipilian. Kung paanong papayagan ng isang magulang ang isang mahal na anak na dumanas ng masakit na operasyon alang-alang sa maligaya at malusog na kinabukasan ng bata, pinayagan ng Diyos na maranasan ng tao ang hirap ng pamamahala-sa-sarili alang-alang sa walang-hanggang kinabukasan ng tao. At kung paanong ang sakit ng isang operasyon ay hindi nagtatagal magpakailanman, ang pamamahala ng tao at ang mga kawalang-katarungan nito ay malapit nang magwakas.

Kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos nang walang sumasalansang sa lupang ito, angaw-angaw na mga bata ang bubuhaying-muli at sasalubungin mula sa mga patay. Tulad ng mga magulang ng mga batang binuhay-muli ni Jesus noong unang siglo C.E., marami sa panahong iyon ay “malilipos ng kaligayahan.” (Marcos 5:42; Lucas 8:56; Juan 5:28, 29) At kapag ang lahat ng tao ay sa wakas naisauli na sa sakdal na katayuan na naiwala nina Adan at Eva, kung gayon hinding-hindi na mamamatay ang sinuman​—pati na ang mga bata!​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

[Blurb sa pahina 27]

Angaw-angaw na mga bata ang bubuhaying-muli at sasalubungin mula sa mga patay